Flashback
Maria
Sobrang saya ko, nang malaman ko na nagdadalang tao ako, alam kong ganun din ang mararamdaman ni Alfonso pag nalaman n'ya, ang magandang balita na ito. Alam kong mali ang ginawa namin, natatakot din ako sa aking mga magulang. Sa mga sasabihin nila pero wala akong makapang pagsisisi sa puso ko. Sinunod ko lang ang nararamdaman ng aking puso. Mahal na mahal ko si Alfonso, hindi ko naramdaman sa iba ang nararamdaman kong ito para sakanya. Mali man sa paningin ng iba na ipinagkaloob ko ang sarili ko sa mahal ko. Pero para sa taong sobrang nagmamahal, masasabi kong tama ang desisyon ko.
Mahal na mahal ako ni Alfonso, tulad ng nararamdaman ko sa kanya. Masaya akong malaman na nagbunga ang isang gabi naming pagniniig. Kaya ng malaman kong nagdadalang tao ako, hindi na ako nagdalawang isip, at gusto ko itong ipaalam sakanya. Hindi ko na kaya pang solohin ang sayang aking nadarama. Gusto kong ipaalam na rin sakanya. Gusto ko sanang hintayin na lang si Alfonso, sa aming tagpuan. Dahil sinabi niyang, dadaan daw muna siya sa kanilang kompanya, ay ninais ko nalang siyang doon puntahan. Doon ko na lang siya hihintayin para ibalita, ang aking kalagayan, na mayroon ng mumunting anghel sa aking sinapupunan.
Sa may dulo ng palapag na iyon, ako pinapunta ng sekretarya daw ni Alfonso, maganda ang tanawin doon, at gawa sa bubog ang dingding. Darating din naman daw agad si Alfonso. Dahil meron lamang itong importanteng pinuntahan, kaya doon na lamang daw ako maghintay.
Habang naghihintay, ay binubusog ko na lang ang aking mga mata sa tanawing aking nasisilayan mula sa aking kinalalagyan. Ang matataas na gusali ay kitang kita sa kinaroroonan ko. Kitang kita ang karangyaan sa lugar na iyon. Masasabi kong malayo kami ng katayuan ni Alfonso sa buhay. Pero wala namang masama, sa pagmamahal. Ilang minuto pa lang akong nakaupo at nakatanaw sa magandang tanawin ng makarinig ako ng sigawan. Masyado akong malayo para malaman ang kanilang pinag-uusapan. Kaya unti-unti akong lumalapit ng aking malaman. Habang papalapit ako ay malinaw kong nakikita ang imahe ni Alfonso, napangiti ako ng makita s'ya, pero hindi niya ako nakita. Lumapit s'ya sa pintuan na may nagsisigawan, pero hindi n'ya agad binuksan ang pintuan.
Siguro ay nakikinig s'ya mabuti. Matapos pa ang ilang minuto, binuksan niya ang pintuan, nakita ko ang babaeng nakaupo sa sahig, kahit malayo ako, alam kong nakita ko na s'ya, nung kaarawan ni Alfonso.
Pero natigilan ako sa sinabi ni Alfonso. "Buntis si Lucilla!? At si Alfonso ang ama.?" Natigilan ako sa aking kinatatayuan. Bigla na lang tumulo ang aking luha. Masakit, sobrang sakit ang nararamdaman ko. Alam kong mahal ako ni Alfonso, pero paano nangyari?
Nagmamadali akong lumabas ng gusaling iyon, hindi ko alam kung saan ako pupunta, ang gusto ko lang makaalis ako sa lugar na iyon. Sa aking paglabas doon ako nakita ni Lucas na umiiyak. Niyakap n'ya ako, na parang batang pinapatahan.
"Maria, anong nangyari? Bakit ka umiiyak?" Tanong n'ya. "Narinig ko si Alfonso, s'ya ang ama ng ipinagbubuntis ni Lucilla." Hindi na niya ako tinanung pang muli. Hinila n'ya ako papuntang sasakyan at iniuwi sa aming bahay.
Sa bahay, dun ko sinabi ang lahat. Alam kong magagalit sa akin ang aking mga magulang lalo na at nabuntis ako ng hindi pa kinakasal. Kahit, alam ko na ang mangyayari, sinabi ko na rin ang aking sitwasyon.
Alam kung malalaman at malalaman din naman nila, ang totoo kaya bakit hindi pa ngayon. Nagalit sa akin ang mga magulang ko. Itinakwil nila ako at pinalayas. Si Lucas lang ang maaasahan ko ngayon. Binalik ako ni Lucas sa aming probinsya.
"Lucas, salamat ha, sa ganitong sitwasyon ikaw pa rin ang natatakbuhan ko." Nahihiya kung sabi kay Lucas. "Ano ka ba Maria, para na kitang kapatid, at bilang kuya mo, andito lang ako palagi." Nakakatuwa talaga na may isang Lucas sa buhay ko. "Amm, Lucas, wag mo na sanang mababanggit kay Alfonso ang sitwasyon ko, mahal ko si Alfonso, ayaw kong maging magulo ang buhay n'ya ng dahil lang sa nabuntis n'ya ako. Kaya kung magsakripisyo, dahil mahal na mahal ko s'ya. Si Alfonso at ang magiging anak namin ang buhay ko. Wala ng iba. Pasabi na rin na umalis ako, dahil ayaw kong mahirapan pa s'yang mamili. At mahal na mahal ko s'ya."
Niyakap ako ni Lucas, "Makakaasa ka, at wag kang mag-alala hindi kita pababayaan, alam mo namang ikaw ang bestfriend ko, at wag kang mag-alala, ninong ako nitong baby mo ha." Sabi ni Lucas bago tuluyang magpaalam, para umuwi ng Maynila.
Alfonso
Bago ko naisara ang pintuan ang conference room, napansin ko ang mukha ni Maria, pero hindi ko na napagbigyan ng pinansin, dahil wala naman kaming usapan ni Maria na magkikita dito, o kaya naman ay sa labas, dahil pupuntahan ko siya sa kanilang tahanan.
Lumapit ako kay Lucilla, sobrang gulo ng buhok, mapupulang mata, mga patak ng luha sa kanyang pisngi halata mo ang matagal ng pag-iyak. Inalalayan ko s'ya para makatayo, naaawa ako kay Lucilla, wala man akong naaalala na may nangyari sa amin ng gabi na iyon, hindi ko pa rin maiwasan ang sobrang pag-aalala, kaya inako ko ang lahat.
Kaibigan ko si Lucilla, kaya hindi ko na naisip ang pwedeng mangyari, matapos ang pag-amin ko. Matapos kong itayo si Lucilla, pinaupo ko s'ya sa upuan, batid ko ang pagod sa kanyang nanghihinang katawan ng magsalita ang kanyang ama. "Ikaw pala ang ama ng aking magiging apo, Ginoong Mondragon. Hindi na masama, matagal ko ng kasosyo ang iyong ama sa negosyo, akalain mo nga namang magiging kapamilya pa namin kayo. Bukas sa aming pamamahay, kailangan n'yong pumunta. Ipinapatawag ko ang iyong mga magulang, para mapag-usapan ang kasal ninyong dalawa ni Lucilla.!" Mariin niya iyong sinabi sa akin. Hindi iyon pakiusap, pero inuutusan niya ako.
Biglang gumuho ang aking mundo, dahil sa nagpadalos dalos ako ng desisyon. Alam kong mali, na pabayaan ko si Lucilla pero paano na kami ni Maria? Pag iniwan ko si Lucilla, paano ang batang walang kamalay malay, siya ang magdurusa? Paano ko ipapaliwanag ang lahat kay Maria? Paano ko sasabihin ang aking pagkakamali? Paano ko itatama, kung hindi naman mali ang aking desisyong ginawa?