Naghihintay si Zoie sa may Kona International Airport (KOA) arrival lobby. Nasa Big Island na siya. Wala na siyang magagawa ngayon. Wala nang balikan o atrasan. Sabagay, wala naman siyang return ticket. One-way ticket lang naman kasi ang binili ng Auntie Lerma niya.
Bumuntong-hininga siya. Napalinga-linga siya dahil ang sabi ng kaniyang tiyahin ay may susundo sa kaniyang isa sa mga empleyado ng Campbell Ranch na pinakiusapan na nito.
Nakita na rin niya ang kaniyang pangalan na nakasulat sa isang placard na tila ba’y parang magpoprotesta sa gobyerno o ano. Pilit niyang huwag mapangiti dahil dito at baka maisip pa ng mga tao na isa siyang baliw na galing sa Pilipinas. Sa kabilang banda, pakialam ba ng mga ito kung ngingiti siya?
Napasulyap siya ulit sa lalaking nakahawak sa placard na iyon. Kumislap pa ang kaniyang mga mata sa kaniyang nakita.
Matangkad ito. Tanned ang balat. Siguro ay palagi itong naaarawan. Nakasuot ito ng cowboy hat, blue ragged jeans, at blue denim jacket na siyang nagkukubli sa puting T-shirt nito sa loob. Napakarumi ng boots nito. Pustahan pa ng lahat ng dolyares na baon niya at galing ito sa rancho. Nai-imagine pa niyang galing pa siguro ito sa pakikipag-wrestling ng isang bull doon. Pagkuwa’y may kumpiyansa siyang lumapit dito.
Malinaw na niyang nakikita ang mukha nito. Ang guwapo talaga nito. Para itong isang Hollywood actor. Siguro kung ikukumpara niya ay mas guwapo ito kay Keanu Reeves na may dugong Hawaiian.
Kahit na guwapo ito ay mukha naman itong masungit at arogante. Katamtaman ang kapal ng mga kilay nitong tila inukit, kulay tsokolate naman ang mga mata nito, matangos ang ilong, may high cheekbones, pero hindi niya nakikita kung malapad o ano ang noo nito dahil sa suot nitong cowboy hat, at higit sa lahat ay pula ang mga labi nito at sensuwal kung tingnan. Napaisip tuloy siya kung gaano kaya kasarap nito humalik pero agad niya iyong iwinaksi sa isip.
‘Bakit ko ba ito iniisip?’
Sa kabilang banda naman, tantiya niya ay paminsan-minsan lang ito ngumingiti. Pero bakit naman siya nag-abala pang mag-isip at mag-analisa tungkol dito?
Tumikhim muna siya bago nagsalita. “Hi. I’m Zoie Tabilla,” pakilala niya sa lalaki.
Napaisip tuloy siya kung nakaabala siya sa trabaho nito. Narinig pa man din niyang napakaistrikto ng may-ari at isa raw itong slave driver. Well, ayon iyon sa kaniyang mga narinig mula kay Auntie Lerma kahit ‘di iyon ini-spelling nito. Dahil tila naman loyalista at protective ang tiyahin sa may-ari ng rancho. Napaisip siya kung bakit at mukhang malalaman na nga niya sa hindi malayong hinaharap.
“I’m this person,” aniya sa lalaking itinuro ang placard.
Napatingin ito sa kaniya mula ulo hanggang paa at pabalik. Alam niyang naka-blue jeans at sleeveless lang siya at nakalugay ang mahabang buhok na maitim at makintab. Pero dapat bang maging pormal siya kapag nagta-travel? Dapat casual lang. At sino ba ito kung makatingin sa kaniya nang ganito? Para kasing feeling niyang mali ang suot niya ngayon kung ito ay makatingin.
Ngunit wala naman itong salita. Pagkatapos ay ibinasura na nito ang hawak na placard. Pagkatapos niyon ay tumalikod ito sa kaniya. Kaya siya naman ay hila-hila ang luggage at nagmamadaling sumunod dito upang maabutan ang malalaking hakbang nito. Ang hahaba pa naman ng mga biyas nito. Maskulado rin, sa tingin niya. Halatang hindi kinulang ng ehersisyo ang lalaking ito.
Narating nila ang parking area. Malayo-layo rin ang parking lot para sa kaniya ngunit sisiw lang iyon para sa kaniya dahil araw-araw siyang nag-jo-jog.
Huminto ito malapit sa isang Land Rover na kulay itim. “Put your luggage in the back.”
Iyon ang unang mga salita nito sa kaniya at pakiwari niya ay daig pa ang boses ng isang DJ sa radyo dahil sa baritono iyon. Sumunod naman siya nang ‘di nagsasalita. Naisip niya rin na baka ang lalaking ito ang right-hand ng may-ari at baka iniisip ang naiwang trabaho at sa posibleng lecture ng amo kapag kikilos silang parang uod.
Umupo siya sa tabi nito sa driver’s seat. Ito na rin kasi ang siyang nagbukas ng pinto para sa kaniya bago ito pumuwesto sa likod ng manibela, at least. Medyo “half-gentleman” din ito kahit papaano kahit hindi siya tinulungan sa kaniyang bagahe kanina.
Amoy na amoy niya ang pabango nito. Kahit sa paniniwalang amoy-araw ito ay mabango pa rin naman ang lalaki.
Napatingin siya sa city landscape na kanilang nadaanan hanggang sa binaybay na nila ang tila parang probinsya na tanawin. Batid niyang didiretso sila sa mansion sa rancho. Wala rin silang ibang pupuntahan kundi ang rancho na kaniyang pagsisilbihan kasama ang kaniyang “driver.”
Napaisip pa siya kung ano ang pangalan ng lalaki. ‘Di man lang ito nagpakakilala sa kaniya.
Teka, bakit ba tila napakainteresado niya sa lalaking ito? Isa lang itong snob na empleyado sa rancho. Dapat lang na iyon lang din ang isasagot niya sa pakikisama nito sa kaniya. Pakialam ba niya?
Wala siyang dapat pakialam dito dahil wala rin naman siyang tsansa na magkakaroon ng nobyo o kaya ay asawa kapag magsisilbi siya sa rancho. Iyon ang patakaran ng kanilang pamilya at ng kanilang tradisyon. Dapat na walang ibang distraksyon ang alilang katulad niya sa rancho. Iyon ang kasunduan sa pagitan ng may-ari ng rancho at sa pamilya nila simula pa noong humigit-kumulang dalawang siglo na ang nakalipas. Well, ganoon na katagal naman ang usaping iyon sa pagitan ng mga ninuno ng kasalukuyang may-ari ng rancho at ng kaniyang angkan.
‘Kung bakit kasi sa angkan pang ito ako ipinanganak, eh! Hay! Ang unfair ng kapalaran ko. Kahit papaano ay gusto ko rin naman sanang magkaroon ng pamilya pero…’
Napapilig siya ng kaniyang ulo. May word of honor din naman siya sa kawawang Auntie Lerma niya kaya paninindigan na lang niya ito kahit na labag sa kalooban niya. Malaki rin naman kasi ang utang na loob nila sa kaniyang tiyahin. Ito ang tumatayong bread winner nilang lahat, lalo na noong nawalan ng trabaho ang ama niya at siyang tumulong sa kaniyang makapagtapos ng pag-aaral.
Huminto ang Land Rover ng ilang hakbang mula sa porch ng mansion. Napatingin ang dalaga sa kaniyang paligid nang makababa na siya. Kinuha nito ang kaniyang bagahe at inilagay iyon sa kaniyang harapan. Saka wala na itong salita na bumalik sa sasakyan at umalis nang walang paalam o kahit na anumang kumpas ng kamay sa ere. Basta na lang itong nagmaneho paalis. Iniwan lang sa kaniya ang alikabok na hatid ng mga gulong ng sasakyan. Napaubo siya tuloy.
“O, ‘andiyan ka na pala, Zoie!”