KANINA lamang umaga ay mataas ang sikat ng araw. Pinawisan halos ang kanyang buong katawan dahil sa init. Ngunit ngayon ay parang may bagyo dahil sa lakas ng buhos ng ulan.
Alas-dos na ng madaling araw pero hindi pa siya inaantok. Katatapos lang ng interview niya at mag-iisang oras na ang nakakalipas para sa bagong trabaho bilang virtual assistant. Masaya si Luisa dahil pinalad siyang makapasa at bukas na ng gabi ang simula sa trabaho. Kasabay niyon ay ang pag-asa na mahinto na ang paulit-ulit na panaginip na sadyang nagbibigay sa kanya ng takot.
Dahil wala na naman gagawin, muling binuksan ni Luisa ang laptop at nag-surf sa kanyang social media accounts. Plano niyang ubusin ang oras habang naghihintay ng pagliwanag sa panonood ng pelikula. Nasa kalagitnaan siya ng ginagawa nang mapahinto at bahagyang magulat matapos dumagundong ng malakas ang magkasunod na kulog at kidlat. Dahil doon ay biglang bumukas ang bintana. Dali-daling napatayo si Luisa, isasarado na lang niya iyon nang may makakuha ng kanyang atensiyon mula sa labas ng bahay.
Napakunot noo si Luisa nang mapansin ang isang pigura ng lalaki. Nakatayo sa tapat ng kanyang bahay, wala itong payong kaya basang-basa ito ng ulan.
“Sino kaya ‘yon? Bakit siya nakatingin dito sa bahay?” nagtataka na tanong niya sa sarili.
Hanggang sa naalala niya ang lalaking narinig niya na umiiyak ilang gabi na ang nakalipas. The built, his height, and the clothes he is wearing at that moment are pretty much the same. Nakaramdam ng takot at pag-aalala si Luisa. Kung noong una ay naawa siya ngayon ay napalitan iyon ng takot. Paano kung may masama itong balak? Paano kung magnanakaw ito? O kaya ay mamamatay tao o kaya naman ay rapist? Paano kung modus operandi lang pala ito ang pag-iyak nito pero ang totoo ay naghihintay ito ng may lalapit pagkatapos ay saka ito mangho-holdup. Ngayon lang din niya naisip na sino ang matinong tao ang iiyak ng ganoon sa kalagitnaan ng gabi kung kailan tulog na ang lahat at walang katao-tao sa kalsada. Paano kung nag-iisip na pala ito kung paano papasukin ang bahay niya. Ang mga iyon ang agad pumasok sa kanyang isipan. Kung ganoon mabuti na lang pala ay lumabas ng gabing iyon si Tere kung hindi ay baka napahamak na siya.
Dahan-dahan hinawi ni Luisa ang kurtina at sumilip ulit ito. Biglang kumabog ang kanyang dibdib sa kaba at gulat dahil eksaktong pagsilip ay siyang lingon nito sa gawi ng bintana kung saan siya nakatayo. Kahit madilim at hindi maaninag ang mukha nito, alam ni Luisa na nakatingin din ito sa kanya. Agad niyang tinabing muli ang kurtina at nagmamadaling lumabas ng silid at nag-check ng pinto. Siniguro niyang naka-lock iyon hindi lang ang doorknob kung hindi maging ang lock sa taas at baba ng pinto. Maging ang pinto sa kusina papunta sa likod-bahay ay inispekyon din niya at siniguro na naka-lock, pati ang mga bintana. Praning na kung praning, but better safe than sorry, sabi nga nila.
Huminga siya ng malalim matapos ma-check lahat ng pinto at bintana. Matapos ay saka siya bumalik sa kuwarto. Lihim niyang sinilip ulit ang lalaki. Naroon pa rin ito at hindi natitinag sa kinatatayuan. Naghintay siya na umalis ito pero hindi ito kumikilos sa paglipas ng mga minuto. Hanggang sa natagpuan ni Luisa ang sarili na patuloy na pinagmamasdan ang mahiwagang lalaki na nakatayo sa ilalim na ulan. Kahit hindi nakikita ang mukha, may kung anong bigat siyang nararamdaman.
“Sino kaya siya? Ano kayang kailangan n’ya dito? Bumaba kaya ako?” sabi pa niya sa sarili.
Mayamaya ay pinilig niya ang ulo.
“Hindi, huwag kang lumabas, Luisa. Nakaligtas ka na nga noong una eh, dito ka na lang, ‘wag kang pakialamera,” sermon niya sa sarili.
Ilang sandali pa ay natanaw niya sa ‘di kalayuan ang mobile ng barangay na parating at gabi-gabig rumoronda sa buong barangay nila. Umasa si Luisa na hihinto iyon para sitahin ang lalaki. Pero dumiretso lang ang mga barangay tanod na para bang walang nakita. Napabuntong-hininga na lang siya sa pagkadismaya. Kaya naman sinarado na lang niya muli ang kurtina at tinuloy na ang pinapanood.
“O, GOOD Morning!”
Natawa si Luisa sa bati ni Tere dahil mag-aalas kuwatro na ng hapon. Kagigising lang niya dahil alas-sais na ng umaga din siya natulog kanina.
“Umuulan madaling araw pa lang ah, musta tulog mo? Binangungot ka pa rin?” tanong pa nito.
Nakangiti na umiling siya.
“Hindi na,” masayang sagot ni Luisa.
“Wow, eh ‘di mabuti!”
“So, confirmed na. Sa gabi lang talaga ako inaantake ng masamang panaginip,” sabi pa niya.
“Ang mahalaga, makakatulog ka na ng mabuti mula ngayon.”
“Kaya nga eh.”
“Kumusta na pala ‘yong interview mo? Nakapasa ka?”
Ngumiti muli si Luisa saka tumango. “Mamaya na ang simula ko sa trabaho.”
“Uy, eh ‘di magaling! Tignan mo nga ang kapalit ng stress mo nitong mga nakaraan mga linggo. Makakatulog ka na ng mabuti, may maayos ka pang trabaho.”
“Tama talaga ang desisyon ko na sa gabi na lang magtrabaho.”
Nilapag ni Tere ang tinimplang kape niya tapat niya.
“Buti nga pinayagan ka na ni Madam magtrabaho,” sabi pa ni Nanay Elsa.
“Work from home naman kasi kaya pumayag.”
Huminga ng malalim si Luisa. “Ang importante may gagawin na ako, hindi ‘yong nakakulong lang ako dito sa bahay at walang ginagawa. Sana nga mahanap ko na dito sa trabaho at time zone ang kapayapaan ng isip ko.”
“May bonus pa, malaki ang sweldo!”
“True! Bukod sa unang client ko, puwede pa akong tumanggap ng iba pang kliyente kaya mas malaki ang kikitain ko.”
“Oh, baka naman magpakapagod ka rin dito ah? Hinay-hinay lang.”
Bahagya siyang natawa dahil sa panenermon ng kaibigan.
“Opo, ‘Nay!” pabirong sagot ni Luisa.
Matapos humigop ng mainit na kape ay kumain na siya ng tinapay. Habang kumakain at si Tere naman ay nagluluto ng ulam para sa hapunan ay napalingon siya sa pinto doon sa kusina.
“Oo nga pala, pumasok ba kayo ni Nanay Elsa dito kanina? Nag-triple lock ako sa front door.”
Marahas na napabuntong-hininga si Tere. “Kaya nga, nag-alala kami ni mama sa’yo akala ka namin kung napaano ka na dahil katok kami ng katok hindi mo kami pinagbubuksan. Dati-rati naman hindi mo nila-lock ‘yong taas at baba ng pinto. Buti may duplicate key si mama ng pinto dito sa likod.”
“Sorry,” natatawang sagot niya.
“Dali ka nga namin chineck, ayon tulog na tulog ka. Bakit ka ba kasi bigla kang nag-triple lock?”
“Eh kasi, kaninang madaling araw may nakita akong lalaki na nakatayo diyan sa tapat tapos nakatingin dito sa bahay. Ang tagal niya, parang mahigit apat na oras siyang nakatayo lang yata diyan. Wala pa siyang payong kaya basang-basa siya ng ulan. Natakot ako, baka kasi magnanakaw o ano kaya nag-triple lock ako.”
“Ahh, kaya pala! Buti hindi nagtangkang pumasok dito?”
“Hindi naman, para siyang nagmamasid lang.”
“Pero kahit na, nakakatakot pa rin. Iba na ang panahon ngayon, marami nang masasamang loob.”
“Kaya nga lahat ng pinto at bintana na-double check ko ng walang oras.”
“Eh anong oras umalis ‘yong lalaki?”
“Ewan, hindi ko namalayan eh. Basta pagsilip ko ulit sa labas kanina medyo maliwanag na at huminto na ang ulan, wala na siya diyan.”
“Nga pala, bago ko makalimutan. Remind ko lang, sa Sabado, may balik tayo sa doctor mo. Alas-nuwebe ang appointment natin,” paalala ni Tere.
“Kailangan pa ba?” protesta ni Luisa sabay buntong-hininga. “Ayoko nang bumalik doon, okay na naman ako eh.”
“Hindi na sumasakit ang ulo mo?” tanong ng kaibigan.
Nawalan siya ng kibo. Dahil ang totoo, sa tuwing nagigising siya dahil sa masamang panaginip kasunod niyon ay parang binibiyak ang ulo niya sa sakit. Pansamantala lang iyon nalulunasan ng pain killer na reseta sa kanya.
“Ngayon araw lang,” sagot niya.
“O kita mo na? Hindi dahil hindi sumakit ang ulo mo ngayon ibig sabihin hindi na tayo magpapa-check up. Paano na ‘yong mga araw na madalas ang pananakit ng ulo mo?”
Hindi na naman siya nakakibo dahil may katwiran naman si Tere. Talaga lang ayaw na niya bumalik sa doctor dahil pakiramdam niya kapag nasa loob siya ay parang hindi siya makahinga. Ayaw niya ng amoy ng ospital at para bang may sumasakal sa kanya kapag naroon siya.
Ilang sandali pa ay tapos nang lutuin ni Tere ang ulam.
“Oh, ayan. Luto na ang ulam, kumain ka muna bago magsimula ng trabaho, ha? Pagkatapos huwag mo kakalimutan ang mga gamot mo.”
Ngumiti siya kay Tere. Hindi matatawaran ang atensiyon at pag-aalaga nito sa kanya.
“Salamat. Sa susunod, hayaan mo na akong magluto. Kaya ko naman eh,” sabi niya.
“Okay lang ‘yon, makabawas man lang sa gawain at iisipin mo. Oo nga pala, nagbago na schedule ko sa trabaho. Mula ngayon sa gabi na rin ang duty ko. Si Mama naman, kailangan palaging lumuwas pabalik ng Maynila dahil may inaasikaso sa kamag-anak namin. Kaya palagi na rin siyang wala dito sa gabi. Ayos ka lang ba dito mag-isa sa gabi?” paliwanag ni Tere.
“Oo naman. Lagi naman akong mag-isa dito, sa gabi palagi kayong tulog sa ibaba. Parang ganoon lang din ‘yon.”
“Oh, basta mag-iingat ka ha? Palagi mo i-lock ang pinto at huwag ka lalabas kapag nakita mo ulit ‘yong lalaking sinasabi mo,” mahigpit na bilin ng kaibigan.
“Sige. Huwag kang mag-alala, ayos lang ako dito.”
“O siya, maiwan na kita at pupunta na ako sa alaga ko,” paalam nito.
“Okay, ingat ka.”
Caregiver ang trabaho ni Tere at gaya niya ay sa gabi ang trabaho nito. Matagal na silang magkaibigan, mga bata pa lang ay magkaibigan na sila, sabay lumaki at nagdalaga. Dahil ulila na at wala nang sino man kamag-anak si Luisa. Si Nanay Elsa na ang halos naging nanay-nanayan niya kaya sila ni Tere ay parang kapatid na ang turing sa isa’t isa.
Mula nang makalabas siya ng ospital, eksaktong isang taon na ang nakakalipas, ay ito ang nag-alaga sa kanya. Bumalik ang isipan ni Luisa sa lalaking nakita niyang nasa ulanan kaninang madaling araw. She found that man very mysterious. Sa kabila ng takot at pag-aalala na hatid nito sa kanya, may parte sa kanyang puso na bahagyang nag-aalala dahil sa pagtayo nito ng ilang oras sa ilalim ng malakas na buhos ng ulan.
Paano kung hindi naman talaga ito masamang tao? Paano kung may hinihintay nga ito? Mayamaya ay pinilig ni Luisa ang ulo at tinaboy ang mga katanungan na iyon sa kanyang isipan.
“Curiosity kills the cat, Luisa. Baka mapahamak ka pa eh,” kastigo niya sa sarili.