"Sino iyon?" pangungulit na tanong ni Jaoquin sa kaniya. "Ikaw, ah. Hindi ko alam na naglandi ka pala kagabi. Hindi mo man lang ako inabisuhan para naglandi rin ako. Nakakaloka ka, Mari. Alam mo ba na hinanap kita kung saan-saan kagabi."
Ibaling ni Mari ang tingin sa barbeque na hawak niya. "Hindi ako naglandi kagabi, bakla. Nalasing ako, nakilala ko ang lalaking iyon sa cottage."
"What?" malakas nitong tanong. Nilingon pa sila ng mga bakasyonista dahil sa lakas ng boses ni Joaquin. "So, ano. Nagchukchakan kayo tapos?"
"Ang laswa talaga ng bunganga mong bakla ka!" Isinubo niya rito ang barbeque. "Kumain ka na nga. Ang dami mong daldal. Huwag kang greenminded, palibhasa wala ka pang naging jowa."
"Hoy, Marigold. Sa ating dalawa, ako fresh pa lang. Ikaw, bilasang isda na no!" Inirapan siya ng kaibigan. Iniwan siya nito at umupo sa malayo. Mukhang nagtatampo sa kaniya ang inosente niyang kaibigan. Tumayo siya at sinundan ito. Inakbayan niya ang kaibigan at hinalikan sa pisngi.
"Sorry na bakla. Huwag ka na magtampo, ang ganda pa naman ng swimsuit mo kulay purple."
"Loka ka!" Itinulak siya nito ng mahina. "Nakakainis ka kasi, e."
"Sorry na nga. Hindi ko na ulit babanggitin na wala kang naging jowa. At tumuntong ka ng thirty two years old na fresh na fresh." Inakbayan niya ang kaibigan na natatawa sa kaniyang sinabi.
"Saan tayo mamasyal mamaya?" pag-iiba niya ng tanong dito.
"Sino nga ulit iyong lalaki na bumati sa iyo kanina?" pangungulit nitong tanong.
Bigla niyang nakalimutan ang pangalan ng lalaki. "Ano nga ba?" Hinawakan niya ang sintido. "Sicario yata... Sic... Sig... Si---"
"Sid." Pagtatama ng boses sa kaniyang likuran. "Sid ang pangalan ko, Mari. P'wede bang makipag-share ng table sa inyong dalawa." Nakatayo ito sa kanilang harapan ni Joaquin.
"Yes. Sure." Tinignan siya ng masama nito. At sinenyasan na ngumiti sa binata.
Napakaraming upuan naman na bakante pa paligid pero mas pinipili pa rin nitong maupo sa kanilang tabi. At talagang pinagsisiksikan ang sarili sa kanila. Naasar siya rito dahil feeling nito cute siya! Hay, Mari! Relax, highblood ka na naman!
"Ano ang tunay mong pangalan?" tanong ni Joaquin dito.
"Bakla, ano ka ba? Bakit mo itatanong ang tunay na pangalan niya. Gusto mo bang isipin niya na nagpapansin tayo," bulong niya rito. "Halika na nga, tumayo ka na riyan."
"Sorry, Papa Sid. Sige, ha. Tapos na kasi kaming kumain ni Mari. Mauna na kami, ha. Pupunta pa kasi sa Camp Sawi Destination. Gusto mong sumama?" pang-aalok ni Joaquin.
"Susunod na lang ako," sagot naman nito kay Joaquin.
Hinila niya ang kamay ng kaibigan. "Ikaw talaga!" Nagngitngit ang kaniyang ngipin. "Halika na nga!" Nauna siyang naglakad dito patungo sa dalampasigan. At pupunta sila sa dulo niyon para umupo sa malaking bato na may silungan na pinagdikit-dikit na dahon ng niyog.
"Iniiwasan mo si Papa Sid, Mari. Mukhang type mo siya, girl." Hinawi nito ang maiksing buhok. At pumalantik ang mga daliri ng kamay. "E, kaso mukhang hindi ka naman type." Itinaas nito ang scarf at inilagay iyon sa ulo nito. "Ang sarap mag-stay dito ng matagal, no? Sariwa ang mga kinakain, fresh from the sea. Tapos malamig pa ang hangin, fresh ang air. Hay, ang saya... hindi ko nakikita ang listahan ng mga clients natin next month." Kinapa nito ang mukha. At kinuha sa bulsa ang maliit nitong lotion. "Sun burn protection para sa init ng araw. Ayokong maging dinaing na bangus," maarteng sabi nito habang nagpapahid ng sunblock.
Kumuha siya ng stick at gumuhit ng broken heart sa buhangin. "Alam mo... sa edad kong ito, Joaquin. Sana may buo na akong pamilya. Iyong may baby na rin akong inaalagaan. Pagkatapos, may asawa akong pagsisilbihan. Thirty years old na ako at isang taon na lang malapit na akong maging senior citizen."
"Mari, makakatagpo ka rin ng lalaking pinapanalangin mo, no. Wait ka lang, at darating siya. At Mari... parating na siya." Naglulundag ito sa kinatatayuan.
Tumingin si Mari sa direksyon na tinitignan ni Joaquin. Si Sid ay palapit sa kaniyang kinaroroonan. Nakabukas ang polo nito at nakasuot ng black shades. Nakapamulsa ang dalawang kamay at naka-tsinelas. Bumuka ang bibig ni Joaquin sa mga abs ni Sid sa katawan.
Kinurot niya ang balakang ng kaibigan. "H-hi, Papa Sid."
"Hello sa inyo." Tumingin si Sid sa kaniya pero inirapan niya ang binata. "Hanggang kailan kayo mag-stay dito sa Isla Margarita?"
"Ako hanggang next month pa. Pero si Mari, hands on sa mga kapatid niya kaya mabilis lang ang vacation niya. Isa pa, nandito lang naman kami ni Mari dahil may wedding event kami rito next month."
Tumango si Sid. "Wedding Planners kayo?" usisa nito sa kanila. "So mga romantic pala kayong tao kung ganoon."
"Hindi lahat ng wedding planners mga romantic, Sid," pabalang niyang sabi rito.
Tumawa si Sid sa naging reaksyon niya. "Bitter ka pa lang wedding planner kung ganoon. Kung aayusin ninyo ang kasal ko. Ano ang magiging idea ninyo?"
"Lalagyan ko ng pating ang wedding reception mo."
Humalakhak ito. " I like you."
"Siraulo ka talaga," sabi ni Mari sa binata. Inawat siya ni Joaquin at inilayo sa mayabang na lalaki.
Ipagdarasal niya na huwag nang makita ang lalaki sa isla at baka makain niya ito ng buhay.
O iba ang makain mo, Mari?
Napailing siya sa kaniyang naiisip. Tinapunan niya ng masamang tingin ang binata.
HINDI maalis ang ngiti sa labi ni Sid habang nakatingin kay Mari na palayo sa kaniyang kinatatayuan. Hindi magiging boring ang pananatili niya sa Isla dahil sa dalaga.
He will enjoy her presence.
Pagsapit ng gabi ay nanuod si Sid ng fire dancers na nag-iikot sa beach. Nakaupo siya sa buhanginan habang umiinom ng beer.
Nag-ring ang kaniyang cellphone. Tinignan niya ang numero ng tumatawag. Sinagot niya ang phonecall ni Jared.
"Hey, bro," masayang bati nito sa kaniya. "So, kumusta ang pag-hunt ng sexy chicks diyan?" biro nito sa kaniya.
"Gago ka talaga. Pumunta ka rito. Magugustuhan mo rito."
Bumuga ito ng hangin sa kabilang linya. "Gusto ko sana, e. Pero pinapatawag ako ni Dad sa Company. Alam no naman si Dad. Even though ayoko na maging businessman. Dahil babae lamang ang laman ng utak ko."
"Takasan mo na lang si Tito Juancho."
"Fck. Kung p'wede nga lang, e. Enjoy your sexvacation, bro."
Napamura siya sa sinabi nitong iyon. Sexvacation. He is not here for s*x. Napailing siya sa kalokohan ng kaniyang kaibigan.
Inilagay niya ang cellphone sa kaniyang bulsa at ibinaling ang tingin sa fire dancers. Nahagip ng tingin ni Sid si Mari na sumasayaw sa malayo habang may hawak na beer tulad niya. Mukhang lasing na naman ang babae.
Wala itong tiwala sa mga lalaki dahil nasaktan na ito. At pati siya ay idinadamat nito sa listahan ng mga lalaki na hindi nito gusto. Tumayo siya sa kaniyang inuupuan at pasimpleng lumapit sa dalaga.
"Love is a lie!" malakas na sigaw nito.
"Not all love is a lie!" sigaw din niya habang nakatingin sa kalangitan.
Nilingon siya ng dalaga. "I-ikaw na naman. Ano bang alam mo sa pag-ibig ha? Naranasan mo na bang magmahal? Naranasan mo na bang masaktan? Kung hindi mo pa naranasan, wala kang pakialam sa sinasabi ko. Ikaw masiyado kang pakialamerong tao. Ipinaglihi ka ba sa panahog sa mga ulam, ha! Nakakainis ka!" Itinulak siya ng dalaga.
"Paano kung sabihin ko sa iyo na oo, nasaktan na rin ako. At oo, hanggang ngayon nasasaktan pa rin ako. Magiging magkaibigan na ba tayo dahil doon? Pero kahit na nasasaktan ako ay naniniwala pa rin ako sa tunay na pag-ibig. May nakalaan talaga sa atin para mahalin tayo. At may mga nakalaan naman para sa iba na dumating sa buhay natin para turuan tayong magmahal."
Pumuhit ang dalaga at pinahid nito ang luha sa mga mata. "Pare-pareho kayong mga lalaki, mga manloloko kayo." Humagulhol ito ng iyak at napaluhod sa buhanginan. "Mga sinungaling kayo! Mga manloloko kayo!"
Hinayaan ni Sid na umiyak si Mari. "Ilabas mo lang ang lahat ng sakit sa puso mo, Mari. Hanggang sa magawa mo nang ngumiti dahil malaya ka na sa sakit."
Humihikbi ito at nagsisigaw. Ibinuhos nito ang sakit na nararamdaman nito. Itinungga niya ang bote ng beer na mayroon pang laban. Bago niya buhatin ang dalaga na umiiyak na parang bata.
"Okay ka na ba?" tanong niya habang buhat-buhat niya ito.
Tumango si Mari sa kaniya. Ibinaba niya ang dalaga sa nakatumbang kahoy. At saka niya pinulot ang bote na pinag-inuman nila ni Mari. Bumalik siya sa tabi ni Mari matapos niyang maitapon ang bote ng beer sa recycle bin.
Umupo siyang muli sa tabi ng dalaga. "Hindi ko alam kung paano ka niloko ng nobyo mo. Pero malaki ang pagsisihan niya dahil pinakawalan ka niya."
Nilingon siya ni Mari. "Bakit ka ba palaging sumulpot sa kung saan, ha."
"Nagkataon lang na nandito ako sa lugar kung nasaan ka. Pareho lamang tayong estranghero sa isa't isa, Mari. Kung okay ka na, aalis na ako."
Hindi umimik ang dalaga sa kaniyang tabi. Iniwan niya ito na nakaupo sa kahoy at nakatingala sa kalangitan. Umiiyak pa rin ito at nakaramdam siya ng awa para rito. Nakikita niya kung paano nito minahal ang nobyo nito. At masuwerte ang lalaking iniiyakan ng isang babae. Kitang-kita niya sa mga mata ni Mari ang sakit dahil sa naging ex boyfriend nito.