-=Rebecca's Point of View=-
Hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwala na wala na si Aling Tessy, wala na ang matalik na kaibigan ni Nanay, ang tanging taong nagparamdam sa akin ng pagmamahal na hinding-hindi ko naramdaman sa tunay kong mga kamag-anak.
Hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko nang dahil sa nangyari dito, kung nakaalis lang kami siguro bago pa man tuluyang tumama ang bagyo sa lugar namin ay baka buhay pa din ito.
Dahil sa punong-puno pa din ang eskwelahan ng mga taong nasalanta ng bagyo ay naging mahirap para sa amin na makahanap ng pagbuburulan kay Aling Tessy, hanggang sa maawa sa amin ang namamahala ng paaralan, at payagan kaming gamitin ang maliit na banyo sa bandang likuran ng paaralan.
Nagtulong-tulong ang mga kasama namin sa paaralan para makagawa ng kahon na paglalagakan ng katawan ni Aling Tessy, at nang makita ko ang kalagayan ni Aling Tessy ay labis ang awang nararamdaman ko para sa kanya.
"Umiiyak ka na naman," narinig kong boses sa bandang likuran ko, at nang lingunin ko kung sino ito ay nakita ko ang kaparehong ginang na nakasama namin sa classroom na tinutuluyan namin, at siyang tumulong sa amin para maayos si Aling Tessy.
Nang marinig ko nga iyon ay agad kong hinawakan ang mukha ko, at saka ko pa lang nalaman na malayang dumaloy ang mga luha sa mga mata ko nang hindi ko namamalayan.
Dali-dali ko iyong pinunasan, at matapos noon ay pinilit kong ngumiti.
"Nalulungkot kasi ako Aling Fe, at naawa sa kinahinatnatan ni Aling Tessy, napakabuti niyang tao, at hindi dapat nangyari sa kanya ang bagay na ito," puno ng awa kong sinabi.
Narinig ko naman ang malalim nitong paghinga bago tuluyang magsalita. "Huwag mong sisihin ang sarili mo Rebecca, wala namang may gustong mangyari ang bagay na ito, wala naman sigurong kahit na sino ang kayang pumigil ng bagyo."
"Alam ko naman po iyon, pero awang-awa pa din ako kay Aling Tessy," muli na naman naglandas ang mga luha sa mga mata ko, habang sinasabi ang bagay na iyon.
Naramdaman ko naman ang paghagod ng kamay ni Aling Fe sa likuran ko na para bang pinaparamdaman nito sa akin na magiging maayos din ang lahat, ngunit nang dahil sa ginawa nito ay mas lalong lumakas lang ang pag-iyak ko.
Minabuti ni Aling Fe na hayaan akong ilabas ang lahat ng sama ng loob ko, at matapos nga ang mahigit na sampung minuto ay nahimasmasan na din ako.
"Alam kong mahirap, Rebecca, pero kailangan mong magpatuloy kahit na wala na si Aling Tessy. Isipin mo ang anak mo, at ang kinabukasan niya," nakangiting payo ni Aling Fe.
Nang marinig ko nga ang bagay na iyon ay agad akong napatingin sa mukha ng natutulog kong anak, habang nakatingin ako sa maamong mukha nito ay bigla akong nakaramdaman kakaibang lakas para magpatuloy.
Tama si Aling Fe, hindi ako maaring sumuko, dahil nandito pa ang anak ko; kailangan kong protektahan siya sa lahat ng oras at sa mga taong gusto siyang mapahamak.
"Nanay!" Ilang sandali pa ang nakalipas nang makarinig kami ng may tumatawag, at ilang sandali nga lang ay nakita ko ang paghangos ng isang sampung taon gulang na bata.
"Bakit ka ba humahangos diyan, Marcus?" Tanong ni Aling Fe sa bagong dating, ang bagong dating kasi ay ang anak ni Aling Fe.
"Meron kasing pamilya na nagbibigay ng pagkain sa labas," ang sagot nito, at nang marinig nga iyon ay saka lang namin napansin ang hawak nitong packed lunch.
"Mabuti pang pumila na muna tayo doon, Rebecca, hayaan mo na muna si Marcus dito," nakangiting sinabi ni Aling Fe.
Noong una ay nag-alangan akong iwanan si Aling Tessy, pero kalaunan ay napilit na din ako nito, kaya naman magkasabay na kaming tinunton ang lugar na sinabi ni Marcus na nabibigay ng pagkain.
Sampung minuto din ang ginugol namin hanggang sa makalabas kami sa lugar na iyon, medyo tago kasi ang pinaglagakan namin sa katawan ni Aling Tessy, at nang makalabas nga kami ay agad naming nakita ang pila ng mga pagkain.
"Ayon pala si Rodrigo," nakangiting turo nito sa asawa, at nang sundan ko ang tinuturo ko ay nakita ko nga ang asawa nito na si Mang Rodrigo, at ang isa pa nitong anak na si Marina.
Nauna na itong maglakad para puntahan ang mag-ama nito, pasunod na sana ako nang bigla akong matigilan nang tuluyan kong makita kung sino ang namimigay ng pagkain.
Kung kanina ay nahimasmasan na ako, at naging kalmado na ang pakiramdam ko ay biglang nagbalik sa akin ang lahat ng paghihirap na dinanas namin ni Aling Tessy.
Muli kong naalala ang kawalang-puso ng dapat sanang mga taong tumulong sa amin sa oras na may ganitong sakuna, hindi namalayan ni Aling Fe ang hindi ko pagsunod, at dahil na din sa takot na may magawa akong masama ay minabuti ko na lang na bumalik na lang kung nasaan ang katawan ni Aling Fe.
"Bakit nakabalik ka na agad, Ate Rebecca?" Ang inosenteng tanong ni Marcus.
Naabutan ko itong abala sa pagkain nito, at nang alukin ako nito ay agad akong tumanggi, hinding-hindi ko makakayang kumain ng pagkain na galing sa pamilyang iyon.
Lumipas ang bente minutos nang muling magbalik si Aling Fe, may dala na itong mga pagkain, at ang isa nga ay inabot sa akin, ngunit katulad kanina ay agad ko iyong tinanggihan.
"Anong nangyari, Rebecca? Akala ko kasunod na kita, pero pag lingon ko ay wala ka na, at ngayon naman ay ayaw mong tanggapin ang pagkain na ito," naguguluhang tanong nito.
"I'm sorry, Aling Fe, pero mas gugustuhin ko pang magutom kaysa kainin ang pagkain mula sa pamilyang iyon," puno ng galit kong sinabi nito na lalong nagpalito sa matanda.
"Hindi ko naiintindihan, hija," gulong-gulo nitong tanong.
"Ang mga taong nagpapamigay ng pagkain na iyan ay ang mga kamag-anak ko," malungkot kong sinabi dito, at para mas maintindihan nito ang pinagdadaanan ko ay minabuti kong ikuwento sa kanya ang kalupitan na pinagdaanan ko kela Tiya Sophia at sa mga anak nito, at kung paano nila kami tinaboy ni Aling Fe sa oras ng pangangailangan.
Hindi naman makapaniwala si Aling Fe, habang nakikinig sa kuwento ko patungkol sa mapagkunwaring kabutihan na pinapakita ni Tiya Sophia, at nang pamilya nito.
"Kung hindi dahil sa kanila ay baka hindi nawala si Aling Tessy, kaya hinding-hindi ko sila mapapatawad," galit na galit kong sinabi dito.
"Sobra pala ang naranasan mo sa mga kamag-anak mo, Rebecca," gulat na gulat nitong sinabi.
Maski kasi ito ay hindi makapaniwala na magagawa ng tiyahin ko na pagtabuyan kami nito sa oras ng sakunang ito, naturingan pa naman na kapatid ito ni Tatay.
"Naiintindihan ko ang galit na nararamdaman mo, Rebecca, pero huwag naman sanang manatili sa puso mo ang galit, umaasa ako na dadating ang panahon na matutuhan mo ding magpatawad," mahinahon na sinabi ni Aling Fe.
"Hindi ko po alam kung mapapatawad ko sila, Aling Fe. Labis ang ginawa nila sa amin ni Aling Tessy, at nang anak ko," umiiling na sagot ko dito.
Minabuti ni Aling Fe na huwag ng magsalita, hindi na din niya ako pinilit na kainin ang pagkain na nakuha nito kela Tiya Sophia, dahil kahit anong pilit nito ay hinding-hindi ko kakainin ang pagkain na galing sa mga taong iyon.