Part 6: Ang Lalaki sa Propesiya

2074 Words
Ang Alamat ni Prinsipe Malik AiTenshi   Part 6: Ang Lalaki Sa Propesiya   "Anong ibig mong sabihin Esmael? Magiging kabiyak ko ang dayuhang iyan dahil lamang sa kabibeng ito? Hindi ko naman iyon binigay sa kanya ng kusa kaya’t imposible ang sinasabi mo." ang may kataasang boses na tanong ni Malik. "Patawad po mahal na prinsipe ngunit binasa ko lamang ang kasulatan. Nakatagpo ang kabibe ng bagong mag mamay ari sa kanya at iyon ang dahil kung bakit napadpad dito ang lalaking iyan." sagot naman ng taga payo habang naka yuko ito.   "Hindi kaya masyado lamang nating sinusunod ang kasulatan? Maaari naman natin itong hindi sundin. Kapag nakahanap tayo ng paraang paano ibabalik ang dayuhang ito sa kanyang mundo ay magiging maayos na ang lahat. Nasa akin na ang dalawang kwintas kaya wala naman sigurong masama kung hindi natin susundin ang nilalaman ng aklat." wika ni Malik.   "Mahal na prinsipe, alam mo naman na sumusunod tayo sa batas ng kasulatan. Ang dagat ay mayroong sariling pandinig at pag iisip. Alam nila kung sinusuway natin ang kanilang mga bathala. At isa pa ay umiilaw ang kwintas at ang ibig sabihin nito ay sila na mismo ang pumili sa dayuhang iyan upang iyong maging kabiyak." muling paliwanag ng taga payo dahilan para matahimik si Malik.   tahimik..   "Mawalang galang na po sa inyo. Kaya lamang kami nandito ay upang matulungan ninyo akong makabalik sa aking sariling mundo. Nag magandang loob lamang sa akin ang dalawang matandang ito sadyang may busilak silang kalooban. Wala po akong intensyon na maging kabiyak ng Prinsipe at lalong hindi ko pinangarap ang mag karoon ng asawang lalaki." ang magalang kong tugon.   Halos natahimik ang lahat, at parang hindi sila makapag desisyon tungkol sa bagay na wala naman akong maintindihan. Hanggang sa maya maya ay binasag ng Prinsipe ang katahimikan. "Nakapag pasya na ako. Hindi na natin susundin ang kasulatan. Bukas na bukas rin ibabalik natin ang dayuhang iyan sa kanyang pinag mulan. Ayokong idamay siya sa lungkot at gulo ng aking mundo. Bata pa siya at kailangan niyang matikman ang kalayaang dulot ng buhay. Tapos na ang pag pupulong na ito. Maaari na kayong bumalik sa inyong mga himpilan." ang utos ni Malik kaya naman nag tayuan ang lahat at isa isang lumisan sa bulwagan.   Paalis na rin sana ako ng bigla na lamang nya akong pigilin dahilan para mapahinto ako sa pag lalakad. "Sandali, tungkol sa usapan ng kasal. Gusto ko lang malaman mo na wala akong balak na pakasalan ang taong hindi ko naman kilala. Wala sa usapin ang kasarian, nag kataon lamang ikaw ang pinili ng kwintas. Ngunit huwag kang mag alala dahil hindi naman ito matutuloy."   "Huwag kang mag alala, hindi ko naman iyon iniisip. Sa ngayon ang gusto ko lamang ay maka uwi sa aking pamilya dahil tiyak na nag aalala na sila sa akin."   "Mag pahinga kana dahil bukas na bukas din ay bubuksan ko ang lagusan upang maibalik ka sa inyong mundo."   "Salamat." ang tanging naisagot ko at muli kong ipinag patuloy ang aking pag lalakad palabas ng bulwagan. Iniwan ko doon si Malik habang naka tayo at pinag mamasdan ang karagatan.   Kagaya niya, wala akong balak na matali sa isang taong hindi ko naman kilala. At isa pa ay pareho kaming lalaki, paano kami mag kakaroon ng anak at pamilya kung sakaling mangyari ito? Ano nalang ang sasabihin ng aking mga magulang kapag nalaman nila na mayroon akong asawa at lalaki din ito? Baka pugutan nila ako ng ulo o kaya ay itakwil, hindi pa naman ako nakakatapos ng pag aaral malamang ay pupulutin ako nito sa kang kungan.   Noong gabi ring iyon ay halos hindi ako dalawin ng antok kaya naman lumabas muna ako ng silid at nag lakad lakad sa tarangkahan ng palasyo. Iba talaga ang lamig ng hanging dala ng karagatan, nakaka relax at nakapag papakalma ng pag iisip. Nakapag tataka lamang dahil hindi ko na nasisilayan ang mga isda at halamang dagat sa ilalim nito dahil wala na sa akin ang mahiwagang kwintas na pag aari pala ni Malik.   Tahimik ulit..   Naupo ako sa balkunahe ng palasyo paharap sa karagatan at doon ay mahinang pumito sa tono ng kantang "it will rain." Ito kasi ang madalas na libangan ko kapag ako ay nababagot. At habang nasa ganoong pag pito ako ay napansin ko naman si Malik na nakaupo rin sa kabilang dulo ng balkunahe. Nakasandal ito sa haligi at seryosong pinag mamasdang kalayuan. Noong sandaling iyon ay lihim kong sinusulyapan ito ngunit natatakot ako na baka mahuli nya akong naka tingin sa kanya. Gusto ko man siyang lapitan ngunit baka mapahiya lamang ako dahil mas pinili niyang maupo sa kabilang dulo ng balkunahe. Dito pa lang ay alam ko nang gusto nya ng distansya sa pagitan naming dalawa.   Ipinag patuloy ko ang aking ginagawang pag sipol at pamisan minsan ay palihim akong tumitingin sa kinaroroonan ni Malik. Nakakatawa lamang dahil nahuhuli nya akong nakatingin sa kanya at may pag kakataon naman na nahuhuli ko siyang nakatingin din sa akin. Sulyapan lamang aming ginagawa at wala ni isa sa amin ang nag tatangkang lapitan ang isa’t isa.   Pakiramdaman lang kami.. Ngunit sa loob ko ay gustong gusto ko na siyang kausapin. Nais ko siyang lapitan o kumustahin man lang. At isa pa ay hindi pa ako nakapag papasalamat sa kanyang pag tulong sa akin noong isang araw.   Bahala na nga..   Huminga ako ng malalim at binitiwan ang mga salitang. "Ayos ka lang ba diyan?" ang nauutal na wika ko at iyon din ang kanyang sinabi. Halos mag kasabay kaming bumasag sa katahimikan dahilan para matawa kaming pareho. "Haha ayos lang ako." ang tugon nito sabay tayo sa kanyang kina uupuan at lumipat sa aking tabi. "Alam mo ba na kanina pa kita nais lapitan ngunit natatakot ako dahil baka sungitan mo ako katulad kanina doon sa bulwagan." ang biro ko sabay abot ng aking kamay. "Ako nga pala si Miguel."   "Ang totoo nun ay nahiya lang din ako na lumapit sa iyo dahil baka iniisip mo ang tungkol sa kasulatan na sangkot ang isyu ng pag aasawa. Huwag kang mag alala dahil hindi ko naman ito itutuloy. Ako nga pala si Malik." ang tugon naman niya at inabot ang aking kanang kamay.   "Hindi ko naman iniisip iyon. Ang tanging nasa isip ko lang ay kung paano ako makakabalik sa aking mundo."   "Ganoon ba? Huwag kang mag alala dahil tutulungan kitang makabalik sa pinag mulan mo. Salamat nga pala sa pag babalik ng aking kwintas."   "Wala iyon. Masaya rin ako dahil naka punta ako rito sa inyong mundo. Ang akala ko ay sa panaginip ko lamang ito masasaksihan." ang wika ko sabay bitiw ng matamis na ngiti sa kanya.   Ngiti rin ang isinukli nya sa akin at muling humarap sa kalayuan. "Alam mo, madalas din akong dinadalaw ng kakaibang panaginip. Lagi kong nakikita ang isang lalaking lumulubog sa aking kaharian sa ilalim ng dagat, suot nya ang kalahati ng aking kwintas at wala akong magawa upang iligtas siya. Halos gabi gabi ay ito ang laman ng aking panaginip. Kaya naman madalas akong nag mamasid sa kalayuan at nag babaka sakali na matagpuan ko ang lalaking iyon sa ilalim ng karagatan."   Tila dinalaw ako ng pag kalito noong mga sandaling iyon. Kagaya niya ay madalas din akong nakakapanaginip ng ganoong bagay ngunit ang kaibahan lamang ay ako ang nalulunod sa ilalim ng kagaratan. "Alam mo, dinadalaw din ako ng kakaibang panaginip noong mga nakakalipas na ako bago ako tuluyang mapunta rito. Madalas kong nakikita ang aking sarili na lumulubog sa ilalim ng karagatan suot ang kwintas na kabibe, nang hihingi ako ng tulong ngunit walang dumarating para sa akin."   Natingin ito sa akin at tinitigan ang aking mga mata. Tila sinusuri nya ang aking kaluluwa kung totoo ba ang aking sinasabi o gawa gawa ko lamang. "Halos pareho pala tayo ng panaginip. Marahil ay pinag bubuklod tayo ng dalawang kwintas sa pamamagitan ng pananaginip ng parehong bagay."   "Tama ka doon tol, marahil ay gumagawa ng paraan ang kwintas upang makasama ang kanyang kapareha." tugon ko at muli akong ngumiti sa kanya.   tahimik ulit..   Mahangin pa rin... Naririnig ko ang pag hampas ng alon sa dalampasigan.   "Maganda ba sa inyong mundo?" ang pag basag nito sa katahimikan. "Oo naman tol, maraming mga lugar na lilibutan katulad ng mall at mga amusement park. Marami ding mga magagarang sasakyan at kagamitan. At siyempre ang nag papaganda ng aking mundo ay ang aking mga magulang na walang sawang nag mamahal at nag aaruga sa akin. Teka tol, nasaan ba ang pamilya mo?" pag tataka kong tanong.   "Hindi ko alam Miguel, lumaki akong taga silbi ng mga haligi na namamahala dito sa Apresia. Ayon sa kanila ay napulot lamang daw akong lumulutang sa isang balsa sa karagatan habang tumatama ang liwanag ng araw sa aking mukha. Walang akong alala noong ako ay bata pa lamang. Ngayon ay halos ilang taon na rin akong namumuhay sa lugar na ito at ni minsan ay hindi ko naranasan mag karoon ng magulang na mag aaruga sa akin o kahit kaibigan pa ay wala rin ako. Mag isa lang ako sa mundong ito at sa tingin ko ay mag isa rin akong mawawala sa alala ng lahat." ang malungkot na wika ni Malik at maya maya ay napansin ko ang mata nito na naging kulay asul kasabay ang pag patak ng ulan mula sa kalangitan. Doon ko naalala ang sinabi ni lolo Armando na "nagiging asul ang mata ni Malik kapag nakakaramdam ng ibayong emosyon at nakikisama ang ulan sa kanyang kalungkutan."   "Patawad tol, sana ay hindi na lamang ako nag tanong. Hayaan mo balang araw ay mayroon ding tao na darating at mag mag papaligaya sa iyo. Nga pala, saiyo na lamang ang purselas na suot ko. Binili ko iyan gamit ang ipon kong pera noong ako ay high school pa lamang. Iyan ang itinuturing kong pampaswerte. Alam kong hindi naman mamahaling bagay ngunit sana ay ingatan mo dahil ito ang pag papa alala na mayroon kang kaibigan at ako iyon." ang wika ko naman at hinawakan ko ang kanyang braso upang ikabit ang aking bracelet na gawa sa purong pilak.   "Salamat sa iyo, pangako na iingatan ko ang purselas na ito. Alam kong hindi pa tayo ganoon katagal mag ka kilala ngunit masaya ako na naging parte ka ng buhay ko kahit sa maikling sandali. Hayaan mo dahil dumadaloy sa iyo ang aking hininga kaya lagi mo akong maalala."   Hindi ko maintindihan ang dapat kong maramdaman, tila binabalot ako ng kakaibang lungkot kapag naiisip kong lilisan na ako bukas ng umaga. Kung kailan pa naman nakatagpo ako ng bagong pamilya sa katauhan nila lolo Armando at lola Ona, at bagong kaibigan sa katauhan ni Malik ay saka pa ako aalis at lilimutin ang lahat mula dito. Anong lungkot kapag naiisip ko.   Kinabukasan.   Maaga kaming nag tipon tipon sa tabing dagat upang isagawa ang pag babalik ko sa aking mundo. Halos mapaiyak ako habang niyayakap ni Lolo at Lola, walang hanggang pasasalamat ang iginawad ko sa kanila. Alam kong hindi na muli ako makakabalik pa sa mahiwagang lugar na ito, gustuhin ko man manatili ay hindi talaga maaari dahil hindi ako nabibilang sa mundong ito. Uuwi ako sa amin at doon ay itatago ko ang lahat ng ito sa aking puso at isipan. "Maraming salamat sa inyong lahat. Isang malaking karangalan para sa akin ang makilala kayo. Sana ay mag kita tayong muli, hindi man dito ngunit maaari niyo naman akong hagkan at yakapin sa hangin. Dalawin nyo ako sa aking panaginip at doon ay ipag papatuloy natin ang sayang naantala dulot ng aking pag alis." ang sabi ko at hindi ko mapigil ang mapaluha.   Binuksan ni Malik ang daan patungo sa aking mundo at doon nakikita ko na ang aking silid kung saan ako tinangay ng malakas na alon. "Pag lumagpas ka sa lagusan ay kusang mag sasara ito. Nasa kabila ang iyong mundo, humayo ka Miguel at doon ay maging masaya." wika ni Malik at muling naging asul ang mata nito tanda ng kalungkutan..   bumuhos ang ulan..   Maya maya bumulong ito sa akin. "Salamat sa iyo."   Tumalikod ako at marahang inihakbang ang aking mga paa sa portal na nilikha ni Malik. Noong makalagpas ako dito ay unti unting nag sara ang butas hanggang sa matagpuan ko na lamang ang aking sarili sa loob ng aking silid. Natayo at binabalot ng matinding lungkot.   "Miggy, ang aga mo namang nagising. Alas 3 pa lamang ng umaga." ang wika ni papa noong buksan nito pinto ng aking silid. "Alas 3 ng umaga?? ang ibig sabihin ay hindi man lang nabago ang oras buhat noong maka alis ako at mag tungo sa Apresia?" tanong ko sa aking sarili habang naka titig sa lumang kahon na walang laman.   itutuloy..    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD