Katatapos lang maligo ni Chestine at saktong kalalabas niya lang ng banyo nang maabutan niya si Johan na may kausap sa cellphone habang nakatayo sa may balcony.
Papalapit na sana siya sa kinaroroonan nito nang biglang humarap si Johan at kaagad na nagpaalam sa kausap sabay ibinulsa niya ang hawak na cellphone.
"Sinong kausap mo?" nagdududang tanong ni Chestine at hindi nakaligtas sa mga mata niya ang tila sunod-sunod na pagtikhim ni Johan.
"No one," tipid na sagot ni Johan.
"Talaga?" sarkastikong sabi ni Chestine.
"Pinagdududahan mo na naman ba 'ko Ches?" tanong din ni Johan na ikinasalubong ng kilay ni Chestine.
"Bakit ibinaba mo kaagad ang tawag nung makita mo 'kong nasa likuran mo? Sabay nagpaalam ka rin agad sa kausap mo?" panghuhuli ni Chestine sa asawa.
"Love, alangan naman nandiyan ka na sa harapan ko hindi pa kita pansinin?" kunot noong sagot ni Johan.
Ang pagiging selosa ni Chestine ang madalas nilang pinagaawayan. Lalo na pag may ibang kausap na babae si Johan.
"Babae ba 'yan o lalaki?" may pagdududa pa ring tanong ni Chestine sabay napakamot na lang sa ulo si Johan.
"Agency ang kausap ko kanina dahil ngayon ang dating ng nanny na kinuha ko para kay Jonas." Naiiling na sagot ni Johan.
Nakahinga naman ng maluwag si Chestine dahil ang akala niya ay babae ang kausap ng kanyang asawa. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya maialis ang pagiging selosa niya kahit anong pigil niya sa sarili.
"Mabuti naman. Ang akala ko kasi—" hindi na naituloy ni Chestine ang kanyang sasabihin nang putulin siya ni Johan.
"Chestine, 'yang pagiging selosa mo p'wede bang paki-lugar mo? Hindi na nakakatuwa sa totoo lang. Pati trabaho ko naaapektuhan na dahil sa pag-o-over think mo. Natural lang na may makausap akong mga babae dahil hindi naman all boys ang lugar na ginagalawan ko," angil ni Johan na ikinatigil ni Chestine.
"Johan... " tanging pangalan na lang ng kanyang asawa ang nabanggit ni Chestine dahil iniisip niya na baka nasasakal na ito sa kanya.
"Nakakasawa na rin kasi Ches, palagi ka na lang gan'yan. Kada-kibot ko selos ka kaagad. Baka itong nanny na kinuha ko ay kinalaunan pag-se-selosan mo rin??" dismayadong sabi ni Johan na mas lalong nakapagpatigil kay Chestine.
Hindi siya makasagot kay Johan dahil alam niya sa kanyang sarili na siya itong may mali.
Akmang magsasalita na sana siya nang mapalingon sila sa pinto ng kanilang silid nang may biglang kumatok mula sa labas. Kaya naglakad si Johan patungo sa pintuan para pagbuksan kung sino ang kumakatok at sakto pagbukas niya ay bumungad sa kanya si Yaya Fei, ang nag-iisa nilang katulong sa bahay.
"Oh! Yaya Fei, bakit?" bungad ni Johan.
"Sir, may tao po sa labas ng gate. Siya raw po 'yung ipinadala ng Agency nila para maging nanny ni Jonas," imporma ni Yaya Fei kay Johan.
"Sige po Yaya Fei, papasukin niyo na siya at makiki-sabi maghintay siya sandali sa living room sabay na kaming bababa ni Chestine," utos ni Johan sabay tumango lang ito at tumalikod na.
Isinara na ni Johan ang pinto at muli niyang binalingan ang asawang tahimik na nakaupo sa ibabaw ng kanilang kama. Nilapitan niya ito sabay niyakap niya ng mahigpit at hinalikan sa noo para aluin. Hindi si Johan ang tipo ng lalaking pinatatagal ang problema sa kanilang relasyon.
"Love, alam mo noon pa man kung gaano kita kamahal at araw-araw ko sa 'yo pinakikita 'yon hindi ka na nga dapat nagseselos dahil halos nasa 'yo na ang lahat ng magagandang mga katangian ng isang babaeng perpekto. Pero nagpapakain ka pa rin sa negatibo mong pagiisip which is hindi na tama," sabi ni Johan.
Humugot muna ng malalim si Chestine bago niya sagutin ang sinabi ng asawang si Johan.
"Pakiramdam ko...may aagaw sa 'yo mula sa 'kin pagdating ng panahon," pag-amin ni Chestine.
"H'wag mong isipin 'yan dahil sa 'yo lang ako at akin ka lang. Kung talagang may tiwala ka sa 'kin hindi ka magiisip ng gan'yan," sabi ni Johan gamit ang malalim niyang boses.
Dumako ang tingin ni Johan sa mapupulang labi ng kanyang asawa kaya naman mabilis niya itong sinunggaban ng nagbabagang halik at gumanti rin si Chestine sa halik Johan kaya naman naging mas malalim pa ang kanilang mainit na halikan hanggang sa unti-unti nang gumagapang ang kamay ni Johan sa dibdib ni Chestine at akmang tatanggalin niya na sana ang tali ng suot nitong bath robe nang maagap siyang pinigilan ni Chestine.
"Johan... may naghihintay sa 'tin sa baba," paalala ni Chestine na ikinahinto ni johan.
"I forgot! Ikaw kasi nakakagigil ka. Kaya hindi ko na mapigilan. Ituloy na lang natin mamaya kapag wala nang istorbo," pabulong na sabi ni Johan habang nakapatong pa rin sa ibabaw ng asawa.
"Panay ka kalokohan! Tumayo ka na d'yan at mag-aayos na 'ko susunod na lang ako sa 'yo sa baba," utos ni Chestine at kaagad namang sinunod ni Johan.
"Sige, sumunod ka na lang," sabi ni Johan sabay hinalikan niyang muli ang asawa at naglakad na ito patungo sa pinto at lumabas na.
Pababa na ng hagdanan si Johan nang maabutan niya si Yaya Fei na kausap ang nakatalikod na babae habang nakaupo sila sa sofa ng living room.
Kaagad din naman siyang namataan ni Yaya Fei at nang makita niyang papalapit na siya sa kinaroroonan nila ay mabilis siyang tumayo at ganu'n din ang babae. Nagulat si Johan nang tuluyang humarap sa kanya ang babae. Hindi niya inaasahang halos kasing edad lang pala ng asawa niya ang magiging nanny ng anak nila. Pero ang mas nakaagaw ng pansin niya ay ang maganda nitong mukha.
Naupo si Johan sa isang bakanteng solo sofa sabay dumako ang tingin niya kay Yaya Fei na naghihintay lang ng utos niya.
"Yaya, bring me a cup of coffee at sa kanya ay juice na lang baka hindi siya nagkakape," utos ni Johan kay Yaya Fei.
"Sige po Sir," sagot ni Yaya Fei sabay umalis na ito sa harapan nila at muling binalingan ni Johan ang babae.
"Maupo ka," utos naman ni Johan sa babae at kaagad siyang sinunod nito at muling naupo.
Napansin ni Johan na tila kinakabahan ito dahil panay ang pagyugyog nito ng binti kaya naman binigyan niya ito ng isang banayad na ngiti para h'wag siyang ma-tense sa kanyang presensya. Lihim namang nagulat ang babae nang nginitian siya ni Johan.
"Sigurado ka bang ikaw ang ipinadala ng Agency para maging nanny ng anak ko?" nagdududang tanong ni Johan dahil ang inaasahan niyang nanny ni Jonas ay 'yung may edad na. Hindi 'yung ganito kaganda at kabata.
Nang mahalata ng babae ang pagdududa sa boses ni Johan ay iniabot niya rito ang hawak niyang folder na naglalaman ng credentials niya at kinuha naman ni Johan ang folder.
"Kung may duda po kayo sa akin p'wede niyo pong i-check ang background ko," suhestyon ng babae kay Johan.
Tinignan ni Johan ang nilalaman ng folder nito at napag-alaman niya na siya pala talaga si Eunice Cassano from Legal Serve Agency.
"Hindi nila nasabi sa 'kin na ang bata mo pa pala. Halos kasing edad ka lang ng asawa ko," namamanghang sabi ni Johan.
"Ilan taon na po ang asawa niyo?" curious na tanong ni Eunice kay Johan. Hindi niya alam kung bakit gusto niyang alamin.
"She's 25," tipid na sagot ni Johan habang patuloy pa rin binabasa ang laman ng folder.
Tumango-tango na lang si Eunice habang lihim niyang pinagmamasdan ang gwapong mukha ni Johan. Napapaisip siya kung gaano rin kaya kaganda ang asawang tinutukoy nito. Imposibleng mag-asawa ito ng hindi niya ka-level.
"Nagkamali lang po sila ng pag-banggit sa inyo ng edad ko kaya ang akala niyo po ay matanda ang darating," paliwanag ni Eunice.
"I see. So, graduate ka pala ng college sa kursong hotel and management. Bakit mo naisipan maging taga pag-alaga ng bata?" tanong ni Johan at hindi sinasadyang nagtama ang mga mata nila.
Sakto namang dating ni Yaya Fei at maingat niyang inilagay sa center table ang kape at juice sabay umalis din naman kaagad.
"Mahilig po kasi ako sa bata Sir, kaya po ito ang trabahong napili ko ngayon. Pero dati po akong naging hotel manager sa Balana Hotel. May three years din po akong nag-trabaho doon," tapat na sagot ni Eunice.
"Balana Hotel? I'm the owner of that place. So, bakit hindi kita mamukhaan kung talagang sa hotel kita nagtrabaho?" nagtatakang tanong ni Johan.
"Hindi ko rin po alam Sir. Baka hindi niyo lang po ako na-recognize dahil sa dami na rin po ng naging manager doon," sagot ni Eunice.
"Siguro nga. At isa pa, ang kapatid ko nga palang si Kayden ang nag-ha-handle ng hotel na 'yon. Kaya bilang na bilang ko sa mga daliri ko kung ilang beses lang ba ako nagpunta sa sarili kong hotel," napagtantong sabi ni Johan.
Hindi nila namalayan ang papalapit na pigura ni Chestine dahil abala sila sa paguusap at halos sabay silang napalingon nang bigla itong magsalita mula sa likuran ni Johan.
"Love, siya na ba 'yong magiging nanny ni Jonas?" malumanay ang boses na tanong ni Chestine kay Johan nang tuluyan na siyang makalapit.
Ganu'n na lang ang pagkamangha ni Eunice nang makita niya ang ina ng batang kanyang aalagaan. Para pala itong dyosang bumaba sa lupa. Pakiramdam tuloy ni Eunice wala siyang binatbat sa gandang taglay nito. 'Yung tipong mahihiya ka talagang lumapit at tumabi.