Lala's POV
"Wala pa talagang girlfriend ang Kuya mo?" Muli kong tanong kay Ma'am Mich nang maiwan kaming dalawa. Siyempre sigurista ako baka mamaya may bigla na lang humila sa buhok ko, mahirap na. Mukha lang akong gaga pero may respeto naman akets.
"Oo nga, wala pang girlfriend ang Kuya ko. Pero babae, marami."
"Marami?! Babaero ba talaga siya? I mean sabay-sabay ang mga babae niya?" Hindi makapaniwalang tanong ko.
Tila bumagsak ang pantasiya ko kay Sir Matt nang makita kong tumango si Ma'am Mich. Laglag ang balikat na napabuntong-hininga na lamang ako.
"Paano nagyari iyon, Ma'am?" Walang ganang tanong ko.
"Mich na nga lang ang itawag mo sa akin huwag na Ma'am, lakas maka-old eh," nakangiting sabi nito.
"Sige, Mich, pero mabalik tayo. Paano nangyari na maraming babae ang Kuya mo eh ang sungit-sungit kaya niya."
Ngumisi naman si Mich. "Hindi naman talaga masungit si Kuya Matt eh. Actually nagtataka ako kung bakit parang mainit ang dugo niya sa'yo, hindi naman ganiyan iyan kasi chickboy iyan si Kuya Matt. Pero sshh ka lang, ha? Baka sakalin niya ako kapag nalaman niyang sinabi ko sa'yo."
"Sige, sige, sshh lang ako," natatawang sabi ko. Mukhang makakasundo ko 'tong si Mich, medyo weirdo rin, eh.
Hanggang sa kung saan-saan pa napunta ang usapan namin. Nang pumasok si Ma'am Deina ay nakisali na rin siya sa usapan namin ni Mich. Literal na mababait sila, maliban na lang kay Sir Matt na palaging salubong ang kilay.
At siyempre, umiral na naman ang kadaldalan ko kaya ang dami ko na namang nasabi kay Ma'am Deina at Mich. Aliw na aliw sila sa akin at gano'n din ako sa kanila. Taga-tawa sila sa mga kuwentong kalye ko eh.
"Oh ito naman, bakit may bulaklak ang panty?" Natatawang tanong ko sa kanilang dalawa.
Nagkatinginan ang magpinsan, saka nag-isip. Sabay silang umiling sa akin nang tila walang maisip na isagot.
"Bakit nga ba?" tanong ni Ma'am Deina.
"Oo nga, bakit? Share mo na," udyok naman ni Mich.
"Sige. Kaya daw may bulaklak ang panty kasi alay daw iyon sa mga patay na buhok."
Sabay na humagalpak ng tawa ang magpinsan matapos magkatinginan, saka sabay na tumango-tango.
"'Di ba? Alay kasi talaga iyon sa mga patay na buhok. Oh, sige ito pa, bakit may bulsa ang brief?"
Muling tumawa ang magpinsan at sabay nagtanong. "Bakit?"
"Siyempre lalagyan ng asin," natatawang sagot ko.
"Asin? Bakit lalagyan ng asin?" Tanong ni Ma'am Deina.
"Kaya nga, para saan ang asin, para hindi manuno?" si Mich.
"Hindi, asin kasi sawsawan ng itlog."
Sabay na humagalpak ng tawa ang dalawa habang ako naman ay tawang-tawa rin sa mga pinagsasabi ko. Pulang-pula ang mukha ni Ma'am Deina at Mich habang tawa nang tawa.
"Buwisit ka, Lala!" Maluha-luhang sabi ni Ma'am Deina sa akin. "Saan mo naman nalalaman ang mga ganiyan, nakakaloka ka."
"Tama naman siya, Ate Deina, kasi 'di ba may itlog naman talaga sila, sakto mas masarap kapag may asin," humahagikgik na sabi ni Mich.
"True," sang-ayon ko. "Sawsaw sabay kagat, ay kalameeee!" Loka-lokang sabi ko pa.
Lalong humagalpak ng tawa ang mga ito.
Panay ang hagikhik naming tatlo nang bumukas ang opisina kung saan kami naroon. Ang guwapong mukha ni Sir Matt ang pumasok. Waring naguguluhanan ito habang palipat-lipat ang tingin sa aming tatlo.
Umiral na naman ang kagagahan ko, dumekuwatro ako dahilan para malantad ang makinis kong binti sa paningin ni Sir Matt.
Masilaw ka sa alindog ko. Mapang-akit na bulong ng isip ko.
"Bakit narito pa kayo? Especially you?" Baling niya sa akin habang salubong ang kilay.
"Nakikipagkuwentuhan pa kasi ako sa future sister-in-law at future cousin-in-law ko," nakangising sagot ko.
Sinalubong niya ang titig ko. Lalo naman akong nagpa-cute sa harap nito. Marami kasing nagsasabi na maganda raw ang labi ko, lalo na ang mga mata kong bilugan. Kahit bilog ay mapupungay naman at binagayan ng malalantik kong pilik-mata. Sabi ng ibang guest, mahirap daw ma-resist ang aking mapang-akit na titig. Ilang beses ko na ring napatunayan iyon sa iba, pero sa lalaking ito, mukhang walang kapag-a- pag-asa. Naluluha na ako't lahat pero wala pa rin itong ibang reaksiyon kun'di well, wala. Nganga!
"Wala ka man lang bang nararamdaman ngayon na kakaiba, Sir Matt?" tanong ko.
Umiiling-iling ito.
Napabuntong-hininga ako. "Hindi bale na nga, sa susunod ko na lang ulit susubukan."
Sabay pa kaming napatingin ni Sir Matt kay Ma'am Deina at Mich nang sabay tumawa ang mga ito.
"Anong nakakatawa?" Kunot-noong tanong ni Sir Matt sa dalawa. Hindi naman sumagot ang mga ito, sa halip ay lalong nagpa-itik sa pagtawa. "Hey! Pinagtatawanan n'yo ba ako?" inis na tanong pa ni Sir Matt. "Michelle!" Nagbabantang sabi nito sa kapatid.
"What? Hindi ikaw ang pinagtatawanan namin, 'no?" Mataray na sagot ni Mich.
"Then who?" Mukhang naiirita na ito.
Sabay akong inginuso ng mga ito dahilan para mabaling ang atensyon ni Sir Matt sa akin.
"B-Bakit ako?" Painosenteng tanong ko. Shucks, huwag sanang sabihin ang sinabi ko.
"Kasi ikaw ang nagsabi na kaya may bulsa ang brief para lagayan ng asin, sawsawan ng itlog," sabi ni Mich.
Muling bumunghalit ng tawa ang dalawa dahilan para pamulahan ako ng mukha. Masama kasi ang tingin sa akin ni Sir Matt.
Nang hindi na ako nakatiis ay dahan-dahan akong tumayo, saka utay-utay na naglakad palabas ng pinto.
"Lala!"
"Bye, bebeloves!" Sabi ko, saka kumuripas ng takbo. Ang mahina kong tawa ay palakas nang palakas habang lakad-takbo pa rin.
Malapit na ako sa quarter ko nang makasalubong ko si Kuya Henry. Waring nagtataka kung bakit ako tawa nang tawang mag-isa. Nakita ko pa itong patingin-tingin sa paligid na waring may hinahanap.
"Hoy, Kuya Henry, sinong hinahanap mo?" tanong ko.
"Iyong katawanan mo, nakakatakot ka na, Lala. Itigil mo na iyan baka napagkamalan ka ng baliw. Bakit ka ba kasi tumatawang mag-isa, ha?" Tila problemadong tanong nito.
"Malungkot kasi ako, Kuya."
"Ang lala mo na, kapag hindi ako nakatiis dadalhin kita kay Berna."
"Grabe yarn! Saan ka pala pupunta, out ka na?" Kapagkuwa'y tanong ko.
"Oo, kanina pa. Hinahanap kita, may dumating kasing sulat para sa'yo," anito sabay abot ng puting envelope.
"Thank you, Kuya Henry. Pasok na ako sa loob, ha?" Paalam ko sa kaniya habang bitbit ang puting envelope na ibinigay nito.
Napangiti ako nang mabasa kaagad ang nasa sobre kung kanino galing iyon. Malawak ang ngiting itinago ko iyon pero hindi ko muna binasa, saka na kapag ready na akong lumipad.
_____________
SIMULA nang magkaroon ng relasyon si Gian at Jelaine ay medyo nabawasan na ang pagsasama namin ng kaibigan ko. Lalo na ngayon dahil laging magkasama ang dalawa. Na wala namang kaso sa akin dahil natural lang na si Gian na ang priority ni Jel at hindi na ako. Minsan may pagkakataon na nalulungkot pa rin ako kasi kami talaga iyong sanggang-dikit dito sa Resort. Kaming dalawa iyong palaging magkasama, magkausap, magkakuwentuhan at kami lang dalawa ang nakaka-gets sa ugali ng isa't isa.
Although hindi kami pareho ng ugali, hindi naman naging hadlang iyon para hindi naman magustuhan ang isa't isa. Madrama kasi ang buhay ni Jel habang ako naman ay hindi. Gets ko si Jel kung saan nanggagaling dahil lumaki siyang wala sa piling ng tunay na mga magulang habang ako ay masaya sa mga magulang ko. Hindi rin naman kami mayaman, sakto lang. Magkakasama habang kumakain ng tatlong beses sa isang araw, may sarili kasing lupang sinasaka ang mga magulang ko. At kahit papaano nakatuntong ako sa kolehiyo, hindi nga lang nakatapos kasi minsan sa buhay namin ay sinubok rin kami ni Lord.
Pero sabi nga sa narinig ko, paggising natin sa umaga ay may dalawa tayong choices sa buhay. Una, magreklamo dahil wala ka ng mga bagay na gusto mo. Pangalawa, magpasalamat ka sa kung anong mayro'n ka sa buhay. Depende na lang sa'yo kung alin ang pipiliin mo, ako kasi araw-araw kong pinipili ang pangalawang choices. Mas pinipili kong magpasalamat na lang kaysa magreklamo kasi naniniwala ako na every gising is a blessing. Na habang humihinga ka pa, buhay ka pa.
At isa pa, si Jel ang buhay na patunay na habang buhay pa ay may pag-asa. Kaya habang wala pang jowa si Matt may pag-asa pa ako, charot! Char lang. Pero kung ipagkakaloob talaga ni Lord ay why not, choosy pa ba ako?
MATAPOS kong i-check ang huling room na dapat kong i-check ay dumiretso na ako sa opisina ni Ma'am Sofia para mag-report. Pakendeng-kendeng akong naglakad sa hallway ng hotel habang kipkip sa kilikili ko ang record book na dala-dala ko.
Nang makarating sa opisina ni Ma'am Sofia ay kaagad na akong kumatok.
"Come in," anang boses lalaki.
Pinihit ko naman ang seradura, saka dahan-dahang binuksan ang pinto. Lalo yatang gumanda ang mood ko nang makita ko ang mga nagguguwapuhang nilalang sa opisina ni Ma'am Sofia.
"Hello po sa inyo," bati ko sa kanilang lahat, saka yumukod sa harap nila.
Binati naman nila ako pabalik.
"Hi, have a sit," sabi ng isang lalaki. Sa pagkakatanda ko ay Nathaniel daw iyon.
May katabi pa itong isang babae na sa pagkakaalam ko ay pinsan din nila. Mga pinsan ni Gian ang mga ito. Na nalaman ko lang din naman nang mabuking ni Jelaine na mayaman pala si Gian.
Ibibigay ko na sana kay Ma'am Sofia ang record book nang bumukas ang isang kahugpong na pinto. Iniluwa niyon si Sir Matt, ang masungit at medyo maangas, na medyo torpe pero lalaking ubod ng cute.
Umuulan ng fafa, jusmeyoo marimar! Piping usal ng maharot kong isip.
Nang magtama ang mga mata namin ni Sir Matt ay hindi ko nagawang magbawi ng tingin, sa halip nakipagtitigan pa akong lalo sa kaniya.
Wala sa isip na napakagat-labi ako nang gumalaw ang Adams apple ni Sir Matt habang titig na titig sa akin. Napakurap-kurap ako. Tila tumigil sa pag-inog ang mundo ko nang makita ko siyang nagsimulang humakbang papunta sa kinaroroonan ko.
Oh my, lalapit siya! Palapit siya! Natatarantang sigaw ng isip ko.
Wala sa sariling nailabas ko ang dulo ng dila ko para basain ang nanunuyo kong mga labi. Kusang namungay ang mga mata ko nang hagurin nito ang sariling buhok.
Pigil ang hininga ko nang lumapit siya sa akin at hinawakan ang pisngi ko gamit ang malapad nitong kamay. Literal na nanlaki ang mga mata ko nang hilahin niya ang batok ko, saka ako siniil ng halik.
Hinalikan niya ako! Oh gosh!
Napaliyad pa ako nang hawakan niya ang likod ko. Sarap na sarap na ako sa halikan namin nang biglang may narinig akong nagsalita.
"Hoy, Lala. Anong ginagawa mo?" Boses ni Sir Matt. Mabilis akong nagmulat ng mga mata at gusto kong hilingin na sana bumuka ang lupa ng mga sandaling iyon at lumubog na lang ako.
Paano ba naman nasa dating puwesto pa rin pala si Sir Matt habang kunot na kunot ang noo. Ang mga pinsan namin nito'y may mga naglalarong ngiti sa mga labi.
"What are you doing?" tila iritang tanong pa nito.
"Ah, eh, ako? A-Ah wala, ay m-masakit. Oo, masakit, ang sakit ng katawan ko," sabi ko habang paliyad-liyad sa harap nilang magpipinsan.
"Are you sure? Bakit nanunulis ang nguso mo kanina?" Nakangising tanong ni Sir Nathan.
"M-Masakit din kasi ang nguso ko, may singaw, oo tama may singaw. Sobrang sakit din ng likod, oo, kaya napapaliyad ako." Hindi ko malaman kung paano paninindigan ang kagagahang ginawa ko. "A-Ah, aray! Aray, masakit. Ouch, aray ko!" Habang sinasabi ko iyon ay panay ang suntok ko sa likod ko para magmukhang totoo.
Shucks, nakakahiya ka Lala! Piping sikmat ko sa aking sarili.
"Okay ka lang ba?" tanong pa ni Ma'am Sofia.
"O-Opo, aray, ay!" Lumapit ako kay Ma'am Sofia habang paliyad-liyad pa rin, inabot ko rito ang record book na dala ko. "Ito na po, Ma'am-, ah aray! Ouch, sige Ma'am, babush."
Iyon lang at nagmamadali na akong naglakad palapit sa pinto.
"Ay, ptangina!" Malutong akong napamura nang
sa sobrang pagmamadali ko, hindi ko napansin ang carpet sumabit ang sapatos na suot ko. "I'm fine, guys! Medyo nadisgrasa lang ng slight pero woopskeri-keri lang," hiyang-hiya kong sabi.
"I'm fine," sabi ko habang umaatras. "Bye bye mga pogi," paalam ko sabay talikod. "Ay ptanginahin!" Muli akong napamura nang malakas na sumalpok ang mukha ko sa sliding door.
Sabay-sabay kong narinig na napa-oohh ang mga El Greco. Habang ako naman ay hindi kaagad naka-react. Masakit! Literal
"Hey, you okay?" Boses ni Ma'am Sofia.
Dahan-dahan akong lumingon habang nakangiti o baka nga nakangiwi.
"I'm fine, Ma'am. I'm fine now, confine later," pabulong kong sabi saka maingat na lumabas.
Gusto ko na lang maglaho dahil sa kahihiyang inabot ko ngayong araw. Pa-cute pa more, Lala.