Kabanata 1
NAKAHARAP si Marigold Granadoso sa full length na salamin na nasa kaniyang kuwarto habang umiiyak. Kahapon ay natuklasan niya ang panloloko muli sa kaniya ng kaniyang nobyong si Karl.
Nakita niya mismo sa kaniyang harapan kung paano halikan ni Karl ang dati niyang kaibigan na si Yvet. Hindi niya inakala na ang lalaking ginawa niyang mundo ay ang lalaki rin pa lang wawasak muli ng kaniyang puso.
Ibinigay na niya rito ang lahat. Ang lahat ng oras niya at atensiyon. Pati na rin ang sarili niya ay naisuko na niya rito. Pero hindi pala sapat ang lahat ng iyon para lamang manatili ang taong mahal niya sa kaniyang tabi.
Buong tatag na tumingin siya sa salamin at saka matapang na ngumiti. Ilang beses na siyang nagmahal pero paulit-ulit siyang nasasaktan. Kinuha niya ang gunting sa cabinet niya at hinawi sa kaniyang harapan ang lahat ng hibla ng kaniyang mahabang buhok. Ginupit ni Mari iyon ng maikli.
Inilagay niya ang nabawas na buhok niya sa ibabaw ng cabinet bago niya tunguhin ang sariling banyo. Habang nakabukas ang shower ay muling pumatak ang luha sa kaniyang mga mata.
"Tahan na, Mari. Simula ngayon, hindi ka na magtitiwala sa mga lalaki. Simula ngayon ay pagsisihan nila ang pang-iwan at panloloko nila sa iyo," mahinang sabi niya habang nakasandal sa pader ng banyo.
Mugto man ang kaniyang mga mata dahil sa magdamag na pag-iyak ay pinili ni Mari na pumasok sa kaniyang trabaho bilang wedding planner ng Sassy Events sa Pangasinan. Ngayon nakatakdang ikasal ang kaniyang kliyente at hindi siya maaring mawala sa event dahil parte pa rin ng kaniyang trabaho ang paniniguro na maayos ang lahat. Dahil ang mga wedding organizer ay katrabaho rin niya sa Sassy Wedding and Events.
Isinuot niya ang kaniyang red gown at inayusan ang sarili. Tinakpan niya ng makapal na make-up ang kaniyang mukha at nilagyan ng concealer ang namumugto niyang mga mata. Naglagay din siya ng contact lens at nagpahid ng makapal na red lipstick sa kaniyang mga labi. Inaayos niya ang kaniyang buhok na nilagyan niya ng hair clips. Nang biglang mag-ring ang kaniyang cellphone.
Tumatawag na sa kaniya si Karl. Hindi niya ito gustong kausapin dahil sapat na sa kaniya ang nakita niya. At ang pagtatapat ni Yvet sa kaniya na may namamagitan sa kanila ng boyfriend niyang si Karl. Hindi na siya magpapaloko pa at muli itong patatawarin. Manhid na ang puso niya sa sakit at sa paulit-ulit na panloloko nito.
Iblinak niya ang number nito sa contacts niya bago niya ilagay ang cellphone niya sa kaniyang pouch. Lumabas siya ng kaniyang kuwarto at sinalubong siya ng kaniyang nakababatang kapatid. Siya na tumatayong nanay ng mga kapatid niya dahil iniwan sila ng kaniyang ina at sumama ito sa lalaki. Habang ang kaniya namang ama ay mayroon na ring bagong asawa at may mga anak na rin.
"Ate, matutuloy ba ang trabaho mo sa Isla Margarita?" tanong sa kaniya ni Lorie, ang labingwalong gulang niyang kapatid na sumunod sa kaniya. Nag-aaral ito ng kursong education at kasalukuyang nasa second year college.
"Oo, isang buwan rin akong mawawala para magtrabaho. Hindi bale, sembreak naman na ninyo iyon, e. Ikaw na ang bahala kina Tisay at Mikay. Heto ang allowance ninyo ngayong araw. Nag-grocery naman na ako kahapon kaya wala ka nang pro-problemahin. Tinawagan nga pala ako ni mama kahapon, bibisita raw siya rito ngayon." Tumikwas ang mga kilay ni Lorie sa sinabi niya. "Hayaan mo na lamang si mama na dalawin ang mga nakababatang kapatid natin. Iwasan mong magsuplada, Lorie," bilin niya rito habang naglalakad patungo sa pintuan ng bahay nila.
"Oo, ate. Mag-iingat ka." Kinawayan siya nito bago siya tuluyang umalis ng bahay nila. Ginamit niya ang kaniyang kotse na binili niya noong nakaraang taon. Secondhand lamang ito pero maganda pa ang makina. Ipinambili niya ang natanggap niyang bonus noong pasko para may maipambili.
Pinagkakasya niya ang eighteen thousand pesos na kinikita niya buwan-buwan sa kaniyang trabaho para sa mga gastusin sa bahay at sa allowance ng kaniyang mga kapatid na nag-aaral. Nagbibigay naman ng pera ang kaniyang ama para sa pag-aaral ng kaniyang mga kapatid. Kahit na may sarili na itong pamilya ay madalas pa rin itong dumalaw sa kanila. Hindi katulad ng kaniyang ina, na minsan lamang sa isang buwan kung magparamdam. Hindi niya ito masisisi dahil may inaalagaan din itong anak na maliit sa bago nitong asawa.
Limang taon na siyang wedding planner at masasabi niya na hardworking siya pagdating sa trabaho. Kaya naman siya ang madalas na hanapin ng mga customers dahil napaka-dedicated niyang tao. At kaya niyang i-budget ang pera ng mga couples para sa gastusin sa kasal. Pagkatapos niyon ay ipapasa naman niya ang trabaho sa wedding organizer staffs nila.
At sa edad niyang bente nuebe ay hindi pa siya nakakaipon para sa kaniyang sarili. Dahil sa mataas na bilihin at mga gastusin nilang magkakapatid. At sa nangyayari ngayon sa love life niya ay mukhang magkakatotoo ang hula sa kaniya ng matandang si Aling Bubs, na hindi na siya makakapag-asawa. Dahil dalawang taon na lamang ay lampas na siya sa kalendaryo.
PAGDATING ni Mari sa reception are ng kasal ay kaagad siyang hinarang ni Joaquin. Nakapameywang ito habang nakasuot ng american suit. Alam niyang hindi kumportable ang bakla niyang kaibigan sa ganoong klase ng damit.
Masama ang tingin nito sa kaniya habang palapit siya. "Mari, kanina ka pa namin hinihintay. Mabuti at narito si Honey, siya na ang tumingin sa mga decorations, cakes, lights, caterings and so many more... nakalimutan mo yata na ikaw ang wedding planner. Hinahanap ka ni Misis Luna kanina dahil biglang na-late ang dating ng cake," sabi nito habang naglalakad.
Tumingin siya sa paligid na napakaganda. Pati na rin sa design ng mga pangalan nina Aira at Cedric na nasa ibaba ng ten layers na cake. "Okay naman ang lahat, almost perfect na nga." Iniwasan niya ito ng tingin. "Ano ba kasing oras darating ang mga ikinasal?"
"Mamaya na siguro, dahil nagsimula na kanina pang- alas otso ang kasal nila sa simbahan. E, alas diyes na, bago pananghalian tapos na iyon. Teka nga pala, bakit maikli ang buhok mo?" naninitang tanong nito.
"Ah, pinutol ko."
"Don't tell me na break na kayo ni... Mari!" Bulalas nito na nagtakip ng bibig.
Tumango siya nang marahan dito. "Tinapos ko na ang kagagahan ko sa kaniya. Nakabuntis na siya ngayon at hindi na iyon tama. Panindigan na lamang niya ang kalokohang ginawa niya."
Nagtaas ito ng kilay at humalukipkip. "You made the right decision, Mari. Anyway, kalimutan mo na ang gagong iyon. Maganda ka, like me. Marami ka pang mahahanap na guwapong papa... baka mamaya mayroon na." Malandi siya nitong kinindatan.
"Alam mo dapat noon pa talaga ako nakinig sa iyo, e. Noong una pa lamang na manloko ni Karl. E, kaso gaga ako, konting panlalambing lang bumibigay na. Sa sobrang rupok ko madali akong bumigay. Pero nagkamali siya nang sinaktan, sana nga lamang ay mapanagutan niya si Yvet kung totoo na nabuntis na niya ito. Ayoko naman na dahil sa kagagahan ko ay may inosente pang bata ang madamay kung magpapaloko lamang akong muli. Alam mo ayoko na iyang pag-usapan. Ang magandang gawin ngayon ay mag-relax. Isang buwan din tayong lutang dahil sa urgent wedding na ito. Pagkatapos mayroon na naman tayong susunod na schedule." Humila siya ng bangko malapit sa kanilang naka-off na sound system. Naroon ang mga music team nila na abala naman sa pag-aayos para sa gagawing opening song mamaya pagdating ng mga ikinasal.
"Stress nga, Mari. Nakausap ko si Miss Sassy at sinabi naman niya na magsi-set siya ng appointment bago ang schedule natin sa susunod na husband and wife. Binigyan niya tayo ng one week vacation sa Isla Margarita bago ang trabaho," masayang balita nito sa kaniya.
"Good," matipid na sabi niya habang nakatingin sa monitor na nasa harapan niya. Ipinilig niya ang ulo at matipid na ngumiti rito. Pagkatapos siyang masaktan nang paulit-ulit. Hindi na siya maniniwala pang muli pagdating sa pag-ibig.
INIWAN ni Sid ang kaniyang regalo sa bagong kasal na sina Aira at Cedric dahil kinailangan niyang sunduin sa airport ang kaniyang nobya na si Denise. Pagkatapos ng isang taon ay darating na ito para ayusin ang kanilang kasal.
Ngunit hindi pa man siya nakakarating sa Clark International Airport sa Pampanga ay bigla na lamang nag-text si Denise at sinabi nitong hindi ito matutuloy sa pag-uwi dahil may problema na naman tungkol sa business ng mga magulang nito sa Japan.
Dalawang taon na niyang kasintahan si Denise at ilang ulit na rin silang nagkahiwalay at nagbalikan. Noong Valentine's Day noong nakaraang taon ay inalok niya ito ng kasal. At pumayag naman ang dalaga sa kaniya ngunit kinailangan nitong magtungo sa Japan para sa pamilya nitong naroon.
Inintindi ni Sid ang kaniyang nobya at sinuportahan na lamang ito sa mga desisyon nito. Ngunit ngayon hindi niya matanggap na pagkatapos ng isang taon na pang-iiwan nito sa kaniya para sa negosyo ng pamilya nito ay hindi pa rin natutupad ang pangako ng kasintahan sa kaniya. Malungkot na ibinuwelta niya ang kaniyan sasakyan pabalik ng Tarlac.
Sa isang exclusive subdivision ng Tarlac siya nakatira. Sa edad niyang trenta anyos ay successful na ang business niya. Pagmamay-ari niya ang Sid Auto Parts and Motors Shop and Supply, na isa sa pinagkakatiwalaan ng mga car and motor owners sa kanilang probinsiya.
Nang makarating siya sa kaniya sa kaniyang bahay ay kaagad niyang ipina-cancel ang appointment ni Denise sa Sassy Wedding and Events para sa kanilang kasal. Bumuga siya nang malalim at tumingin sa larawan nila ni Denise na nasa portrait. Ipinagawa niya ang bahay na ito para kay Denise... para sa future nila. Pero hindi na nagiging maganda ang relasyon nila ni Denise mula nang pumunta ito ng Japan.
Sumandal siya sa sofa na nasa living room area. Nilapitan naman siya ng kaniyang kasambahay na si Manang Nena na alam na alam na kung may problema siya. Ito ang tumatayong nanay niya ngayon habang nasa Maynila ang kaniyang mama. Inaalagaan kasi nito ang bunso niyang kapatid na kapapanganak lamang.
Noong labing limang taong gulang siya ay ipinakilala siya ng kaniyang mama sa totoo niyang ama. Ngunit itinakwil siya ng kaniyang sariling ama dahil anak lamang siya sa labas. At hindi ito naniniwala na anak siya nito.
Kaya naman nag-aral siyang mabuti at naging working student para lamang ipakita sa totoo niyang ama na may mararating siya sa buhay. Magkasosyo sila ni Jared, ang kaniyang matalik na kaibigan sa negosyo.
"Gusto mo bang ipagtimpla kita ng kape, iho?" nakangiti nitong tanong sa kaniya.
"Alam na alam mo talaga, manang. Sige ho. Salamat." Tumayo siya at nagpamulsa ng kamay. "Ipahatid mo na lang kay Openg, manang." Tukoy niya sa isa pa niyang kasambahay.
"Ipinalinis ko na kay Openg iyong kuwarto mo. Alam ko kasing ngayon ang dating ni Denise. Nasaan na ba siya?"
Bumuga siya nang malalim at saka umiling. "Nasa Japan pa, manang," pagkasabi niyon ay tinalikuran niya ito.
Hindi niya alam kung hanggang kailan sila magiging ganito ni Denise. Napapagod na siyang intindihin ito nang paulit-ulit. At hindi na niya alam kung ano ang dapat niyang gawin.
Pagpasok niya sa kaniyang kuwarto ay nag-beep ang cellphone niya. Rumehistro sa screen ang number ng Sassy Wedding and Events. Kaagad niya iyong sinagot dahil alam niyang para iyon sa cancellation ng appointment ni Denise.
"Hello. This is Sassy Wedding and Events. P'wede ko po bang malaman kung kailan po ulit ang susunod ninyong appointment, sir? Dahil marami po kaming handle na weddings for this year. Hindi naman po namin p'wedeng paghintayin iyong ibang customers para bigyan kayo ng special treatment. Sa Sassy Wedding and Events po, pantay-pantay ang trato namin sa mga customers. I have to know, sir. If you are still willing to set an appointment until next month. Part po kasi iyan ng aming customer rights. Kapag hindi matutuloy ang appointment ninyo until that month. Aalisin na po namin kayo sa lists. I'm sorry, sir. But we must implement our rules," dire-diretsong sabi ng babaeng kausap niya na sa palagay niya ay mukhang galit. Hindi naman siya ang nakipag-appoinment sa mga ito kun'di si Denise dahil pinsan nito ang may-ari ng negosyong iyon.
"Fine. I cancel it," naiinis na aniya na kaagad na pinindot ang end call ng cellphone niya.
Ibinagsak niya ang sarili sa malambot niyang kama dahil sa pagod at inis na nararamdaman niya.