Roxanne
"Crystal!"
Pakiramdam ko ay magigiba ang dibdib ko sa sobrang kaba.
Mabilis pa sa alas kuwatro akong tumakbo patungo sa pinto ng simbahan. At pagsapit ko doon ay natanaw ko na nga ang anak ko sa gitna na red aisle habang nakaharap sa altar kung saan mayroong dalawang taong kasalukuyang ikinakasal.
Maging ang lahat ng mga taong naririto ay nasa anak ko na ang lahat ng atensiyon at nagsisimula na silang magkagulo. Kaagad na ring nagsilapitan sa anak ko ang ilang mga lalaking unipormado na sa tingin ko ay mga security ng mayamang pamilyang ito.
"C-Crystal..." Hindi ko malaman ang gagawin ko.
"Daddy!"
Mas lalo akong napanganga nang muli siyang sumigaw.
Kahit nangangatog na ang mga tuhod ko sa sobrang takot at kaba ay mabilis ko pa rin itong inihakbang palapit sa kanya.
"C-Crystal!"
Kaagad naman siyang lumingon sa akin habang humihikbi.
Isang babae ang kaagad na lumapit sa amin. "Anak niyo po ba ito, misis? Totoo po ba ang sinasabi niya?"
Hindi ko siya masagot at si Crystal ang kaagad kong binalingan at mabilis na kinarga. Hanggang sa mapansin kong nagsisilapitan na rin ang iba.
"My God! Mukhang totoo nga ang sinasabi nila," saad ng isang babae kasabay nang pagtakip niya sa bibig niya.
"Kamukha nga ng bridegroom ang batang ito," kumento pa rin ng isa pang babae habang titig na titig sa anak ko.
"Oh, my God. Paano na?"
Hanggang sa dumami na ang mga bulungan sa paligid namin. Nakatanggap din kami ng mga mapanuring tingin sa kabuuan naming mag-ina.
Bigla naman kaming napalingon sa unahan nang makarinig kami nang isang malakas na lagapak at inabutan ng aking mga mata ang ginawang pagsampal ng bride sa mapapangasawa niyang lalaki.
Nagsinghapan ang lahat ng mga taong naririto at mas lalo pang umingay ang buong paligid. Mas lalo namang dumoble ang takot ko at kaba.
Oh, Diyos ko. Hindi maaari ito. Patawarin niyo po kami ng anak ko. Hindi po namin sinasadya.
Dahan-dahan na akong napaatras, lalo na nang matanaw kong tumakbo na paalis ng altar ang bride at iniwan ang fiance niya.
"Athena!" Kaagad din naman siyang hinabol nang mapapangasawa niya.
Hindi ko pa gaanong maaninaw ang kanilang mga mukha dahil masyado pa silang malayo mula sa kinaroroonan namin.
"I already told you, I don't f*****g know them!" sigaw pa rin niya ngunit hindi na siya nilingon pa ng bride na patungo na sa kinaroroonan namin. Buhat niya ang napakagarbo niyang gown habang lumuluha.
Binantayan ko siya na makalapit sa amin bago ko siya hinarangan.
"M-Miss, n-nagkakamali ka. P-Pasensiya na, n-nagkakamali lang kami--" Ngunit nagulat ako nang malakas niya akong tinabig at kamuntik na kaming masubsob ng anak ko. Mabuti na lamang at may isang matangkad na lalaking sumalo sa amin at kaagad kaming inalalayan.
"You alright?" tanong niya ngunit kaagad ding nalipat ang paningin niya sa anak ko at pansin ko ang kakaiba niyang pagtitig.
Kaagad kong iniharap sa akin ang mukha ng anak ko at niyakap siya ng mahigpit.
"Athena! Chase her! Damn it!"
Kaagad kaming napalingon sa bridegroom na ngayo'y mabilis nang naglalakad patungo sa kinaroroonan namin.
Napakadilim ng anyo niya at bakas ang matinding galit sa kanya habang nakatitig sa amin.
"P-Pasensiya na, h-hindi sinasadya ng anak ko. N-Nagkamali lang siya." Muli akong napaatras palayo sa kanila.
Ngunit nang oras na nakalapit na sa amin ang lalaki ay dito na ako unti-unting napahinto.
Dito ko na mas napagmasdan ng malinaw ang kanyang mukha.
What the...
Napatulala akong bigla at nanigas mula sa kinatatayuan ko. Isang alaala ang bigla na lamang nagbalik sa isipan ko. Ngunit kaagad din itong nabura nang bigla niyang hinawakan nang mahigpit ang braso ko at hindi ko mapigilang mapadaing sa sakit na hatid niyon.
"A-Ah--"
"Claude!" sigaw sa kanya ng lalaking sumalo sa amin ngunit hindi niya ito pinansin.
"Alam mo ba kung ano ang ginawa mo?! Alam mo ba?!" Parang kulog na dumagundong sa mukha ko ang tinig niya.
"Daddy!!!" muling pumalahaw ang anak ko sa kanya kaya naman bigla akong natauhan.
Nilingon ko siya at nakita ko ang patuloy niyang paghikbi at kasalukuyan nang umaagos ang mga luha niya sa pisngi.
"I'm not your fuckin' Dad! Do you understand me?!"
"Huwag mong sigawan ang anak ko!" sigaw ko rin sa kanya kasabay nang pagtulak ko ng malakas sa dibdib niya.
Nabitawan niya ako kaya nagkaroon ako nang pagkakataong makatakbo at makalabas kaming mag-ina ng simbahan.
"Chase them!" dinig kong sigaw niya mula sa aming likuran kaya mas lalo pa akong nag-panic.
"Claude, itigil mo na!" narinig kong muli ang tinig ng lalaking 'yon na tumulong sa amin kani-kanina lang.
Ngunit naramdaman ko pa rin ang mga mabibilis na yabag na tila humahabol sa amin ng anak ko.
"Nanay, gusto ko po ng lobo!"
"Anak, kalimutan mo na 'yan! Kailangan nating makaalis kaagad dito! Lagot na tayo nito!"
Kaagad akong dumiretso patungo sa gate na may dalawang bantay na umaakto nang haharang sa amin ngunit hindi sila naging dahilan para huminto ako.
"Dyan lang kayo! Huwag kayong lalabas!"
"Umalis kayo dyan!" Hindi ko alam kung anong lakas ang sumapi sa akin para maitulak ko sila nang malakas kahit pa buhat ko si Crystal.
Kaagad din kaming nakalabas ng gate at tumakbo patungo sa aming sasakyan.
Pagdating namin sa pinto ng bus ay kaagad ko itong binuksan gamit ang susi at mabilis na ipinasok si Crystal sa loob.
"Anak, bilisan mo! Magsuot ka ng seat belt!" kaagad kong utos sa anak ko matapos ko siyang ibaba at mabilis ko namang isinara ang pinto.
"Opo!" Laking pasasalamat ko at masunurin siyang bata.
Nakita ko ang mga security guard na nasa labas na ng sasakyan namin at paulit-ulit na nila itong kinakatok sa kahit saang parte. Natanaw ko naman ang bridegroom sa labas ng simbahan habang nakatayo doon at nakatanaw din sa amin.
Sobrang talim nang pagkakatitig niya sa amin. Nakakuyom ang mga kamao niya at gumagalaw ang panga niya.
"P-Pasensiya na," sabi ko kahit alam kong hindi niya maririnig.
Kaagad akong umupo sa harapan ng manibela at mabilis na binuhay ang makina nito.
"Anak, ang seat belt mo!" Nilingon ko ang anak ko at siniguro munang maayos at safe siya sa kinauupuan niya, malapit sa likuran ko.
"Suot ko na po, nanay!"
"Good! Kumapit ka ng mabuti, okay?!"
"Yes, ma'am!"
Napangiti ako sa sagot niyang 'yon.
Kaagad ko nang pinaandar ng mabilis ang aming bus. Ipinagpapasalamat kong nakatabi lamang ito sa gilid ng kalsada at hindi ko na kailangan pang palikuin.
Lumingon ako sa rearview mirror at tinanaw ang kinaroroonan ng lalaki at ng mga security guard niyang humahabol sa amin. Nakita kong sumenyas siya sa mga tauhan niya nang tinangka ng mga itong sumakay sa mga kotse nila.
Napansin kong huminto sila at tinanaw na lamang kami habang kami ay lumalayo na mula sa kanilang lugar. Napakunot ang noo ko at hindi ko mapigilan ang magtaka.
Gayunpaman, kahit papaano ay nakahinga ako ng maluwag.
Hindi na nila kami hinabol?
Nagpatuloy ako sa pagmamaneho ko ngunit maya-maya'y bigla akong binalot nang matinding kaba... Dahil pakiramdam ko ay hindi pa ito natatapos dito.
Isang mayamang lalaki ang ginambala namin at nang dahil sa amin kaya naudlot ang kanyang kasal!
"Nanay, wala na po sila!"
Sinilip ko ang anak ko mula sa rearview mirror at nakita kong tumatanaw siya sa likuran ng aming bus.
Napahinga ako ng malalim. Hanggang ngayon ay sobrang lakas pa rin ng kabog ng dibdib ko at nanginginig ang mga kamay ko.
"Anak, hindi mo dapat ginawa 'yon. Nang dahil sa atin kaya nasira ang kasal nila," mahinahon kong sabi kay Crystal.
"Galit ka po ba, nanay? Kamukha niya po si daddy ko, eh!" Ramdam ko ang muli niyang paghikbi.
"Paano mo naman nasabi 'yon?"
"Sa rarawan! Kita ko rarawan niya!" bulol niyang sagot.
Napakunot naman ang noo ko habang sinisilip siya sa rearview mirror. Anong larawan ang sinasabi niya?
"H-Hindi siya ang daddy mo, anak. N-Nagkamali ka lang. Magka-ibang tao sila."
"Di ba po, sa kanya tayo pupunta?!"
"Hindi, anak. Wala siya dito sa Pilipinas. Nasa Italy ang daddy mo. Malayo 'yon."
"Gusto ko na pong makita si daddy ko, nanay!"
Napahinga ako ng malalim upang maibsan ang paninikip ng dibdib ko.
Paano ko ba sasabihin sa kanya ang totoo, na wala na siyang makikilalang ama?
Nabuo lang siya mula sa isang gabing pagkakamali at sigurado akong hindi siya matatanggap ng tunay niyang ama.