Narinig ni Zoie ang masayang boses ng kaniyang tiyahin mula sa kaniyang likuran. Pumihit siya at tiningnan ito. Ngumiti siya sa kaniyang payat na tiyahin samantalang bumukas naman ang mga braso nito upang batiin siya nang mainit.
“Auntie Lerma!” Niyakap niya ito.
“Kumusta ka na? Okay lang ba ang biyahe mo?” Mainit ang pagsalubong nito sa kaniya habang tinitingnan siyang maigi sa mukha. May ningning sa mga mata nitong nakatitig sa kaniya.
“Okay lang po, Auntie Lerma.”
“Mabuti naman. O, siya nga pala. Ang Land Rover ba iyon ang nagdala sa ‘yo papunta rito?” usisa nito nang mahinahon.
Tumango naman siyang nakakunot ang noo. “Opo, Auntie Lerma. Bakit po?”
“May nangyari kaya sa isa sa mga tauhan ni Master Alem? Kasi si Huapala ang inatasan kong sumundo sa ‘yo sa airport.”
“Baka siya nga po ang sumundo sa akin. Matangkad na lalaki, naka-ragged blue jeans at cowboy hat⸺” Nabigla siya nang dahil sa pagbulalas ng kaniyang tiyahin. Kaya naputol ang kaniyang pagsasalita dahil sa ekspresyon ng mukha nito.
“Ha? Totoo ba ‘yang sinasabi mo?” hindi makapaniwalang tanong nito. Medyo namilog pa ang itim na mga mata.
“Opo.” Napatango naman siya nang may inosenteng ekspresyon sa mukha.
Batid nitong nagsasabi siya ng totoo. Pero ‘di niya maintindihan kung bakit ganito na lang ang reaksyon nito.
“Si Master Alem ang sumundo sa ‘yo sa airport, Zoie!” biglang pahayag nito.
“Ho?” Tuloy kumabog nang husto ang kaniyang puso nang hindi niya malaman. At hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin niyon. Ngayon lang siya nakaramdam ng ganito.
Natatakot kaya siya sa lalaki at sa may-ari ng rancho na kaniyang paglilingkuran habang-buhay?
“Hindi ko maintindihan. May nangyari kaya kay Huapala?” nagugulumihanang anang tiyahin niya sa sarili nito.
Hindi makaimik ang dalaga sa sinabi nito. Of course, hindi niya alam ang anuman. Kararating lang kaya niya.
“Halika na nga sa loob. Itatanong ko na lang mamaya sa isa sa mga mensahero ng rancho. Ipapakita ko sa ‘yo ang kuwarto mo,” imbita pa nito sa kaniya nang may ngiti.
Sumunod naman siya. Napatingin siya sa kabuuan ng mansion. May asul itong tile roof. Puti ang dingding na gawa sa concrete. Napakalaki nito at napakalinis. Spotless. Hindi pa siya nakapunta sa isang napakalaking mansion at napakalinis at mabango pa.
Napaisip tuloy siya kung sinu-sino ang nakatira roon maliban sa may-ari ng bahay at ng kaniyang tiyahin. Ayaw niyang isipin na siya lang at ang may-ari ng rancho ang titira sa malaking mansion. Talagang “No way!”
‘Hay, Zoie. Bakit ka ba kinakabahan nang ganito? Hindi pa ito nangyayari sa ‘yo.’
‘May sakit kaya ako sa puso nang ‘di ko alam?’ Napaisip tuloy siya kung bakit bigla lang siyang nagpa-palpitate nang banggitin ng kaniyang tiyahin ang magiging amo niya habang-buhay.
Umakyat sila sa itaas. So far, wala pa siyang ibang katulong na nakakasalubong. Mukhang sila pa lang ang mga tao sa loob ng malaking mansion.
“Auntie Lerma, may iba po bang nakatira dito?” Sa wakas ay naitanong din niya bago buksan ng tiyahin ang pinto ng magiging kuwarto niya simula ngayon. Napatingin ito sa kaniya.
“Merong tagapagluto, tagalinis, at tagalaba. Pati na ang butler ni Master Alem na si Lihau ay dito rin nakatira. Bakit mo ba naitanong, Zoie?” Ngayon ay binuksan na ng tiyahin niya ang pinto at ipinakita sa kaniya ang malaking kuwarto.
Umiling siya rito nang nakangiti. “Curious lang po.”
Napatingin siya sa loob ng kuwarto. Mas malaki pa nga iyon kaysa sarili niyang kuwarto sa Manila. Maganda ang mga kurtinang lace na kulay light green. Puti ang dingding at kisame. Light green din ang kulay ng bedsheets at unan sa malaking kamang pang-isahan. May isang malaking closet at isang cabinet para sa ibang mga gamit tulad ng TV at computer set na nakapuwesto malapit sa isang dingding.
“May sarili kang banyo. Kaya, ‘di mo na kailangang lumabas pa ng iyong kuwarto kapag kailangan mo ito. Katulad ng lahat ng mga kuwarto rito sa mansion. Ang ilang mga katulong ay naroroon sa ground floor. At ang kuwarto naman para sa mga bisita ng rancho ay nasa ikatlong palapag at dito sa pangalawang palapag. Ang pang-apat na palapag ay para kay Master Alem lang at sa iilang pamilya niyang bibisita rito.”
Napatango naman siya saka inilagay sa isang tabi ang kaniyang bagahe. Iisa lang ang kaniyang bagahe kung kaya’t ‘di siya nahihirapan dito. Talagang in-born ang kaniyang pagka-light traveler, hindi katulad ng iba niyang kamag-anak.
“Sa araw na ito, puwede kang magpahinga. Baka pagod ka sa biyahe. Bukas na kita io-orient sa mga gawain mo rito sa rancho at sa labas. Hindi ka lang property manager kundi ikaw rin ang mag-aasikaso sa lahat ng financial matters ng rancho.”
Hindi niya inasahan ang balitang iyon.
“H-ha? Akala ko ba, Auntie Lerma…” Hindi siya nakapaghanda. Naisip niyang ang tanging mansion at ang rancho lang ang sakop ng kaniyang trabaho.
“Bukas na tayo mag-usap. Magpahinga ka na muna. Ihahatid ko na lang ang iyong hapunan mamaya.”
Tumalikod at umalis na ang kaniyang tiyahin nang maisara na ang pinto. Napanganga pa rin siya dahil sa inihayag nito. Bakit hindi iyon sinabi sa kaniya noong nakaraang buwan habang nasa Pilipinas pa siya? Ano ba talaga ang kaniyang kapalaran dito? Mukhang hindi na niya alam.
Naisipan niyang tumawag sa mga magulang upang ipagpaalam na dumating na siya sa rancho at nagkita na sila ng tiyahin.