Lala's POV
MASIGLANG-MASIGLA ako ng araw na iyon dahil nakasilay na naman ako kay Sir Matt kahit puro disgrasya ang inabot ko. Para kasi akong baterya na nare-recharge kapag nasisilayan ko siya. Kaya kulang talaga ang araw ko kapag hindi siya nagagawi rito sa Resort, nalulumbay ang heart ko talaga. Charis!
Kaya talagang kahit magkandabukol-bukol ako masilayan lang siya, ang cute kasi niya kapag naiinis eh. Mas nag-i-enjoy ako kapag nakikita ko siyang parang papanawan na ng ulirat sa inis. Kalalaking tao palaging parang aburido sa buhay.
"Baka kulang lang sa inspirasyon," naisatinig ko, saka napangisi.
Habang naglalakad papunta sa quarter ko ay hindi ko maiwasang mapangiti at mapangiwi na rin dahil makirot ang noo kong tumama sa sliding door kanina. Kinapa ko iyon at may nakapa akong bukol, maliit lang naman kaya keribels lang. Malayo naman sa atay.
Muli akong napahagikhik sa mga kalokohan ko, wala lang ganito ako eh happy happy lang palagi. Mas'yadong malungkot ang buhay kung papatayin mo sa problema ang sarili mo, 'no? Libre lang namang maging masaya kaya bakit ipagdadamot mo pa sa sarili mo?
"Mukhang masaya tayo, ah," puna sa akin ng kasamahan ko sa trabaho na nakasalubong ko sa hallway.
"Naman, live your life to the fullest 'ika nga," nakangiting sagot ko naman.
"Kow, ang sabihin mo nakasilay ka na naman sa matabang isda," tudyo pa ni Novie.
Nginitian ko lang naman siya, saka nagpaalam na rin dito. Pagdating sa kuwarto ko ay pabagsak akong humiga sa kama. Kahit naman iba na ang trabaho ko kaysa sa dati eh nakakapagod pa rin. Hindi rin naman basta ang maging checker ng mga gamit sa room kapag may nag-check out na. Ilang room din iyon at siyempre kapag may nakita akong kalat diretso ligpit na rin. May kusa rin naman kasi ako. Pakonswelo na rin sa mababait kong amo siyempre.
Pakuyakuyakoy ang mga paa kong nakalawit sa ibaba ng kama. Magpapahinga muna ako sandali bago maglinis ng katawan. Pero hindi pa man nag-iinit ang likod ko sa kama nang mapaiktad ako. May narinig kasi akong katok mula sa labas ng pinto ng kuwarto ko.
"Sandali!" Malakas na sabi ko nang ilang sunod-sunod na katok pa ang ginawa ng hereduris na iyon.
Napakunot-noo ako nang mapagbuksan ng pinto si Kuya Henry. "May emergency ba?" asik na tanong ko.
Tumawa lang naman ito. "Huwag ka ng magsungit dahil good news ang dala ko," anito.
Nanghaba naman ang nguso ko dahil gusto ko na talagang magpahinga. "Siguraduhin mo lang na good news iyan, Kuya, ah." Tumango naman ito. "Ano ba kasi iyon?" tanong ko pa.
"Pinapatawag ka ni Sir Matt, bumalik ka raw sa office ni Ma'am Sofia."
"A-Ako?" Hindi makapaniwalang tanong ko, saka napatuwid ng tayo. "Bakit daw?"
Nagkibit-balikat naman si Kuya Henry. "Ewan ko, basta sabi niya tawagin kita eh."
"Hala baka na-miss agad ako, ene be yen," pa-cute na sabi ko, saka hindi malaman kung paano itatali ang buhok kong parang bunot ng niyog sa sobrang tigas.
"Bakit kasi ganiyan ang buhok mo?" hindi nakatiis na tanong ni Kuya Henry habang nakatingin sa akin.
Napasimangot naman ako. "Kasalanan 'to ng nag-rebond sa buhok ko, nakaka-imbiyerna nga eh sa halip na gumanda lalong pumangit."
"Trying hard ka kasing gumanda, Lala," natatawang banat nito.
"Aba't hoy! Huwag mo akong ginagan'yan maganda ako, 'no?"
"Saang banda ba?" pang-aasar nito.
"Sa lahat, shy type lang ang ganda ko kaya hindi makita ng karamihan."
Malakas namang natawa si Kuya Henry na ikinasimangot ko.
"Huwag kang tumawa riyan dahil kapag ako nag-ayos, pati bulag mai-in love sa akin." Puno ng kahanginan na sabi ko.
Lalong lumakas ang tawa ni Kuya Henry, naiinis na nilapitan ko siya at pinagtulakan paalis sa pinto ng kuwarto ko.
"Sabihin mo kay bebeloves susunod na ako, okay?" utos ko.
"Anong susunod, ngayon na tara na. Ang bilin niya siya sa akin magmadali ka na."
"Aw, siya itong may kailangan sa akin kaya maghintay siya, ano? May gagawin lang ako sandali," sabi ko pa at saka isinara ang pinto.
"Bilisan mo na, Lala! Baka ma-beast mood na naman iyon sa'yo!" Rinig ko pang sabi ni Kuya Henry.
"Hayaan mo siya, sanay na ako sa kaniya," sagot ko, saka dali-dali na akong pumasok sa banyo at naghilamos, nag-toothbrush na rin ako at nagbihis nang maayos na damit. Para akong kitikiti na hindi mapakali habang nag-aayos ng sarili. Naglagay rin ako ng manipis na lipstick at polbos na rin.
Bawat galaw ko ay umiiripoy ang puwet ko sa sobrang excited, gusto akong makita ni bebeloves ko, ayay! Na-miss kaagad ang beauty ko. Naks, ibang level na 'to.
Palabas na sana ako ng kuwarto ko nang maisip kong isuot ang pangmalakasan kong headban.
"Ang cute-cute ko!" Puri ko sa sarili ko, saka impit na napabungisngis. Nakailang sipat pa ako ng aking sarili sa salamin bago tuluyang lumabas, para lang magulat nang makita ko si Kuya Henry sa labas ng pinto. Maging ito ay nagulat din sa bigla kong paglabas.
Napasimangot ako nang bumunghalit ito ng tawa matapos akong titigan ng ilang sandali.
"Anong nakakatawa?" asik ko.
"Bakit kasi ganiyan ang ayos mo? Mukha kang isip-bata sa hitsura mo, Lala," pang-aasar pa nito.
"Ganda kaya!" Lumiyad pa ako sa harap nito.
Tumawa lang naman ito. "Kung kay Sir Matt ka magpapa-cute wala kang mapapala dahil diyan sa ayos mo. Pero kung sa mga guest dito baka puwede pa," sabi pa nito, saka sinundan ng tawa.
"Tse!" Ingos ko rito, saka iniwanan. Malalaki ang hakbang na tinahak ko ang hallway pabalik sa office kung saan naroon ang may kailangan sa akin.
Ilang metro pa ang layo ko sa office nang makita ko si Sir Matt na naglalakad papunta sa kinaroroonan ko. Kasabay nitong maglakad ang mga pinsan na sina Sir Andreus at Sir Nathan. Mga Adonis ang alindog ng mga El Greco na ito.
"Hi, mga Sir," bati ko sa kanila. Nakangiting tumango lang naman ang dalawang Adonis, saka lumagpas sa akin habang si Sir Matt ay natulala na yata sa beauty ko.
Lihim naman akong kinilig dahil sa pagtitig nito sa akin, inayos ko pa ang headban ko. "Sir, pinatawag n'yo raw po ako?"
"Yes," sagot nito.
"Ahm, bakit po?" tanong ko. "Na-miss mo 'ko agad, 'no?" Pabulong na dugtong ko pa dahilan para mangunot ang noo nito.
"Aalis kami ng mga pinsan ko--"
"Naks, boyfriend lang nagpapaalam?" tudyo ko rito.
Tumaas naman ang isang kilay nito, saka ako nginisihan. "Hindi ako nagpapaalam sa'yo, Miss. Pinatawag kita para isunod sa yate ang ibang gamit ko."
"Ako? Magdadala ng mga gamit mo kaya mo ako pinatawag dito?" Hindi makapaniwalang tanong ko habang nakaturo ang sariling daliri sa dibdib ko.
"Yes, you, unless may iba pang Lala rito."
"Why me?"
"Dahil ikaw lang ang available na puwede kong utusan ngayon, may mga trabaho sila at ikaw lang ang tapos na," pagliwanag nito.
"Sobrang dami ba ng gamit mo at hindi mo kayang bitbitin lahat? Saan ka ba pupunta? Doon ka na ba titira?" Sunod-sunod na tanong ko.
"Hindi ko obligasyong sagutin ang mga tanong mo, sundin mo na lang ang gusto ko--"
"Sandali nga muna," awat ko rito. "Una, hindi parte ng trabaho ko na pagsilbihan kita lalo na kung hindi pa kita nobyo. Pangalawa, ang babae hindi dapat inaalila. Biyaya kami ng Langit sa mga lalaking gaya mo kaya dapat inaalagaan kami, hindi pinapahirapan at binabalewala. Pangatlo, hindi pa kita sinasagot--"
"Shut up, will you? Ang ingay-ingay mo, nakakarindi ka. Hindi ka ba talaga mauubusan ng mga sasabihin? Ang simple lang naman ng pinapagawa ko eh, isusunod mo lang iyong mga gamit ko na hindi ko na kayang dalhin. Kung kaya ko hindi ko na iuutos sa'yo," pagsusungit nito. "Nasa office ni Sofia ang ibang gamit ko at sa yate mo iyon dadalhin." Iyon lang at iniwan na ako nito pero kaagad ding bumalik. "Ingatan mo ang bag na iyon dahil mahalaga ang mga laman niyon, gets?" Pumitik pa ito sa harapan ko.
"Gets mong mukha mo!" Pabulong na sabi ko.
Bagsak ang balikat na napasimangot na lang ako habang nakasunod ng tingin dito.
Nag-ayos pa naman ako tapos gagawin lang pala akong kargador ng lalaking ito. Tsk, may araw ka rin sa akin. Piping usal ko bago nagmartsa papunta sa office ni Ma'am Sofia.
Dalawang katok ang ginawa ko bago pinihit ang doorknob, saka bahagyang itinulak pabukas.
"Ma'am Sofia," sabi ko habang nakasungaw ang ulo.
"Come in, Lala."
Niluwagan ko naman ang bukas ng pinto at saka pumasok sa loob.
"Ma'am, may mga gamit daw po si Sir Matt na kailangan kong isunod sa kaniya sa yate. Alin po ba iyon?" magalang na tanong ko.
"Ah, yeah," anito saka tumayo. "Ito iyong sinabi niyang ipasunod sa'yo kapag dumating ka na, nakasalubong mo ba siya?"
"Yes, Ma'am," sagot ko habang iniaabot ang bag na hawak nito. Lumagatok pa yata ang likod ko dahil ang bigat ng bag na iyon. Napangiwi ako. "Ano pong laman nito, Ma'am?"
"Ewan ko sa lalaking iyon. Ganiyan iyan si Matthew, kapag aalis ang daming dala parang doon na titira," sagot nito.
"Oww, medyo weirdo talaga siya, Ma'am, ano?" Komento ko na ikinatawa nito. "Saan po pala ang gora nila?" Hindi napigilang usisa ko.
"Mag-Island hopping daw sila, ganiyan sila kapag bored sa buhay kung ano na lang ang maisipan, lalo na si Matthew. Minsan ilang araw bago bumalik," dugtong pa nito.
Napa-ohh na lamang naman ako, saka nagpaalam na kay Ma'am Sofia. Mahirap na kung magtatagal pa ako baka uminit na naman ang ulo ng lalaking iyon. Hirap na hirap na binuhat ko ang bag na iyon. Nakakailang metro na ang nalalakad ko nang marinig ko ang pagtawag ni Ma'am Sofia sa akin.
"Lala, wait!"
Tumigil naman ako at hinintay siyang makalapit.
"Ma'am.."
"Sorry, ha? Tumawag si Matthew, pakisabay mo raw itong isa pang bag niya," nakangiwing sabi nito.
Laglag ang balikat na pinilit kong ngumiti sa harap ni Ma'am Sofia kahit nanggigigil na ako sa lalaking iyon.
"Pasensya ka na, ha? Gusto mong tulungan na kita?" presenta nito.
"Naku, huwag na, Ma'am. Kayang-kaya ko naman 'to, baka hindi n'yo alam naging kargador ako sa palengke dati," pagyayabang ko.
"Talaga? Ang galing mo naman."
"Siyempre, Ma'am, ako pa ba?"
Tumawa lang naman ito. "Oh siya sige na, ihatid mo na iyan baka umusok na naman ang ilong ni Matthew kapag nagtagal ka pa," mabait na sabi nito.
Nagpaalam naman na ako sa kaniya, saka muling naglakad papunta sa dalampasigan kung saan nakadaong ang yate ni Gian. Pasan ko sa kanang balikat ko ang mas mabigat na bag habang ang mas magaan naman ay bitbit ng kaliwa kong kamay.
Pagdating ko sa dalampasigan ay wala akong nakitang tao isa man sa kanila. Ilang metro ang layo ng yate sa pangpang dahil sasayad ang ilalim niyon kung nasa mababaw na parte ng tubig. Nagpalinga-linga ako habang nanghahaba ang leeg sa pagtanaw sa yate.
"Nasaan na ba ang mga iyon?" Tanong ko sa aking sarili. Nang wala pa rin akong makita isa man sa kanila ay hinubad ko na ang tsinelas ko, saka iniwan sa buhanginan. Dahan-dahan akong naglakad palapit sa yate, umabot sa tuhod ko ang tubig. Nang makalapit na ako sa yate ay maingat akong umakyat habang bitbit pa rin ang gamit ni Sir Matt.
"Nasaan na ba kasi iyon?" Naisatinig ko habang patingin-tingin pa rin. "Sir! Yohoo! Nandito na po ako," pagbibigay alam ko. "Dala ko na ang gamit n'yo-" Natigilan ako nang biglang lumabas mula sa kung saan si Sir Matt, naka-bold ito kaya kitang-kita ko ang kaniyang pandesal. Literal na nanlaki ang mga mata ko habang nakatulala sa kaniya. Wala sa sariling humakbang ako palapit sa kaniya nang madulas ang isang paa ko.
"Oh my God!" Napatili ako nang malakas habang pilit binabalanse ang katawan ko pero dahil sa mabigat na bag na dala-dala ko ay gumiwang-giwang ako dahilan para tuluyang sumala ang paa ko. "Oh my God!" Sigaw ko nang tuluyang mahulog sa tubig kasama ang bag na dala ko.
"Ay nahulog!'
"Ay nahulog!"
"My bag!"
Sabay-sabay na sigaw na narinig ko bago ako bumagsak sa tubig. Napasinghap ako dahil dumagan sa ulo ang bag ni Sir Matt. Kaagad akong umahon mula sa tubig pero kaagad din akong lumubog nang makita ko ang masamang tingin ni Sir Matt sa akin.
Lord, pakibalik muna ako sa sinapupunan ng Nanay ko, please? Piping dasal ko habang nakalubog pa rin sa tubig. Natakot akong umahon dahil nabasa ang mga bag ni Sir.
Patay na naman ako nito! Hintatakutang sabi ko. Bihasa naman akong sumisid kaya kaya kong tumugal sa ilalim ng tubig. Hindi naman malalim ang binagsakan ko kaya abot pa ng mga paa ko ang buhanginan.
Napasinghap ako nang may mga brasong nag-angat sa akin. Ang nag-aalalang mukha ni Sir Matt ang bumungad sa akin, karga-karga ako nito na parang bagong kasal.
"Hey! Are you okay?" Bakas ang pag-aalala sa tono nito.
Nagrigodon na naman ang puso ko dahil do'n. Napatulala na naman ako sa kaguwapuhan nito, lalo na nang makita kong hubad-baro pa rin ito.
"Hey! Are you okay? Tell me!"
"Kailangan ko yata ng CPR, bebeloves. Nalulunod ako sa kilig habang buhat--,ayy!" Napatili ako nang ibagsak niya ako sa tubig dahilan para mapasinghap ako.
Napaubo-ubo pa ako dahil sa tubig na nainom ko.
"You're crazy!" Galit na sabi nito. "Pinag-alala mo ako dahil akala ko nalunod ka na tapos nagagawa mo pang magbiro?! Kung sinadya mong mahulog sana hindi mo na idinamay ang mga gamit ko!" Napatanga naman ako rito.
"Aba't, hoy! Nakita mong nadulas ako dahil sa mga bag mong napakabigat. At hindi ko sinadyang mahulog, ano? Kasalanan mo kung bakit ako nahulog dahil ang lakas ng loob mong maghubad eh ang pangit naman ng katawan mo!" ganting sabi ko rito. Saka gigil itong sinabuyan ng tubig sa mukha.
"Lala!"
"Tse!"
"Baliw!"
"Butete ka naman!" Pang-aasar ko rito, saka inirapan bago tinalikuran.
"Butete ka raw, insan." Rinig kong tudyo ni Sir Andreus sa pinsan.
"G*go!" Asik ni Sir Matt.
Napapangiting naglakad ako papunta sa dalampasigan habang basang-basa ang buong katawan.