PAGDATING ni Mari sa kanilang bahay ay naabutan niya ang kaniyang kapatid na si Lorie na nagwawalis sa bakuran nila. Pinagbuksan siya nito ng gate nila at ipinasok niya ang kotse niya patungo sa garahe.
Sinalubong siya nito pagbaba niya ng kotse. Masama ang tingin nito sa kaniya habang nakapameywang.
"Ate, hinahanap ka kanina ni Kuya Karl. Sinabi ko na nagtrabaho ka. May problema ba kayo ni Kuya Karl, ate?" tanong niya rito.
Inakbayan niya ang kaniyang kapatid at tumingin siya rito. "Alam mo, imbes na problemahin mo ang tungkol sa amin ni Karl. Mag-aral kang mabuti para makapagtapos ka at matulungan mo naman ako. Halika na sa loob at ako na ang magluluto." Tumingin siya sa kaniyang suot na relo. "Alas singko na pala. Anong oras nagpunta rto si mama?" tanong niya pagkapasok nila sa bahay.
"Ate, nag-aalala kasi ako sa iyo. Nagpagupit ka ng buhok at namumugto ang mga mata mo kanina. Napansin ko rin si Kuya Karl kanina na panay ang contact niya sa cellphone niya. Nag-aaral naman akong mabuti, ate." Nagtungo ito sa kusina at sinundan naman niya ang kapatid. "Hindi nagpunta si mama kanina, ate. Umasa na naman sina Tisay at Mikay na darating si mama," malungkot na sabi nito habang nakatalikod sa kaniya.
"Nasaan sina Mikay at Tisay?" tanong niya habang nililinga ang paligid. Kadalasan ay nakikita niya ang mga ito na nanunuod ng television habang kumakain ng ice cream.
"Ah, isinama ni papa na mamasyal, ate. Sinabi nga pala sa akin ni Tita Eunice na siya na ang magbabantay sa amin habang wala ka." Tukoy nito sa kapatid ng kaniyang papa na matandang dalaga at isang elementary teacher ito.
"Hindi na ako pupunta ng Isla Margarita, ayoko naman na nagi-enjoy ako roon ha---"
Nginitian siya ng kaniyang kapatid. "Ate, kailangan mong magpahinga. Subusob ka na sa trabaho mo. Alam ko na gusto mong magbakasyon, huwag mo kaming intindihin, kasama naman namin si Tita Eunice. Habang nandito si Tita Eunice, magpapaturo na rin ako sa kaniya habang walang pasok. Sina Mikay at Tisay naman, palaging inaalagaan ni papa kaya wala kang magiging problema. Deserve mo na magbakasyon paminsan-minsan ate." Binuksan nito ang refrigerator nila at kumuha ng iluluto nilang ulam.
Bumuga siya nang malalim. "Magbibihis muna ako, ako na ang magluluto ng adobong manok. Pahinga ka na, alam ko na napagod ka rin dito sa bahay. Isa lang ang gusto kong gawin at tuparin mo Lorie. Mag-aral kang mabuti at huwag na huwag kang makikipagrelasyon. Iwasan mong magkaroon ng boyfriend. Kapag naka-graduate ka na at nakapasa sa LET. P'wede ka na magkaroon ng boyfriend." Nginitian niya ang kapatid.
"Oo naman, ate. Pangako ko iyan sa iyo." Niyakap siya nito nang mahigpit. Close silang dalawa ng kapatid niya. Ngunit hindi niya sinasabi rito ang mga problema niya dahil hangga't maari at gusto niyang siya lamang ang magdala ng bigat na nararamdaman niya para hindi na mag-alala ang kaniyang pamilya.
NANG matapos silang kumain ay nagpresinta si Lorie na maghugas ng mga pinggan. Inaabangan naman niya sa labas ng kanilang bahay ang kaniyang mga kapatid na umuwi kasama ang kaniyang papa. Kambal sina Mikay at Tisay na edad sampung taong gulang. At mula nang ipanganak ng kaniyang mama ang kambal ay nagsimula na ring magbago ang kanilang masayang pamilya.
Umupo siya sa terrace habang nakatingin sa gate. Hanggang sa tumunog ang cellphone niya sa kaniyang bulsa, nag-text ang kaniyang papa na bukas na lamang ihahatid ang kambal dahil nakatulog na ang mga ito dahil sa pagod sa pamamasyal.
Trenta kilometro ang layo mula sa tirahan nila ang bahay naman ng kaniyang papa. Samantalang ang kaniya namang mama ay mula pa sa Tarlac at malayo na iyon sa Pangasinan.
Nagpasya siyang lumabas at magtungo ng tindahan para bumili ng redhorse. Sa daan ay nasalubong ni Mari si Yvet. Magkapit-bahay lamang sila nito at dati silang magkaibigan dahil close sila noong highchool silang dalawa.
Hindi niya ito pinansin dahil nasasaktan lamang siya. Naalala lamang niya kung paano siya niloko ni Karl.
"Mari, p'wede ba kitang makausap?" tanong sa akin ni Yvet. Nakabestida ito ng mahaba habang siya naman ay ternong pajama na pantulog niya.
"Tungkol saan?" nang-uusig niyang tanong dito bago ito harapin. "Kung sasabihin mo na naman ang tungkol sa inyo ni Karl... tama na."
"Mula kahapon ay hindi pa niya ako kinakausap. Wala siyang paramdam sa akin, Mari. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko."
Nginisihan niya ito. "Ano! Ako pa ang namomroblema tungkol sa ipinagbubuntis mo? Ako pa talaga ang tatanungin mo, Yvet. Alam mo ang mabuti pa... ayusin ninyo iyan. Huwag ninyong idadamay ang walang muwang na bata. Ginawa ninyo iyan kaya panindigan ninyong dalawa. Wala na kaming ugnayan ni Karl. Please, huwag na ninyo akong gambalahin. Hinahayaan ko na kayong dalawa na maging masaya kaya irespeto naman ninyo ako." Tinalikuran niya si Yvet na nakayuko ang ulo. Hindi niya inakala na dati pa niyang kaibigan ang magiging third party sa kanilang dalawa ni Karl.
Para siyang nauupos na kandila habang nakatayo sa harap ng tindahan ni Aling Ernie.
"Mari, ano ang bibilhin mo?" tanong sa kaniya ng matanda na nasa edad singkuwenta anyos.
"Bigyan mo ako ng redhorse, Aling Ernie. Ibigay mo sa akin iyong pinakamalamig dahil mainit ang ulo ko," naiinis na aniya sa matandang tindera.
"Hay naku, Mari. Kailan pa ba naging malamig ang ulo mo?" natatawang tanong sa kaniya ng matanda.
Umupo siya sa harap ng tindahan nito at nangalumbaba. "Hindi ko na nga rin alam kung bakit palaging mainit ang ulo ko, Aling Ernie."
Tumawa ang matanda sa kaniyang tinuran. Ibinaba nito ang redhorse sa kaniyang harapan. "Tungkol ba iyan kay Karl? Hindi sa nakikialam ako, Mari. Pero noon pa man ay babaero na talaga ang lalaking iyon. Kaya nga nagtataka ako noong sinagot mo siya gayong naranasan mo naman ang umiyak dahil sa lalaki." Umupo ito sa kaharap niyang silya. "Botchoy!" tawag nito sa bunso nitong anak na kaklase ni Lorie. "Ikaw muna ang magtao sa tindahan." Muli siya nitong tinignan habang umiinom siya ng beer. "Kalat na kalat na, Mari, na nakabuntis si Karl at si Yvet iyon. Alam na rin ni Lorie dahil alam mo naman na puro tsismosa ang mga kapit-bahay natin.
Kaya pala siya tinanong kanina ng kapatid niya dahil doon.
"Aling Ernie, nakipaghiwalay na ako kay Karl. Ngayon ko lamang talaga napagtanto na sinayang ko ang buhay ko sa gagong iyon."
"Hangga't maaari ay ayoko na naloloko ka, Mari. Napakabait mong bata at napakasipag. Hinahangaan kita dahil pinag-aaral mo ang mga kapatid mo. Minsan nakikita kitang umuuwi galing sa trabaho ay madaling araw na. Binigyan ni Karl ng leksyon ang sarili niya. Pinapatawag nga siya sa baranggay dahil hindi niya raw gustong panagutan ang anak nila ni Yvet."
Nagsalubong ang kilay niya. Kaya pala siya kinausap ni Yvet. Wala na siyang magagawa roon dahil hindi na niya gustong makigulo sa problema nina Karl at Yvet.
"Maraming salamat sa concern mo, Aling Ernie." Iniabot niya ang singkuwenta pesos sa matanda bago siya tumayo. "Sa bahay ko na uubusin ito. Salamat ho." Pagpapaalam niya sa matanda.
Inihatid siya nito ng tingin. Mabigat ang kaniyang mga paa habang humahakbang palayo. Kumikirot pa rin ang kaniyang puso. At kung kailan ito maghihilom ay hindi niya alam.