Lala's POV
"NAKU, hija pasensya ka na sa anak ko, ha?" hinging paumanhin ni Ma'am Liza. Ang butihing ina ng lalaking walang tigil sa pagsigaw at paghahagis ng kung anu-ano.
Mukhang kung aburido si Sir Matt sa buhay mas malala yata ang isang ito dahil parang pinagsakluban ng langit at lupa.
"Ouch!" Daing ko nang dumiin ang bulak ni Ma'am Liza sa noo kong dumugo nang slight dahil sa remote ng TV na tumama sa noo ko dahil sa paghahagis ng kumiraw na anak ni Ma'am Liza.
"Pasensya ka na talaga, hija. Sobrang nakakahiya sa 'yo, tinamaan ka pa ng anak ko," nahihiya nitong sabi.
Naawa naman ako rito, matanda na rin pero tila problemado sa kalagayan ng anak nito.
"Ano po bang nangyari sa kaniya? Bakit po nalumpo siya?" Kapagkuwa'y tanong ko nang matapos niyang lagyan ng vetadine ang sugat ko. Hindi naman kalakihan ang bukol ko, sadyang dumugo lamang iyon, pumutok kasi.
"Car accident," malungkot na sagot nito.
"Oh, matagal na po siyang ganiyan?" Usisa ko pa.
"Almost 6 months na siyang ganiyan. Awang-awa na ako sa anak ko, Lala. Bukod kasi sa physical injuries na natamo niya ay hanggang ngayon iniinda pa rin niya ang sakit sa dibdib niya dahil sa babaeng naging dahilan ng aksidente niya."
Mataman naman akong nakinig kay Ma'am Liza, hinayaan ko siyang magkuwento sa akin ng tungkol sa anak niya. Mas lalo akong nakaramdam ng awa sa kaniya nang makita kong tumulo ang mga luha nito dahil sa pagmamahal sa anak na panganay.
Ayon sa kuwento nito ay nahuli ng anak nito ang asawa na may kasamang ibang lalaki sa kama dahilan para maaksidente ang anak nito.
"Awang-awa ako sa anak ko, Hija. Nagmahal lang naman siya pero niloko lang siya ng asawa niyang oportunista. Ginamit lamang pala ng babaeng iyon ang anak ko para matupad ang pangarap na makapunta sa ibang bansa para roon manirahan kasama ang kabet niya. Kaya gigil na gigil ako sa mga babaeng kagaya ng asawa niyang oportunista, gustong makapag-asawa ng mayaman para pagkaperahan! Mga mukhang pera!"
"Couch! Grabe naman hindi ako nakailag do'n, Ma'am," nakangiwing sabi ko.
Kumunot naman ang noo nito. "Bakit?" tila naguguluhanang tanong nito.
"Nangangarap din po kasi akong makapag-asawa ng mayaman balang-araw, Ma'am, pero hindi po ako oportunista kagaya ng ex-wife ni Sir Martin."
Napangiwi naman ito. "Naku, pasensya ka na sa akin medyo nadadala lang ako ng inis ko kapag naaalala ang sinapit ng anak ko. Awang-awa na kasi ako sa kaniya eh kasi masayahing tao iyan dati pero naging ganiyan dahil sa dating asawa niya," kuwento pa nito.
Puno ng simpatyang hinawakan ko ang mga kamay ni Ma'am Liza. "Ang mga ganiyang tao po kasi mas lumalala ang insecurities sa sarili kapag nakikita po nilang awang-awa kayo sa kaniya, Ma'am," sabi ko.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Mas lalo po kasi silang nabubugnot kapag alam niyang mas'yado ninyo siyang kinakaawaan, Ma'am. Pakiramdam po kasi nila wala na silang silbi sa mundo dahil sa sitwasyon nila. Hayaan n'yo po siya minsan, huwag po ninyong i-baby para maramdaman niyang kahit lumpo siya kaya niya ang sarili niya."
"Hindi ako makatiis, Hija. Kapag nakikita ko siyang nahihirapan kaagad akong tumatakbo para saklolohan siya," naiiyak na sabi nito.
Pinisil ko ang kamay nito. "Hayaan n'yo po siya minsan, Ma'am. Mas matutulungan n'yo po siya kung gano'n ang gagawin n'yo."
Tumango naman ito, saka kiming ngumiti sa akin kahit may luha sa mga mata nito.
Marami pa kaming napagkuwentuhan ni Ma'am Liza at puro tungkol iyon sa anak nitong si Martin. At hindi ko maintindihan ang sarili ko, basta natagpuan ko na lamang na umuoo na ako sa pakiusap nitong tingnan-tingnan ko ang anak niya habang narito sila sa resort.
Tuwang-tuwang na niyakap ako nito. "Maraming salamat sa 'yo, Hija. Tatanawin kong malaking utang na loob ang pagpayag mong tingnan-tingnan ang Martin ko habang nagbabakasyon kami rito," puno ng galak na wika nito.
Gumanti naman ako ng ngiti sa kaniya. "Basta Ma'am kapag hindi lang po ako busy, ha? May trabaho rin po kasi ako rito sa Resort at iyon ang priority ko dahil baka mapalayas ako rito ng amo ko," matapat na sabi ko naman.
Nakakaunawang tumango naman siya sa akin. "Oo naman, kapag may bakanteng oras ka lang, hija. Gusto kong hawaan mo ng goodvibes ang anak ko."
"Sure, Ma'am basta bigyan n'yo ako ng permiso kung paano ko mapapabalik sa dati ang anak n'yo, ha? Ngayon pa lang po uunahan ko na kayo, hindi ko po siya i-baby, Ma'am."
"Ikaw na ang bahala, hija, as long as magiging normal na ang ugali ng anak ko walang problema sa aki--" hindi natuloy ang sasabihin ni Ma'am Liza nang muli naming marinig na sumigaw si Sir Martin mula sa loob ng isa pang kuwarto ng room na ukupado nila.
"I hate this fvcking life! I want to die!"
Nagkatinginan kami ni Ma'am Liza, saka ito mabilis na tumayo para puntahan ang anak pero mabilis ko siyang napigilan.
Nagtatanong ang mga matang tumingin siya sa akin. "Puwede po bang ngayon ko na simulan ang part-time job ko?" Paghingi ko ng permiso rito.
"Gusto ko ng mamatay! Ayo'ko na! Ayo'ko na!" Kasabay nang malakas na hiyaw ni Sir Martin ay ang kalabog mula sa kuwarto.
"Ma'am, ako na po," pigil ko nang makita ko ang pagkataranta sa mukha nito. "Ako na po ang bahala sa kaniya."
"Baka kung ano na naman ang ihagis ng anak ko at tamaan ka na naman, Hija--"
"Trust me, Ma'am. Hindi na po ako matatamaan." Iyon lang at pumasok na kaming dalawa sa kuwarto kung saan nagwawala na naman ang anak nito.
"Ayo'ko na, Mom! Gusto ko ng mamatay, ayo'ko na!"
"A-Anak.." awang-awang wika ni Ma'am. Tangka itong lalapit pero pinigilan ko siya.
"Watch me, Ma'am, takot mamatay iyang anak n'yo," sabi ko, saka mabilis ang kilos na naglakad palapit kay Sir Martin.
Hindi ito tumigil sa pagwawala kaya naman maliksi kong inilagan ang mga ibinabato nito sa kung saan-saang direksyon.
"Go away! Mom, palabasin n'yo ang babaeng iyan!" Sigaw nito habang nandidilat ang mga mata. "Get out!" Bulyaw nito sa akin.
Hindi naman ako nagpasindak sa kaniya. Lalo akong lumapit sa kaniya.
"Gusto ko ng mamatay, Mom--, ahh!" Malakas itong napasinghap nang sakalin ko ang leeg nito.
"Gusto mong mamatay, hindi ba? Oh ayan, tutulungan na kitang malagutan ng hininga!" Gigil na sabi ko, saka idiniin ang mga kamay sa leeg nito.
Pero siyempre hindi naman sobrang madiin.
"B-Bitawan m-mo a-ako.. hindi a-ako m-makahinga," uubo-ubong wika nito.
"Iyan naman ang gusto mo, hindi ba? Gusto mong mamatay sabi mo, ayan, tinutulungan na kita," sabi ko.
Marahas naman nitong binaklas ang mga kamay kong nakahawak sa leeg nito. Nanlilisik ang mga matang nakatingin sa akin habang hinihimas ang sariling leeg.
"H-How dare you?!"
Hindi naman ako nagpasindak sa kaniya, sa halip ay nginisihan ko siya. "Gusto raw mamatay pero takot namang malagutan ng hininga," natatawang sabi ko.
Lalong sumama ang tingin niya sa akin, bago binalingan ang ina nito. "Send her out, Mom, please? Saang mental n'yo ba nadampot ang babaeng iyan?" galit na tanong nito sa inang ngayon ay waring hindi pa rin makapaniwala sa ginawa ko sa anak niya.
"Akala ko ba gusto mo ng mamatay?" tanong ko.
"Get out!" Sa halip ay sigaw niya habang nakaturo ang daliri sa pinto. "Out!"
"Mamaya, tutulungan pa kitang malagutan--"
"I said, out!"
Hindi naman ako tumalima, mataman akong nakatingin sa kaniya. Kahit sinong makakita sa kalagayan nito ay iisipin na nakakaawa ito dahil hindi na makalakad. Ayon kay Ma'am Liza ay naipit ang isang hita nito noong maaksidente at iyon ang napuruhan dahilan para malumpo.
"Ako si Lala--"
"As if I care!" Putol nito sa gagawin ko sanang pagpapakilala sa kaniya. Get out of here!"
"Hindi porke't hindi ka na makalakad katapusan na ng mundo--"
"I don't want to hear it! I don't need your opinion! Just out!"
"Kahit ayaw mong makinig, wala kang magagawa dahil gusto ko pa ring sabihin. Ang dami mo pang puwedeng gawin kahit hindi ka na makalakad. Puwede mo pa ring gawing makabuluhan ang buhay mo, Sir Martin. Mas'yado ka lang nagpapakalunod sa sakit na nararamdaman mo. Iyang sakit na nararamdaman mo paraanin mo lang, huwag mong tambayan. Huwag mong ikulong ang sarili mo sa nakaraan, dapat ipakita mo sa kaniya na siya ang nawalan at hindi ikaw. Eh ano kung lumpo ka? Kakayahang maglakad ang nawala sa'yo pero anong silbi niyang mga mata mo? Iyong bulag nga kahit walang makita patuloy na lumalaban sa buhay, ikaw pa ba? Nakakakita ka pa, may mga kamay ka pa," mahabang litanya ko.
"Wait lang, napagod ako," sabi ko pa.
Masama pa rin siyang nakatingin sa akin habang si Ma'am Liza ay tahimik lang sa isang tabi.
"Kung mahal mo pa ang ex mo kaya nagkakaganiyan ka, go. Mahalin mo lang siya nang mahalin hanggang sa maubos ka na. Tapos kapag ubos ka na kusa kang hihinto hindi dahil wala ka ng pagmamahal sa kaniya kun'di na napagod ka na. Tapos mag-ipon ka ulit ng lakas, tapos this time self love naman."
"Get out," sabi nito, but this time walang bagsik sa boses nito.
"Matuto ka kasing magpahinga dahil wala namang humahabol sa'yo. Gusto mo bang pagtawanan ka ng ex-wife mo kapag nakita ka niyang ganiyan ang kalagayan?" malumanay na tanong ko rito.
Hindi naman siya umimik. Nakatingin pa rin siya sa akin.
"Sa dami ng sinabi ko hindi ko alam kung may naintindihan ka pero--"
"Anong akala mo sa akin, bobo?" Muling asik nito.
"Of course not, ang sinasabi ko lang sana sa dami ng dinaldal ko rito may natandaan ka naman kahit papaano. Maikli lang ang buhay, Sir Martin. Kaya mag-enjoy ka habang humihinga ka pa dahil hindi lahat ng tao nabibigyan ng second chance para mabuhay. Malamang iyong kasabayan mong maaksidente ng araw na iyon buto na lang sa ilalim ng lupa samantalang ikaw, heto buhay at humihinga pa rin hanggang ngayon," sabi ko pa.
Hindi naman ito kumibo kaya't nagpaalam na ako sa kanilang mag-ina. Nasa may pinto na ako nang lumingon ako kay Sir Martin.
"Subukan mong magdasal, Sir. Mukhang nakalimutan mo na eh kasi busy kang patayin sa sakit ang sarili mo. Look at your Mom, stressed na siya dahil sa nakikitang kahinaan mo. Laban lang, Sir," dugtong ko pa bago tuluyang nagpaalam sa kanila.
Napahinga naman ako nang malalim habang naglalakad sa hallway. Pakiramdam ko nakipagkarera ako sa takbuhan dahil sa mahaba kong sinabi sa lalaking iyon. Sana lang kahit paano may naintindihan siya, jusko ko!
Gusto na raw mamatay pero takot namang malagutan ng hininga. Natatawang wika ko sa aking sarili.
Ang pagod na nararamdaman ko kanina lamang ay biglang nawala nang makita ko ang taong papunta sa direksyon ko. Habang papalapit kami sa isa't isa ay palalim nang palalim ang gatla nito sa noo.
"Sir.." bati ko rito. "Akala mo po nasa pag-Island hopping kayo?" usisa ko.
"Pagkatapos mong palanguyin ang mga gamit ko, sa tingin mo matutuloy pa ako?" asik niya habang sa noo ko nakatingin. "Anong nangyari sa noo mo? Bakit may ganiyan iyan?" tukoy nito sa band-aid na nakalagay roon.
"Oy, concern yarn?" tukso ko.
"Lala!" Pagbabanta nito.
"Po?"
"Sumama ka sa akin sa Manil--" nabitin sa ere ang sasabihin ni Sir Matt nang may magsalita mula sa likuran ko.
"Lala." Napalingon ako nang may tumawag sa akin. Napalunok ako nang makita ang matalim na tingin ni Sir Martin na nakaupo sa wheelchair na tulak-tulak ni Ma'am Liza. "We need to talk."
"Who are you?" Hindi nakatiis na tanong ni Sir Matt.
"None of your business," pasupladong sagot ni Sir Martin. "Si Miss Lala ang kailangan ko at hindi ikaw."
Paktay na! Magsasanib-puwersa na ba ang mga lalaking aburido ng taon. Piping usal ko sa isip ko.
Lihim naman akong napangiwi nang makita ang masamang tingin ni Sir Matt sa lalaki. "Wala rin akong pakialam kung may kailangan ka kay Lala. Nasa teritoryo kita kaya huwag na huwag mo akong aangasan!" Buwelta ni Matt sa lalaki.
"Sino ka ba?" ani Sir Martin. Mukhang maging si Ma'am Liza ay nakakaramdam ng tensyon sa pagitan ng dalawang lalaki kaya't muli niyang itinulak ang wheelchair ni Sir Martin papasok sa loob ng kuwarto ng mga ito.
Naiwan kami ni Sir Matt, pero dahil makirot ang noo ko wala akong energy para makipagbiruan dito.
"Ganiyan ka ba kasabik sa lalaki? Pati lumpo papatusin mo na?"
Natigilan ako sa paghakbang nang marinig ang sinabi nito. Nakaawang ang mga labing sinalubong ko siya ng tingin.
"So? Lumpo man o pilantod puwede kong patulan hangga't gusto ko. Kung tapos ka na, maaari na ba akong umalis, Sir?"
"Tsk!" Palatak lang nito at nauna pang umalis sa amin.
Naiwan naman akong natitilihan. "Anong problema no'n?"