"Mga anak, mas maganda kung magkaroon kayo ng sariling bahay dahil bilang mag asawa, magsisimula kayo ng inyong pamilya,"
"P-pero mas gusto ko po dito," aking protesta
"Ma, hindi nyo na po ito kailangang gawin," sambit ni Adam
"Bakit Anak? Hindi ba't binili mo ang lupa dahil pangarap mong doon ipatayo ang inyong bahay bilang mag asawa? Bakit biglang nagbago ang isip mo?"
Napaawang ang aking labi habang hindi makapaniwalang tinignan si Adam, "Totoo ba iyon?" Bahay naming mag asawa? Ano ba talaga ang kanyang pakay?
Agad na umiwas ito ng tingin, "Nagbago na po ang isip ko,"
"Adam, Isabela. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa inyo. Hindi ako mangingialam. Pero bilang inyong magulang, gusto ko lang ipaalala sa inyo na ang pag aasawa ay hindi parang mainit na kanin, na kapag napaso kayo ay iluluwa ninyo,"
"Ipapatayo ko ang inyong bahay sa ayaw ninyo at sa gusto," mariin nitong sabi
"Tama!" sabat ni Isabela
"Isabela, h'wag kang sumabat," saway ni Adam
"Kuya, h'wag kang ano," sabay inirapan ni Isabela ang kapatid
Tuluyan na akong sumuko at hinayaang masunod ang matandang babae. Total naman, isang buwan na lang ang aking titiisin. Isang buwan lang naming kailangang magsama sa iisang bubong. I will definitely not fall for him.
Kinabukasan, muli akong maagang nagising dahil sa tilaok ng mga manok. Pupungat pungat pa akong bumangon at lumapit sa bintana upang tumanaw sa labas. Simula nang nanirahan ako dito ay nakagawian ko nang tumanaw sa bintana upang damhin ang malamig at sariwang hangin at pagmasdan ang magandang tanawin ng bundok at mga taniman. Sa kabila ng aking magulong sitwasyon ay nakakatagpo ako ng kapayapaan sa tuwing pinagmamasdan ang bukang liwayway.
Maaga pa ngunit natanaw ko na rin ang mga manggagawang naghahanda na ng mga materyales. Naroon na rin ang mga truck na may lamang semento at hollow blocks. Unti unti ko pa lang pinoproseso na bubukod na kaming dalawa ng bahay at kung paano ako mag aadjust ngunit hindi ko naman inakala na maaga nila itong sisimulan.
Nagdesisyon na akong maglinis at mag ayos ng katawan upang tumulong sa paghahanda ng almusal. Pagkatapos kong mag ayos ng sarili ay lumabas na ako ng silid at bumaba patungo sa kusina.
Natagpuan ko si Isabela na inaayos ang mga supot na may lamang pagkain,
"Bakit bitbit mo ang mga iyan, di ba dito naman tayo nagluluto?"
"Sa labas tayo mag aalmusal Ate, at doon na rin ito lulutuin para makakain din sina Kuya at ang ibang mga trabahador. Nagsisimula na kasi sila sa paggawa ng bahay,"
"Pati si Adam?"
"Oo naman! Nag iinarte lang yun kagabi Ate, pero gustung gusto naman talaga noon na gawin yung home sweet home nyo!" sabay ang halakhak nitong tila may halo pang kilig, "Naiinis nga ako doon kagabi, may pagbago pa ng isip na nalalaman eh binili nya talaga yang lupa kasi pangarap daw nya na dyan itayo ang bahay nya at ng magiging asawa nya,"
Gulung gulo pa rin ang aking isip. Sa lahat ng babaeng pwede nyang pakasalan, bakit ako? Was our so-called marriage just an accident? Pareho lang ba kaming lasing at nabigla noong gabing iyon? Bakit nya sinamantala ang kalasingan ko?
"Ate, tara na at nang makapagluto na tayo ng almusal," yaya ni Isabela na pumukaw sa aking pansin
"Uh, oo. Tulungan na kita sa iba mong mga bitbit,"
Bitbit ang mga supot ng pagkain at iba pang mga gamit ay naglakad na kami patungo sa lugar ng pagawain. Malapit sa lugar na pagtatayuan ng bahay ay mayroong isang tent na gawa sa apat na poste ng kawayan. Mayroon itong tela na nagsisilbing bubong. Nagbibigay lilim ang malaking puno sa tabi nito. Mayroon ding ginawang lutuan sa isang tabi habang sa gitna naman ay isang mesa at mga upuan.
Naroon rin ang mga manggagawa na sinisimulan nang gawin ang pundasyon ng bahay. Kasama nila si Adam na naghahalo ng semento. Ang matandang babae naman ay naroon din at kausap ang contractor.
Tinulungan ko si Isabela na ilagay ang mga pagkain mula sa supot patungo sa mga munting palanggana upang hugasan. Samantalang ito naman ay nagsimula nang maglagay ng mga panggatong sa lutuan.
Lumapit ako patungo sa poso upang hugasan ang mga gulay na nasa munting palanggana. Pagkatapos kong ibaba ito ay tumayo na ako upang magbomba, ngunit laking gulat ko nang masalubong ko ang kanyang matipunong pangangawatan,
"Ay kabayo!"
"Ako nang magbobomba sa poso," sambit nito. Tila naestatwa naman ako sa kinatatayuan at tila gusto kong pagalitan ang aking mga mata na hindi mapigilang pagmasdan ang kanyang mala Adonis at hubad na pang itaas na katawan.
"Anastasia," nang magtama ang aming mga mata ay tila natauhan ako at agad na namula. Tiyak ay nahuli ako nitong nakatingin sa kanyang katawan
"Ano ka ba?! Papatayin mo ba talaga ako sa gulat?! Bakit kasi basta basta kang nagpapakita! Umalis ka nga dito!" singhal ko
"Hayaan mo na ako dito para hindi ka mapagod. Hugasan mo na yang mga gulay,"
Magpoprotesta pa sana ako nang bigla nitong binomba ang poso kaya agad na lumabas ang malamig na tubig at nabasa ang aking mga paa. Bahagya pa akong natigilan ngunit hindi pa ito nakuntento. Bagkus ay iwinasik nito ang tubig na nanggagaling sa poso papunta sa akin
Agad naman akong napaigtad at tumili, "Stop it! You jerk!"
Ngunit hindi pa rin ito tumigil at bagkus ay tumawa lang. Sa unang pagkakataon ay nakita ko ang masaya nitong ngiti; malayo sa masungit at suplado nitong anyo. Pati ang mga nangungusap nitong mga mata ay ngumingiti rin. Isama pa ang mga biloy nito sa magkabilang pisngi. Tila napawi ang aking inis at hindi rin napigilang tumawa at ienjoy ang simpleng paglalaro ng tubig.
"Ah, ganun pala ha," napansin ko ang maliit na lata sa may poso na nalagyan ng tubig mula kanina. Kinuha ko ito at binasa sya ng tubig. Napaigtad ito sa gulat at nabasa pati ang pantalon nito habang patuloy ako sa pagtawa dahil nakaganti rin
Muli akong napatili nang tangka nitong agawin ang hawak kong lata. Napukaw na lamang ang aming pansin nang magsalita si Isabela,
"Ate, Kuya, naglaro na kayo dyan pero yung mga gulay hindi pa nahugasan! Bilisan nyo nga, magluluto na ako!" angal nito
Hindi ko namalayan na sobrang lapit na pala namin sa isa't isa at nakapaloob ang aking maliit na baywang sa mga bisig nito habang pareho naming hawak ang maliit na lata. Halos mabingi ako sa lakas ng t***k ng aking puso nang muling magtagpo ang aming mga mata habang seryoso itong nakatingin sa akin.
Agad na akong umiwas ng tingin at bumitaw sa lata at sa kanyang bisig habang inayos ko na ang aking tayo. Dahan dahan rin ako nitong pinakawalan.
"Uh, hugasan ko na yung mga gulay," paalis na ako papunta sa poso nang pigilan ako nito,
"Hindi, ako na lang, samahan mo na si Isabela," halos hindi ko naintindihan ang kanyang sinabi nang tila nakuryente ako sa paghawak nito sa aking kamay upang ako'y pigilan
Para akong timang na tumango na lamang dahil hindi ko maintindihan ang nararamdaman sa tuwing napapalapit ako sa kanya. Bakit ba hindi ako makapag isip nang maayos? Binalewala ko na lamang ito at dumiretso na papunta kay Isabela
Kasalukuyan nitong ipiniprito ang mga itlog nang isa isa upang gumawa ng sunny side up. Gamit ang syanse ay biniyak nito ang itlog upang ihulog sa mainit na mantika. Iginalaw nito ang syanse upang banlian ng mainit na mantika ang ibabaw ng itlog kaya naman tila ulap ang bumubula nitong puti. Pagkatapos asinan ay hinango nya ito,
"Ate, paabot ng lagayan," agad kong kinuha ang maliit na bilao na may dahon ng saging sa ibabaw at kung saan nakalagay ang mga naunang pinritong itlog. Inabot ko ito sa kanya,
"Salamat," nakangiti nitong tugon
Muli itong naghulog ng itlog sa kawali at ibabalik ko na ang bilao upang ipatong sa katabing pasimano nang muling mataranta ang t***k ng aking dibdib,
"Heto na ang mga gulay," sambit ng malalim nyang boses
Tila natigilan na naman ako. Napapikit ako nang mariin at sinikap na iwaksi ang hindi ko maintindihang pagkataranta. Hindi ako lumingon at ipinokus ang pansin sa isinunod na nakasalang na itlog
"Aba, perfect timing ka Kuya ah! Malapit na akong matapos sa mga itlog na ito,"
May ilang segundo pa itong tahimik na nanatili ngunit pinilit kong hindi ito pansinin. Pagkatapos ay umalis na rin ito.
Inabot ko ang hawak na bilao kay Isabela,
"Ang suplada mo naman Ate, ayan tuloy nalungkot si Kuya. Nakangiti pa naman sya kanina, kaso di mo pinansin kaya umalis na tuloy," natatawa nitong pang aasar
"Sige, asarin mo pa ako," sabay irap kaya lalo itong tumawa
Sa kabilang kawali na may lamang kumukulong tubig ay inihulog nito ang mga talbos ng kamote. Sa naunang kawali naman ay ipinrito na nito ang tinimplahang bangus. Samantalang ako ay naghiwa ng mga talong at saging na saba.
Matapos lutuin lahat ng pagkain ay naglatag na ng mga dahon ng saging ang ibang mga nagtatrabaho sa ibabaw ng kahoy na mesa. Inihain namin ang mga pagkain upang maging boodle fight setup. Binigyan na lamang ako ni Isabela ng plato at kubyertos dahil alam nitong hindi ako nagkakamay sa tuwing kumakain.
Masayang pinagsaluhan ng lahat ang nakahaing kanin, mga pinritong itlog, talong, daing na bangus at saging na saba, pati ang nilagang talbos ng kamote. Isama pa ang sawsawang suka na tinimplahan ng asin, bawang, sibuyas at sili.
"Mamamalengke muna ako upang bumili ng karne na iluluto mamaya," sambit ng matandang babae
"Uh, kami na lang po ni Isabela. Sabihin nyo na lang sa amin kung ano ang mga bibilhin," pagkukusa ko. Mababagot lang naman ako kapag nanatili sa loob ng bahay at natataranta naman ako sa tuwing napapalapit sa lalaking iyon kaya mas maganda kung makalabas muna kami ni Isabela
"Oo nga Ma, kami na lang ni Ate ang mamimili sa palengke,"
"Salamat mga Anak,"
Pagkatapos kumain ay muling bumalik ang mga lalaki sa pagtatrabaho. Dumating din si Philo upang tumulong. Habang ang matandang babae ay nauna nang bumalik sa bahay. Kami naman ni Isabela ay tumayo na upang maghanda na papunta sa pamilihan.
"Ate, hindi mo ba papansinin si Kuya?" tanong ni Isabela. Kaninang almusal ay sinikap ko pa rin itong iwasan. Umupo ako malayo rito at kahit nahuhuli ko itong panaka nakang sumusulyap sa akin ay hindi ko ito pinansin. Mas mabuti nang iwasan ko ito upang hindi maguluhan ang aking isip at kalooban.
"Isabela, tama na nga yan," naiirita kong sambit
Habang naglalakad kami ay bigla itong huminto at lumingon kaya naman sumunod ako
"Kuya!" sigaw nito
Mula sa paglalagari nito ng kahoy ay tumingin si Adam sa amin. Kahit sa malayo ay muling nagtagpo ang aming mga mata kaya agad akong umiwas
"Sabi ni Ate Anastasia, ingat daw! Mamaya sasarapan nya ang pagluluto!"
Biglang naghiyawan ang mga gumagawa pati si Philo at kinantsyawan si Adam. Ngumiti naman ang loko at tumingin pa sa akin!
Agad na nanlaki ang aking mga mata at hindi makapaniwala sa sinabi ni Isabela. Mabilis akong umiling, "Hindi totoo yan!"
Bumaling ako dito, "Huy! Ano yung sinabi mo?!" Pakiramdam ko'y tila kamatis ang aking mga pisngi sa sobrang pamumula kaya hindi ko napigilang kuritin ang baywang ng gagang ito! Kaasar!
Agad ko na itong hinila upang makaalis na kami habang tawa pa rin ito nang tawa. Kahit noong nasa palengke kami ay nararamdaman ko pa rin ang pag iinit ng aking mga pisngi sa tuwing naaalala ang mga nangyari kanina.
Ibinaling ko na lang ang pansin nang may nakitang mga tasty sa isang panaderya,
"Magkano po ito,"
"Singkwenta, ganda,"
"Pabili po ng dalawa," sabay inabot ko ang bayad
Bago pa man ako tuksuhin nitong si Isabela ay nag iisip na ako ng maihahandang meryenda para sa mga nagtatrabaho mamaya.
"Sabi na nga ba at magluluto mamaya si Ate! Naku, tiyak titiklop si Kuya sa kilig!"
"Kapag hindi ka tumigil Isabela, iiwan kita dito!"
"Hindi ka naman mabiro, Ate. Sige na, titigil na ko, h'wag ka na magalit," pabebeng sambit nito
"Tara na, at bibili pa tayo ng iba kong gagamitin,"
Pagkatapos naming mamalengke ay bumalik na rin kami sa bahay. Nadatnan namin ang matandang babae pati rin ang iba pang mga nanunulungan sa pagluluto.
"Mga Anak, nandito na pala kayo,"
Matapos naming magmano ay nagsalita si Isabela, "Wow amoy fiesta," tukoy nito sa nilulutong putahe ng mga babae
"Ito po ang mga pinamili namin," sambit ko
Tinulungan namin ni Isabela ang kanyang ina sa paghahanda ng pagkain. Nagluto ito ng sinigang na baboy.
Nang maluto ang mga putahe ay muli naming pinagsaluhan ang mga nakahaing pagkain. Tila may fiesta nga dahil nagluto ang mga asawa ng mga nagtatrabaho ng menudo bukod sa sinigang na inihanda ng matandang babae. Pati si Eve ay dumating din at bitbit ang inhanda nitong ginataang alimango at hipon. Taob ang tatlong kaldero ng kanin sa sarap ng mga ulam.
Pagkatapos naming mananghalian ay tumulong ang mga babae na maghugas ng pinggan. Si Eve naman ay nagpaalam na rin upang samahan ang kanyang mga anak at kasama sa bahay.
Nagpahinga muna akong sandali sa may bangko.
"Hay salamat," tumabi rin sa akin si Isabela.
"Gusto mo ng ice tubig Ate? Kuha muna ako,"
Akma na akong sasagot nang lumapit sa amin si Philo, "Anastasia, pinapabigay ni Adam. Panlaban sa init ng panahon," sabay abot nito ng biniyak na buko
Dumapo ang aking tingin kay Adam na nagbibiyak ng iba pang mga buko
"S-salamat,"
"Kuya Philo, paano ako?"
Natawa naman ito, "Parating na, Isabela,"
Ilan pang sandali ay mismong si Adam ang lumapit sa amin at inabot ang buko kay Isabela,
"Salamat Kuya," sambit nito
"Lalapit ka rin pala dito bakit kay Kuya Philo mo pa ipinabigay yung buko ni Ate,"
"Natotorpe kasi," sabat ni Philo
"Kayong dalawa, akin na yang mga buko ninyo," masungit na tugon ni Adam
Natawa na lamang si Philo dahil halatang napipikon na si Adam.
"Magpahinga na muna kayo, masyadong mainit ngayon,"
Kapwa kami ni Isabela na sumang ayon sa suhestyon ni Adam. Sa totoo lang ay pagod na rin kami dahil sa aming pamamalengke at pagluluto. Isama pa ang init ng panahon. Pakiramdam ko'y ang daming nangyari ngayong araw
Pagkabalik ay naligo muna ako at dahil sa pagod ay nakatulog. Pagkatapos ng ilang oras na pahinga ay nagtungo na ako sa kusina upang ihanda ang meryenda. Gumawa ako ng mga egg and cheese sandwich sa tulong ni Isabela.
Nang makapunta na kami sa tent ay inilapag muna namin ang mga sandwich sa mesa. Natagpuan namin ang mga kalalakihan na tila nagdiriwang habang nagkumpulkumpulan malapit sa pagawain. Lumapit kami at natagpuan ang bagong gawang modernong bahay kubo.
Agad na pumalakpak sa kasiyahan si Isabela habang hindi ko mapigilan ang pagguhit ng ngiti sa aking mga labi. Aaminin ko, wala akong interes sa itinatayong bahay dahil hindi ako sang ayon na bumukod kami ni Adam. Ngunit hindi ko maipaliwanag bakit may kakaibang saya akong nararamdaman habang pinagmamasdan ito. Simple lamang ito ngunit ramdam na ginawa ito buhat sa pagmamahal at malasakit mula sa lahat ng gumawa nito. Simple lamang ang mga taong narito ngunit nakakamangha ang kanilang pagmamalasakit at pagtutulungan sa isa't isa.
"Pwede nyo nang tirhan ito bukas Anastasia, Adam," sambit ng foreman
"Congrats sa inyong mag asawa," masayang bati ni Philo
"Salamat," bahagya akong natigilan. Ngayon ko lang namalayan na sabay pa kaming tumugon. Napansin kong bahagya rin itong nagulat at napatingin sa akin.
Agad naman akong nakabawi,
"Uh, kumain na muna tayo," pag iiba ko ng usapan
Nagpasalamat at sumunod ang mga ito sa hapag kainan upang magmeryenda.
"Maraming salamat sa inyong tulong," ani ng matandang babae at inabot ang kanilang mga bayad
Matapos ang munting salu salo ay nagpaalam na rin sina Philo at ang mga tumulong sa gawain upang umuwi na sa kani kanilang mga tahanan
Pagkatapos naming maghapunan at magligpit ng mga pinagkainan ay nagtungo na kami sa kanya kanyang kwarto upang maglinis ng katawan at magpahinga. Hinintay muna ako ni Adam na matapos maligo bago sya tumungo sa banyo upang maglinis.
Narito akong nakaupo malapit sa bintana ng aking kwarto. Ilang minuto na ngunit hindi pa rin pumaparito si Adam upang kunin ang kanyang unan at kumot. Siguro ay may ginagawa pa ito sa baba ng bahay. Mula sa aking bintana ay natatanaw ko ang aming bagong gawang munting bahay kubo. Sa kabila ng dilim ay nagliliwanag ito buhat sa mga ilaw na yari sa kapis na nakapalibot at nakasabit sa may bubong. Tahimik at payapa ang gabi na napapalamutian ng maliwanag na buwan at kumikinang na bituin.
"Salamat sa iniregalo mong sketch. Inabot ito sa akin ni Ate Libay kaninang umaga sa school cafeteria habang ako'y nasa duty. Ginalingan ko tuloy at mabilis na tinapos ang pagmomop haha,"
"Sa sobrang saya agad akong bumili ng frame at nakalagay ngayon sa aking kwarto,"
"Naalala ko ang aming bahay sa probinsya. Tahimik, presko ang hangin, simple ang pamumuhay. Gusto mo rin ba sa probinsya? Nagtataka kasi ako dahil alam kong sanay ka sa malalaking bahay dito sa syudad, pero isang maliit na bahay kubo sa gitna ng bukid ang iyong ginuhit,"
Napangiti ako nang mabasa ang kanyang sulat na nakadikit sa loob ng aking locker. Agad akong nagtipa ng sulat sa aking sticky note,
"I'm glad nagustuhan mo yung sketch ko. Hindi ko alam kung anong ireregalo sa birthday mo kaya I decided to make it more personalized,"
"You may think that I'm into lavish things, pero simple lang ang pangarap ko. Mas gusto ko pa ang simpleng tahanan basta masaya. I imagine living in a simple bahay kubo with the people I love. Sometimes, true happiness comes in simple things,"
Tulad ng dating gawi, hinahayaan ko lang na hindi naka lock ang aking locker upang mabasa nito ang aking mensahe mamaya kapag pumasok na sya sa klase. Nagtatrabaho kasi ito bilang janitor sa umaga at nag aaral sa gabi
After several years, hindi ko inakalang narito sa aking tanaw ang minsang iginuhit ko lamang. Ang minsang pinangarap ko.
Looking back several years ago brings me bittersweet memories. Unti unting namuo ang sakit sa aking dibdib habang unti unting bumabalik sa aking alaala ang maulang hapon na iyon. Umasa lang ako noon. Ilang oras akong naghintay ngunit walang dumating. Ilang taon na ang lumipas. Kamusta na kaya sya? Naalala pa ba nya ako? Bakit hindi sya bumalik? Bakit hanggang ngayon ay hinihintay ko pa rin sya?
I sighed and immediately dismissed my thoughts. Kailangan kong tanggapin na minsan, hindi lahat ng pangarap natin ay natutupad. I've moved on. I should move on.
Nagpasya na akong tumayo upang kumuha ng inuming tubig sa kusina. Pagkababa sa hagdanan ay napansin ko si Adam na mahimbing na natutulog sa sofa. Mukhang sa sobrang pagod ay nakalimutan na nitong kunin ang kanyang unan at kumot.
Balak ko na sanang balewalain ngunit bakit hindi ko magawa
"Pabebe talaga! Ugh!" maktol ko. Sa halip na dumiretso sa kusina ay muli akong umakyat sa kwarto at kinuha ang unan at kumot nito. Muli akong bumaba bitbit ang mga ito.
Lumapit ako rito at isinilid ang unan sa ilalim ng kanyang ulo. Pagkatapos ay ipinatong ko na rin ang kumot sa kanyang katawan. Muli kong napagmasdan ang mukha nito nang malapitan,
"Alam mo, gwapo ka. Kaso, pabebe ka! Mabait ka lang kapag tulog!" bulong ko
Wala itong tugon at bagkus ay sobrang himbing ng tulog. Bahagyang nakaawang ang mga labi nito habang tahimik na naghihilik.
Muling bumilis at lumakas ang t***k ng aking puso. Bakit ba nagmamalasakit ako sa lalaking ito? Ano naman ngayon kung napagod sya? Dapat ay mainis ako sa kanya dahil kung dahil sa kanya, I should already have been happily married with my fiance right now. But... would I have really been happy with Chase?
Agad akong umiling at tumayo na upang umalis. Pagkatapos uminom ng tubig ay agad ko nang winaksi ang mga tanong sa aking isip upang hindi mahulog sa patibong ng naguguluhan kong nararamdaman