Tila kidlat na lumipas ang mga araw. Dumating ang araw ng pasukan. Ilang buwan na rin silang naninirahan sa bayang ito at masasabing maganda naman ang nagiging takbo ng kanilang mga buhay rito. Unti-unti na rin silang nasasanay sa buhay na meron sa probinsya.
Mataas ang sikat ng araw pero malamig ang hanging umiihip. Mag-isang nakaupo ngayon ng pambabaeng dekwatro sa mahabang bench na nasa gilid ng quadrangle ng school si Thunder. Abala ito sa pagbabasa ng librong nakabukas at hawak-hawak niya. Medyo may kalabuan na ang mga mata nito kaya naman nakasuot ito ngayon ng eyeglass na siya namang bumagay sa itsura nito. Estudyanteng-estudyante ang dating niya.
“Hoy! Pengeng pera!” may kalakasang bulalas ng isang lalaking bully. Nasa hindi kalayuan ang mga ito.
Nakikita naman ang takot sa mga mata ng hinihingan ng pera. “Wala akong pera ngayon.” Bakas ang takot sa boses na wika ng kaawa-awang binata.
“Anong wala? Binibigyan ka ng baon ng magulang mo, ‘di ba? Dapat meron kang pera kaya akin na!” malakas na sigaw pa ng lalaking bully.
Nakuha nang sumisigaw na bully ang atensyon ni Thunder kaya naman napatigil siya sa pagbabasa. Tiningnan niya kinaroroonan ng mga taong naririnig niyang nagsasalita. Nakita niya mula sa hindi kalayuan ang isang matabang lalaki na kaharap ang isang payatot naman na lalaki. Halata sa payatot na lalaki ang takot sa lalaking mataba na bully na kung makaduro ay wagas.
“Pero wala talaga,” puno ng takot na sambit pa ng payatot na lalaki sabay ayos ng suot nitong salamin sa mata. Kung si Thunder, hindi matatawag na nerd kahit na nakasuot rin naman ito ng salamin kasi gwapo pa rin naman siya, iyong payatot naman na lalaki, ito ang literal na matatawag na nerd dahil sa ang laki ng eyeglass nito sa mata, maluwag ang suot na uniform at ang laki ng bagpack na nakasukbit sa magkabilang balikat nito. Nerd na nerd ang dating kahit na sa tingin naman ni Thunder ay may itsura naman ito.
Mariing umiling-iling ang bully. “Hindi ‘yan pwede! Akin na iyong pera mo!” pamimilit pa ng matabang lalaking bully sabay kapkap kay payatot.
“Wala nga Justin,” nagsusumamong saad ng payatot na lalaki at pilit na umiiwas doon sa bully na nagngangalang Justin.
Isang malakas na batok ang natamo ng payatot kay matabang bully dahilan para mapayuko ang kaawa-awang lalaking payatot. Bakas sa kanyang mukha na nasaktan ang ulo niya sa pamamatok nito sa kanya.
Napapailing naman si Thunder dahil sa napapanuod. ‘Hanggang dito ba naman?’ sa isip-isip niyang tanong.
Hanggang dito ba naman kasi sa public school kung saan pumapasok si Thunder, at sa probinsya pa, may bully rin palang makikita. Sa dati niya kasing pinapasukang private school sa Maynila, nagkalat rin ang mga bully pero hindi niya inaasahan na pati sa public school, meron rin. Hindi pa naman siya nabibiktima ng mga bully dahil sa ilag nga ang mga tao sa kanya kahit na ang mga bully sa school na dati niyang pinapasukan ay hindi siya nagawang kantiin. May kumalat rin kasing balita noon sa school nila na nambugbog daw siya ng isang malaking lalaki na sikat raw na siga sa school nila. Hindi naman niya iyon tinanggi sa mga tao pero ang totoo, fake news ang balitang iyon tungkol sa kanya. Wala pa siyang nabubugbog na kahit sino. Kahit naman kasi na seryoso siya at mistulang introvert, pinalaki pa rin naman siya ng mga magulang at ate niya na mabuting tao kaya hindi siya gumagawa ng gulo. Pwera na lang kung kantiin siya.
Hindi rin obligasyon ni Thunder na magpaliwanag sa mga tao kaya hinayaan na lang niya ang balitang iyon tungkol sa kanya. Para sa kanya ay mabuti na rin iyon para hindi rin siya ma-bully at maging ilag ang ibang estudyante sa kanya.
Bahagyang tumaas ang kilay ni Thunder, isinara niya ang hawak na libro at nanatiling pinapanood ang dalawa.
“Hindi man lang lumalaban ang isang ito,” pabulong sabi ni Thunder. Medyo napailing ang ulo niya.
Walang nakuhang pera ang bully kaya naman dahil sa inis ay bigla nitong sinuntok ng malakas si payatot sa pisngi at pati na rin sa labi na ikinasadlak ng pwetan ng huli sa lupa dahil sa lakas ng suntok nito.
“Bukas siguraduhin mong may makukuha ako sayo kung ayaw mong madagdagan ‘yang pasa mo sa mukha!” nanggagalaiti na sigaw ng matabang lalaking bully sabay alis. Iniwan si payatot na nakaupo pa rin sa lupa at mangiyak-ngiyak ang mga mata dahil sa sakit na natamo dahil sa suntok.
Napailing-iling na naman ulit si Thunder. Nakita niyang duguan ang labi ng payatot na lalaki. Napansin rin niya ang namumulang kanang pisngi ng binata.
Suminghot-singhot ang binata habang nakayuko. Inayos niya ang pagkakasuot ng eyeglass niya. Awang-awa siya sa kanyang sarili. Hindi niya gustong magpaapi sa iba ngunit wala naman siyang kakayanang lumaban. Pakiramdam niya, mahina siyang tao.
Naisipan ni Thunder na ilabas ang panyo niya mula sa bulsa. Kinapa niya ito at kinuha. Tinitigan niya pa iyon. Sumilay ang sobrang liit na ngiti sa labi niya pagkatapos ay dahan-dahan siyang tumayo mula sa kinauupuan bitbit ang bag at libro saka nilapitan ang kaawa-awang lalaki na sa tingin niya naman ay kasing edad niya.
Kumunot ang noo ng lalaki ng may pares siya ng itim na black shoes na nakita sa lupa.
“Oh,” maikling pakli ni Thunder sabay abot ng panyo niya sa lalaki. Seryoso ang mukha niya na nakatingin dito.
Tumingala nang tingin sa kanya ang payatot na lalaki. Nakita ni Thunder ang pagkunot ng noo at ang mangiyak-ngiyak na mga mata nito.
“Nangangawit na ako. Kukunin mo ba itong panyo ko o hindi?” may pagkamaangas na tanong ni Thunder na nananatiling naka-abot ang kamay na may hawak na panyo sa binata.
Nakatingin lamang kay Thunder ang lalaki. Mistulang natulala ito sa presensya niya.
Nakaramdam nang inis si Thunder. Siya pa naman iyong tipo ng tao na mainipin at madaling mainis. Kaya naman ang ginawa niya, hinagis niya sa mukha ng payatot na lalaki ang panyo niya na bumalik naman sa sarili at nagulat sa ginawa niya.
“Sa susunod lumaban ka at huwag kang maging duwag,” malamig na saad ni Thunder saka ito dahan-dahang tumalikod sa lalaki at naglakad na palayo.
Hindi ipinagtanggol ni Thunder kanina ang lalaki dahil sa isang dahilan niya: hindi niya isinasali ang kanyang sarili sa isang sitwasyong wala naman siyang kinalaman.
Inalis naman ng lalaki ang panyo sa mukha niya at napasunod ang tingin sa nakatalikod ng naglalakad na si Thunder. Sa totoo lang kasi, ngayon lang may gumawa ng ganun sa kanya, iyong bigyan siya ng panyo pagkatapos siyang maapi. Kahit na marahas ang naging paraan nito sa pagbibigay sa kanya ng panyo still, nakikita pa rin niya rito ang pagiging concern sa katulad niya. Hindi niya tuloy napigilang mapangiti.
Huminga na lang siya ng malalim. Tiningnan niya ang hawak na panyo na ibinigay sa kanya. Isa itong puting panyo at may nakaburda na pangalan sa bandang laylayan nito.
“Thunderstorm,” pagbanggit nito sa pangalan ni Thunder. “Iyon kaya ang pangalan niya?” tanong pa nito sa sarili. Pamaya-maya ay bahagyang natawa. “Mukhang bagay nga sa kanya ang pangalan niya,” sabi pa nito. Base sa unang impression ni Thunder na nakita niya, sa tingin niya ay may kagaspangan ang ugali nito at sa tingin rin naman niya ay mabait ito. Bahagya siyang natawa. “Ang gulo ko,” mahinang saad niya pa.
Sa ugali pa lang ni Thunder, mukhang aayawan na ito ng mga tao gaya ng bagyo na laging inaayawan ng lahat na dumating.
---
Nakauwi na ng bahay si Thunder. Walking distance lang naman kasi ang bahay nila mula sa school kaya naman naglakad lamang siya pauwi.
Pagkapasok niya sa bahay ay nakita niya mula sa living room ang Ate Rain niya na nakaupo sa pang-isahang sofa. Sa kabilang sofa naman na mahaba, nakaupo roon si Brandon Fuentabella, ang masugid na manliligaw ng ate niya. Hindi niya alam pero inis siya rito dahil mukhang maangas ang mukha kahit na nakikita naman niya na mabait ito na kaharap ang ate niya. O baka naman nagbabalat-kayo lang para ma-impress ang ate niya.
“Oh, Thunder. Nandyan ka na pala,” wika ni Ate Rain na ngumiti ang labi at kaagad na napatayo para salubungin ang nakababatang kapatid.
Tumango lang ng isang beses si Thunder.
“Kumusta ang school?” pagtatanong ni Rain.
“Okay lang,” maikling sagot ni Thunder.
“Oo nga pala, kumain ka na muna. May miryenda akong niluto at nasa kusina,” alok ni Rain sa nakababatang kapatid.
Napailing ng bahagya si Thunder. “Hindi ako gutom,” sagot nito. “Sige Ate at pagtuunan mo na lang ng pansin ang manliligaw mo. Aakyat na ako sa kwarto ko para makapagpahinga,” pagpapaalam pa niya na ikinatango na lamang ni Rain.
Pagkaalis ng ate niya sa harap niya ay nagsimulang maglakad na si Thunder papuntang hagdanan. Nakasunod ang tingin sa kanya ni Brandon na kinikilatis siya.
“Ganun ba talaga ang kapatid mo? Parang ang layo ng ugali niya sayo,” wika ni Brandon na muling tiningnan si Rain saka tipid na ngumiti.
Mahinang natawa naman si Rain. “Ganun talaga siya dati pa. Masyado siyang ilag sa mga tao. Lalo na ngayon dahil sa nasa bagong lugar kami at kakamatay lamang ng mga magulang namin,” sagot niya na ikinatango-tango naman ni Brandon.
Napatigil sa pag-akyat si Thunder at muling tumingin sa kinaroroonan ng ate niya at ni Brandon. Nakita niyang masaya nang nag-uusap ang dalawa. Napapatawa ni Brandon ang ate niya na ikinasisiya naman niya dahil nagagawa iyon ni Brandon. Sa totoo lang kasi, inis man siya kay Brandon pero kung papapiliin siya sa mga manliligaw ng ate niya, ito ang pipiliin niya para makatuluyan nito dahil nakikita naman niyang mabuti itong tao at sincere sa pakikitungo. Magaling kasi siya pagdating sa pagkilatis ng tao.
Ilang linggo pa lamang silang naninirahan sa bayang ito ng magkakilala ang dalawa. Namamasyal kasi sila ng ate niya noon sa isang park ng makabungguan ng ate niya si Brandon. Hindi man siya naniniwala sa kasabihan na love at first sight kasi wala pa naman siyang karanasan pagdating sa pag-ibig pero masasabi niyang napatotoo ito ng dalawa dahil sa unang kita pa lamang ng mga ito, halatang nabighani na sila ng isa’t-isa. Minsan nga napapailing na lang siya kasi tinginan pa lang ng dalawa, halatang may namamagitan na sa kanila.
Hanggang sa magulat na nga lamang sila ng ate niya na biglang dumating sa bahay itong si Brandon at umakyat na ng ligaw. Mabilis ang mga pangyayari. Napapayag ang ate niya dahil halata naman na gusto rin nito ang binata kaya ito, madalas na pumupunta sa bahay nila pagkatapos ng klase. Sa pagkakaalam niya rin nga, nasabi sa kanya ng ate niya na magkaklase ang mga ito sa pinapasukang unibersidad, pareho pa ng kurso. Mukhang itinadhana yata talaga ang dalawa.
Base sa kwento ng ate niya dahil kung siya, walang imik, ang ate naman niya ang kabaligtaran niya dahil ito ay madaldal. Iyon, nai-kwento nito na galing si Brandon Fuentabella sa isang mayamang angkan. Halata naman sa apelyido dahil sikat ang pamilya nito sa bayan ng San Ildefonso dahil ang pamilya lang naman nito ang nagmamay-ari ng mga gasolinahan rito at sa iba pang panig ng bansa. Nalaman nga rin niya na may pagmamay-ari ang mga ito na dalawang mall na matatagpuan rito sa Bulacan at sa Cavite. Kung sakali nga na ito ang mapapangasawa ng ate niya, siguradong magiging buhay reyna ito dahil sa mayaman ang pamilya ni Brandon.
Kung titingnan naman ang itsura ni Brandon, masasabing papasa ito para sa ate niya. Gwapo naman kasi, makisig at malaki ang pangangatawan na bumagay sa tangkad, moreno ang makinis na balat. In short, Pilipinong-Pilipino ang dating. Mas matanda ito sa ate niya ng dalawang taon kaya kung ang ate niya ay nasa nineteen, si Brandon naman ay nasa bente-uno na.
Napangiti na lamang ng maliit si Thunder saka tuluyang umakyat na papunta sa kwarto niya.
---
“Anong sinabi mo? Nanliligaw si Brandon sa isang walang kwentang babae?” galit na galit na tanong ni Charmaine sa kaibigan niyang tsismosa na si Eva. Nasa kwarto sila ng mansyon ngayon ng una at nagbo-bonding.
Ngumiti nang nakakaloko si Eva. “Yes sisteret! Balitang-balita kaya iyon sa school. Hindi mo ba alam?” maarteng wika naman ni Eva habang naglalagay ng pulang lipstick sa may kakapalang labi niya.
Bumakas lalo ang inis at galit sa mukha ni Charmaine. Gustong-gusto niya kasi si Brandon at matagal na nga siyang nagpapapansin rito pero parang walang epek. Lahat na nga ay ginawa niya kahit na ang pagpapalipat ng course nito para maging kaklase si Brandon ay ginawa niya pero wala pa ring nangyayari. Kulang na nga lang na gawin niya ay tumambling siya sa tubig o hindi kaya ay lumangoy siya sa apoy para lang kay Brandon.
“Hindi siya pwedeng mapunta sa iba. Sa akin lang siya! Sa akin lang at walang kahit na sinong babae ang makikinabang sa kanya kundi ako lang!” nanggagalaiti na sambit ni Charmaine. Baliw na baliw talaga siya sa pag-ibig niya para kay Brandon.
“Eh anong gagawin mo ngayon? Sa tingin ko, mukhang gustong-gusto ng prinsipe mong si Brandon ang babaeng bagong salta,” nangingiting bulalas ni Eva.
Tumingin sa ibang direksyon si Charmaine. Tumalim ang pagtitig niya sa pader. Kumuyom ng pabilog at madiin ang mga kamay niya si Charmaine. Kitang-kita sa mga mata niya ang galit na nararamdaman.
Si Charmaine Ayala, twenty years old. Ang queen bee sa pinapasukang unibersidad kung saan doon rin pumapasok sila Rain at Brandon. Galing sa angkan ng mga pulitiko at ang latest na nasa pwesto ngayon na kadugo niya ay ang kanyang ama na si Bernardo Ayala, isang gobernador sa lalawigan nila. Uso sa bayan nila ang political dynasty kaya naman hindi malayong pasukin rin niya ang mundo ng pulitika pero sa ngayon, wala siyang interes doon dahil na kay Brandon ang buong atensyon niya.
Mayaman. Hindi maitatanggi dahil sunod sa luho at kitang-kita naman kay Charmaine ang pagiging spoiled brat. Sa mansyon siya nakatira. Masyadong spoiled kaya pati ang kanyang ama ay wala nang magawa kundi sundin ang kapristo niya. Mabait ang ama niya at hindi niya ito minana dahil sadyang maldita at walang pakielam sa damdamin ng ibang tao ang ugaling taglay niya. Kaya nga si Eva lang ang kaibigan nito dahil nasasakyan siya nito. Wala na siyang mommy, namatay ito dahil sa panganganak sa kanya kaya wala rin siyang kapatid. Hindi na rin naman nag-asawa pa ang kanyang ama at pinokus na lamang nito ang sarili sa pagseserbisyo sa bayan.
Maganda si Charmaine, mala-anghel ang mukha na kabaligtaran sa ugali nito. Maputi at makinis ang mala-porselana nitong balat, hanggang balikat ang buhok, sexy, elegante. Maraming lalaki ang nagpapantasya at nanliligaw sa kanya, Halos lahat nga yata ng lalaki sa school nila may gusto sa kanya pwera lang kay Brandon. Si Brandon na hindi niya makuha-kuha at ngayon, makukuha pa ng bruhildang babae.
“Kailangan kong gumawa ng paraan para hindi maagaw ng babaeng iyon si Brandon,” madiin na wika ni Charmaine saka muling tiningnan ang kaibigan na si Eva.
Tumaas ang kanang kilay ni Eva. “So anong ngang gagawin mo?” pagtatanong naman niya.
“Ano nga pala ulit ang pangalan ng bruhildang ahas na iyon?” tanong ni Charmaine. Nakalimutan na niya kasi ang pangalan. Alam niyang kaklase niya rin ito dahil kaklase nga niya si Brandon pero lagi niyang nakakalimutan ang pangalan at kung saan niya itong subject kaklase.
“Si Rain… Rain Dela Merced,” maarteng wika ni Eva.
“Rain,” pagbanggit ni Charmaine sa pangalan ng ate ni Thunder. Napangiti siya. Ngiting demonyo. “Iyon pala ang pangalan niya. Pwes… tatandaan ko na ‘yan simula ngayon. Tatandaan ko na ang pangalan ng bruhildang babaeng ulan na iyan na umaahas at umaagaw sa pinakamamahal ko. Sisiguraduhin kong magbabayad siya sa mga ginagawa niya,” madiin na saad niya. “Nagkamali siya ng taong inaahas at inaagawan,” may panggigigil na sambit niya pa.
Napangiti naman ng malaki si Eva. “Mukhang nakaisip ka na ng mga plano. Good girl.”
Napangiti naman ng nakakaloko sa kanya si Charmaine. “Ako pa? Masyado kaya akong magaling,” nagmamalaking wika niya.
“Oo nga eh, ginagalingan mo naman masyado,” biro sa kanya ni Eva.
Mahinang natawa na lamang si Charmaine.