Sobrang maaga ako umalis ng aming bahay para makaiwas lang muna kina papa at Kuya Caloy. Paano ba naman ay talagang hindi nila ako tinigilan kagabi para lang kumbinsihin na huwag ko ituloy ang pagpapakasal kay Sir Ismael. Sa buong magdamag ay hindi ko yata mabilang kung beses sila kumatok sa aking kwarto para lang kausapin ako na makipaghiwalay sa boss ko at mag-resign na rin bilang sekretarya niya. Kung nasa ibang sitwasyon lang siguro ako ay baka agarang sinunod ko ang nais nilang iyon. Kaso kapit ako sa leeg ng boss ko nang oras na pinirmahan ko ang aming kontrata. Wala na talaga ako magagawa pa kundi ituloy ito at pakasalan siya. Habang patungo ako sa kompanya ay nagpakawala ako ng mahabang hikab. Hindi na iyon nakakapagtaka dahil dalawang gabi na rin ako na walang matinong tulog.