Nakauwi na sa si Austin sa malaki nilang bahay at kasalukuyang papasok na siya. Bahagya niyang itinaas at inayos ang suot niyang eyeglass.
Pagkapasok ni Austin sa malaking nilang bahay ay bumungad sa kanya ang kabuuan ng loob nito. Napahinga siya ng malalim nang huminto siya sa paglalakad. Napakaganda nga ng bahay nila at kumpleto sa gamit ngunit wala namang tao ngayon maliban sa kanya at sa mga katulong na nagsisilbi sa pamilya nila. Sa totoo lang, palaging abala sa trabaho sa pagpapatakbo ng negosyo ang kanyang ina kaya lagi itong wala sa bahay at gabing-gabi na rin kung dumating habang wala naman na sa mundong ito ang kanyang ama na maagang iniwan sila dahil nagkaroon ng kumplikasyon ang sakit nito sa baga na maaga rin nitong ikinamatay.
“Austin.” Napatingin si Austine sa kuya niya na si Brandon nang tawagin siya nito. “Gabi na. Sa pagkakaalam ko ay five ng hapon ang labas mo sa school pero bakit ngayon ka lang nakauwi?” pagtatanong pa niya. Naglakad ito palapit kay Austin saka huminto sa harapan nito. Kagagaling lang niya sa kusina.
Ningitian ng maliit ni Austin ang nakakatandang kapatid. “Pumunta pa kasi ako ng library para doon na gawin ang assignment ko kaya medyo ginabi na,” sagot ni Austin sa tanong ng kuya niya.
Tumango-tango naman si Brandon sa naging sagot ng bunso niyang kapatid. Pamaya-maya ay nagsalubong ang kilay niya at mas tinitigan niya ito ng may napansin siya sa nakababatang kapatid.
“Nakipag-away ka ba?” nagtatakang tanong Brandon. Napansin kasi nito ang sugat na meron sa mukha ni Austin.
Biglang naalala ni Austin ang nangyari. Napaiwas tuloy siya sa ibang direksyon.
“Ah… wala lang ito… k-kuya,” pagmamaang-maangan ni Austin. Nakatingin siya ngayon sa may hagdanan.
“Wala lang?” pagtatanong ni Brandon kay Austin. Nanunuri ang pagtingin niya rito.
Marahan namang tumango si Austin. Tiningnan niya ulit si Brandon saka ningitian ito ng maliit.
“Hindi ka ba ulit inaway ng mga bully?” tanong pa ni Brandon.
Hindi sumagot si Austin. Siguradong pagsasabihan na naman siya ng kuya niya kapag nagsalita siya.
Nagbaba naman ng tingin si Brandon. Huminga siya ng malalim. Malakas ang pakiramdam niya na may hindi sinasabi ang kapatid niya at sa tingin niya ay tama ang hinalang naiisip niya kung saan galing ang sugat at pasa nito sa mukha.
Tiningnan ulit ni Brandon si Austin. Tipid na lamang niya itong ningitian.
“Sige na at umakyat ka na sa kwarto mo at magbihis na. Bumaba ka rin kaagad para makakain ka na ng hapunan,” saad ni Brandon.
Tumango-tango naman si Austin. “Sige, Kuya.” Umalis na siya sa harapan ng kuya niya at nagmamadaling pumunta sa may hagdanan.
Sinundan naman ni Brandon ng tingin ang kapatid. Napahinga na lang siya ng malalim.
“Ilang beses ko na siyang pinaalalahanan ngunit hindi naman siya nakikinig,” mahinang sambit ni Brandon.
---
Magkaharap na nakaupo ng patagilid sa may sofa sila Brandon at Austin. Dahan-dahang pinapahiran ng una ng cream ang pasa at sugat ng huli na medyo napapangiwi naman sa hapdi at sakit.
“‘Yan ang napapala kapag hindi lumalaban,” pagpaparinig ni Brandon sa kapatid habang ginagamot niya ito.
Hindi naman umimik si Austin. Nagbaba lang siya ng tingin.
“Austin, ilang beses na kitang sinabihan na kung sakaling aawayin ka ulit ng mga bully, lumaban ka sa kanila. Wala namang masama na ipaglaban mo ang sarili mo basta ba alam mong ikaw ang nasa tama at maipagtatanggol mo ang iyong sarili hindi iyong lagi ka na lamang nagpapaapi sa iba,” kalmadong panenermon ni Brandon na napapailing na lamang dahil sa dismaya sa kapatid. Natapos na siya sa paglalagay ng cream sa pasa at sugat sa pisngi at gilid ng labi ni Austin at tiningnan niya ito ng mataman.
Tiningnan na rin ni Austin ang kuya niya. “Ayoko lang ho kasi ng gulo,” magalang na sagot ni Austin. Iyon rin naman kasi ang dahilan kaya hindi siya lumalaban, ayaw niya ng gulo at ayaw rin niyang magkaroon ng record sa school. Ayaw niyang masira ang image niya bilang isa sa mga topnotcher.
“Ayaw mo nga ng gulo pero lagi ka namang ginugulo,” napapailing na sambit ni Brandon. Nagbuga siya ng hininga. “Anyway, huwag mo na lang sigurong ipapakita ‘yan kay mama dahil siguradong mag-aalala ‘yun,” aniya pa.
Napatango na lamang si Austin sa sinabi ng kuya niya. “Salamat, Kuya.”
Napaismid na lang si Brandon. Inabot niya ang ulo ni Austin saka bahagyang ginulo ang buhok nito na nagpangiti na lang sa huli.
Siya si Austin Fuentabella, fifteen years old, ang nakababatang kapatid ni Brandon na manliligaw naman ni Rain.
Magkaibang-magkaiba sila Brandon at Austin lalo na sa pisikal na itsura. Kung si Brandon ay gwapo at matipuno at magaling ring pumorma na hinahangaan ng iba, si Austin naman ang kabaligtaran niya. Baduy kung manamit at halatang-halata na nerd. Hindi masyadong masipag si Brandon sa pag-aaral habang si Austin naman ay nasobrahan sa sipag kaya napabayaan ang sariling itsura.
Gwapo naman si Austin. Matangkad pero payat dahil mahinang kumain. Nagtatago sa malaking salamin sa mata at baduy na damit ang kagwapuhang taglay nito. Wala naman kasi itong pakiealam sa itsura niya dahil ang mahalaga rito ay ang pag-aaral nito at palagiang pagkakasali sa top ten sa klase.
Ayos na ayos ang buhok nito na parang buhok ng pambansang bayani dahil sa sobrang flat, makintab at parang dinilaan ng baka, makapal ang maitim na mga kilay. May kabilugan ang mga matang mistulang nangungusap. Bumagay rito ang may kahabaang pilik-mata nito. May katangusan ang ilong at may kanipisan ang natural na mamula-mulang labi. Nasa gitna ang kulay ng balat nito, kumbaga, katamtaman lamang ang puti pero nalalapit ang kulay sa pagka-brown. Makinis ang balat nito dahil hindi naman maitatanggi na galing nga ito sa mayamang pamilya at alaga sa aircon ang balat niya.
Muli nang bumalik si Austin sa kanyang malaking kwarto. Pinuntahan niya ang kanyang malaking bag na ipinatong niya kanina sa study table niya. Punong-puno iyon ng mga libro. Ngumiti siya pagkatapos ay lumapit naman siya sa kama at kaagad na nahiga roon. Ibinuka niya ang kanyang mga braso. Dinama niya ang lambot at laki ng kanyang kama.
“Haaay! Ang sarap talagang mahiga!” natutuwang sambit niya. Malambing ang boses niya na buo.
Natulala ng ilang minuto si Austin, nakatitig lamang ang mga mata niya sa kisame. Pamaya-maya ay naisipan niyang kapain ang kanyang bulsa at kinuha roon ang isang panyong puti. Tinaas niya ang kamay na may hawak na panyo para matitigan niya iyon. Tipid siyang napangiti. Sumagi sa alaala niya ang nangyari at kahit na may parte na pangit sa pangyayaring iyon, hindi pa rin niya mapigilang hindi mapangiti dahil may maganda rin namang naidulot ang pangyayaring iyon. Iyon ang nakita at nalaman niya ang pangalan ni Thunderstorm. Ang kauna-unahang tao sa school na nag-alok at nagbigay sa kanya ng panyo pagkatapos siyang ma-bully.
Aminado si Austin na nagwapuhan siya kay Thunder. Gwapo naman na ito kahit na sa malayuan pero mas gwapo ito kapag malapitan.
Alam ni Austin na ilang buwan pa lamang ang nakakalipas nang lumipat sa bayan nila si Thunder kasama ang ate nito na si Rain na kilala niya rin sa pangalan dahil naikwe-kwento ito ng kuya niya sa kanya. Kilala na niya si Thunder noon pa at nakikita na nga niya ito lagi sa school at alam niyang kapatid nito ang soon to be sister-in-law niya na si Rain.
Lagi niya itong tinitingnan mula sa malayo kaya kahit papaano’y medyo nakilala niya ang ugali nito bilang tahimik at hindi nakikihalubilo sa iba. Palagi niyang napapansin ito dahil lagi itong nag-iisa at kung hindi nagbabasa ng libro, nakikita naman niya itong natutulog sa kung saan-saan. Iyon lang lagi ang nakikita niyang ginagawa nito kapag breaktime.
Sumilay ang maliit na ngiti sa labi ni Austin. Sa totoo lang, nagkaroon siya ng interes kay Thunder.
Lingid kasi sa kaalaman ng lahat, may kakaiba sa pagkatao ni Austin. At the age of ten, naramdaman na niya sa kanyang sarili na may kakaiba sa kanya, na humahanga siya sa kapwa niya lalaki lalo na kung gwapo at may malaking katawan. Pinigilan niya ngunit hindi umubra at naging mahirap iyon para sa kanya. Pilit lamang niya itong itinatago sa pamamagitan ng pagkilos pa rin ng normal na gaya ng isang tunay na lalaki dahil hindi pwedeng malaman ng iba, lalo na ng pamilya niya na iba siya dahil siguradong masisira siya sa mga ito at masisira rin ang pangalan nila sa lahat.
Kaya kahit na mahirap pa rin para sa kanya ang lahat ay itinatago niya ito. Hangga’t kaya niya ay ikukubli niya ang kanyang totoong sarili niya na iba siya sa iba. Hindi naman niya ginusto na maging ganito pero para na lamang itong isang kabute na bigla na lamang naramdaman.
“Sa susunod ay lumaban ka at huwag kang maging duwag.”
Naalala ni Austin ang sinabi ni Thunder. Tipid siyang napangiti. Sa tono kasi nito, binibigyan siya nito ng encouragement na lumaban, na ipagtanggol ang sarili. At parang gusto na nga niyang gawin iyon.
“Sige… susubukan ko,” mahinang sambit ni Austin habang nakatitig pa rin sa mataas na kisame ng kwarto niya. Tila nakikita niya roon ang gwapong mukha ni Thunder.
---
Nakapalumbaba si Charmaine habang nakaupo sa upuan nito. Kasama pa rin nito si Eva na nakaupo naman sa kabilang upuan. Walang tao ngayon sa classroom nila kundi sila lamang dalawa dahil kasalukuyang breaktime at nasa cafeteria ang halos lahat ng estudyante. Sila naman ay ayaw nilang kumain kaya mas pinili na lamang nila na manatlili muna dito sa classroom.
“Sister! Anong nangyayari sayo? Okay ka lang ba? Natutulala ka na diyan,” maarteng litanya ni Eva habang inaayos ang kilay.
Tiningnan ni Charmaine si Eva. Tinaasan niya ito ng kanang kilay. May inis na mababanaag sa mukha niya.
“Hindi ako okay! Naiinis pa rin ako kasi hanggang ngayon ay naaalala ko pa rin iyong nangyari sa pagitan namin ni Brandon at ng bruhildang babaeng iyon dagdagan pa ng kapatid niyang bubwit na bwisit na walang kyemeng pinagbantaan ako. Nakakainis! Nakakabwisit sila!” paghuhurumentado ni Charmaine.
Mahina namang natawa si Eva. Sinamaan naman siya ng tingin ni Charmaine.
“Tinatawanan mo pa ako diyan!” pasinghal na saad niya sa kaibigan.
Mas lalo namang natawa si Eva. Itinigil na muna niya ang pag-aayos sa kilay niya.
“Ganun talaga, sister. Siyempre, nakita ni Fafa Brandon mo na inaaway mo ang prinsesa niya kaya naman to the rescue ang prinsipe. About naman dun sa kapatid ni Rain na si Thunder na oh so gwapo, siyempre kapatid iyon kaya natural lamang na ipagtanggol niya ang ate niya.”
Nakatanggap ulit si Eva ng masamang tingin mula kay Charmaine.
Hindi naman pinansin ni Eva ang masamang tingin ng kaibigan. Nasanay na siya sa mala-demonyang tingin nito palagi sa kanya. “Anyway, so ano nang gagawin mo ngayon? Nahuhuli ka na sister. Baka mamaya, tuluyan nang maagaw ng Ulan na iyon ang prinsipe mo. Mas nauna ka naman sa Ulan na iyon kaya dapat sa iyo mapunta ang prinsipe,” pangbubuyo pa niya.
Napairap si Charmaine. “Hindi ako papayag na sa kanya mapunta ng tuluyan si Brandon. Maghintay lang ang Ulan na ‘yan sa matindi kong ganti sa kanya na siguradong hinding-hindi niya makakalimutan,” madiin na salita niya.
Kumunot naman ang noo ni Eva. “So, may naisip ka na ngang plano?” pagtatanong niya pa.
Diretsong tiningnan ni Charmaine si Eva. Sumilay ang nakakalokong ngiti sa labi niya.
“Matagal na akong may naisip. Alam mo naman, sagana ang brain cells ko sa mga ideas,” pagmalalaki ni Charmaine na ikinangiti naman ni Eva. “Hindi ko pa lamang ginagawa dahil gusto ko munang makausap ang bruhildang iyon at baka matakot sa akin pero waepek! Kaya naman dahil napuno na ako, I think it’s time para gawin ko na,” aniya pa. “Tulungan mo ako, okay?” nangingiting tanong niya pa kay Eva.
Lumaki ang ngiti sa labi ni Eva. “Oo naman sister! Ako pa ba?” pagpayag kaagad ni Eva na ikinangiti naman ni Charmaine. “Pero teka… ano bang balak mo?” tanong pa ni Eva.
“Malalaman mo rin soon,” sagot ni Charmaine. Tumingin siya sa ibang direksyon.
‘Humanda ka na sa aking bruhildang Ulan ka. Matitikman mo na ang mas matinding galit ng isang Charmaine Ayala,’ sa isip-isip niya habang ngumingisi ang labi.
---
“Hindi mo naman ako kailangang ihatid at sundo araw-araw. Masyado kang mapapagod niyan,” wika ni Rain kay Brandon. Sabay silang naglalakad ngayon ng mabagal pauwi ng bahay ng una.
Napangiti naman ang labi ni Brandon. “Okay lang na mapagod ako basta ba masigurado kong lagi kang safe,” malambing na sambit niya. “Alam mo naman na ang panahon ngayon, hindi mo malalaman kung kailan ka ligtas o hindi kaya mas mabuti nang masamahan kita palagi kahit na anong mangyari.”
Sumilay naman ang natutuwang ngiti sa labi ni Rain. “Ikaw talaga,” aniya. “Salamat. Alam mo? Sa lahat ng naging manliligaw ko, sayo talaga naging magaan ang loob ko,” salita niya pa.
Ngumiti muli si Brandon. “Mabuti naman kung ganun,” wika niya.
Pamaya-maya ay namayani ang katahimikan sa pagitan nang dalawa. Kapwa sila nakatingin sa nilalakaran nila.
“Oo nga pala, bago ko makalimutan. Nagustuhan mo ba ang surprise ko sayo?” tanong ni Brandon na muling tiningnan si Rain.
Tiningnan ni Rain si Brandon. Napangiti siya nang maalala ang naging surprise nito sa kanya.
“Oo naman. Sobra-sobra kong nagustuhan,” natutuwang sagot ni Rain. “Akala ko nga magpro-propose ka na kaagad ng kasal kasi sobrang bongga ng ginawa mo. Talagang kinuntsaba mo pa iyong mga teammates mo para lamang magawa iyon,” saad pa niya.
Isa kasing flash mob ang naging surprise ni Brandon para kay Rain kung saan, biglaang sumayaw ang mga ito sa gitna ng basketball court. Hindi nga niya akalain na may angking talento pala itong si Brandon pagdating sa pagsasayaw na ikinatuwa niya.
Natawa ng mahina si Brandon. “Kung magpro-propose man ako sayo, mas maganda pa roon ang gagawin ko. Pero dahil sa hindi pa naman kita girlfriend, dapat ang isipin ko muna ngayon ay kung sa paanong paraan kita mapapasagot. Iyong mas maganda pa sa ginawa namin kanina.”
Napangiti si Rain sa sinabi ni Brandon. Huminto siya sa paglalakad kaya napahinto rin si Brandon. Humarap sila sa isa’t-isa.
Tiningnan ni Rain si Brandon sa mata. Sinalubong naman iyon ng huli.
“Hindi mo naman na kailangang gumawa pa ng paraan para mapasagot mo ako dahil sapat na sa akin iyong mga nakikita kong maganda mula sayo. Sapat na iyon para sagutin kita ng oo,” may lambing na sambit ni Rain na ikinagulat ni Brandon.
“A-anong ibig mong sabihin? I-Ibig-”
Napahinto na lamang sa pagsasalita si Brandon ng bigla siyang halikan ni Rain sa labi. Smack lamang iyon pero mistulang tagos hanggang sa kaluluwa ang halik na iyon ng babaeng mahal niya.
“Oo. Girlfriend mo na ako at boyrfriend na kita,” nakangiting wika ni Rain pagkatapos niyang halikan ang kauna-unahan niyang nobyo na natulala na dahil sa ginawa ng kauna-unahan niyang girlfriend.
Natawa naman si Rain sa pagkakatulala ni Brandon. Lumapit siya lalo dito at niyakap niya ito ng mahigpit. Bumalik naman sa sarili si Brandon. Naging abot-tenga ang ngiti sa labi niya saka ginantihan ang yakap sa kanya ng ngayon ay nobya na niya. Hindi siya makapaniwalang sinagot na nito ang pag-ibig niya.
“Thank you. Thank you!” tuwang-tuwa na pasasalamat ni Brandon. “Mahal na mahal kita! Mahal na mahal!” aniya pa.
Umabot rin hanggang tenga ang ngiti ni Rain. Masayang-masaya siya ang pakiramdam niya sa kanyang naging sagot kay Brandon. Kasing-ganda ng mga bituin na kumikinang sa kalangitan ang kanyang nararamdaman.
“I love you too,” sincere na bulong ni Rain saka sinubsob ang mukha sa bandang dibdib ni Brandon at mas humigpit ang pagyakap niya sa nobyo.
Halos mapunit na ang labi ni Brandon dahil sa lalong pagngiti ng labi niya. Narinig niya ang sinabi ni Rain na lalong nagpakabog at nagpasaya sa kanyang puso.
---
As usual, mag-isa na naman si Thunder na nakaupo sa may bench. Wala itong binabasang libro ngayon kaya patingin-tingin lamang ito sa paligid at nag-iisip.
Iniisip niya kasi ang ate niya. Sinabi nito sa kanya kagabi na sila na ni Brandon. Sa totoo lang, natutuwa siya para dito dahil sa wakas, nagkaroon na ng lovelife na ang ate niya. Hindi na lamang siya ang iisipin nito pero hindi niya maiwasang hindi makaramdam ng pagkabahala at hindi niya alam kung saan nanggagaling ang pakiramdam na iyon.
Hindi napapansin ni Thunder na papalapit sa kinaroroonan niya si Austin. Hawak nito ang panyong ibinigay ng una sa kanya na pinalaba na niya sa katulong.
“Thunderstorm,” mahinang pagtawag ni Austin kay Thunder.
Naputol ang pag-iisip ni Thunder at tumingin sa narinig niyang tumawag sa pangalan niya. Nakita na naman niya si nerd na duwag. Wala siyang naging reaksyon at poker-face lang siya.
“Anong kailangan mo?” pagtatanong ni Thunder sa malamig na tono.
Pinipilit ni Austin na kalmahin ang sarili dahil sa totoo lang, kabadong-kabado siya ngayong nasa harapan siya ni Thunder. Inabot nito ang panyo kay Thunder.
“Uh… eh… ito na iyong panyo mo. Bagong laba iyan kaya malinis na. Salamat sa pagpapahiram-”
“Huwag mo nang ibalik ‘yan sa akin,” mabilis na bulalas ni Thunder na nagpatigil sa pagsasalita ni Austin.
“Ha?” nagtatakang tanong ni Austin kahit na narinig naman niya ang sinabi ni Thunder.
Bahagyang tumaas ang kilay ni Thunder. “Nabingi ka na ba? Ang sabi ko, huwag mo nang ibalik sa akin,” malamig niyang tugon saka tumingin sa ibang direksyon.
“Pero… bakit? Sayo ito-”
“Sa akin nga. Pero hindi ko na kasi tinatanggap muli ang isang bagay na ibinigay ko na kasi nagamit na ng iba,” saad kaagad ni Thunder habang nakatingin pa rin sa malayo. “Kahit labhan mo pa ‘yan ng one-hundred times, hindi pa rin maiaalis na nagamit mo na ‘yan at hindi na ako gumagamit ng gamit na ng iba,” malamig na bulalas niya pa.
Napayuko naman si Austin. Kinagat niya ang kanyang ibabang labi. Nakaramdam siya nang pagkapahiya sa sinabi ni Thunder.
Nananatili namang nakatingin lang sa malayo si Thunder na nakaupo ng pambabaeng dekwatro sa bench. Tila wala siyang nakikitang tao sa harapan niya.
Huminga na lamang ng malalim si Austin. Itinago na lamang niya ang panyo sa bulsa ng suot niyang slacks. Inayos ang salamin sa mata at nagpasyang maupo sa tabi ni Thunder.
Tumingin ulit si Thunder kay Austin. Kumunot ang noo niya.
“Bakit ka nauupo diyan? Nakita mong nakaupo ako,” maangas na wika ni Thunder.
Ngumiti ng maliit si Austin. “Mahaba naman ang bench kaya pwede pa akong maupo,” aniya. “Saka isa pa, nabili mo na ba ito para ikaw lang dapat ang maupo?” pamimilosopo niya pa.
Napaiwas nang tingin si Thunder kay Austin. Nakaramdam siya ng pagkapahiya.
“Marunong ka naman palang sumagot. Bakit hindi mo gamitin ‘yan kapag inaaway ka at samahan mo na rin ng lakas ng suntok,” malamig na wika ni Thunder na nakatingin sa malayo.
Tipid na ngumiti si Austin na nakatingin pa rin kay Thunder. “Hindi kasi ako iyong tipo ng tao na gumaganti sa iba,” bulalas niya pa.
Nag-smirk si Thunder. “Hindi naman masamang gumanti lalo na sa taong may matinding atraso sayo,” seryosong saad niya. “Kasi kung hindi mo ‘yun gagawin, paulit-ulit ka lang aabusuhin. Sasaktan ka lang ng paulit-ulit,” aniya pa saka tiningnan si Austin. “Hindi ka naman siguro masokista para gustuhin mong paulit-ulit kang saktan, ‘di ba?” pagtatanong niya pa habang nakatitig sa mga mata ni Austin.
Sandaling natitigan ni Austin ang mga mata ni Thunder. Hindi niya iyon nakayanan kaya naman nagbaba siya kaagad ng tingin. ‘Ang puso ko… nagwawala,’ sa isip-isip niya pa.
Napaismid na lang si Thunder saka iniwas ang pagtingin kay Austin na hindi na makatingin sa kanya. Tumingin ulit siya sa malayo.
Muli namang tiningnan ni Austin si Thunder. Napahinga siya ng maluwag dahil hindi na ito nakatitig sa kanya.
Namayani ang katahimikan sa pagitan ng dalawang binata.
“Ikaw pala iyong nakababatang kapatid ni Ate Rain,” wika ni Austin na bumasag sa sandaling katahimikan. Mabilis namang tumingin si Thunder kay Austin. Halata ang pagkagulat sa mukha niya.
“Bakit mo alam? Kilala mo ba ang ate ko?” magkasunod na tanong ni Thunder.
“Medyo. Naikwe-kwento kasi siya ni Kuya Brandon sa akin.”
“Kuya mo si Brandon?” pagtatanong pa ni Thunder.
Mabagal na tumango-tango si Austin.
Napangisi si Thunder. Bahagyang natulala si Austin dahil sa ngising iyon. Para sa kanya, ang angas ng dating at lalo itong nagpa-gwapo kay Thunder.
“Ang layo naman. Baka naman pinaglololoko mo ako na kuya mo si Brandon,” nang-aasar na litanya ni Thunder. Hindi siya makapaniwala kaya napapailing pa siya.
Hindi nakapagsalita si Austin. Alam naman niya kasi ang ibig sabihin ng sinabi ni Thunder.
Pamaya-maya ay bahagyang sumeryoso si Thunder. “Okay. Kung kuya mo nga siya. Pakisabi sa kanya na alagaan niyang mabuti ang ate ko at huwag niyang pababayaan dahil oras na hindi niya iyon magawa, humanda siya dahil sa akin talaga siya malilintikan,” pagbabanta pa niya.
“Bakit hindi mo kay kuya ‘yan sabihin ng diretso?” tanong ni Austin na nakakunot pa ang noo.
“Hindi ko naman iyon kinakausap. Hindi kami close.”
“Bakit? Galit ka ba kay kuya?” pagtatanong pa ni Austin kay Thunder.
Nakaramdam ng inis si Thunder. “Ang dami mong tanong, alam mo ba iyon?” maangas na tanong niya.
Tinikom naman ni Austin ang bibig niya. Pamaya-maya ay huminga siya ng malalim.
“Oo nga pala, ako si Austin. Austin Fuentabella-”
“Hindi ko tinatanong ang pangalan mo,” pambabasag ni Thunder.
Natahimik naman si Austin. Kanina pa siya napapahiya kay Thunder.
Nagulat na lamang si Austin nang biglang tumayo mula sa kinauupuan si Thunder at mukhang aalis na.
“Aalis ka na?” pagtatanong ni Austin.
Hindi siya sinagot ni Thunder sa halip ay kaagad lamang itong tumalikod at walang paa-paalam na naglakad palayo. Nakasunod lamang ang tingin ni Austin kay Thunder na walang nagawa kundi ang mapabuga na lang ng hininga.