NAG-INAT ng katawan si Luisa matapos makipag-usap sa kanyang kliyente. Alas-dos y medya na ng madaling araw pero kakaumpisa pa lang ng breaktime niya. Agad siyang tumayo at lumabas sa kuwarto upang magtungo sa kusina. Pagbukas ng ref, agad siyang nadismaya nang makitang walang laman ang ref. Saka pa lang naalala ni Luisa na pupunta pala dapat siya sa grocery kanina.
Muling sumulyap sa wall clock si Luisa. Nagugutom na siya. Kailangan niyang kumain kung hindi ay sasakit ang tiyan niya na hindi maaaring mangyari dahil maraming pinapatapos ang kanyang kliyente. Huminga siya ng malalim saka nagmamadaling bumalik ng silid. Nagsuot siya ng jacket at kumuha ng pera sa wallet. Napagdesisyunan niya na pumunta sa isang twenty-four-hour convenience store. Malapit lang naman iyon at nasisiguro niyang magiging safe siya sa paglabas dahil sa istasyon ng pulis na nasa kanto lang.
Agad lumabas si Luisa, pasalamat na lang siya dahil hindi umuulan sa mga sandaling iyon. Bahagya na siyang nakalayo sa bahay nila nang may maalala. Huminto siya sa paglalakad at muling lumingon sa likod.
“Wala yata siya ngayon,” sabi ni Luisa sa sarili na ang tinutukoy ay ang lalaking madalas niyang makita na nakatayo at nakatingin sa kanyang bahay.
Muling pinagpatuloy ni Luisa ang paglalakad ngunit naiwan pa rin sa misteryosong lalaki ang kanyang isipan. Pagdaan niya sa may istasyon ng pulis, agad siyang binati ng mga tanod at pulis na nakabantay doon.
“Good morning, Ma’am.”
“Good morning po,” nakangiting sagot niya.
Mabait at mapagkakatiwalaan naman ni Luisa ang mga ito, bukod doon ay kakilala niya ang mga ito at madalas din niyang kabatian.
“Masyado na po yatang late ang paglabas n’yo,” nakangiting puna sa kanya ng isa sa mga pulis na naroon.
“Bibili lang po ng pagkain sa convenience store, break time po kasi sa trabaho.”
“Sige po, ingat po.”
Pagdating sa convenience store ay agad siyang bumili ng ready to eat meals na pinainit na rin sa microwave, bukod doon ay bumili rin siya ng tinapay, inumin at ilang paborito niyang chips. Matapos bayaran, eksaktong palabas na sana siya nang biglang bumuhos ang malakas na ulan.
“Luh… wala akong dalang payong,” sabi pa niya.
Para lang makauwi agad dahil isang oras lang ang kanyang breaktime, napilitan si Luisa na bumili ng payong doon sa convenience store. Matapos iyon ay agad siyang naglakad pabalik.
Malapit na si Luisa sa bahay nang bigla siyang matigilan sa paglalakad. Dahil di kalayuan, natanaw niya na naroon muli ang lalaki. Nakatayo sa ilalim ng malakas na buhos ng ulan at tahimik lang na naghihintay. Nakaramdam ng takot si Luisa. Ang daming tanong at scenario na maaaring mangyari sa kanya kapag tinuloy ang naiisip. Pumikit siya ng mariin at huminga ng malalim pagkatapos ay binilisan ang lakad.
Ngunit pagdaan niya sa tapat nito, she heard him sob. Natigilan sa paglalakad si Luisa at saka lumingon. Ang sumunod ay natagpuan na lang niya ang sarili na humahakbang palapit sa lalaki.
“Excuse me,” wika niya.
Natigil sa pag-iyak ang lalaki. Nang umangat ang tingin nito ay nakita ni Luisa ang gulat sa mukha nito. Bahagya pa siyang napakunot noo sa pagtataka dahil lumingon ito sa paligid. Muling huminga ng malalim si Luisa.
“Pasensya ka na ha? Pero hindi na kasi ako makatiis, ilang araw… actually, no, ilang linggo ko na kasing napapansin na madalas kang nakatayo dito sa harap ng bahay ko. Gusto ko lang sabihin sa’yo na hindi ako kumportable na makita ka diyan tuwing madaling araw. Natatakot ako sa’yo.”
Gulat pa rin ang ekspresyon ng mukha. Sinalubong nito ang kanyang tingin.
“A-Ako b-ba ta-laga ang ki-kina-k-kausap mo?” tila hindi makapaniwalang tanong nito.
Lalong kumunot ang noo niya sabay lingon at turo sa paligid.
“Malamang, wala naman ibang tao dito kung hindi tayo lang,” pagsusuplada niya.
Hindi sumagot ang lalaki, bumawi ito ng tingin at para bang napaisip ng malalim. Muling tumikhim si Luisa.
“Ayun nga, as I was saying, hindi ko gusto na nakatayo ka dito sa tapat ng bahay ko tuwing madaling araw. Alin sa dalawa? Multo ka o magnanakaw na handang pasukin ang bahay ko ano man oras?” pagpapatuloy niya sa sinasabi.
Nang hindi pa rin sumagot ang lalaki ay napailing na lang siya. Papasok na siya ng gate nang bigla itong magsalita.
“S-Sandali lang!” pigil nito sa kanya.
Muling lumingon si Luisa at lumapit sa kanya ang lalaki.
“Hindi ako masamang tao kaya ipanatag mo ang kalooban mo. Wala akong gagawin masama sa’yo kung iyon ang kinakatakot mo. Nandito ako dahil naghihintay ako sa pagbalik ng babaeng mahal ko.”
Nakita ni Luisa ang sinseridad sa mga mata ng lalaki. Bukod doon, naaninag niya sa mga mata nito ang lungkot. That is when she only realized as she stares at him, there are only sadness and pain that envelopes his face.
“M-Mabuti kung ganoon.”
“Pakiusap, hayaan mo akong maghintay dito. Pangako wala akong gagawin masama. Aalis din naman ako mamaya kapag tumila ang ulan.”
Napabuntong-hininga si Luisa.
“Sige.”
Naramdaman niyang tumalon ang kanyang puso nang gumuhit ang magandang ngiti ng lalaki.
“Sige, una na ako,” paalam niya.
Her heart started beating so fast as soon as she shut her door. Napasandal siya sa likod niyon. Hindi maintindihan ni Luisa kung bakit ganoon na lang ang nararamdaman niya. Nakahinga siya ng maluwag kanina nang sabihin nitong wala itong masamang balak sa kanya. Pero para saan ang kaba na iyon?
PASADO ala una na ng hapon nang magising si Luisa. Pasado alas-sais na rin ng umaga nang makatulog siya. Nang matapos ang duty niya ng alas-singko ay hindi agad siya nakatulog. Bago nahiga ay sumilip pa nga siya sa bintana para tignan ang lalaki, huminto na rin ang ulan ng mga sandaling iyon, at wala na rin doon ang lalaki.
Sa halip na bumangon ay tumitig muna siya sa kisame, laman pa rin ng kanyang isipan ang misteryosong lalaki. Gusto niyang huwag paniwalaan ang mga sinasabi nito, na baka nagpapaawa lang ito at kinukuha lang ang loob niya at kalaunan ay may gawin itong masama. Ngunit iba ang nararamdaman ng kanyang puso. Her heart says to believe him. Ang totoo, matapos lakas-loob niyang kausapin ito, mas lalo siyang nahiwagaan at na-curious sa lalaki. Dahil kung totoo nga na naghihintay ito sa babaeng minamahal, kung ganoon ay napakapalad ng kung sino man babae iyon.
Hanga siya sa tibay ng kalooban nito. Hindi biro ang maghintay halos gabi-gabi, kahit ulanin ay hindi alintana ng lalaki. Marahil ay sadyang mahal na mahal nito ang babaeng hinihintay nito. Samantala siya, hindi maalala kung may lalaki nga ba nagmahal sa kanya ng labis.
Ilang sandali pa ang nakalipas saka siya bumangon. Una niyang pinuntahan ay ang bintana, hinawi ang kurtina at tumingin sa baba kung saan madalas nakatayo ang lalaki. Natatandaan pa ni Luisa ang itsura nito.
Hindi niya inaasahan na guwapo ang mukha ng lalaki. Isang tingin pa lang, alam ni Luisa na may sinabi ito sa buhay. He is wearing an all-black attire. He has foreign features. Bahagya itong mestisuhin. Sa kabila ng dilim ng gabi, hindi pa rin nakaligtas sa kanya ang light brown na magandang pares ng mga mata nito. Amid sadness and pain she saw in his eyes, she was mesmerized upon staring at them. Matangos ang ilong nito at natural na kulay pula ang labi nito. Hindi masyadong sigurado si Luisa pero medyo maputi ang kulay ng balat nito. At mas mataas ito sa kanya. His hair is black and cut clean. He is a stunner. Medyo madilim pa ng mga sandaling iyon pero napuna na niya ang kaguwapuhan nito, marahil ay mas lalo nang aangat ang kaguwapuhan nito kapag malinawag.
Bigla tuloy siyang na-curios tungkol sa babaeng tinutukoy ng lalaking iyon. Nasaan na kaya ang babae? Iniwan kaya siya nito? o baka namatay na? Nasa gitna siya ng pag-iisip nang marinig ang katok sa pinto mula sa labas ng kanyang silid.
“Luisa, anak?”
Agad siyang ngumiti nang makilala ang boses na iyon. Dali siyang lumapit sa pinto at binuksan iyon.
“’Nay Elsa,” magiliw na bati niya.
“Nagising ba kita?” tanong pa nito.
“Hindi po, kani-kanina pa po ako gising.”
“Mabuti naman kung ganoon, sabi ko sakaling tulog ka pa ay gigisingin na kita para kumain ng tanghalian. Madalas kang puyat mabuti na iyong bumawi ang katawan mo sa pagkain.”
Malambing na yumakap siya ng mahigpit sa may edad na babae. Natawa ito at gumanti ng yakap sa kanya sabay tapik sa likod nito.
“Itong batang ito napakalambing talaga,” natatawang sabi pa nito.
“Eh siyempre, nanay kita eh!”
“Hala sige na, mag-ayos ka na at nang makakain ka na. Pagkatapos matulog ka ulit, maaga pa naman.”
“Okay, po.”
“Sige na at ako muna ay aalis na. Mamayang gabi na ako makakauwi,” paalam
nito.
“Nasaan ho si Tere?”
“Umalis at may inasikaso siya.”
“Ah, sige po. Ako nang bahala dito.”
“May pagkain pa sa ref para mamayang gabi hindi ka na magluluto.”
“Salamat po, ‘nay!”
Nakababa na ito nang may biglang maalala si Luisa. Agad sumunod at hinabol ito.
“’Nay! ‘Nay Elsa, sandali po!”
Huminto ito sa paglalakad at lumingon sa kanya.
“Oh, bakit? May nakalimutan ka?”
“May itatanong po pala ako.”
“Sige, ano ba ‘yon?”
“Ito po bang bahay natin, bago tayo lumipat dito noong isang taon, sino po ba ang nakatira dito?” tanong niya.
Kumunot ang noo ng matanda.
“Naku eh, hindi ko alam. Wala naman na-kuwento ‘yong may-ari nito. Bukod sa matagal itong nabakante bago tayo lumipat. Aba’y bakit mo naman naitanong? Nanaginip ka na naman ba ng masama?”
Agad siyang nagpaskil ng ngiti sabay iling.
“Hindi wala po, matagal ko na po kasing itanong ‘yon. Nawawala lang sa isip ko. Saka hindi na po ako binabangungot kahit natutulog ako sa umaga.”
“Mabuti naman kung ganoon, o siya sige at mauuna na ako.”
“Sige po, ‘Nay. Ingat kayo.”