-=Rebecca's Point of View=-
"Sigurado ka na ba na hihiwalay ka na?" Tanong ni Aling Fe.
"Opo, Aling Fe, ayoko naman na maging pabigat pa sa inyo gayong nakisabay na ako sa inyo papunta sa Maynila," nakangiting sagot ko dito.
Isang malalim na paghinga ang pinakawalan nito matapos marinig ang sinabi ko, kahit hindi ito magsalita ay nababanaag ako ang pag-aalala nito sa akin.
Sa ilang araw na nagkasama kami nito sa paaralan ay naging malapit na din ang loob ko sa kanya, kumpara kasi sa tunay kong mga kamag-anak ay pinaramdam niya sa aming mag-ina ang tunay na malakasakit sa kapwa, at dahil doon ay hinding-hindi ko makakalimutan ang bagay na iyon.
"Kung iyan ang gusto mo, pero kung sakaling mangailangan ka ng tulong ay huwag kang mag-atubiling tawagan ang cellphone number ni Rodrigo, sa nangyaring bagyo sa lugar natin, nalaman kong mas mahalaga ang buhay ng tao, kaysa sa kahit na ano mang materyal na bagay," nakangiti nitong sinabi.
Napatango naman ako sa sinabi nito, sang-ayon kasi ako sa sinabi ni Aling Fe, sa oras ng sakuna, mas mahalaga pa din ang buhay ng tao kahit sa ano pa man, kaya nga hanggang sa maari ay kailangan pahalagaan ang buhay hindi lang ng sarili natin, kung hindi pa din ng kapwa natin.
Muli ko na naman naalala sila Tiya Sophia, at ang pamilya nito, at muli kong naramdaman ang galit para sa pamilyang iyon, umalis man ako sa lugar namin ay hinding-hindi ko makakalimutan ang ginawa nila sa akin, lalong-lalo na kay Aling Tessy.
Marahil ay nagawa na nila ang gusto nila sa lupang iyon, pero magbabalik ako para bawiin ang maliit na lupang pilit nilang kinakamkam, at sisiguraduhin kong hihingi sila ng tawad sa puntod ni Aling Tessy.
Agad ngang inabot ni Aling Fe ang kapirasong papel na naglalaman ng cellphone number nito, at matapos nga noon ay mahigpit ako nitong niyakap.
"Mag-iingat ka dito, Rebecca, hindi katulad sa probinsya ang Maynila, madaming masasamang mga tao na maaring magsamantala sa iyo, kaya maging matalino ka," nag-aalala nitong sinabi.
"Huwag kayong mag-alala, Aling Fe, hindi ko hahayaan na may mangloko sa akin, hindi ko na hahayaan na may mang-abuso sa akin magmula ngayon," pangako ko sa kanya.
"Mabuti yan, at laki mong iisipin ang anak mo," sagot nito sabay baling ng tingin kay Giselle na patuloy na namamangha sa mga nakikita nito sa paligid.
"Magpaalam ka na, Giselle," ang nakangiting sinabi ko sa anak ko.
"Paalam... Aling Fe," nabubulol na sinabi ni Giselle dito.
"Paalam din, Giselle, mami-miss kitang bata ka," nakangiti, ngunit nalulungkot na sinabi ni Aling Fe sa anak ko.
"Kung sakali, dalaw-dalawin ninyo kaming mag-ina, ite-text ko sa iyo ang address namin kapag naging maayos na kami doon," sinabi nito.
"Sige po," sagot ko naman dito.
Hindi na din nagtagal ang mag-anak, at agad na silang umalis, kumakaway pa ang mga ito sa aming pamilya, hanggang sa tuluyan nang nawala sila sa paningin namin.
"Tayong dalawa na lang, Giselle," nakangiting sinabi ko sa anak ko.
Ngumiti naman ito sa akin, at niyakap ang binti ko, oo nga at alam kong hindi magiging madali ang buhay namin sa Maynila, pero kailangan kong magpakatatag hindi para sa akin kung hindi para sa anak ko.
Hindi na din kami nagtagal, at nagsimula na kaming maglakad-lakad. Ang unang kailangan naming gawin ay maghanap ng matutuluyan, maggagabi na din kasi.
Sa kahabaan ng Abad Santos kami nakarating ni Giselle, sandali muna kaming tumigil nang makaramdam ako ng gutom, sakto naman na may kainan sa malapit kaya doon na kami tumigil.
"Pili ka lang diyan, hija, kay gandang bata," humahanga nitong sinabi, at nang tignan ko ito ay nakita kong nakatingin ito kay Giselle.
Kahit naman kasi saan magpunta ang anak kong ito ay madami ang napapahanga lalo na sa tuwing makikita nila ang berdeng mga mata nito.
"Salamat po, ito na lang pong adobong manok, at isang kanin," ang sinabi ko dito nang sa wakas ay makapili na ako ng ulam.
Agad naman nitong hinanda ang order ko, at matapos nga noon ay dumiretso na kami ni Giselle sa pinakasulok na bahagi ng kainan.
Bago kumain ay pinagkanaw ko muna ng gatas si Giselle, at matapos nga noon ay nagsimula na ako sa pagkain, kataka-taka naman na biglang lumapit sa amin ang tindera kanina, at mas lalo akong nagtaka nang may inabot itong kanin.
"Meron na po akong kanin," agad kong sinabi dito nang ilapag nito sa mesa ang kanin na dala.
"Libre ito, neng, nakakatuwa kasi ang anak mo, ako nga pala si Manang Thelma, ako ang may-ari ng kainan na ito," ang nakangiting sinabi nito.
Sandali akong natigilan sa pinapakita nitong kabaitan, ngunit mukha namang mabait lang talaga ito, at mukhang natuwa lang talaga ito kay Giselle kaya naman ilang sandali nga lang ay naging magana na ang pakikipagkuwentuhan ko dito.
"Maraming salamat po, Manang Thelma," nakangiting sinabi ko dito.
"Walang anuman iyon, ineng, saan ba ang punta ninyo niyan?" Tanong nito.
"Hindi ko pa din po alam, naghahanap pa po kasi ako ng puwedeng maupahang kuwarto," sagot ko.
Naisip ko kasing bilang may kainan ay baka may alam itong mga matutuluyan na bahay, o kaya naman ay kuwarto, pero kung sakali ay mas magandang room for rent para mas makamura kami.
"Naku! Sakto, meron akong room for rent, hanap ko sana ay mga estudyante, pero dahil nakakatuwa itong anak mo ay ibibigay ko sa inyong dalawa ang kuwartong iyon, kasama mo ba ang asawa mo?" Nakangiti pa din nitong tanong.
Bigla naman akong natigilan nang marinig iyon, inisip kasi nito na may-asawa akong tao dahil nga sa may anak ako, at mukhang napansin ni Manang Thelma ang naging reaksyon ko.
"Anyway... kung gusto mo ay puwede na tayong magpunta para makita mo ang upahang kuwarto ko, at makapag-decide ka kung kukuhanin mo ba , pero kung ako sa iyo ay kuhanin mo na, murang-mura na iyon," natatawa nitong sinabi.
"Sige po," sagot ko naman dito.
Habang nag-uusap kami nito ay nalaman kong sadyang masayahin talaga si Manang Thelma, nalaman ko din na sa mismong bahay din na iyon nakatira ang buong pamilya ni Manang Thelma.
Nang matapos kumain ay sinamahan nga kami nito sa bahay nito kung saan naroon ang pinapaupahang kuwarto, hindi masyadong malayo sa kainan nito ang naturang bahay, kaya naman sampung minuto lang ang nakakalipas ay nakarating na kami sa bahay nito.
"Tignan mo may mga gamit na sa loob, iniwan na lang kasi ng dating tumira dito ang ilang mga gamit niya, nangibang-bansa kasi siya, kaya naman nagpagsya na siyang iwan ang mga gamit niya dito," paliwanag nito.
Meron ng papag, at foam na magagamit namin ni Giselle, at maliban pa doon ay meron na ding maliit na mesa, at dalawang plastic na silya.
"Para sa inyong mag-ina, papayag na akong gamitin ninyo ang mga gamit sa kusina, wala ba kayong mga dalang gamit?" Biglang tanong nito nang ma-realize nitong wala kaming dalang mga gamit.
"Wala po, nasira po kasi ang mga gamit namin ng nakaraang bagyo," sagot ko dito.
Minabuti kong ipaalam sa kanya ang nangyari sa amin sa probinsya, at nang marinig nga nito iyon ay gumuhit ang pagkahabag sa mukha ni Manang Thelma.
"Ganoon ba? Kaawa-awa naman pala ang kalagayan ninyo, sige, kahit huwag na kayong mag-down, bayaran na lang ninyo ang unang buwan para may magamit kayong pera, pero huwag mong ipapaalam sa iba, dahil siguradong kukulitin ako ng ibang makakasama ninyo dito," natatawang biro nito.
"Maraming, salamat po Manang Thelma, napakabuti po ninyo," masayang-masaya kong sinabi dito.
"Wala iyon, ineng. Ano nga bang pangalan mo?" Tanong nito.
"Ako po si Rebecca, at ito naman po ang anak kong si Giselle," pagpapakilala ko sa kanya.
"Nice meeting sa inyong dalawa. Kukuhanin mo na ba ang kuwarto?" Tanong nito habang nilalaro ang kamay ni Giselle.
"Opo, kukuhanin namin ang kuwarto, at maraming-maraming salamat po talaga," pagpapasalamat ko dito.
Hindi na din nagtagal ito, at nagpaalam na din sa aming mag-ina na babalik na ito sa tindahan, ngunit bago tuluyang umalis ay muli itong dumaan sa kuwarto para magbigay ng unan, at kumot, may dala din itong eletric fan na ipahihiram sa amin.
"Ito na ang magiging bahay natin," nakangiting sinabi ko kay Giselle ng tuluyan na kaming iwan ni Manang Thelma, at problema ko na lang ay kung saan ako makakahanap ng trabaho.
Hindi naman kasi maaring umasa lang kami sa perang iniwan ni Aling Tessy, dahil paniguradong mauubos lang iyon, at maliban pa doon ay kailangan kong paghandaan ang kinabukasan ni Giselle.
Pipilitin kong ibigay sa kanya ang mga bagay na hindi ko naranasan, hindi ko hahayaan na maranasan nito ang buhay na dinanas ko sa mga kamay ni Tiya Sophia, at ng pamilya nito.
"Huwag kang mag-alala, anak, sisiguraduhin ni Nanay na magiging mabuti ang buhay mo," ang nakangiting sinabi ko sa natutulog na si Giselle.
Kasalukuyan na itong natutulog, kakatapos lang kasi nitong dumede, at ilang sandali pa ang lumipas nang makaramdam na ako ng antok, hanggang sa tuluyan na akong makatulog na may pag-asa sa puso ng magandang buhay para sa aming mag-ina.