HINDI maalis ang ngiti sa mga labi ni Mari habang dinadama ang kaniyang mga labi. Ang lalaking iyon... bigla na lamang siya nitong hinalikan.
Hindi maaring magkamali ngayon si Mari. Nararamdaman niya na bumibilis ang puso niya kapag nakaharap siya sa lalaking iyon. Ang boses ni Sid, ang prisensiya nito na lagi niyang hinahanap. Hindi niya alam kung tama ba ang ginagawa niya na basta na lamang siyang nakikipaglapit sa estranghero.
Dumapa si Mari at sinuntok ang unan niya. "Nandito ka para mag-move on, Mari! Hindi para makipaglandian," sermon ni Mari sa kaniyang sarili.
Nasabutan din niya ang kaniyang sarili dahil sa inis na kaniyang nararamdaman.
Habang panay at tadyak ng kaniyang paa ay biglang nag-ring ang kaniyang cellphone. Kaagad siyang bumangon at sinagot ang tawag ng kaniyang kapatid na si Lorie.
Umupo siya sa kama at hinawi ang kaniyang buhok. "May problema ba, Lorie?"
"Wala naman ate... kaso bumalik na naman kanina dito si Kuya Karl at hinahanap ka. Mabuti na lang talaga dumating si Tatay kaya umalis na rin si Kuya Karl. Paano ba naman lasing na lasing na naman at nagsisigaw dito kanina, nakakahiya, ate," pagsusumbong ng kaniyang kapatid.
Bumuga siya nang malalim. "Hindi na talaga nahiya ang lalaking iyon, Lorie. Sana nagtawag na kayo ng Baranggay. Sumusobra na si Karl, hayaan mo kapag nakauwi ako ay kakausapin ko siya," naiinis na sabi niya sa kapatid.
Gustong bumalik ni Karl sa kaniya kaya ganoon ang ginagawa nito. Kailangan nitong panindigan ang panloloko nito sa kaniya. Tsk, mabuti na lamang talaga hindi niya ipinilit na magpakasal sila noon ni Karl dahil kung hindi baka mas naging malala pa ang sitwasyon niya.
"Huwag mo nang alalahanin ate, tatawagan ko si Tatay kapag pumunta ulit dito si Kuya Karl. Enjoy ka sa vacation mo, ate. Ingat ka diyan palagi. Love you, ate," malambing na sabi ni Lorie.
"Ikaw na rin bahala diyan sa bahay. Mahal na mahal ko rin kayo."
Nagpaalam ni si Lorie. Ibinalik naman ni Mari ang kaniyang cellphone sa sling bag niya. Nasisiraan na talaga ng bait si Karl.
Dahil sa inis na nararamdaman niya ay naisip ni Mari na lumabas na ng kuwarto niya at magtungo sa kuwarto ni Joaquin. Hindi siya makakatulog kapag masakit ang loob niya. Gusto lamang niya ng kausap, taong makikinig sa kaniya.
Nakailang katok na si Mari pero hindi pa siya pinagbukbuksan ni Joaquin. Kaya naman naisip ni Mari na bumalik sa kuwarto niya. Eksakto naman na pipihitin niya ang door knob ng kuwarto niya ay palabas naman ng katabi niyang kuwarto si Sid.
"Hi. Hindi ka rin ba makatulog?" tanong nito sa kaniya.
"Medyo."
"Iniisip mo ba iyong halik ko sa iyo?" nakangiting tanong ni Sid sa kaniya.
"Ha?" Nag-init ang magkabilang pisngi niya sa sinabi ni Sid.
"So, iniisip mo nga?" Inilapit pa nito ang mukha sa kaniya. Isang pulgada na lamang ang layo nila sa isa't isa.
"Hindi no." Inilayo ni Mari ang sarili niya sa binata. Aalis ka ba?" Nakita kasi niya ang dala nitong back pack.
Tumango si Sid at malungkot na tumingin sa kaniya. "May importante lang akong pupunta. Babalik ako bukas... don't worry... matagal pa naman ang vacation ko rito sa Isla Margarita, makakasama pa kita." Kumindat ito sa kaniya.
"Tsk." Lumabi si Mari. "Naku, lumang style. Sige na umalis ka na." Nakabukas na ang pinto ng kuwarto niya nang hilain ni Sid ang kaniyang kamay para yakapin siya.
Tsk, ano bang meron si Sid at hindi matigil ang mabilis na t***k ng puso niya.
Malungkot itong nagpaalam sa kaniya. Mukhang may pinagdadaanan ngayon si Sid. Nalungkot dim tuloy siya dahil sa malungkot na aura ng binata.
Pumasok si Mari sa loob ng kaniyang kuwarto at ini-lock iyon. Sa kabila ng mga kasawiang pinagdaanan niya sa pag-ibig. Hindi na dapat siya mabilis malokonng mga lalaki. Hindi niya kilala si Sid, paano kung may asawa pala ito, may mga anak, tapos heto siya at pumapayag na makipaglandian dito. Tsk!
No. Mari!
MAAGANG nagising si Mari para puntahan ang kaniyang kaibigan sa kuwarto nito. Kaagad namang bumukas ang kuwarto ni Joaquin. Bagong ligo ang kaniyang kaibigan. May headband itong kulay pink at nakasuot ng pink na dress din na may design na yellow flowers.
"In love ka?" usisa niya sa kaibigan.
Umupo si Mari sa sofa at itinaas ang kaniyang mga paa doon.
"Hindi ko alam kung love na nga ba ito, Mari. Eh, kaso ayoko naman na mag-assume na may gusto na sa akin si Papa Axel."
"Axel? Ibang lalaki?"
Inihagis ni Joaquin sa kaniya ang toilet tissue paper. Sinalo naman niya iyon at nilayo sa kaniyang kamay.
"Syempre... susubok tayo ng ibang lalaki. Ikaw ba? Kayo ni Papa Sid?" nagningning ang mga mata nito habang nakatingin sa kaniya.
"Wala namang meron sa aming dalawa ni Sid, Joaquin. Maliban na lang sa..."
Mabilis itong umupo sa kaniyang tabi. "s*x?"
"Ang bastos talaga ng bibig mo!" Reklamo niya rito.
"Eh ano nga?"
"Magkaibigan lang kami ni Sid, Joaquin. At kung may iba kang iniisip, tumigil ka na baka mamaya maipakin ko sa iyo itong tissue na hawak ko." Inirapan niya ito.
"Ikaw naman, Mari, hindi ka mabiro. High blood ka na naman!"
Bumuga siya nang malalim nang maalala ang isinumbong ni Lorie.
"Paano ba naman kasi... sumugod na naman sa bahay namin si Karl at lasing na lasing kagabi. Tumawa si Lorie at sinabi niya na hinahanap ako ng gagong iyon."
"Ano? Ang kapal ng mukha niya a! Ano naman ang gagawin mo? Baka mamaya lumambot ang puso mo at bigla kang sumama kay Karl. Naku, Mari, makakalbo talaga kita kapag naging tanga ka na naman at naniwala sa lalaking iyon," sermon sa kaniya ni Joaquin.
"Kilala mo ako Joaquin. Kapag sinabi ko, ginagawa ko. Naaawa lang ako ngayon kay Yvet."
"Eh, ganoon talaga ang mangyayari. Inagaw lang naman niya sa iyo si Karl kaya babalik sa kaniya ang karma." Umikot ang mga mata ni Joaquin. "Ang babaeng mang-aagaw hindi kailanman sumasaya, tandaan mo iyan."
"Grabe ka naman."
"O, bakit? May kasabihan nga. Huwag mong gagawin sa kapwa mo ang ayaw mong gawin nila sa iyo. Deserve ni Yvet na magdusa dahil traydor siyang kaibigan at ahas siya!" nanggigigil na sabi pa ni Joaquin.
"Hay naku!" Tumayo si Mari para iligaw ang pagkagigil ng kaniyang kaibigan sa dati niyang kasintahan. Inaya niya itong kumain ng breakfast para maiba ang kanilang usapan.