Chapter 1
ISANG malakas na sigaw ang lumabas sa kanyang bibig nang tuluyan mawalan ng kontrol ang kotse. Kasunod niyon ay isa pang mas nakakabinging sigaw mula kay Luisa ang naghari sa loob ng sasakyan. Mariin siyang pumikit at kasunod niyon ay naramdaman niya ang mabilis na pagbulusok pababa. Muli ay napasigaw ng malakas si Luisa bago malakas na bumangga ang sinasakyan na kotse sa isang malaking puno. Mariin siyang pumikit nang mabasag ang salamin sa unahan ng kotse at nauntog ng malakas ang ulo niya sa bintana.
Matapos iyon ay naghari ang nakakabinging katahimikan. Ilang sandali pa, narinig niya ang mga boses na nagsasalita. Umungol siya sa sakit nang maramdaman ang kirot sa buong katawan, lalo na sa kanyang ulo. Pinilit niyang idilat ang kanyang mga mata, ngunit unti-unti na iyong bumibigat. Pagkatapos ay bumuka ang bibig niya, ngunit hindi na narinig pa ni Luisa ang kanyang sarili.
Nanginginig ang katawan. Kapos at habol ang bawat paghinga na tila kay layo ng tinakbo. Malamig ang pawis nang magising si Luisa at agad na bumalikwas ng bangon. Umubo siya ng umubo na para bang mauubusan siya ng hangin sa baga. She found herself suddenly bursting into tears. The pain. The fear. Everything seems so real.
Nang mahimasmasan ay pinunasan ni Luisa ang luha na umagos sa kanyang pisngi. Huminga siya ng malalim at pinikit ang mga mata at bumilang hanggang tatlo sa isip bago tuluyan umayos ang pakiramdam.
“That dream again,” mahina ang boses na sambit niya.
Napabuntong-hininga si Luisa saka bumaba sa kama, sinubukan niyang buksan ang ilaw ngunit ayaw sumindi niyon. Sinuot niya ang long silk robe na nakasabit sa paanan ng kama pagkatapos ay napalingon sa bintana nang kumislap ang kalangitan kasunod ng mas malakas na pagbuhos ng ulan.
“Brownout pala,” sabi pa niya sa sarili.
Mayamaya ay napadaing siya nang biglang makaramdam ng matinding pananakit ng ulo. Nasapo niya ang noo at mariin pumikit habang halos masabunutan
ang sarili. Pilit niyang kinuha ang gamot sa drawer ng kanyang bedside table pagkatapos ay naglakad tungo sa pinto. Pagbukas niyon ay halos sabay silang napasigaw sa labis na gulat ni Tere na sinabayan pa ng malakas na pagkidlat. Natawa silang dalawa at sabay napahinga ng malalim.
“Kaloka ka, mamamatay ako sa gulat sa’yo,” sabi pa niya.
“Ako ba? ‘Yong kidlat kaya,” natatawang sagot ni Tere.
Lumabas siya ng tuluyan sa silid at sumunod sa kanya ang babae.
“Narinig ko na sumigaw ka kanina, pupuntahan sana kita,” sabi pa nito.
“Ah, ‘yon ba? Wala ‘yon, nanaginip lang ako.”
“Iyon pa rin ba?”
Natigil sa pagsasalin sana ng tubig sa baso si Luisa. Muli ay napabuntong-hininga siya sabay tango.
“Ang weird, ngayon ko lang nalaman na pwede pala maging consistent ang isang panaginip,” kaswal na komento ni Tere.
“Kaya nga eh, hindi ko rin maintindihan. Hindi ko alam kung anong meron. Nahihiwagaan ako.”
“Pero kapag tulog ka sa umaga napapanaginipan mo ‘yon?” usisa pa nito.
Umiling siya. “Pansin ko mula nang magsimulang umulan sa gabi.”
Ngumiti sa kanya si Tere at tinapik siya sa braso.
“Huwag ka nang masyadong mag-isip. Mawawala rin ‘yan. Sabi nga ng iba, kabaligtaran daw ang ibig sabihin ng panaginip. Kung ano nangyari sa panaginip mo, kabaligtaran ang mangyayari sa totoong buhay.”
Ngumiti si Luisa. “Sabagay.”
“O siya, matulog ka na ulit.”
“Sige, salamat sa pag-aalala.”
Nang umalis na si Tere at maiwan mag-isa sa kusina si Luisa ay saka tinuloy na niya ang pagkuha ng tubig at ininom ang gamot at bumalik sa kanyang silid. Mayamaya ay biglang umandar ang bentilador. Bumalik na ang kuryente. Sa halip na bumalik sa pagtulog ay binuksan niya ang ilaw at binuksan ang laptop at nag-check ng emails. She opened one email, then read it again and stared at the monitor for a while.
“I think I’ll just take this job,” sabi pa niya sa sarili.
Naputol ang pag-iisip ni Luisa nang biglang mapatingin sa bintana nang bumukas iyon dahil sa lakas ng hangin.
“May bagyo ba? Bakit ang lakas masyado ng ulan?” nagtatakang tanong niya sa sarili.
Napilitan siyang tumayo at lumapit sa bintana. Isasarado na lang iyon ni Luisa nang may marinig na boses na umiiyak mula sa labas. Nagtataka na hinanap niya sa paligid kung saan nanggagaling iyon. Ngunit wala siyang makita kung hindi ang madilim na kalsada at ang malakas na buhos ng ulan.
Habang lumilipas ang bawat segundo ay palakas ng palakas ang tunog ng iyak na iyon. Isang tinig ng lalaking malakas na tumatangis. Ilang sandali pa ang dumaan, habang tumatagal at patuloy na naririnig ang iyak na iyon. Hindi maintindihan ni Luisa kung bakit bumibigat ang kanyang dibdib na tila ba nararamdaman niya ang sakit nito. Sa sobrang bigat ng nararamdaman ay para bang naiiyak na rin si Luisa. Nang hindi mapakali ay lumabas siyang muli ng kuwarto at hinanap sa likod ng bahay ang tinig. Ngunit ang tanging bumungad sa kanya ay ang madilim na kakahuyan na papunta sa gubat. Muli na naman napalingon sa paligid nang marinig na nagsalita ulit ang lalaking patuloy na naghihinagpis.
“Nandito na ako. Patawarin mo ako kung iniwan kita, pero narito na ako, bumalik ka na. Handa akong maghintay, makasama lang kita muli,” narinig pa niyang wika ng tinig ng isang lalaki sa gitna ng pag-iyak nito.
Muling bumalik si Luisa sa loob ng bahay. Nang muling marinig ang pagtangis ng lalaki, tumakbo siya palapit ng bintana at doon sa wakas natagpuan ang hinahanap. Napakunot noo ang dalaga nang makita ang isang lalaki. Halos nasa tapat ito ng kanyang bahay, nasa gitna ito ng kalsada at nakaluhod habang nasa ilalim ng malakas na buhos ng ulan. Sa pag-iyak nito ay parang umiiyak din ang langit kasabay nito. Luisa can feel the pain on his cry.
Hindi maintindihan ni Luisa ang sarili kung bakit parang gusto niya itong lapitan at yakapin. Dapat ay wala na siyang pakialam. Ang dapat sana na kanyang gawin ay isarado ang bintana at bumalik sa pagtulog. Pero nawala na ang kanyang antok, ang buong isipan at atensiyon ay tuluyan nakuha ng misteryosong lalaki umiiyak sa ilalim ng ulan.
Ilang sandali pa ang nakalipas, tuluyan hindi nakatiis si Luisa. Natagpuan na lang niya ang sarili na naglalakad palabas ng bahay. Gusto niyang lapitan ang lalaki. Gusto niyang itanong kung bakit ito umiiyak. Nakakaramdam siya ng awa sa isang taong ni hindi niya nakikita ang mukha. Natigilan sa paglalakad si Luisa nang makita na tumayo ang lalaki.
“E-Excuse me… na… uh… narinig kitang umiiyak. M-May maitutulong ba ako?”
Natigilan ang lalaki at doon sa unang pagkakataon nakita ni Luisa ang mukha nito. Kumunot ng bahagya ang kanyang noo. This face. His features. His height. And now she realizes, even his voice, why does she feel like he is familiar? Kahit na iyon ang unang beses niyang makita ito.
“O-Okay ka lang ba? May maitutulong ba ako?” tanong niya ulit sa lalaki.
Sa halip na sumagot, tumitig lang din sa kanya ito na parang hindi makapaniwala na kinakausap niya ito.
“Ako nga pala si—”
“Luisa?”
Doon siya napalingon at nakita si Tere sa pinto ng silong ng bahay kung saan ito tumutuloy kasama ng ina nito.
“Anong ginagawa mo dito sa labas? Akala ko natulog ka na ulit?”
“H-Ha? Ah, sana… kaya lang narinig ko na may umi—”
Hindi naituloy ni Luisa ang sinasabi nang paglingon ay nakitang naglalakad na ng palayo ang lalaki. Hindi na siya nakapagsalita at sinundan na lang niya ito ng tingin.
“Ano ulit sabi mo?”
Nagpaskil ng ngiti sa labi si Luisa nang lumingon kay Tere.
“Ang sabi ko may narinig ako na gate na kumalampag, ang akala ko itong gate natin kaya bumaba ako.”
Tumango-tango ito at tumingin sa labas ng bakuran nila.
“Parang may narinig akong kausap ka?”
“Ah, wala iyon, may nagtanong lang sa akin, umalis na rin agad.”
“Ah sige, bumalik ka na sa taas. Naka-lock naman ang gate, baka malamigan ka dito at magkasakit ka pa.”
Mahina siyang tumikhim at nakangiting tumango.
“Sige.”
Habang paakyat pabalik ng bahay ay panay ang kanyang lingon sa likod. Ngunit wala na ang lalaki. Nahihiwagaan si Luisa at huminga ng malalim.
“Sino kaya ‘yon?”
HALOS masilaw sa liwanag ng matinding sikat ng araw si Luisa nang lumabas ng bahay. Pasado alas-diyes y medya na ng umaga pero wala pang tatlumpung minuto mula nang magising siya. Mula sa bakuran ay lumabas siya at naglakad papunta sa tindahan.
“Luisa!”
Agad siyang lumingon matapos marinig ang pamilyar na boses. Nang makumpirma kung sino iyon ay sinalubong ng matamis na ngiti ni Luisa ang kaibigan at kapitbahay na si Lydia.
“Uy,” sagot niya.
Tumakbo ito palapit at sinabayan siya sa paglakad.
“Saan ang punta mo?” tanong nito.
“Diyan lang sa tindahan may bibilhin,” sagot niya.
Napakunot-noo ito nang matitigan siya sa mukha.
“Ba’t parang puyat na puyat ka?”
Huminga siya ng malalim. “Umulan kagabi, ‘di ba? Oh, alam mo na.”
Saglit na inalis nito ang tingin sa kanya saka nag-isip. Mayamaya ay muli itong tumingin nang tila makuha na nito ang ibig niyang sabihin.
“Nanaginip ka na naman?” pagkukumpirma pa nito.
Tumango lang siya saka muling bumuntong-hininga.
“Alam mo sabi nila puwede mo daw malaman ang ibig sabihin ng panaginip mo kapag nag-search ka sa internet. Gusto mo research ko?” tanong pa nito.
Marahan siyang umiling. “Hindi na. Baka kung ano pa malaman ko lalo akong hindi matahimik. Matitigil rin naman siguro ‘to.”
“In fairness, ang choosy ng panaginip mo, sumusulpot tuwing umuulan. Parang iyong mga napapanood natin sa mga horror movies, iyong magigising ka mula sa bangungot tapos babalikwas ka ng bangon tapos sabay ulan ng malakas na may kasamang kulog at kidlat.”
Natawa si Luisa. “Oo nga, no?”
“Ganon nangyari sa’yo?”
Natatawa na tumango siya.
“Buti walang sumulpot na multo?”
“Si Tere ang sumulpot nagkagulatan pa nga kami.”
Pumalatak si Lydia. “Lagot ka, sa susunod baka multo na sumulpot sa kuwarto
mo,” pabirong pananakot nito sa kanya.
“Hindi naman ako takot,” sabi pa niya.
“Eh ano balak mo?”
“Tinanggap ko ‘yong online job offer sa akin na virtual assistant. Ang magiging mga clients ko mga taga-US. Kaya gising ako sa gabi, tulog sa umaga. Iyon sa ngayon ang nakikita kong paraan para hindi ako makatulog sa gabi.”
“Sabagay, mabuti na rin ‘yon. Sinabi rin sa akin ng pinsan ko na kapag nakahanap ka ng magandang client dyan malaki ang suswelduhin mo.”
Bumuntong-hininga si Luisa. “Sana mawala na ‘yon, nakakapraning kasi minsan.”
“Gusto mo labas tayo sa susunod na linggo?”
She rolled her eyes and shook her head. “As if naman papayagan ako ni Nanay Elsa,” sagot niya.
Umismid si Lydia. “Kainis din ‘yang nanay-nanayan mo, apakahigpit. Nakakalimutan niya yata na bente-siyete anyos ka na!”
Pagdating nila sa tindahan ay bumili ng sabon panlaba si Luisa na gagamitin mamaya.
“Hayaan mo na sila, pinag-iingatan lang nila ako.”
“Morning Luisa,” bati sa kanya ng isang nakatambay na lalaki na doon din sa lugar nila nakatira.
Matipid lang siyang ngumiti.
“Morning.”
“Iba rin ang ganda, gandang napapansin! Hindi ba manliligaw mo ‘yon si Karding?”
Natawa lang siya. “Binasted ko na ‘yon. Hindi ko nga maayos buhay ko, magbo-boyfriend pa ako,” sagot niya.
Pagdating nila sa tapat ng bahay nila Lydia ay nagpaalam na rin siya sa kaibigan. Mag-isa lang siya sa mga oras na iyon doon dahil pumasok sa trabaho ang kanyang Nanay Elsa at anak nito at para na rin niyang kapatid na si Tere. Nakatira ang mag-ina sa silong ng bahay niya habang si Luisa naman ay sa taas, kung saan mag-isa siyang naninirahan.
Habang nagpapaikot ng mga damit sa washing machine ay nagluto siya ng kanyang pananghalian. Ilang sandali pa ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang nanay-nanayan.
“Good morning po, ‘Nay!” malambing na sagot ni Luisa sa tawag.
“Ay anak, mabuti at gising ka na. Kumain ka na ba ng umagahan?”
“Hindi pa po halos kagigising ko lang kasi, pero kakain na po ako mayamaya sasabay ko na sa lunch.”
“Ay sige mabuti naman, tulog na tulog ka kasi kanina hindi ka na namin ginising ni Tere. Ang kuwento niya sa akin ay nagising ka na naman daw ng madaling araw.”
“Huwag po kayong mag-alala sa akin, may nahanap na po akong paraan para hindi na ako bangungutin ulit.”
“Mabuti naman kung ganoon dahil iyon nga ang tinawag ko ngayon. Nag-aalala ako at baka panay ka dalawin ng masamang panaginip sa mga susunod na gabi. Napanood ko kasi kaninang umaga sa balita, magiging maulan daw sa araw at gabi sa mga darating na linggo dahil nagsisimula na nga ang tag-ulan. Eh, inaalala kita anak.”
Napangiti siya dahil sa labis na pag-aalala nito.
“Huwag n’yo po akong masyadong isipin, ‘Nay. Ayos lang po ako.”
“O siya sige at kailangan ko nang bumalik sa trabaho.”
“Sige po.”
Nang matapos ang usapan ay agad nawala ang ngiti niya sa labi.
“Sana nga…” mahina ang boses na sabi niya. “Sana nga matigil na ang panaginip na iyon. Dahil natatakot na rin ako.”