CHAPTER 5: Pamamaalam

1860 Words
-=Rebecca's Point of View=- Ilang araw din kaming nanatili sa naturang paaralan na iyon, at sa mga nakalipas na mga araw ay hindi ko iniwan ang labi ni Aling Tessy. Masakit pa din para sa akin ang kinahinatnatan ng matalik na kaibigan ni Nanay, dahil tinuring ko na din siya bilang pangalawang magulang ko, kaya naman ganoon na lang ang galit na nararamdaman ko sa pamilya ni Tiya Sophia. Kung pinatuloy lang sana kami ng mga ito ay marahil ay buhay pa din si Aling Tessy, pero dahil sa kawalang puso ng mga ito ay nawala si Aling Tessy, kaya nga nang malaman kong namimigay sila ng pagkain sa paaralan kung nasaan kami ay hindi ko mapigilan ang mangilabot. Napakamapagpanggat nila na matulungin sila, ngunit ang totoo ay nagbabalatkayo lang sila, dahil kung totoong mabuting tao sila ay hindi nila kami ipagtatabuyan noong nagmamakaawa kaming makituloy sa bahay nila. "Tayong dalawa na lang, Giselle," malungkot kong sinabi sa karga-karga kong sanggol, at para naman nakakaintindi itong ngumiti sa akin, at hinawakan ng maliit nitong kamay ang kamay ko. Kahit nalulungkot ay hindi ko mapigilan ang mapangiti nang makita ko ang ngiting iyon ng anak ko, alam ko naman na kailangan ko pa ding magpatuloy para sa anak ko. Lumipas pa ang mga araw, hanggang sa may isang politiko ang nakaalam patungkol sa nangyari kay Aling Tessy, at sa tulong na din ng naturang politiko ay napalibing namin ang kaawa-awang matanda. Sinabi ko na sa sarili ko na hinding-hindi na ako iiyak, ngunit hindi ko pa din pala kaya habang hinahatid namin si Aling Tessy sa huling hantungan. Malayang naglalandas ang mga luha sa mga mata ko habang nakasunod sa karo ng patay, kung nasaan ang katawan ni Aling Tessy, hindi ko pa din kasing matanggap na sa ganito lang nagtapos ang buhay ni Aling Tessy na naging napakabuti sa akin lalo na nang palayasin, at itakwil ako ni Tiya Sophia. Tanging si Aling Fe, at ang pamilya nito lamang ang kasama ko sa paghahatid namin kay Aling Tessy sa huling hantungan, hanggang sa huli ay awang-awa ako kay Aling Tessy. Inabot din siguro ng mga trenta minutos hanggang sa makarating kami sa sementeryo, isang maliit na libingan lang ang nakuha namin para kay Aling Tessy, hindi naman kasi kalakihan ang perang dinonate ng naturang politiko. Mabuti na lang, at may napakiusapan kaming pari na siyang magbabasbas kay Aling Tessy, inabot lang ng halos sampung minuto ang sermon ng pari, hanggang sa kinakailangan ng ipasok ang kabao ni Aling Tessy sa puntod, at sa parteng iyon ay mas lalong lumakas ang pag-iyak ko. Marahil ay naramdaman ni Giselle ang labis na pagdadalahamti ko, kaya ito man din ay umiyak ng malakas. Hindi ako umalis hanggang sa tuluyan na ngang nasimentuhan ang puntod nito, at matapos kong taimtim na nagdasal ay saka pa lang kaming umalis sa lugar na iyon. "Lakasan mo ang loob mo, Rebecca," ang sinabi ni Aling Fe. "Opo, kailangan kong magpakatatag para sa anak ko," pilit na ngiting tugon ko dito. Minabuti naming bumalik na muna sa school na tinutuluyan namin, para kuhanin ang mga gamit na naiwan namin sa lugar na iyon. Sa loob kasi ng ilang araw naming pananatili sa paaralan ay may mga nagpadala ng mga donations katulad ng mga damit, pagkain, inumin, at mga gamot. Mas ok na din iyon para makapagsimula, kaysa naman magsimula sa walang-wala. "Ano ng balak mo niyan?" Narinig kong tanong ni Aling Fe, habang pareho kaming nag-aayos ng mga gamit namin. "Hindi ko din alam, Aling Fe, pero gusto ko na lang umalis sa lugar na ito," sagot ko dito. Masyadong masakit kasi ang mga naranasan ko sa lugar na ito, mula sa pagmamalupit sa akin ng sarili kong kamag-anak, hanggang sa hindi pagtupad sa pangako ng tanging lalaking minahal, at pinag-alayan ko ng sarili, at ngayong nga sa pagkawala ni Aling Tessy. Mas gugustuhin ko na lang na umalis sa lugar na ito, kung saan ko gustong magpunta ay hindi ko pa alam, wala din naman kasi akong kapera-pera dahil ang perang meron ako ay nagamit ko din sa pagpapalibing ni Aling Tessy. "Bakit hindi ka na lang sumama sa amin sa Maynila, bago ang bagyo ay nagbabalak na kami ng asawa ko na lumuwas sa Maynila, at kung hindi lang dahil sa nangyaring bagyo ay baka nandoon na kami dapat," ang sinabi ni Aling Fe. "Si...sigurado po kayo na puwede akong sumama sa inyo?" Hindi makapaniwalang tanong ko dito. "Oo naman, alam ko naman kasi kung gaano kang kabuti, kaya kung gusto mong makaalis sa lugar na ito ay matutulungan kita," nakangiti nitong sinabi. Dahil sa labis na tuwa ay hindi ko na napigilan ang sarili kong yakapin ito, hindi ko akalain na meron pang ibang mabubuting mga tao sa mundong ito. Hindi porke't kamag-anak mo ay magiging mabuti na ang trato sa iyo, madalas sa madalas nga ay mas mabuti pa ang trato ng hindi mo kaano-ano, kaysa kadugo mo. Napagpasyahan ni Aling Fe na umalis sila dalawang araw mula ngayon, kaya naman nagkaroon ako ng pagkakataon para mabalikan ang dati naming bahay. Minabuti kong iwananan na muna si Giselle sa pangangalaga ni Aling Fe nang magpasya akong magpunta sa bahay namin, hinanda ko na ang sarili ko sa kung anong dadatnatan kong bahay, ngunit iba pa din pala sa pakiramdam kapag nakita mo na ang nangyari sa bahay na iyon. Hindi ko maiwasang manlumo nang makita ko ang natira sa bahay namin, wala na ang bubong, at tanging ang pundasyon na lamang ng bahay ang nakatayo. Oo nga at hindi naging madali ang buhay para sa amin ni Aling Tessy, pero saksi din ang bahay na iyon kung paano ang pagmamahalan sa pagitan naming tatlo ni Aling Tessy, at ng anak ko. Minabuti kong pumasok para tumingin ng mga bagay na maari ko pang pakinabangan, at dalhin sa Maynila, ngunit kahit ang mga damit namin na naroon ay hindi na din mapapakinabangan dahil warak-warak na halos ang mga iyon. Halos walang tinira ang bagyo para sa amin, at napakasakit para sa akin iyon, ngunit katulad nga ng sinabi ko kay Aling Fe ay hindi ako susuko para sa anak ko. Alang-alang sa anak ko ay magpapatuloy ako, kailangan kong tatagan ang sarili ko para sa kinabukasan ni Giselle, hinding-hindi ko hahayaan na maranasan nito ang naranasan kong paghihirap. Nagpatuloy ako sa paghahanap, ngunit wala akong nakitang mga gamit na puwede pang pakinabangan, at matapos nga ang dalawangpung minuto ay nagpasya na akong umalis. Palabas na sana ako ng bahay ng isang bilog na bagay ang tumawag ng atensyon ko, kaya naman dali-dali ko iyong nilapitan, nakaipit kasi iyon sa tumumbang dinding ng bahay, kaya hindi ko agad ito napansin. Ang naturang bilog na bagay na iyon ay lata ng biskwit na pagmamay-ari ni Aling Tessy nang nabubuhay pa ito, sa totoo lang ay hindi ko alam kung anong laman noon, at hindi ko din nagawang tanungin ito sa bagay na iyon. Sa pagkataranta ni Aling Tessy nang dumating ang bagyo ay nawala sa isip nito marahil na dalhin ang bagay na ito, hindi ko naman alam kung dapat ko bang buksan ang latang iyon, unang-una ay hindi ko naman pagmamay-ari ang lata na ito, ngunit ilang minuto pa ang nakalipas hanggang sa tuluyang nanaig ang kuryusidad sa loob ko. Dala marahil sa pagkakabasa nito ay nahirap akong buksan ang naturang lata, kaya naman kinailangan ko pang maghanap ng maisusungkit dito, at matapos pa ang limang minuto ay nabuksan ko na din iyon. Tumambad sa akin ang iba't-ibang larawan ni Aling Tessy, meron itong mga larawan noong bata pa lang ito, meron din namang mga larawan na kasama nito si Nanay na naging dahilan para maging emosyonal ako. Wala kasi akong masyadong larawan ni Nanay, kaya nang makita ko ang larawan nito ay hindi ko mapigilan ang malungkot, nagpatuloy ako sa pagtingin ng mga larawan na naroon, at ilang sandali lang ay napangiti na din ako. Makikita kasi sa mga larawan na naroon, kung gaanong naging kasaya ang naging buhay ni Aling Tessy, kahit na nga ba payak ang pamumuhay nilang pamilya. "Ano ito?" Sa loob-loob ko nang may mapansin akong tila tela sa loob ng lata, tutal naman ay tinignan ko na ang mga naroon ay tignan ko na din ang laman ng telang iyon, at ganoon na lang ang pagkagulat ko nang bumungad sa akin ang laman noon. Bigla akong napaiyak nang makita ko ang perang naroon, mula sa bente, hanggang sa limangdaang piso ang naroon sa naturang tela, ngunit ang isang nakatuping papel ang tumawag sa atensyon ko. Agad kong inabot ang naturang papel, at saka ko pa lang napansin ang panginginig ng kamay ko nang tuluyan kong mahawakan ang nakatuping papel. Mahal kong Rebecca, Hindi ko pa man nababasa ang naturang sulat ay agad na akong napaiyak nang mabasa ko ang panimula ng liham ni aling Tessy, hanggang sa huli kasi ay kapakanan ko pa din ang iniisip nito. Dali-dali kong pinunasan ang mga luhang naglandas sa mga mata ko, at tuluyang binasa ang liham ni Aling Tessy, ngunit mas lalong lumakas ang pag-iyak ko nang nagpatuloy ako sa pagbabasa. Ayon sa sulat ni Aling Tessy ay nagpapasalamat ito dahil nakasama niya kami ni Giselle, kahit daw mag-isa lang ito ay naging masaya ang buhay nito nang dumating kami ni Giselle sa buhay niya, at ayon pa sa liham nito ay nalaman kong nag-iipon si Aling Tessy para ibigay sa akin. "Mangako ka sa akin na hinding-hindi ka susuko, magpatuloy ka para kay Giselle, at para sa oras na magkita kami ng Nanay mo ay hindi ako mahihiyang harapin siya," Napangiti naman ako dahil nagawa pa nitong magbiro sa liham nito. Maingat kong tinupi ang naturang liham at binalik iyon sa lata, sandali kong inayos ang papel, at nalaman kong nagkakahalaga iyon ng kulang-kulang sa sampung libong piso. Hindi man kalakihan iyon ay malaking tulong na iyon para makapagsimula kami ni Giselle sa Maynila, kaya naman labis ang pagpapasalamat kong ito kay Aling Tessy. "Maraming salamat, Aling Tessy, hinding-hindi ko kayo makakalimutan, at pangako, hinding-hindi ako susuko," mahina kong bulong, at hindi ko alam kung nagkataon lang, pero nakaramdam ako ng mabining hangin na tila ba yumakap sa akin. Sandali pa akong nanatili sa lugar na iyon, hanggang sa wakas ay kinailangan ko ng bumalik sa paaralan, nahihiya naman ako kay Aling Fe, kung sakaling patagalin ko pa ang pagpapabantay kay Giselle sa kanya. Ngayong nagbabalak akong magpunta sa Maynila ay alam kong matatagalan siguro bago ako makabalik sa lugar na ito, ngunit pinangako ko sa sarili ko na sa oras na makapag-ipon ako ay babalik ako sa lugar na ito para bigyan ng pagbubugay ang isang mabuting tao na katulad ni Aling Tessy, at para na din pagbayarin ko sila Tiya Sophia sa ginawa nilang kasamaan. Habang naglalakad ay unti-unti ko ng naiisip ang mga gagawin ko kapag nakarating na kami sa Maynila, at mas lalong tumindi ang kagustuhan kong magtagumpay, hindi lang para patunayan ko kela Tiya Sophia na maling-mali sila sa mga pinaggagawa nila sa akin, kung hindi lalo para sa kinabukasan, at kapakanan ng anak ko. "Hinding-hindi ako susuko," sa loob-loob ko na may panibagong determinasyon sa puso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD