CHAPTER 6: Utang na Loob

2020 Words
-=Rebecca's Point of View=- "Huwag kang magtatagal, Rebecca, bago magtanghalian ay aalis na tayo," ang narinig kong sinabi ni Aling Fe nang magpaalam ako sa kanya. "Opo, may gusto lang po akong puntahan," sagot ko naman dito, at matapos nga noon ay tuluyan na akong umalis. Tuloy na tuloy na ang pag-alis namin kasama ang pamilya ni Aling Fe, susubukan kong hanapin ang suwerte ko sa Maynila, hindi naman lingid sa akin na hindi lahat ng nagpupunta sa Maynila ay nagtatagumpay, pero gusto ko pa ding subukan. Ngayong wala na si Aling Tessy ay wala ng pumipigil sa akin na alisan ang lugar na ito, ang lugar kung saan ko naranasan ang masaktan, mabigo, at kung ano-ano pang masasakit na bagay na naranasan ko, ngunit bago kami umalis ay hindi ko pa din natiis na hindi balikan ang lugar na iyon. Minabuti kong huwag ng isama pa si Giselle, dahil paniguradong mahihirapan lang ako kapag bumalik na ako, at maliban pa doon ay kawawa naman ito kung sakaling mainitan. Matapos kasi ang bagyong dumaan sa lugar namin ay pumalit naman ang nakakapasong init, pero mas gugustuhin ko pa ito, kaysa naman muli naming maranasan ang bagyo na naging dahilan para mawala ang isa sa mga pinakaimportanteng tao sa buhay ko. Nanatili sa dibdib ko ang pangako ko kay Aling Tessy na sa oras na magtagumpay ako ay muli akong babalik sa lugar na ito para bigyan siya ng mas maayos na libingan. Hinding-hindi ko kakalimutan ang kabutihan nito, hindi lang sa akin pati na din kay Nanay, at lalong-lalo na kay Giselle na hindi na nito tinuring na iba. Minabuti kong maglakad na lang, dahil naranasan ko ang hirap pabalik sa kung saan nakatayo ang bahay namin, kahit nga ang tricycle ay hindi makakadaan. Halos ng nadadaanan ko ay wakas ang mga kabahayan, ngunit makikita kong kahit ganoon ay masaya pa din sila. Kilala naman kasi ang mga Filipino na masayahin kahit sa harap ng sakuna. Siguro ganito din ako, kung hindi lang nawalan ako ng mahal sa buhay, kung hindi lang nawala si Aling Tessy. Hindi ko ininda ang init ng araw, at nagpatuloy ako sa paglalakad, inabot din ako ng halos dalawang oras hanggang sa makarating ako sa kinatatayuan ng bahay namin, ngunit hindi iyon ang pakay ko, kung hindi ang kagubatan sa bandang harapan lang bahay namin. Kahit ang gubat na ito ay hindi nakaligtas sa hagupit ng bagyo, madaming mga puno ang nabuwal dala ng lakas ng hangin ng bagyo, at hindi naging madali para sa akin ang daanan ang madalas kong dinadaanan papunta sa lugar na iyon. Inabot ako ng isang oras hanggang sa wakas ay makarating ako sa lugar na iyon, kataka-taka na hindi masyadong nasalanta ang lugar na ito. Ang lugar na ito kung saan madalas kaming nagkikita ng lalaki na may berdeng mga mata, si Oliver, muling nanariwa sa akin ang labis na sakit nang maalala ko ang huling pagkikita namin. "Nangako ka sa akin na magkasama nating papalakihin ang anak natin, pero ilang taon na ngunit hindi ka pa din nagbabalik," ang sinabi ko na para bang nakikipag-usap sa hangin. Kahit anong pilit kong kalimutan si Olver ay hindi pa din mawala-wala siya sa puso ko, oo nga at malaki ang galit ko sa kanya, ngunit hindi pa din nawala sa puso ko ang pag-asang baka bumalik siya, ngunit kailangan ko ng pakawalan ang sarili ko mula sa ala-ala niya. Ngayong aalis na ako sa lugar na ito ay tuluyan ko na ding ibabaon sa limot ang ala-ala ko sa lalaking una kong minahal, ang unang lalaking pinag-alayan ko ng sarili, at ang ama ng pinakamamahal kong si Giselle. Habang nakaupo ako, at nakatingin sa malayo ay parang nanumbalik sa akin ang unang beses na pagkikita namin, noong una ay natakot ako dito, lalo na, at kakaiba ang kulay ng mga mata nito, naalala ko kasing may mga matatandang nagsasabi sa akin na may mga engkanto daw sa parteng ito ng gubat, ngunit dahil matigas ang ulo ko ay nagtutungo pa din ako. Ngunit napatunayan ko na hindi ito engkanto, at nagpatuloy nga ang pakikipagkita ko sa kanya, hanggang sa tuluyang mahulog ang loob namin sa isa't-isa na naging dahilan para may mangyari sa amin, at mabuntis ako. Umasa akong magiging masaya ang pagsasama namin, ngunit hindi nangyari ang bagay na iyon, dahil bigla na lang itong naglaho, hindi man lang ito nagpaalam. Naisip ko ngang baka isang ilusyon lang ang nangyari sa aming dalawa, ngunit malabo iyon dahil sa anak naming si Giselle na bunga ng aming pagmamahalan, o maaring pagmamahal ko lang sa kanya. Inabot din ako ng halos isang oras sa lugar na iyon, at matapos nga noon ay nagpasya na akong bumalik sa paaralan, kung saan pa din kami nananatili nila Aling Fe. Nakakahiya naman kung magtagal pa ako dito, nakakahiyang paghintayin ko pa sila gayong makikisabay lang naman ako sa kanila, wala naman kasi akong balak hanggang sa Maynila ay abalahin pa sila. Sobrang bigat ng dibdib ko nang tuluyan ko ng lisanin ang lugar na iyon, sa mga oras na ito ay tuluyan ko ng pinapakawalan ang sarili ko mula sa ala-ala ng kahapon. Muli kong tinahak ang pabalik sa kinatatayuan ng bahay namin, at ganoon na lang ang pagkagulat ko nang maabutan ko si Tiya Sophia, kasama nito ang anak na si Amanda. "A...anong ginagawa ninyo dito?" Naguguluhang tanong ko sa kanila. Halata naman ang pagkagulat sa mga ito nang bigla akong magsalita, hindi kasi nila napansin ang pagdating kong iyon, at maliban pa doon ay sa gubat ako nanggaling. "Buhay ka pa pala," ang nakaismid na sinabi ni Tiya Sophia. Kahit na anong pilit kong huwag magpaapekto sa mga ito ay hindi ko pa din napigilan ang masaktan, imbes kasi na kumustahin nito ang kalagayan namin ay nagawa pa nitong magsalita ng ganito. "Anong ginagawa ninyo dito?" Muli kong tanong dito. "Well, nalaman kong namatay na pala si Tessy, kaya naman naisipan kong kuhanin ang lupang kinatitirikan ng bagay na ito," walang-pusong sagot nito. Hindi ako makapaniwala kung gaano kawalanghiya ng mga ito, matapos nila kaming ipagtabuyan sa gitna ng bagyo ay naisip pa nilang angkinin ang lupain na ito. "Hindi ako makakapayag!" May diin kong sinabi, at ganoon na lang ang pagkagulat ng mga ito, dahil ito ang unang beses na nagsalita ako ng ganito. Sobra na sila, at hindi ko na mapapalagpas pa ang ginagawa nilang kawalanghiyaan sa akin, at sa mga taong mahala para sa akin, oo nga at binabalak kong umalis, pero hindi naman makakaya ng kalooban ko na hayaan mapunta sa kanila ang kakapiranggot na lupang ito. "Wala kang galang!" Galit na galit na sinabi ni Tiya Sophia, agad na lumipad ang kamay nito sa mukha ko, ngunit bago pa man dumapo iyon sa mukha ko ay agad ko na iyong napigilan, at laking gulat nito nang bigla ko siya isayla sa lupa. "Wala kayong puso!" Galit na galit kong singhal sa mag-ina, bigla naman ang pagkamutla ng mukha ng mga ito. Kung noon ay sunud-sunuran lang ako, at hinahayaan ko silang saktan ako, ngunit ngayon ay hindi na. Malaking bahagi ng pagkatao ko ang nawala nang mawala si Aling Tessy, kaya naman hindi na ako magpapaapi sa mga ito. "Ang kapal ng mukha mong pagsalitaan kami ng ganito, Rebecca! Wala kang utang na loob!" Galit naman na singhal na sinabi ni Amanda habang dinadaluhan ang ina. "Utang na loob? Anong karapatan ninyong manumbat ng utang na loob, gayong bawat pagkain na pinapakain ninyo sa akin ay pinaghihirapan ko! Bawat butil, bawat tubig na galing sa inyo ay pinagtatrabahuan ko, kung tutuusin pa nga ay may utang pa kayo sa akin, dahil sa ginawa ninyong pagpapahirap sa akin!" Singhal ko kay Amanda. Natahimik naman ang mag-ina nang marinig iyon, at sa mga oras na iyon ay parang sumabog na bulkan ang nararamdaman ko. Magmula pa lang noon ay tinago ko na ang lahat ng galit, sama ng loob, at lungkot ko ng dahil sa kanila, pero sa ginawa nilang ito ay tuluyan ng humulagpos ang paninibugho sa dibdib ko. "Naturingan ko kayong mga kamag-anak, pero trinato ninyo ba akong kapamilya? Trinato ninyo ba akong tao?! Sa oras ng bagyo, imbes na patuluyin ninyo ako ay tinaboy pa ninyo ako! Mga wala kayong awa, wala kayong puso! Hindi kayo tao!" Galit na galit kong sigaw sa kanila. Hinayaan ko ang mga luhang nag-uunahan sa pagdaloy sa mga mata ko, matagal kong kinimkim ang sama ng loob kong ito kaya wala kahit na sino ang makakapigil sa akin, ngunit laking gulat ko nang isang malakas na sampal ang dumapo sa mukha ko, sa sobrang lakas nga noon ay tumumba ako sa lupa. Agad kong nilingon ang bagong dating, at nalaman kong si Diego pala iyon, ang binatang anak ni Tiya Sophia, nang makita ang bagong dating ay para naman nakahanap ng kakampi ang mag-ina. "Mabuti na lang, at dumating ka, kung hindi ay baka tuluyan kaming nasaktan ng walang utang na loob na babaeng iyan," tila kawawang sinabi ni Tiya Sophia dito na sinusugan naman ni Amanda. "Oo nga, alam mo bang sinalya niya si Mommy, kaya nga bumagsak siya sa lupa," pagsusumbong naman ni Amanda, hindi nito sinabi na kaya ko ito sinalya ay dahil sa tangka nitong p********l sa akin. "Ang lakas naman ng loob mo na saktan ang sarili mong tiyahin," may galit sa boses nitong sinabi, habang matiim itong nakatingin sa akin, ngunit imbes na matakot ay isang mapait na ngiti ang nanilay sa mga labi ko. "Tiyahin? Alam mo na kahit kailan ay hindi naging tiyahin sa akin ang babaeng iyan, hindi naman pamangkin ang turing niya sa akin magmula palang noon, kung hindi isang kasambahay!" Matapang kong sinabi dito, hindi naman ito nakaimik kaya nagpatuloy ako. "Sa totoo lang, mas mabuti pa nga ang kasambahay, dahil kahit paano ay pinapasahod sila, pero ako, kahit na piso ay walang binigay sa akin, at ano? Isusumbat ninyo sa akin ang pagkain, at inumin na nakukuha ko sa pamilya ninyo, kulang pa iyon!" Singhal ko dito. Isang malakas na sampal na naman ang dumapo sa mukha ko mula dito, ngunit dahil handa na ako dito ay hindi na ako tumumba, bumaling lang ang mukha ko nang tuluyan ng tumama ang palad nito sa mukha ko. "Binabalaan ko kayo, umalis na kayo sa lugar na ito, dahil kahit anong mangyari ay hindi ko hahayaan na mapasainyo ang lupaing ito," mapanganib kong sinabi dito. Sandali namang nagkatinginan, hanggang inaya na ni Diego ang kapatid, at ang ina. Nanatili akong nakatayo, hanggang sa tuluyan ng mawala sila sa paningin ko, at saka pa lang ako nakahinga ng maluwag, sobrang pagkahapo ang nararamdaman ko ng mga oras na iyon. Alam ko naman na hindi magtatagal ay babalik ang mga ito, at sa oras na bumalik sila ay malamang nasa Maynila na ako, kaya naman wala na akong magagawa kung sakaling angkinin nga nila ang lupain na ito, pero pinapangako ko na sa pagbabalik kong ito ay babawiin ko ang lupang ito, at pagbabayarin ko sila sa lahat ng kasamaan nila. Hindi na din ako nagtagal, at agad na akong umalis pabalik sa paaralan, naabutan kong nagsasakay na sila Aling Fe ng kanilang mga gamit sa inarkila nitong jeepney na siyang maghahatid sa amin sa Maynila. "Pasensya na po, Aling Fe, kung ngayon lang ako nakabalik," paghingi ko ng paumanhin dito. "Ok lang iyon, hija, nagawa mo na ba ang mga kailangan mong gawin?" Tanong nito matapos iabot sa akin si Giselle na mukhang kanina pa akong hinahanap. "Na...nay," hirap na hirap pa din na tawag ni Giselle sa akin. "Na-miss mo ba si Nanay?" Nakangiting tanong ko dito. Kataka-taka na nang makita ko ang anak ko ay para bang naglaho ang galit sa dibdib ko, at kakaibang saya ang pumalit doon. Tumango-tango naman ito, habang inaabot ang mukha ko na lalong nagpangiti sa akin. Konti lang naman ang mga gamit ko, ito din mismo ang mga nakuha ko mula sa donasyon na pinadala sa school matapos ang bagyo, kaya naman ilang sandali lang ay handa na kaming umalis. "Paalam, hanggang sa muli," bulong ko habang tinatanaw ang bayan na sinilingan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD