CHAPTER 1
"Chestine, ayos lang ba sa 'yo na kumuha tayo ng taga pag-alaga para kay Jonas?" biglaang tanong ni Johan sa kanyang asawang si Chestine.
Kasalukuyan silang nasa living room habang inaayos ang ibang gamit na kakailanganin nila para sa panganganak ni Chestine sa susunod na linggo.
"Pag-isipan muna natin love, gusto ko kasi kapag lumabas na ang anak natin mula sa sinapupunan ko ay maging isa akong hands on na ina sa kanya," malumanay na sagot ni Chestine sa asawang si Johan na may ngiti sa labi habang hinihimas niya ang malaki niyang tiyan.
Isang linggo na lang manganganak na siya at makikita na nila ang kanilang munting anghel. Labis ang saya nilang mag-asawa sa nalalapit na kapanganakan ni Chestine. Lalaki ang anak nila at pinangalanan nila itong Jonas malapit sa pangalan ng kanyang Daddy na si Johan.
"Sige, wala namang problema sa 'kin. Kaya ko lang naman natanong dahil ayokong mapagod ka sa pagaalaga sa baby natin," malambing na sabi ni Johan sa kanyang asawa.
"Thank you love, hayaan mo kapag hindi ko kinaya ay ako na mismo ang magsasabi sa 'yo. So don't worry," sabi ni Chestine sabay pisil sa pisngi ni Johan.
Natigilan si Chestine at bahagya pang namula nang mapagtanto niyang titig na titig pala si Johan sa kanyang maganda at maamong mukha. Marahang hinaplos ni Johan ang pisngi ni Chestine at binigyan niya ito ng matamis na halik sa labi at kaagad din namang humiwalay.
"Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwalang asawa na kita Chestine. Ikaw ang nagbigay kulay sa mundo ko, kayo ng magiging anak natin. Salamat sa 'yo dahil binigyan mo ako ng pagkakataon na maging ama ng anak mo," madamdamin paghahayag ni Johan kasabay ng paghalik niya sa kamay ni Chestine.
Isang matamis na ngiti ang sumilay sa magandang mukha ni Chestine habang pinagmamasdan niya ang asawa na emosyonal sa mga oras na 'to.
"Hindi ko pagsisisihang ikaw ang pinakasalan ko dahil alam kong responsable ka at higit sa lahat mahal mo 'ko at alam ko rin na hindi mo ako kayang lolokohin," sabi ni Chestine kay Johan sabay kinuha niya ang dalawang kamay nito at pinisil.
Parehas silang natigilan nang sunud-sunod na tumunog ang door bell hudyat na may tao sa labas at nagtatakang tiningnan ni Chestine si Johan dahil wala naman silang inaasahang bisita.
"May inorder ka ba sa labas? O may bisita kang inaasahan?" tanong ni Chestine kay Johan ngunit nagkibit balikat lang ito.
Akma namang tatayo na sana si Chestine nang bigla siyang pigilan ni Johan sa braso.
"Ako na. Umulan kanina sa labas kaya basa ang semento baka madulas ka pa," pigil ni Johan sa asawa.
Tumango na lang si Chestine at hinayaan niya na lang si Johan ang tumayo para pagbuksan kung sino man 'yung taong nag-do-door bell sa labas ng gate.
Ilang minuto na ang lumipas pero hindi pa rin bumabalik si Johan kaya naman nagdesisyon na si Chestine na tumayo para puntahan ang asawa sa labas. Hirap na siyang tumayo dahil malaki at mabigat na ang tiyan niya. Idagdag pa ang kanyang pamamanas. Bago pa lang sana siya tatayo nang marinig niya na ang boses ng kanyang asawa na parang may katawanan habang papasok ng bahay.
Naabutan ni Johan ang asawa na hirap tumayo kaya kaagad niya itong inalalayan. Dumako naman ang tingin ni Chestine sa kasama ni Johan at kaagad ding lumiwanag ang mukha niya nang mapagsino ito.
"Mama!" masayang bungad ni Chestine sa kanyang inang si Celeste sabay yakap dito.
Hindi ito nagsabi na bibisita siya ngayong araw kaya naman ganu'n na lang ang gulat niya nang makita ang kanyang ina. Gumanti rin ng mahigpit na yakap si Celeste sa mahal niyang anak at halatang na-miss nila ang isa't isa. May isang taon na silang hindi nagkikita ng kanyang ina matapos ng naging kasal nila ni Johan.
"Dito muna ako hanggang sa makapanganak ka. Gusto kong nasa tabi mo ako paglabas ng apo ko," sabi ni Celeste habang hinihimas ang malaking tiyan ni Chestine.
"Bakit hindi man lang kayo nagpasabi na uuwi pala kayo? Edi sana nakapaghanda kami para sa pagdating niyo," may pagkadismayang sabi ni Chestine sa kanyang ina.
"Alam ng asawa mo na dadating ako pero bilin na bilin ko sa kanya na h'wag sasabihin sa 'yo dahil gusto nga kita surpresahin," nakangiting sagot ni Celestine.
Sinamaan naman ng tingin ni Chestine si Johan sabay napakamot na lang ito sa ulo.
"Hey, don't blame me love. Si Mama ang may sabi na h'wag sabihin sa 'yo kaya wala akong kasalanan," pagtatanggol ni Johan sa sarili.
Hindi na lang pinansin ni Chestine ang asawa at muli niya na lang pinagtuunan ng pansin ang kanyang ina na bagong dating.
"Ma, anong gusto niyong kainin? Ipagluluto namin kayo ni Johan," nakangiting sabi ni Chestine at sabay silang naupo sa sofa.
"Busog pa ako h'wag mo 'kong intindihin," sagot ni Celeste kay Chestine sabay nilibot niya ng tingin ang kabuuan ng bahay.
"Mabuti napaganda ang buhay mo sa kamay ni Johan. Ma-swerte ka dahil nakatagpo ka ng lalaking responsable at mahal ka," nakangiting sabi ni Celeste.
Kasalukuyang nasa kusina si Johan at abala sa paghahanda ng makakain para sa kanilang tatlo kaya hindi niya rinig ang pinaguusapan ng kanyang asawa at biyenan.
"Opo, Mama. Ma-swerte talaga ako dahil si Johan ang napangasawa ko. Wala na 'kong mahihiling pa sa itaas," pagmamalaki ni Chestine.
"Anong balak niyo kapag makapanganak ka na? Kukuha ba kayo ng taga pag-alaga ng bata?" tanong ni Celeste.
"Tinanong na rin ako ni Johan kanina tungkol diyan. Ang sabi ko pag-isipan na muna namin dahil gusto kong maging hands on sa anak ko at kapag naman hindi ko kinaya saka na lang kami kukuha," sagot ni Chestine.
"Maganda rin 'yung may kasa-kasama ka rito kapag wala ang asawa mo. Hindi porke't may nanny ang baby mo ay hindi ka na magiging hands on na ina sa anak mo," payo ni Celeste kay Chestine.
Napaisip naman si Chestine sa sinabi ng kanyang ina. Kung tutuusin ay mahirap nga talaga kung mag-isa lang siya rito sa bahay kapag wala si Johan.
"Madali naman pong kumuha Ma, ang kaso mahirap pumili ng mapagkakatiwalaang tao sa panahon ngayon. Ayoko ipagkatiwala ang anak ko sa kung sino lang diyan," sagot ni Chestine.
"Kung sa bagay tama ka. Kung p'wede nga lang na ako na ang maging katuwang mo sa pagaalaga sa apo ko. Ang kaso hindi naman p'wede dahil walang makakasama ang Papa mo sa bahay," malungkot na sabi ni Celeste.
"Ayos lang po ako h'wag niyo akong intindihin. Para namang hindi niyo ko kilala, lahat naman kaya ko at walang bagay na hindi ko kinakaya." Nakangiting sabi ni Chestine sabay sumandig sa balikat ng kanyang ina.
"Hayaan mo kapag may kakilala akong tao na kailangan ng trabaho ay irerekomenda ko siya kaagad sa 'yo," sabi ni Celeste sa anak.
"Ma, inform lang kita na ayoko ng maganda o sexy, baka hindi lang ang anak ko ang alagaan niya baka pati asawa ko rin," seryosong sabi ni Chestine na ikinagulat naman ni Celeste.
"Ano ka ba naman! Bakit 'yan agad ang nasa isip mo? Wala ka bang tiwala sa asawa mo?" Hindi makapaniwalang tanong ni Celeste sa anak.
"Naninigurado lang po ako dahil lalaki pa rin ang asawa ko. May tiwala ako kay Johan pero sa ibang babae, wala. Ayokong makakilala pa siya ng higit pa sa akin," seryosong sagot ni Chestine habang diretsong nakatitig sa mga mata ng kanyang ina.
Naudlot ang seryoso nilang usapan nang biglang lumitaw si Johan mula sa kusina habang may hawak pang spatula. Kapwa naman natigilan si Chestine at Celeste.
"The food is ready!" magiliw na sabi ni Johan.
Kaagad na inalalayan ni Johan ang asawa sa pagtayo at naglakad patungo sa dining table sabay pinaghila pa sila ni Johan ng upuan at sabay-sabay nang naupo.
"Thank you love," malambing na sabi ni Chestine sa kanyang asawa.
"Salamat hijo," pasalamat din ni Celeste.
"Sana magustuhan niyo ang mga niluto ko," masayang sabi ni Johan sa asawa at biyenan.
"Tingin ko palang masarap na. Walang duda kapag ikaw talaga ang nagluto kahit na hindi ko pa natitikman." Nakangiting sabi ni Celeste.
"Naku, binola niyo pa 'ko Mama. Oh kain na tayo," sabi ni Johan sabay ipinagsandok niya ang mga ito at inilagay sa kani-kanilang mga plato.
"Ako na hijo, may kamay naman ako. Asawa mo na lang ang abyadin mo," nahihiyang sabi ni Celeste kay ngunit nginitian lang siya ni Johan at ipinagpatuloy pa rin ang paglalagay.
"Ngayon lang kayo napa-rito sa bahay kaya hayaan niyo na po ako na pagsilbihan kayo," magalang na sabi ni Johan kay Celeste.
"Gan'yan talaga si ka-sweet si Johan ko Ma, wala kayong magagawa kapag ginusto niyang gawin ang isang bagay. Gagawin at gagawin niya pa rin 'yan," pabirong sabi ni Chestine.
"Naniniwala na talaga ako na hindi kayang mag-loko nitong si Johan. Dahil kitang-kita ko kung kung gaano ka niya kamahal," nagagalak na sabi ni Celeste.
"Hinding-hindi talaga Ma, napaka-ganda na ng asawa ko ipagpapalit ko pa? Para sa akin ang anak niyo ang nag-iisang dyosa ng buhay ko," pagmamalaki ni Johan na ikinapula naman ni Chestine.