Roxanne
Sa wakas ay nakarating din kami ng Alabang.
Ngunit nakailang pasikot-sikot pa kami bago ako nakahanap ng maaari naming paghintuan at pagtaguan pansamantala. Isang malawak na lote ang nakita kong maluwag ngunit may mangilan-ngilan ding mga sasakyan.
Sa tingin ko ang karamihan sa mga naririto ay inabandona na. Nabubulok na nga ang iba at ang iba naman ay sira-sira na.
Nagkalat din ang mga tambak ng basura sa buong paligid. At sa ilang mga sulok ay may mga kabataang nagtitipon-tipon at kumakain mula sa mga hawak nilang supot. Marurungis ang mga hitsura nila kaya malakas ang hinala kong dito sila nakatira sa lansangan.
"Nagugutom na po ako, nanay."
"Oo, anak. Dito na muna tayo." Kaagad ko nang pinatay ang makina ng aming sasakyan at tumayo.
Tinanggal na rin niya ang suot niyang seat belt at saka bumaba sa upuan. Nagtungo kami sa gitnang bahagi ng aming bus dahil naroroon ang mga gamit namin pangkusina. Mayroon kaming lutuan at may maliit din na mesa.
Pinatanggal ko na talaga ang mga pampasaherong upuan sa loob nito dahil hindi na rin naman mapapakinabangan pa. Hindi rin namin madadala ang mga gamit namin sa bahay kung naririto pa sila.
Nagmistula na talagang bahay itong loob ng aming bus.
Sa dulong bahagi nito ay naroroon ang single bed namin na kasya lamang kaming mag-ina. Naririto rin ang dalawang malalaking durabox na naglalaman ng mga damit namin. Banyo na lang talaga ang kulang at masasabing munting bahay na talaga ang sasakyan naming 'to.
Mayroon naman kaming arenola ng anak ko para ihian at kung dudumi naman ay dumadaan na lamang kami sa mga fast food chain.
"Sakto, anak. May natitira pa tayong malunggay dito. Magluluto na lang si nanay ng noodles at ilalagay natin 'to."
"Wala po bang chicken joy, nanay?" nakangusong tanong ng anak ko habang nagbubukas ng takip ng isang kalderong nakapatong sa kalan.
"Saka na lang tayo bibili, anak, kapag kumita na ulit tayo. Medyo mahal-mahal ang chicken joy, eh. At saka, hindi maganda sa health natin ang palaging gano'n ang kinakain. Mas masigla at mas malusog tayo kung gulay o prutas ang palagi nating inuulam, 'di ba? Marami kasing vitamins ang makukuha natin sa mga 'yon."
Binuksan ko ang isang drum sa gilid na ang tubig ay nasa kalahati na lamang ang laman. Bumibili ako ng tubig sa mga bahay na aming nadadaanan sa tuwing kami ay nauubusan.
"Eh, 'di samahan po natin ng gulay 'yong chicken joy!"
Bigla akong natawa sa sinabi niya.
"Ang kulit mo talaga! Oh, sige na. Bibili si nanay kapag may pambili na tayo. Maupo ka muna doon, anak. Magluluto na si nanay dyan." Itinaboy ko na siya patungo sa dulong bahagi ng bus namin kung saan naroroon ang single bed namin.
"Gugutom na po talaga ako, nanay!" Humimas siya sa tiyan niya habang naglalakad na patungo doon.
"Oo, anak. Sandali lang ito. Mabilis lang itong maluto."
Sumalok ako ng tubig sa drum gamit ang maliit na tabo at isinalin sa maliit na kaserola para sa noodles na lulutuin ko. May natitira pa naman kaming kanin mula kaninang tanghali at sakto lamang ito para sa hapunan namin.
Matapos ay isinalang ko na ito sa superkalan gaz na nakapatong lang sa sahig. Pinihit ko ito at sinindihan ng apoy gamit ang posporo. Mas madali lang kasi bitbitin ang ganito at mas madali lang palagyan ng laman kung sakaling maubusan.
Binuksan ko ang bintana sa itaas nito upang makasingaw ang init.
Ang buong bintana ng bus namin ay napapalibutan ng mga kurtina upang hindi gaanong makita ang loob nito, puwera na lang ang nasa dulo. Nakabukas ang kurtina niyan upang makita ko lagi ang nangyayari sa likuran.
Sa totoo lang ay napakahirap ng sitwasyon naming ito kaya sana ay matagpuan namin kaagad ang tiyahin ko sa lugar na ito.
Ngunit sa lawak ng siyudad na ito, saan naman namin siya sisimulang hanapin? Ang pagkakaalam ko lang ay sa Quezon City sila nakatira pero napakalaki ng lugar na iyon.
Nilingon ko ang anak ko at nakita ko itong nagbubukas ng drawer sa pinaka-ibabang bahagi ng isang durabox.
"Nanay, dito ko po nakita 'yong rarawan ni daddy ko!"
Bigla akong napanganga sa sinabi niyang 'yon at mabilis siyang nilapitan.
Muli na namang kumabog ng malakas ang dibdib ko sa hindi malamang dahilan. Inilabas niya mula doon ang isang lumang wallet ko.
"Anak, h-hindi 'yan. Hindi siya 'yan." Kaagad kong inagaw mula sa kanya ang wallet nang tangka pa lamang niya itong bubuksan.
"Pero kamuka niya po dyan, eh!"
"Magkamukha lang sila pero hindi siya 'yon, anak." Muli kong ibinalik ang wallet sa ilalim ng mga nakasalansan na mga damit namin.
Paano ba niya nahanap ang wallet na 'to? Siguro dapat ay itapon ko na lang ito para hindi na niya makuhang muli. Siguro naman ay makakalimutan niya rin ang tungkol dito paglipas ng mahabang panahon.
Napansin ko ang pagtahimik ni Crystal mula sa tabi ko kaya napalingon ako sa kanya. Humihikbi na siya at nangingilid na naman ang mga luha niya sa mga mata niya. Namumula na rin ang magkabila niya pisngi, maging ang tungki ng ilong niya.
"Crystal, anak--"
"G-Gusto ko na po m-makita si daddy ko, n-nanay. Gusto ko na po siya makita." Tuluyan na siyang humagulgol kasabay nang pagtulo ng mga luha niya sa pisngi.
Nakaramdam naman ako ng matinding awa para sa kanya. Kaagad ko siyang binuhat at niyakap ng mahigpit.
"Ssshh... tahan na, anak." Isinayaw-sayaw ko siya bago kami naupo sa gilid ng kama.
"Si daddy ko, nanay!"
"Anak, makinig ka sa akin."
Iniharap ko ang mukha niya sa akin at pinunasan ang mga luha niya sa pisngi habang nakaupo naman siya sa kandungan ko. Ngunit patuloy pa rin siya sa paghagulgol niya.
Nagsimula lang naman ang paghahanap niya sa daddy niya noong tuksuhin na siya ng mga kalaro niya sa probinsiya. At ngayon ko lang din nalaman na nakita na rin pala niya ang larawan na 'yon. Kaya marahil siya nagkakaganito ng husto.
"Daddy ko, nanay!" Patuloy pa rin siya sa pagwawala niya.
"Anak, pakinggan mo muna si nanay. Makinig ka muna sa akin. Sobrang layo ng Italy. Malayong bansa iyon. Kailangan pa nating sumakay ng eroplano bago makarating sa kanya," mahinahon kong paliwanag sa kanya.
"Eh, 'di sasakay tayo! Puntahan natin si daddy ko!"
"Pero kailangan natin ng maraming maraming pera para makasakay tayo ng eroplano. Wala pa tayo no'n sa ngayon," malambing kong sagot sa kanya.
"Di, tutulungan po kitang magluto at tsaka magtinda ng pisbol!"
Natawa naman ako sa sinabi niyang 'yon.
"Kung sa pagtitinda lang ng fishball ang gagawin natin, siguro dalaga ka na bago tayo makaipon ng pamasahe natin, anak."
Sa ilang pahinto-hinto namin sa mga lugar at mga bayan na nadadaanan namin ay nagtitinda kami ng streetfoods upang may kitain kami. Nananahi din ako ng mga sirang sapatos at nag-aayos ng mga sirang payong.
Kaya naman ang mga kamay ko ay nangangapal na rin sa kalyo.
Noong nasa Leyte pa kami ay may maliit akong tindahan doon at karinderya kaya nasanay na rin ang anak ko sa trabaho kong ito. Madalas siyang tumutulong sa akin doon sa mga simpleng bagay lang.
Pero hindi ko naman na kayang magkarinderya pa sa ganito naming sasakyan. Kaya pananahi na lamang ng mga sira-sirang payong at mga sapatos ang ikinabubuhay naming mag-ina, pati na rin ang pagtitinda ng mga kikiam at fishball.
Kung ano 'yong mga bagay na mas madaling gawin at mas madaling kumita ng pera sa mga lugar na nadadaanan namin na walang malaking puhunan ay iyon ang ginagawa ko.
Kailangang maging madiskarte sa ganitong klase ng buhay namin dahil kung hindi, mamamatay na lamang kaming dilat ang mga mata sa gutom. Hindi ko makakayang panoorin na magutom ang anak ko.
'Di baleng hindi ako makakain, huwag lang siya.
Sa wakas ay tumahimik na rin ang anak ko at sumandal na lamang sa balikat ko.
Napabuntong-hininga na lamang akong muli ng malalim. Sana pagdating ng araw ay maintindihan mo rin ako, anak. At sana ay mapatawad mo rin ako sa mga pagkakamaling nagawa ko, kung paano ka nabuo.
MATAPOS naming maghapunan kinagabihan ay kaagad din kaming nakatulog ng anak ko. Dahil na rin marahil sa tindi ng pagod na naranasan namin sa buong maghapon.
Ngunit pagsapit ng hatinggabi ay bigla akong naalimpungatan nang makalanghap ako ng kakaibang amoy at pakiramdam ko ay may ibang tao pa kaming kasama sa loob ng aming sasakyan.
Nahilo ako ng sobra hanggang sa muli akong makatulog. Ngunit dahil sa kabang naramdaman ko ay siniguro kong yakap ko ng mahigpit sa mga bisig ko ang anak ko.