"Talaga po ba kuya sa bahay niyo na lamang po ako titira? Hindi po ako makapaniwala na may isang mabait na taong handang magpatira sa akin sa bahay niya. Uhmmm.. pero papano po 'yun baka po magalit ang nanay at tatay niyo kapag isinama niyo ako sa bahay niyo? Lalo na po at isa lang akong pulubi. Tapos tingnan n'yo po ang dungis ko pa." masayang bulalas ng dalagita pero may pag-aalangang mababanaag sa mukha nito.
Mababakas sa mukha nito ang kasiyahan pero may agam-agam din. Marahil iniisip talaga nito na hindi siya nag-iisa na may magulang siyang kasama ngunit lingid sa kaalaman nito na nag-iisa lamang din siya sa lugar na iyon na hindi pamilyar sa kanya. Walang magulang kahit man kakilala na masasandigan niya.
Parang makaparehas lamang sila ng sitwasyon ng dalagita ang pagkakaiba nga lamang ay kahit papano may silid siyang matutuluyan, hindi katulad nito na sa kalsada lamang naninirahan.
"Oo naman, sa totoo lang wala rin akong kasama, mag-isa lang din ako sa bahay kaya pwede ka doon. Kesa naman dito ka sa kalsada nakatira delikado dito para sa isang babaeng katulad mo lalo na at dalaga ka na, hindi ka na dapat tumitira sa kalsada. Napakadelikado kong matutulog ka sa bangketa." Pahayag niya dito.
"Ahh ganon po ba Kuya? Malungkot nga po iyon na mag-isa palagi." Turan nito.
"Oo malungkot talaga kasi nga mag-isa lang din naman akong namumuhay dito sa Manila. Sa katunayan kararating ko lang din dito kahapon at hindi ko pa rin alam kung papaano mamuhay dito. Pero hindi naman kita kayang pabayaan na dito sa lansangan manirahan. Kaya okay lang kahit na magkasama tayo sa inuupahan kong silid. Iyon nga lang pagpasensyahan mo na iyon dahil maliit lamang ang silid na kaya kong upahan lalo pa at wala pa rin naman akong trabaho tsaka hindi pa rin ako matatanggap sa trabaho dahil sa edad ko." Mahabang pahayag niya dito.
"Ganon po ba Kuya? Napakabata nyo pa nga po, uhmm kung halimbawang kahapon ka lamang nagtungo dito sa Manila ibig sabihin naglayas ka po sa inyo?" Takang tanong nito sa kanya.
"Hindi ako naglayas Nene bali kamamatay lang kasi ng mga magulang ko at ulilang lubos na ako ngayon. Kaya naman nakipagsapalaran ako dito sa Manila. Iyon nga lang hindi pa ako sanay dahil nasanay ako na laging kasama ang mga magulang ko kaya siguro naninibago pa ako ngayon. Kaya nakakaramdam pa ako ng matinding kalungkutan pero dahil nga sa nandiyan ka at may makakasama na ako siguro hindi na ako malulungkot. Kaya tatanungin kita Neneng, nais mo bang tumira sa poder ko?" Nakangiting tanong niya dito pinaliwanag na rin niya ang lahat para hindi na ito maguluhan. Nagsinungaling na lamang siya na wala na ang kanyang mga magulang para hindi na ito magtanong pa ng kung anu-ano sa kanya.
"Oo naman po kuya, napakaswerte ko na nga po dahil nagtiwala kaagad kayo sa akin na patirahin sa inyong tirahan. Pangako po gagawin ko ang lahat para makatulong sa inyo. Kahit na ako na lamang po ang maging alipin ninyo, susundin ko po lahat ng utos ninyo basta makakain lang po ako ng tama at may matulugan na maayos. Ang totoo po niyan ay natatakot na po talaga akong manirahan dito sa kalsada lalo na at mag-isa lamang po ako. Lalo na po at nandiyan po ang grupo ni Boy Tigas palagi po nila akong ginugulo." mahabang pahayag ng dalagita.
"Mabuti naman kung ganoon Neneng, ahh teka ano nga palang pangalan mo?" tanong niya dito.
"Janine po kuya, Janine Ramirez po." sagot nito sa kanya.
"Ah Janine pala ang pangalan mo? Wala ka na bang mga magulang? Sigurado ka ba na nag-iisa ka na lamang sa buhay? Baka naman may maghahanap pa sayo ha. Mamaya nyan mapagbintangan pa ako na kidnapper mahirap na mabuti na iyong nakakasiguro tayo." wika ulit niya dito.
Mabuti na iyong sigurado dahil baka magkaproblema pa siya pagdating ng panahon kapag matuklasan niya na hindi naman ito ulilang lubos at baka mapasama pa siya sa pagtulong dito.
"Ulilang lubos na po ako kuya, bali namatay po ang nanay ko sa panganganak sa akin. Ang tatay ko naman po dahil sa walang tigil na pag iinom ng alak ay nagkasakit at namatay na rin po ilang taon na rin po ang nakararaan. Kaya po naiwan po ako sa aking tiyahin, kaya lang sobrang lupit po niya sa akin. Parati na lamang po akong sinasaktan at pinaggugutuman kahit na kaunting pagkakamali lang po. Kaya minabuti ko po na tumakas na lamang po sa bahay ng tiyahin ko pero ngayon po mas masaya naman po na sa kalsada tumira kesa sa bahay ng tita ko. Iyon nga lang natatakot na po ako ngayon lalo pa at sila boy tigas po hindi po ako tinitigilan. Kaya sigurado po ako na walang maghahanap sa akin lalo na po ang tita ko. Siguro nga po sobrang saya pa niya dahil nabawasan po siya ng kakainin sa bahay niya." mahabang paliwanag nito sa kanya.
"Mabuti naman kung ganoon o siya mabuti pa samahan mo na lang muna ako mamili pa ng ibang kakailanganin sa bahay dahil alam mo na kakalipat ko lamang din kahapon. Tsaka bumili na rin tayo ng ilang gagamitan mo o baka may mga damit ka dalhin na lamang natin sa bahay." wika ulit niya dito.
"Wala po akong damit kuya minsan po kapag naawa po yung ibang tao sa akin nagbibigay po sila ng damit. Iyon po 'yung sinusuot ko pero hindi naman po ako nakakapaglaba kasi nakikiligo lang po ako minsan kapag pumapayag ko na paliguin. Halimbawa po kapag may sampung piso po ako pwede po akong makiligo diyan sa CR po dito sa palengke pero po, may bayad po kasi eh. Pero bawal po maglaba doon kaya ang ginagawa ko po kapag matagal na po yung suot suot ko itinatapon ko na lang po kapag may pamalit na ako." mahabang paliwanag ulit nito sa kanya.
"Ahh gano'n ba, okay tamang-tama nandito na tayo. Maaaring tayong bumili ng mga damit mo. Mura lang naman pala ang mga damit dito kaya makakabili tayo ng mga kagamitan mo at saka yung mga kakailanganin din natin sa bahay mabibili pa natin. Halika na, doon tayo sa banda doon mo tingnan mo maraming magagandang damit doon na babagay sayo." Aya niya dito, nakita niya sa may bandang unahan pa ng simbahan ay mas malaking tindahan doon na maaari nilang bilhan ng mga damit at panloob nito.
"Talaga po kuya bibilhan niyo po ako ng mga damit? Hindi ko pa po naranasan ang makapagduot ng bago, kaya ngayon lang po ako makakapagsuot ng bagong damit. Maraming maraming salamat po talaga kuya. Uhmm.. ano nga po pala pangalan ninyo?" masayang wika nito sa kanya. Tinanong na rin ang kanyang pangalan.
Oo nga naman hindi pa nga pala siya nakapagpakilala dito pero nagkapalagayan na agad niya ito ng loob kahit na hindi pa siya nito nakikilala. Sabagay nakikita naman niya sa mukha nito na mabuti itong bata kaya siguro agad-agad na gumaan ang loob niya para dito.
"Oo naman Janine basta palagi kang magpapakabait ha. Tsaka huwag kang pasaway sa akin para naman hindi ako maiinis sayo. Gusto ko yung tahimik lang at simula ngayon magtutulungan tayong dalawa na itaguyod ang tahanan natin, Okay ba iyon? At saka ako nga pala ang kuya Khalil mo, simula sa araw na 'to ituturing muna akong parang tunay na kuya at ikaw naman ituturing kong parang tunay na bunso." nakangiting wika niya dito ganoon na nga lang siguro ang mangyayari magtuturingan sila bilang isang magkapatid para naman kahit papano maging masigla din ang buhay niya at hindi na siya mag-iisa dahil kasama na niya ngayon si Janine.
"Kuya Khalil, ang ganda naman po ng pangalan ninyo. Salamat po ah simula sa araw na ito ituturing ko na po kayong kuya ko at promise po tutulungan po kita sa lahat ng mga gawaing bahay. Kahit ako na nga lang po ang gumawa kasi marunong naman po akong maglaba, marunong din po ako maglinis ng bahay, magluto at maghugas ng plato. Kasi po noong nakatira po ako sa tiyahin ko palagi pong akong gumagawa ng lahat ng iyon. Kaya huwag na po kayong mag-alala, tutulungan ko po kayo palagi." masayang wika nito sa kanya.
Napangiti na lamang siya at marahang ginulo ang buhok nito tsaka inaya na ito sa bandang unahan pa ng simbahan para makapamili na sila ng mga damit nito at ilan pang kagamitan sa bahay.
ITUTULOY