HINDI maipinta ni Mari ang kaniyang mukha dahil pinagbabaan siya ng telphono ng lalaking kausap niya. Sa inis ay marahas niyang hinila ang kaniyang upuan at inalis sa listahan niya ang pangalan ni Denise Francia. At ang fiancee nitong hindi niya pa alam ang pangalan. Walang nakalagay na pangalan sa listahan nila kun'di appointment lamang ni Miss Denise.
Kaagad siyang nilapitan ni Joaquin na nangigigil habang nakaupo sa harapan ng kaniyang lamesa.
"Napakasama ng lalaking fiancee nitong si Miss Denise. Alam mo, sa boses pa lang parang arogante na. Maayos ko siyang kinakausap tapos sasagutin niya ako ng ganoon!"
Hinawi ni Joaquin ang buhok nitong maikli na naka-hair band ng pink bago ito humalukipkip sa harapan niya.
"Miss Ampalaya, akala ko pagkatapos ng kasal kanina ng isa nating customer ay magiging masaya ka dahil naging successful tayo. Pero... gurl. Look at yourself. Sobra kang stress... para kang may anim na anak na binubuhay mag-isa. Kumalma ka nga, hindi iyong sobra kang highblood diyan. Ako na ang kakausap kay Miss Denise. Papasahan ko siya ng email tungkol sa appointment nila sa kasal nila."
Bumuga siya nang malalim at sumandal sa kaniyang upuan. "Wala kasi akong tulog mula pa kagabi. Alam mo iyon, bakla? Kaya hindi mo ako masisisi kung bakit mainit ang ulo ko. At hindi ko kasalanan iyon, no. Kasalan ng mga taong gusto tayong paghintayin sa... wala." Marahas siyang tumayo sa office chair niya at tinungo ang water despenser nila para uminom ng malamig na tubig. Kailangan niyang mahimasmasan.
Umupo si Joaquin sa office chair niya at ito ang nagpadala ng email kay Miss Denise para i-inform na ipina-cancel na ng fiancee nito ang kanilang appointment sa kanila. Ginagawa nila ang kanilang trabaho pero hindi talaga maiiwasan na may customer na magsi-set ng appointment tapos hindi sisipot. Ang magiging resulta niyon ay bibigyan nila ng time allowance ang mga VIP Customers tulad ni Miss Denise dahil iyon ang ipinakiusap sa kanila ng boss nila.
At dahil nga ipina-cancel na ng fiancee ni Miss Denise ang appointment nito ay tatanggalin niya sa listahan. Para sa iba pang mga customers nila na naghihintay. Sampu ang wedding planners ng Sassy Wedding and Events. Kasama na roon ang assistant wedding organizer na kasama ng wedding planner.
Multi-tasking ang trabaho niya bilang isang wedding planner. Umaabot siya ng three months to one year bilang wedding planner ng isang pares lamang na ikakasal. Hindi pa kasama roon ang mga urgent weddings na one month to two months lang ang preparation. Katulad sa kasal nina Aira at Cedric na isang buwan lamang nila inayos. Sanib puwersa ang mga staffs at workers ng company nila para lamang sa kasal na iyon. Na hindi rin biro ang ginastos.
Per month ay eighteen thousand ang sinasahod niya bilang wedding planner. At iba pa ang tips na natatanggap niya mula sa couples at incentives na ibinibigay ng company sa kanila. Kaya naman naiinis siya kanina sa kausap niya dahil tila wala itong pakialam kung may maapektuhang ibang tao dahil sa urong-sulong na schedule ng mga ito.
"Okay na, gurl. Sinabi ko na rin iyong mga ipinagtatalak mo kanina sa telephone and she understand it. At final na ang appointment niya with us sa susunod na buwan dahil darating na siya galing Japan... kasama ni Miss Sassy."
Nanlaki ang mga mata niya. "Ano? Akala ko ba nasa Korea si Miss Sassy?"
Umiling si Joaquin at iminuwestra ang kamay sa ere. "Lagot ka, gurla. Masiyado ka raw hot. Anyway, naiintindihan naman ni Miss Denise ang rules dahil kasama niya si Miss Sassy." Isinara nito ang computer at iniitsa nito ang bag niya. "Magsara na raw tayo nang maaga. Dahil alam niyang pagod tayo sa trabaho at kailangan natin ng pahinga."
Sinundan niya ng tingin si Joaquin na patungo sa ibang office para sabihin na kailangan na nilang magsara. Mabuti iyon para makapagpahinga siya nang maaga at maabutan na rin niya sa kanilang bahay ang mama niya.
Paglabas niya ng company para tunguhin ang kotse niya na nasa parking lot ay hinarang siya ni Karl. Nilingon niya si Joaquin na aakmang lalapit sa kaniya pero sinenyasan niya na huwag. Matapang niyang tinignan ang lalaking nanloko sa kaniya.
"Ano namang masamang elemento ang nagdala sa iyo, rito?" tanong niya.
Nilapitan siya nito pero umatras siya. "P'wede mo akong kausapin pero lumayo ka," dagdag pa niya.
"Patawarin mo na ako, Mari. Mahal kita... mahal na mahal kita. Alam mo iyon dahil---"
Tumango siya at nakangising tinignan ito. "Oo alam ko. Isang taon ko na ring alam at paulit-ulit mong sinasabi. Sinabi mo iyan noong nililigawan mo ako. Sinabi mo iyan noong una mo akong niloko. At sinabi mo na rin iyan noong pangalawa at pangatlo mo akong niloko. At sinasabi mo ulit iyan dahil nandito ka sa harapan ko pagkatapos mo akong lokohin." Malakas niya itong sinampal. "How dare you!"
Sinapo ni Karl ang pisnging sinampal niya. "Alam ko galit ka... pero, Mari. Hindi ko naman iyon ginusto."
Namasa ang mga mata niya. "Hindi mo ginusto?" Mapakla siyang tumawa. "Hindi mo ginusto na magkaroon kayo ng relasyon ni Yvet? Hindi mo ginusto na buntisin siya? Nagpapatawa ka ba, Karl? Ano ito, shinota mo at binuntis mo iyong babae dahil hindi mo ginusto? Alam mo napaka... napakawalang kuwenta mong tao! Hindi ko nga alam kung paano ako naging tanga sa iyo. Kung paano ako paulit-ulit na nagpaloko sa iyo." Nagtaas siya ng kamay at hindi na napigil ang luha na pumatak sa kaniyang mga mata. "Tama na... panagutan mo si Yvet. Ipakita mo na lalaki ka. Iyong magiging anak ninyo walang kasalanan sa katarantaduhan na pinaggagawa mo. Isipin mo naman iyong bata, Karl. Alam mo, umuwi ka na... hindi mo na mabibilog ang ulo ko. Tapos na tapos na tayo, Karl." Binuksan niya ang pinto ng kaniyang kotse at marahas na isinara iyon.
Umiyak siya nang umiyak habang kinakalampag ni Karl ang hood ng kotse niya. Napakatanga niya... pagdating sa pag-ibig.
Pinaandar niya ang kotse niya at hindi na nilingon pa ang paulit-ulit na pagtawag ni Karl sa pangalan niya.