Nagising si Mari sa may cottage katabi ni Sid. Nabungaran niya ang maamong mukha ng binata hindi niya alam kung ano ang nangyari kagabi. Marahil sa sobra niyang kalasingan, nasapo niya ang noo at tumingin sa kaniyang kabuuan. Wala namang ni isang pirasong tela ang nabawas sa kaniyang damit. Hindi rin siya nahubaran at wala siyang nararamdaman na kakaiba.
Hindi na siya virgin... naibigay na niya sa walang kuwenta niyang ex-boyfriend ang p********e niya. At iyon ang malaking pagsisisi na nagawa niya sa buhay niya. Ang magpakatanga ay maging tanga dahil sa pag-ibig.
Nagmulat din ng mga mata si Sid. Nagtama ang kanilang mga mata at tumingin ito sa kaniyang mukha.
"Mas maganda ka pala kapag bagong gising ka, Mari." Kahit na bagong gising si Sid ay mabango pa rin ang hininga nito.
Bumangon ito at nag-inat ng braso na marahil ay namanhid dahil sa pagkakaunan niya.
"Sorry, binuhat na kasi kita kagabi patungo rito sa cottage. Hindi ko naman mahanap iyong kaibigan mong bakla kaya naisip ko na dalhin na lang kita rito. Wala akong ginawa sa iyo, maliban sa tumabi akong matulog dahil nag-aalala ako baka may mangyaring masama sa iyo kapag iniwan kita rito mag-isa." Kinuha nito ang tsinelas at saka tumayo. "Aalis na ako at---"
"Gusto mong mag-breakfast? Sorry kung naging masungit ako sa iyo. Salamat sa ginawa mo."
Ngumiti nang malapad sa kaniya si Sid. Iniabot nito ang kamay sa kaniyang harapan. At tinanggap naman niya iyon. Isinuot niya ang kaniyang tsinelas at magkasabay silang naglakad patungo sa restaurant ng hotel. Minabuti ni Mari na pumunta muna sa comfort room para makapaghilamos at para na rin makapagmumog.
Pansamantala namang bumalik si Sid sa hotel room nito dahil may importante raw na iche-check sa email nito. Nagpasya si Mari na hintayin na lamang si Sid sa may restaurant kung saan siya nito iniwan.
Habang naroon ay nag-order na si Mari ng kanilang umagahan. May free breakfast naman pero mas gusto ni Mari na kumain ng ibang putahe katulad ng buttered shrimp na nasa hot pot.
Nang bumalik si Sid ay nakabihis na ito. Nakasapatos ito at may dalang jacket na tila may pupuntahan.
"Gusto kong makasama ka for breakfast, Mari. Pero may importante akong pupuntahan. Bawi ako sa dinner." Hinawakan nito ang kaniyang balikat bago umalis.
Halos humaba ang leeg ni Mari habang nakatanaw sa binata na paalis. May sumalubong dito na isang lalaki na may magarang kotse. Tiyak na niya na mayaman ang Sid na iyon.
Habang kumakain nang nakakamay si Mari ay lumapit sa kaniya ang kaibigan niyang si Joaquin na may kasamang isang lalaki.
"Nandito ka pala. Hindi ka natulog sa kuwarto mo kagabi. Saan ka natulog?" mahinang tanong nito sa kaniya.
"Natulog ako... ikaw ang wala sa kuwarto mo." Ibinalik ni Mari ang tanong kay Joaquin. "Saan ka natulog?"
Humagikhik ito at saka isinandal ang ulo sa balikat ng lalaking kasama nito. "Saan pa... e di sa puso ng bago kong daddy. Maiwan na kita rito ha, Mari. Magdi-date pa kami ni Papa Romeo."
Kinawayan na lamang niya ang kaniyang kaibigan. At itinuon sa kinakain ang kaniyang atensyon. Problema niya ngayon kung paano niya uubusin ang mga ini-order niya. Kinapa niya sa bulsa ang kaniyang ATM. Palagi niya iyong dinadala dahil kung saan-saan siya nagpupunta.
Akala pa man din niya ay maililibre siya ni Sid. Hays, nabawasan tuloy ang pera niyang pinakaiingatan niya.
Nang matapos siyang mag-breakfast ay nagtungo siya sa hotel room niya. Naligo siya pagkatapos ay nagpalit ng damit. Kinuha niya mula sa kaniyang maleta ang libro na kaniyang binabasa. Isang libro na may pamagat na Love is You. Sa katulad niyang bigo sa pag-ibig ay magbabasa siya ng libro na tungkol sa pag-ibig. Naiiling na lumakad si Mari palabas ng hotel room niya.
Sleeveless sando ang ang suot niya at cotton short. Pinatungan niya iyon ng floral na robe na hanggang tuhod niya ang haba.
Nang makarating siya sa may cottage na tinulugan nila ni Sid ay naalala ni Mari ang binata. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lamang ang paghahanap niya sa lalaking iyon. May parte sa puso niya na gusto na itong makita at makaasaran.
Isang linggo na lang at babalik na muli sila ni Joaquin sa kanilang trabaho. Ang stressful na trabaho nila bilang wedding planner. May nakita siya kanina na nagsi-set up ng kasal sa may malapit sa dalampasigan. Mamayang gabi inaasahan na magaganap ang kasal na iyon.
May dalawang tao na naman ang naniwala sa forever. Isinandal niya ang likod sa upuan at saka binasa ang libro.
"Ang pag-ibig ay makapangyarihan. Hahamakin ang lahat makamit ka lamang," mahinang sambit ni Mari habang binabasa ang libro. Umarko ang kaniyang labi.
"Tsk. Sa una lang matamis ang pag-ibig," aniya na hindi kumbinsido sa kaniyang binabasa. Binitawan niya ang libro at saka bumuga nang malalim.
Itinadhana siyang masaktan... at hindi para maging masaya.
Nagpasya si Mari na maglakad-lakad. Hanggang sa naisipan niyang magtungo sa wedding reception ng mga ikakasal mamayang gabi. Nakipagkuwentuhan si Mari sa wedding organizers na kalaban pala ng Sassy Wedding and Events.
Nakilala siya ng mga ito nagbigay lamang siya ng simpleng idea na nagustuhan naman ng bride. Dahil doon ay wala nang nagawa si Mari nang imbitahin siya na pumunta sa kasal nito mamayang gabi.
DUMALO si Mari sa kasal ng dalawang estrangherong tao na nakilala lamang niya kanina. Sobrang saya ng bride habang naglalakad patungo sa kinaroroonan ng groom na umiiyak.
Napailing si Mari sa pag-iyak ng groom. Sa sobrang tuwa ba ni groom o dahil may matindi itong kasalanan sa bride.
Hay, sana ay maging happy ang ending ng dalawang ito. At magkaroon ng masayang pamilya... iyon ang wish niya.
Nang matapos ang kasal ay nagkaroon ng salo-salo. Habang nakaupo siya ay may lumapit sa kaniyang lalaki na long hair at may hawak na dalawang wine. Ibinigay nito sa kaniya ang isang baso at humila ng upuan palapit sa kaniya.
"Hi. Wala ka bang kasama? Kaano-ano mo iyong mga ikinasal?" sunod-sunod na tanong ng lalaki na masama ang titig sa kaniya.
"Kanina ko lang sila nakilala," blangkong sagot niya rito.
Tumayo siya at kinuha ang wine na ibinigay nito. "Excuse me ha. Ayokong sirain ang gabi ng bride kaya aalis na lang ako."
Tumawa nang mahina ang lalaki at saka sumunod sa kaniya. Nakaramdam na ng takot si Mari dahil lasing na ang lalaki at tila may balak pang masama sa kaniya.
Habang naglalakad siya ay may nabangga siyang lalaki. Hindi kasi siya tumitingin sa kaniyang dinaraanan.
"Si-Sid?" mahinang aniya nang makita kung sino ang nakabangga niya.
"Sa akin siya, bro." Hinila ng lalaki ang kamay niya.
"Bro? Damn you! Hindi kita kapatid!" singhal ni Sid sa lalaki.
Sa laki ng katawan ni Sid at sa tangkad nito ay natakot marahil ang lalaki at tumakbo na lamang ito palayo.
"Okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong sa kaniya ni Sid.
Tumango naman si Mari. "Oo, medyo natakot lang ako kanina pero kaya ko naman na patumbahin ang lalaking iyon."
Bigla siyang niyakap ni Sid. "I'm worried."
Bumilis ang t***k ng puso ni Mari habang yakap siya ni Sid. Amoy alak si Sid at namumungay pa ang mga mata.
Itinulak niya ang binata at saka siya dumistansiya rito. Hindi niya gusto ang kaniyang nararamdaman. Pakiramdam niya... tumitibok ang puso niya para sa binata na hindi naman niya lubusang kilala.