Tuwang-tuwa si Janine habang namimili sila ng school supply. Mababakas sa mukha nito ang kasiyahan dahil nga naman sa tagal ng panahon, muli na itong makakabalik sa pag-aaral. Maging ang mga mata nito ay nagnining-ning habang namimili sila ng mga notebook. Tila isip bata pa ito dahil mga pambata ang drawing ng notebook na pinili nito.
Sabagay grade 5 pa lang naman ito pero syempre alangan dito ang mga iyon dahil dalagita na ito. Hindi na ito mukhang grade 5 pero hindi naman niya masisisi ito lalo pa at matagal ng panahon ito bago nakapasok muli sa eskwelahan. Kahit siya naman noong bata pa ay gustong gusto talaga niya.
Maging sa mga gamit nito na ballpen at lapis, pambura ay mga pambata pa rin ang pinili nito.
Pati uniform may minabuti na nilang bumili. Tig dalawang pares sila, pati na sapatos at medyas. Matapos nilang mamili ng mga kakailanganin nila ay nag-aya na si Janine na umuwi na pero ang totoo may surpresa siya sa babae. Matagal na kasi nitong sinasabi sa kanya na gumala sila sa mall. Sa pinakamalaking mall sa buong Asia ang Mall of Asia. Sigurado kasi na kapag may pasok na sila ay mawawalan na sila ng pagkakataon na gumala pa sa mall kaya naman ngayon na niya ito aayain.
"Janine, saan nga dito yung sakayan pagtungo sa Mall of Asia?" tanong niya sa dalagita
"Kuya seryoso ka ba pupunta po tayo sa mall?" Nagnining-ning ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya.
"Oo naman, di ba gustong-gusto mo pumunta tayo ng mall? Ako rin kasi hindi pa nakakapunta diyan eh, kapag kasi may pasok na hindi na tayo pwedeng gumala na dalawa. Dapat mag-focus na lang tayo sa pag-aaral, para mataas ang grades natin. Kaya ngayon na lang tayo magtungo. Sa katunayan noon ko pa gustong pumunta sa mall kaya lang medyo kinakabahan ako. Alam mo naman na laki ako sa probensya, hindi ako sanay sa mga ganyan pero kasama naman kita. Taga Manila ka kaya pupunta tayo, basta i-guide mo ako ha. Sa probensya kasi hindi ako sanay makihalubilo sa mga tao lalo na yung mga pupunta sa mall." paliwanag niya dito.
Sa totoo lang naman talaga hindi pa siya nakakapunta ng mall dahil sa kanilang lugar wala namang SM doon. Kung pumupunta sila sa bayan ay maliliit lamang na Bazzar ang napupuntahan na nila. Kasama pa niya ang kanyang ina kaya hindi talaga siya sanay na mag-isa pero dahil nga nais ni Janine kaya naman naglakas loob na siya na mag-aya.
"Yehey, salamat po Kuya. Ako po kasi kahit mapagala-gala po dito hindi po ako nagpupunta ng mall kasi nakakahiya po. Alam niyo naman po mabaho ako at madungis kaya kahit gusto ko po na maranasan man lang na magtungo sa mall. Iyong tipong gagala sa loob kasi po one time nagkapunta na po ako diyan noong pulubi pa lang po ako. Hindi po ako hinahayaan ng guard na makapunta man lang kahit sa harapan ng mall. Iniisip siguro na mamamalimos ako, pero hindi naman po ako mamamalimos gusto ko lamang po na makapunta man lang sa loob ng mall kaya lang bawal po talaga." pahayag nito sa kanya.
"Hayaan mo kapag may time tayo palagi tayong magpupunta ng mall. Ngayon siguradong papapasukin ka ng guard kasi mabango ka na at maganda ka. Hindi na madumi ang damit mo kaya mag-enjoy ka lang doon ha." Nakangiting turan niya dito.
Nakaramdam siya ng awa dito dahil sa sinabi nito. Ngayon titiyakin niya na mag-ienjoy ito sa loob ng mall. Gusto niyang makita itong masaya at magawa nito ang mga hindi nito noon nagagawa.
"Wow talaga po ba kuya? Maraming salamat po promise po gagalingan ko po sa school at pag-sisikapan ko po na mapataas ang grades ko para maging proud po kayo sa akin." masayang turan nito.
"Oo gagala tayo ngayong maghapon at tama dapat talaga galingan mo sa school para parehas tayong dalawa. Mabuti pa tayo na sa sakayan para makapunta na agad tayo. Okay lang kahit tanghali na tayo hindi naman mainit doon 'di ba dahil may aircon naman. Tsaka doon na lang din tayo kumain, siguro naman may gulay din sa mga reasturant doon." masayang wika niya dito.
"Oo naman po kuya hindi pupwedeng mawalan ng ulam na gulay doon. Kahit naman po sa mall iyon, imposible po na walang tinitindang gulay don. Hay salamat makakarating na rin ako sa mall. Thank you po talaga kuya." Excited na wika nito.
"Ikaw talaga, tama na po ang pasasalamat. Mabuti pa ay magtungo na tayo sa sakayan patungo sa MOA para naman makapag-enjoy pa tayo ng medyo matagal. Kahit siguro hapon na tayo umuwi."
"Hala, mukhang mag-enjoy nga po tayo kasi maghapon tayo doon. Nakakatuwa naman po. Salamat po Kuya talagang pinasaya ninyo po ako. Tayo na po sa sakayan ng jeep, maglalakad pa po tayo kasi doon pa po iyon sa may unahan po ng simbahan sa may highway po." masayang turan nito sabay aya na sa kanya sa may sakayan patungo sa MOA.
Habang naglalakad silang dalawa ni Janine napapalingon ang bawat kalalakihang kanilang nadadaanan. Maging ang mga ito ay nabibighani sa kagandahan ng dalagita. Hindi pa nawawala ang magandang ngti sa labi ni Janina na lalong nagpapatingkad ng kagandahan ng dalagita.
Nagtataka naman siya sa kanyang sarili kung bakit lahat na lamang ay napapansin niya. Kinakatakot pa niya kapag may pasok na, papano kung maraming manligaw dito at kahit na bata pa ito ay mag-entertain na ito ng manliligaw.
Dapat kausapin niya si Janine tungkol sa bagay na iyon. Ayaw niyang magboyfriend agad ito, napakabata pa nito at isa pa may kakaiba siyang nararamdaman para bang nasasaktan siya sa isiping may bago ng lalaking aagaw ng atensyon nito sa kanya.
Ilang sandali pa ay lulan na sila ng sasakyan na patungo sa MOA. Excited na si Janine halata sa ikinikilos nito, tila tinatanaw na nito ang mall kahit na malayo pa sila. Ganon din siya, noon lang niya napagtanto na bata pa nga pala siya. At kailangan din niya ang mga ganitong paglilibang. Hindi kailangang palagi siyang seryoso.
"Kuya, ayan na po iyong malaking globe! Nasa MOA na po tayo!" masayang bulalas ni Janine.
Napangiti siya habang nakatingin sa itinuturo nitong malaking globe. Nakikita lamang niya iyon noon sa tv ngayon, nasa harapan na niya.
Ilang sandali pa at tumigil na ang sinasakyan nila. Nagulat siya ng hawakan ni Janine ang palad niya at nagpatiuna na itong bumaba habang hawak-hawak ang kanyang kamay.
"Yeyyy! Sa wakas nandito na po tayo Kuya!" masayang bulalas nito na tila paslit habang nakangiti ito ng napakaganda sa kanya.
Tila bata itong tuwang-tuwa sa lugar samantalang siya ay pinagpapawisan na ng bahagya dahil sa init ng palad nito na nananatiling nakahawak sa kamay niya.
"Ano bang nangyayari sa'yo Khalil! Bakit yata apektado kang masyado , hawak lang yan!" saway niya sa sarili.
Ilang beses na niyang naramdaman ang ganito kay Janine, pero hanggang ngayon hindi pa rin niya alam kung para saan ba iyon at ano ang dahilan.
Muli siya nitong hinila papasok sa mall, wala na siyang nagawa kundi sumunod na lamang.
ITUTULOY