Hindi maintindihan ni Khalil kung ano ang kanyang gagawin. Hindi niya lubos maisip ang sekretong natuklasan buhat sa mga magulang. Napakabait ng kanyang Mama, ganon din ang kanyang Papa iyon pala lahat ng ito ay pagbabalat-kayo lamang, dahil ang totooy pala ay aswang ang mga ito. Mga nilalang na walang awa kung pumatay.
Nag isip siya ng dapat niyang gawin, nais niyang takasan ang katotohanang ito. Pabiling-biling siya sa kanyang higaan ng biglang mapabangon dahil nakaisip siya ng magandang gawin. Ang lumayas sa lugar na iyon at lumayo sa kanyang mga magulang.
Dali-dali siyang nag-impake ng ilang mga damit at mahahalagang bagay pati na ang kanyang bank book, ATM card na inilaan talaga para sa kanya ng mga magulang. Kinuha din niya ang cash na nakatago sa kanyang drawer. Iyon ang perang tinatabi niya mula sa kanyang baon, sobra-sobra kasi kung magbigay ang mga ito.
Nang matapos, dahan dahan syang lumabas ng kanilang bahay. Nagtuloy-tuloy siya papunta sa sakayan na maghahatid sa kanya sa papuntang bayan kung saan maaari siyang sumakay ng mga bus papuntang Manila.
Ilang minuto lang at umandar na ang tricycle na kanyang sinasakyan. Isang oras din ang itinagal bago nila narating ang bayan. Matapos magbayad sa driver, naglakad nalang si Khalil papuntang terminal ng mga bus na biyaheng Manila.
Pinili niya ang bus na papuntang Pasay. Ito lang kasi ang pamilyar na lugar para sa kanya. Madalas kasi niya makita ito sa TV, lalo na ang MOA na pangarap niyang puntahan.
Nang makabili ng ticket, nagtambay muna siya sa isang maliit na karendirya. Nag order siya ng pagkain dahil nakaramdam ng konting gutom.
Mabuti na rin yon para hindi siya gutomin kapag umalis na ang super ferry.
Mga five hours muna ang lalakbayin nila sa dagat bago makarating sa daungan sa Tabacco. Kaya mas pinili niya na dito nalang sumakay ng bus para hindi na siya magpalipat-lipat pa ng sakayan.
Nang matapos kumain, bumili siya ng isang litro ng mineral water para kung uhawin siya ay meron siyang maiinom. Pagkuway nagpasyang manatili nalang sa loob ng bus.
Doon pilit niyang iwinawaksi sa kanyang isipan ang takot. Takot para sa kanyang sarili, hindi siya sanay ng nag-iisa. Isa pa napakabata pa niya, kaya may pag aalinlangan sa kanyang puso kung tama nga ba ang kanyang naging pasya. Pero ng biglang naisip ang nakakasukang pangyayaring kanyang nasaksihan kagabi.
Ang kasuklam suklam na katotohanan tungkol sa kanilang angkan, biglang napalis ang lahat ng kanyang agam-agam. Lalong tumindi ang pagnanais niyang tuluyan ng makalayo sa lugar na iyon.
Mga 6am ng tuluyang umalis ang ferry boat na kinalululanan ng bus na kanyang sinasakyan. Napausal siya ng pasasalamat dahil sa totoo lang kanina pa siya kinakabahan.Baka kasi masundan siya ng kanyang mga magulang.
Limang oras na biyahe bago nila narating ang fier ng Tabacco. Nang makadaong ang super ferry, lumabas na ang mga tao, at ng matapos mga sasakyan naman kasama ang bus na kanyang sinasakyan. Nanatili sandali ang bus sa terminal para makakain ang mga pasahero at makaihi na rin.
Nagbabaan na ang mga ito ngunit nagpa-ewan si Khalil busog pa kasi sya. At isa pa, natatakot siyang baka mawala o malito ng sasakyang bus lalo pa at first time niyang magbiyahe. Mga ilang minuto, matapos na makasakay na ulit ang mga pasahero, nagpatuloy na ang bus sa pagbiyahe.
Madaling araw na ng nakarating ang bus sa terminal ng Pasay. Nagtambay muna sa terminal si Khalil, maghihintay muna siya ng liwanag para makapaghanap ng mauupahang kwarto.
Samantala sa Bayan ng San Miguel.
Nabulabog ang lahat ng isang bata naman ang natagpuang patay sa isang panig ng kagubatan. Wak-wak ang dibdib, wala ang puso at atay pati na ang dugo nito ay nasaid.
Matinding paghihinagpis ang naramdaman ng mga magulang nito dahil nag iisa lang nila itong anak at ibayong takot naman sa mga taga roon.
Sa mansyon naman ng mga Del Frio, nagkakagulo din dito dahil sa pagkawala ng anak ng mag asawa na si Khalil. Di maawat sa pag iyak si Donya Corazon habang tinatawag ang pangalan ng anak.
Ang padre de pamilya naman na si Don Fidel ay abala sa pakikipag usap sa ilang pulis para hanapin ang kanilang anak.
Sa Manila.
Maliwanag na ng magsimulang maglakad-lakad si Khalil. Nakita nya ang isang poste na may nakasulat na room for rent. Tinawagan niya ang numerong nakalagay doon at ilang sandaling nag usap. Sinabi ng babaeng kausap ang lugar. Buti nalang malapit lang pala sa lugar kung saan siya naroroon.
May nakita siyang banko sa kabilang kalye, may ATM machine doon, tumawid siya at matapos mag-withdraw ng pera pumara ng tricycle, at sinabi dito ang address na tinuran ng babae. Ilang minuto lang nasa tapat na sila ng mismong bahay na pinapaupahan. Nagbayad siya sa driver bago bumaba.
"Tao po. Tao po!" tawag ni Khalil sa labas ng gate.
May lumabas namang matabang babae at pinagbuksan siya ng gate.
"Bakit anong kailangan mo?" tanong ng babae sa tonong parang inis, nakataas pa ang kilay.
"Ah, ako nga po pala si Khalil. Ako po iyong tumawag kanina tungkol po doon sa kwarto na pinapaupahan nyo," pagpapakilala ni Khalil.
"Sino ang kasama mong mag-uupa?" tanong ng babae.
"Ah, wala po, ako lang po sana ei," sagot ni Khalil na nagpakunot sa noo ng babae.
"Ano? Ikaw lang mag isa? At saan ka naman kukuha ng pang-upa mo aber?! Eh baka sa down palang na hihingin ko wala kang maipambayad," sabi nitong nandidilat pa ang mata habang nakapameywangan.
"Ah, may pera naman po ako Manang," sabi naman ni Khalil. Totoo naman ang kanyang sinabi. Malaki ang laman ng kanyang bank book, anumang oras pwede siyang mag-withdraw. Ganon din ang kanyang atm, kanina nga bago siya tumungo dito nag-withdraw siya ng dalawampung libong piso dahil baka magkulang ang dala niyang cash. Tsaka mamimili din siya ng ilang gamit.
"Ah ganon ba kamo, may pera ka? Oh sige, three thousand kada buwan dipa kasama ang tubig at ilaw, two months advance, two months deposit. Twelve thousand na agad, iyon palang aber! Kaya mo ba lahat bayaran yon?!" mataray na sabi ng babae.
Hindi sumagot si Khalil, binuksan niya ang kanyang bag at kinuha ang kanyang wallet sa loob. Nanlaki naman ang mata ng babae ng makitang maraming lamang pera ang wallet ng binatilyo.
Kinuha niya doon ang perang naipon. Bumilang siya ng twelve thousand pesos at iniabot sa babae, pagkuway binalik na niya ang natira sa wallet. Hindi pa rin makahuma ang babae. Nasa isip nito na mayaman pala ang kanina lamang ay kanyang minamaliit.
"Sabagay, halata naman sa kanyang kutis. Napakakinis ng balat nito, napakagwapo at halata sa kanyang pananamit," sabi ng babae sa kanyang isip.
"Pwede na po bang makita ang kwarto?" tanong ni Khalil, gusto na niya kasing magpahinga dahil medyo pagod na rin siya sa biyahe, nagulat naman ang babae.
"Ay oo naman hijo, pwedeng-pwede na halika sa loob," sabay linuwagan nito ang bukas ng gate. Noon lang naalalang papasukin si Khalil.
Pumasok naman si Khalil sa loob.Sinamahan sya ng babae sa kwarto na nasa 3rd floor pala. Maliit ito kung ikukumpara sa kanyang kwarto sa kanilang bahay. Ngunit pwede na rin, konkreto naman ito, malinis at mukhang safe naman.
May maliit din itong CR, may maliit na lababo. May papag, na kasya lang sa isang tao. Ilang sandali lamang at iniwan na siya ng babaeng bigla nalang bumait at di nawawala ang ngiti sa kanya simula ng maibigay niya ang pera.
Hapong-hapong naupo si Khalil sa papag, pagkuway humiga ginawang unan ang dalawang kamay. Naisip niya kung pano siya magsisimulang mamuhay na mag-isa sa bagong lugar na iyon. Naisip niya ang kanyang ina na walang sawang nag-aalaga sa kanya. Binibigay lahat ng pangangailangan niya. Ngunit ngayon, mag-isa nalang siya.
Napaluha si Khalil ng maisip ang kanyang pinakamamahal na ina.
Ang inang nag-aruga sa kanya.
Ang inang walang sawang nagmamahal sa kanya. Ngunit ngayon, hindi na ito ang inang kanyang minamahal. Dahil sa kanyang paningin, isa na itong halimaw.
Halimaw na walang awang pumapatay.
ITUTULOY