CHAPTER 8: Bawal ang Sumuko

1051 Words
-=Rebecca's Point of View=- "Kay gandang bata naman nito," ang halos paulit-ulit na naririnig ko magmula nang ilabas ko si Giselle sa tinutuluyan namin, naisipan ko kasing palakarin ito sa labas para naman maarawan ito. Sabi kasi nila na maganda para sa mga bata ang sinag ng araw kapag umaga, kaya ngayon ay nasa tapat kami ng bahay kung saan kami umuupa ng kuwarto. Tatlong araw na din ang nakakalipas nang makarating kami sa Maynila, at masasabi ko naman na naging maayos ang pagtira namin sa bahay ni Manang Thelma. Masuwerte kaming mag-ina na siya ang naging landlady namin, dahil maliban sa napakabait nito sa amin ni Giselle ay mapagbigay pa ito. Madalas kasi ay sobra ang ulam na binibigay nito sa mga binibili ko, o kaya naman ay nagbibigay ito ng extra rice, kahit hindi naman ako bumibili. Ang madalas nitong sabihin sa akin ay naniniwala ito sa karma, naniniwala ito na kapag may maganda kang ginawa sa kapwa mo ay may maganda ding kapalit ang bagay na iyon, gayon din naman kapag may ginawa kang hindi maganda ay may kapalit din iyon na hindi magandang bagay. Hindi ko tuloy maiwasang maikumpara si Manang Thelma sa mga kamag-anak ko sa probinsya, partikular si Tiya Sophia, malayong-malayo si Manang Thelma kung ikukumpara kay Tiya Sophia. Tatlong araw na kami sa Maynila, ngunit wala pa din akong nahahanap na trabaho, sumusubok naman akong maghanap sa mga diyaryo na nakikita ko sa sala nila Manang Thelma, ngunit halos kasi ng mga nakikita ko doon ay halos mga college level ang hinahanap, samantalang high school graduate lang ako. Hindi na kasi ako nakapagtuloy ng kolehiyo, dahil para kay Tiya Sophia ay sayang lang ang gagastusin kung magpatuloy pa ako sa kolehiyo, kung hindi pa nga ako nagmakaawa sa kanila, at nagtrabaho na wala halos pahinga ay hindi nila ako papayagan mag-high school. "Magandang umaga po," ang nakangiting bati ko kay Manang Thelma nang maabutan ko itong pauwi galing sa kainan nito. "Magandang umaga din naman, Rebecca, nag-almusal na ba kayong mag-ina?" Nakangiting tanong nito. "Hindi pa po, balak kong pagkanaw ng gatas si Giselle, samantalang ako ay magkakanaw na lang ng kape," sagot ko dito. "Naku, hindi maganda para sa iyo na kape lang ang inumin, tara sa loob, may dala akong champorado, hindi kasi naubos kaya inuwi ko na lang," sagot nito. Nahihiya man ay hindi na ako humindi sa inaalok nito, at matapos nga noon ay sabay na kaming pumasok sa loob, agad akong kumuha ng dalawang tasa, at kutsa para sa aming dalawa ni Manang Thelma, at matapos ngang maisalin ang mga dala nito ay nagsimula na kaming kumain. "Ang sarap talaga ng luto ninyo, Manang Thelma," nakangiting sinabi ko nang matikman ko na ang champorado nito. "Ganoon ba? Mabuti naman, at nagustuhan mo ang mga luto ko," natutuwang sagot nito. "Opo, masarap talaga siya, at maraming salamat po dito," ang sinabi ko. Minabuti kong pakainin na din si Giselle ng champorado, at ganoon na lang ang tuwa nito na halatang nasarapan din sa kinakain namin. Habang kumakain ay masayang nagkukuwento si Manang Thelma kung paano ito nagsimula sa kainan niya, nalaman ko mula diot na noon ay sa kalye lang ito nagtitinda ng mga meryenda, hanggang sa nakapag-ipon, at ang naipon nito ang ginamit para magbukas ng kainan. "Nang maging successful ang kainan ay nakapag-ipon naman kami ng pera para ipambili sa bahay na ito, mabait ang naging may-ari ng bahay na ito, kaya nga gusto kong makatulong din sa iba bilang hindi ko na masusuklian ang kabutihan nila sa akin," nakangiti nitong sinabi na para bang inaalala ang mga taong iyon. "Kung sana po lahat ng tao ay katulad ninyo," hindi ko maiwasang mapait na sabihin dito. Isang nakakaunawang ngiti naman ang gumuhit sa mga labi nito habang nakatingin sa akin, marahil ay nahuhulaan niya ang ibig sabihin sa sinabi kong iyon. "Hindi lahat ng tao ay pare-pareho, Rebecca, oo nga't maraming tao ang mananamantala, at gagawa ng masama sa iyo, pero naniniwala ako na mas marami pa ding tao ang may mabubuting kalooban, kaya naman huwag na huwag kang panghihinaan ng loob," sagot nito. Napangiti naman ako sa sinabi nito. "Tama kayo, Manang." Nagpatuloy ang pagkukuwentuhan namin nito, hanggang sa maubos na ang kinakain naming champorado, dumako naman ang pag-uusap namin patungkol sa paghahanap ko ng trabaho. "Kumusta ang paghahanap mo ng trabaho?" Tanong nito. Isang malalim na paghinga ang kumawala sa mga labi ko nang maalala ko ang mga diyaryong hinahanap ko ng trabaho. "Hindi po maganda, patuloy ako sa paghahanap ng mga trabaho sa diyaryo, pero halos ng mga trabahong naroon kailangan college level" sagot ko. "Huwag kang mawalan ng pag-asa, may awa din ang Diyos," ang sinabi nito. "Maari po kayang magtrabaho na muna ako sa inyo?" Umaasang tanong ko dito. "Puwede naman, kaso hindi maaring arawan, meron na kasi akong tauhan sa kainan, kung gusto mo tuwing weekend ka na lang magtrabaho sa akin, mas madami kasi akong customers kapag ganoong araw?" Tanong nito. "Sige po, pandagdag din po sa pera ko, maaraming salamat po." masayang sinabi ko dito. "Walang anuman, huwag kang mag-alala, magtatanong ako sa mga customers ko kung meron silang mairerekomendang trabaho para sa iyo," pangako nito. Matapos ang pag-uusap naming iyon ay nagpasya na itong bumalik sa kainan, kailangan na kasi nitong maghandang magluto para naman sa tanghalian, at matapos nitong magpaalam ay agad na din itong umalis pabalik sa kainan. Naiwan naman kami ni Giselle sa bahay, kaya naman nagpasya na lang kaming bumalik sa kuwarto. Dala marahil ng labis na kabusugan ay agad nakatulog si Giselle nang ihiga ko ito sa kama, at habang nagpapalipas ng oras ay naisipan kong tumingin-tingin pa ng trabahong nahingi ko kay Manang Thelma kanina. "Sana naman meron na akong makita," piping dasal ko habang nagsimula na ako sa paghahanap, ngunit nabasa ko na ang classified ads, pero wala pa din akong mahanap na trabaho na puwede ang isang high school graduate na katulad ko. Meron naman akong nakita bilang isang yaya, pero stay-in kasi, kaya hindi puwede dahil hindi ko naman maaring iwan si Giselle ng basta-basta na lang. "Bawal sumuko," ang pagpapalakas ko ng loob ko, umaasa na lang ako na makakahanap din ako ng trabaho, at umaasa akong merong customers si Manang Thelma na makakapagrekomenda ng trabaho para sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD