“KUMUSTA naman sa Amerika? May lalaki na bang nagpapakita ng interes sa `yo?” tanong ng daddy ni Ginny.
Muntik nang maibagsak ni Ginny ang kubyertos niya sa biglang tanong nito. Namamanghang napatingin siya rito at nahuli niya ang kislap ng panunudyo sa mukha nito. Nag-init ang mga pisngi niya dahil kahit ayaw niya ay sumilay ang imahen ni Adam sa kanyang isip. Ngunit agad din niyang pinalis ang isiping iyon.
“Wala po, Dad,” maikling sagot niya.
Tumaas ang mga kilay nito. “Wala? Maganda, mabait at talented ang dalaga ko, `tapos walang nagpapakita ng interes sa `yo? Hindi mo naman kailangang maglihim sa amin, Ginny. I think it’s about time you found someone to marry. Twenty-nine ka na.”
“Tama ang daddy mo. Ikaw ba, walang nakikilalang mabait na lalaki roon na mamahalin at pakakasalan ka?” tanong naman ng mommy niya.
“Wala po. Besides hindi pa po kami puwedeng magpakasal dahil may kontrata pa kami. Hindi nga kami puwedeng makipagrelasyon.” Idinaan niya sa biro ang sinabi upang pagaanin ang usapan.
Ano ang iisipin ng mga ito kapag nalaman ng mga ito na ang mga lalaki sa Amerika gaya ni Adam ay hindi sineseryoso ang mga gaya niya? Na wala sa isip ng mga ito ang pag-aasawa? Malamang maghi-hysteria ang mga ito at ihahanap na siya ng mapapangasawa sa mga kakilala ng mga ito.
Ngunit kabaligtaran ang nakuha niyang reaksiyon sa kanyang mommy. “Grabe naman. Hindi ba naiisip ng management ninyo na mga babae kayong may biological clock? Kailan pa nila kayo balak pag-asawahin? Kapag hindi na ninyo kayang magkaanak? I must talk to your manager and producer about it. You must get married before you reach thirty-one,” sabi ng mommy niya.
Napangiwi si Ginny. “Mom, you don’t have to do that.” Humihingi ng tulong na sinulyapan niya ang kanyang daddy.
Ngumiti ang daddy niya at binalingan ang mommy niya. “Love, tama na `yan. Huwag kang mag-alala, makakapag-asawa rin `yang anak mo. For sure she will find someone who will marry her and treasure her like we do,” wika nito sa mommy niya. Inakbayan pa nito ang mommy niya at nakita niyang lumambot ang ekspresyon sa mukha ng mommy niya.
Nang makabalik si Ginny sa hotel room niya ay napapangiti pa rin siya dahil naaliw siyang pagmasdan ang mga magulang niya kanina. Mahabang panahon na ang lumipas pero tuwing nakikita niya ang mga ito ay para pa ring magnobyo ang mga ito.
Isa iyon sa mga dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa siya nai-involve sa kahit na sinong lalaki. Gusto niya kapag nakipagrelasyon siya, magiging gaya ng sa mga magulang niya. Ayaw niya ng temporary affair.
Na gaya ng nais mangyari ni Adam Cervantes. At least, bago niya malaman na inexperienced ka, pambubuska ng isang bahagi ng isip niya. Ipinilig niya ang ulo at inalis sa isip ang binata.
Nadadala na yata talaga siya ng mga tingin at salita ni Adam at palagi na itong gumigitaw sa isip niya. Wala sa loob na napalingon siya sa pader na nakapagitan sa mga suite nila. Hindi niya nakita si Adam sa pasilyo kanina. Nasaan kaya ito?
“At bakit mo ba siya hinahanap?” nangigigil na saway niya sa sarili at tinalikuran ang pader na iyon. Lumapit siya sa kama at napabaling sa notepad niyang nakapatong sa bedside table. Bigla ay may mga letrang sumagi sa isip niya at wala sa loob na hinablot niya ang ball pen at isinulat iyon.
You’re dangerous, you’re bad for a woman’s heart. You take what you want, their body, soul, and life.
Napailing si Ginny saka napahalakhak. Bigla niyang naalala ang sinabi ni Adam. “Every time I imagine you going wild, music suddenly rings in my ear.”
Nag-init ang mga pisngi ni Ginny. Ano kaya ang magiging reaksiyon ni Adam kapag nalaman nito na sumasagi rin sa isip niya ang mga letra para sa awitin dahil dito? Malamang yayabangan lang siya nito.
Naniningkit ang mga matang ipinagpatuloy niya ang pagsusulat.
Then when you’re done, you walk away without any qualms. You tempt them to give you everything, but you never give back…
Napahinto si Ginny at napatitig sa mga isinulat niya. Kailangan niyang ituring iyong paalala sa sarili niya. Si Adam ang tipo ng lalaking hindi nagseseryoso sa babae. Hindi ito ang lalaking hinahanap niya at lalong hindi ito ang lalaking hinahanap ng mga magulang niya para sa kanya. Hindi siya dapat magpadala sa mga kilos nito, o sa matiim na titig nito sa kanya na palaging nagpapainit sa pakiramdam niya. Oo nga at marami itong kayang ibigay sa kanya. Physical pleasure for example. Ngunit mayroon ito na hinding-hindi nito ibibigay sa kanya o sa kahit na sinong babae.
Huminga siya nang malalim pagkatapos ay tinapos ang stanza na naisip niya.
You never give what’s important. Especially your heart.
“TOO IDEALISTIC, too boring, too simple, too common. Wala na bang iba?”
Itinikom nang mariin ni Ginny ang kanyang bibig at nakakuyom ang mga kamay habang pinagmamasdan ang walang emosyong mukha ni Adam na isa-isang inihahagis sa mesa ang mga lyrics na kanyang isinulat.
Pakiramdam niya ay iba si Adam sa lalaking nakasama niya kahapon sa studio ng binata. Kung kahapon ay palaging nakangiti nang pilyo sa kanya at tila hindi matiis na hindi siya nakawan ng hawak, ngayon ay tila tauhan lang ang tingin nito sa kanya. Ni hindi pa ito ngumingiti sa kanya mula nang katukin niya ang suite nito kanina. Tila ba lahat ng kapilyuhan at interes nito sa kanya kahapon ay biglang inilipad ng hangin.
At kahit alam ni Ginny na hindi siya dapat mainis. Hindi ba dapat ay matuwa siya na naging purong trabaho na lamang ang namamagitan sa kanilang dalawa? Ang kaso kung nakakainis ang mga sensual banter nito kahapon ay mas nakakainit ng ulo ang pagiging bossy at arogante nito ngayon.
“Isinulat ko ang mga lyrics na `yan base sa image ng Wildflowers. Ano’ng masama kung maging idealistic ang mga lyrics namin? Masama bang bigyan namin kahit kaunting pag-asa ang mga nakikinig sa amin na totoong may true love?” giit niya.
Noon lang ito tumingin sa kanya at sarkastikong tumaas ang isang sulok ng mga labi. “Honey, there is no such thing as true love. And you said it. Pinapaasa n’yo lang sila. Kawawa naman ang mga nakikinig sa inyo. Darating ang araw na magsasawa silang makinig sa inyo dahil mare-realize nila na lahat ng kanta ninyo are merely delusions of an inexperienced woman.”
“Hindi sila mabo-bore,” asik niya, sinadyang palampasin ang komento nito tungkol sa pagiging inexperienced niya.
“They will. Kaya nga gusto ng producer ninyo na magbago kayo ng image para sa anniversary n’yo, hindi ba? It’s because the audience is getting tired of your goody and romantic image; despite the fact that your songs are heartfelt, it lacks passion and sensuality. Sayang ang pagiging all-girl band ninyo kung wala kayo ni katiting na sensuwalidad.”
Hindi nakasagot si Ginny dahil sa totoo lang ay naisip na rin niya ang mga sinabi ni Adam. Nakakainis lang na marinig iyon sa binata habang may nang-iinis na ngiti sa mga labi.
Naiinis na kinuha na lang niya ang mga papel. “Fine. Gagawa na lang uli ako,” wika ni Ginny at tumalikod na.
“Makakagawa ka ba talaga? How can you do it if you don’t know anything about passion?” tanong ni Adam.
Huminga siya nang malalim at sinulyapan ito. “Gagawan ko ng paraan.”
Amused na ngumiti ito at tumayo. Bahagya siyang nagitla sa biglang pagngiti nito nang ganoon dahil naalala niya ang mga ngiting iginawad nito sa kanya kahapon. “At anong paraan naman ang gagawin mo? Read books? Watch videos? That will not do, you know.” Nagsimula itong lumapit sa kanya at kahit na wala pa rin ang init ng mga titig nito sa kanya kahapon ay napaatras pa rin siya.
“Mas maganda pa rin kung talagang naramdaman mo dahil mas mararamdaman ng nakikinig kapag ganoon,” patuloy nito sa kaswal na tinig. Sa bawat pag-atras niya ay humahakbang naman ito palapit sa kanya. Hanggang sa mapapitlag siya nang maramdaman ang pader sa kanyang likod.
Tumaas ang mga kilay nito nang halos ilang pulgada na lang ang layo ng mukha nito sa mukha niya. “See? Paano ka makakasulat kung natatakot ka? You will not be able to write passionate songs if you are afraid of it, Ginny,” usal nito.
“Hindi ako takot do’n. Sa `yo ako takot,” bulalas niya at akmang aalis sa pader ngunit napasinghap siya nang iharang nito ang dalawang braso sa magkabilang gilid niya.
Wala na ang ngiti sa mga labi ni Adam at lukot na ang mukha. Mas nagmukha itong nakakatakot. “Parang mas hindi ko yata gusto na sa akin ka takot. Wala pang babaeng natakot sa akin. Bakit ka takot sa akin?” seryosong tanong nito.
Paano niya sasabihin kay Adam na pakiramdam niya ay maaakit siya ng binata na gumawa ng kasalanan kapag hindi niya tinatagan ang kanyang depensa? Na natatakot siyang matupok sa sensuwalidad nito? Na takot siyang matulad sa lahat ng babaeng naging bahagi ng buhay nito at nang pagsawaan ay basta na lamang itinapon sa isang tabi? Dahil hindi gaya ng mga babaeng iyon hindi siya ganoon ka-indifferent sa pakikipagmabutihan sa isang lalaki. Na kapag nagsawa na sa kanya si Adam ay alam niyang maiiwan siyang durog ang puso.
There is no way I could say all of that to him. Tatawanan lang niya ako.
“Ginny. Answer me,” untag ni Adam.
Pumikit si Ginny nang mariin upang kalmahin ang sarili. Huminga siya nang malalim saka dumilat. “I’m not used to dealing with men like you.”
Natigilan si Adam. “I see,” mayamaya ay wika nito.
Nakahinga siya nang maluwag nang unti-unti itong lumayo.
Namulsa ito. “Huwag kang mag-alala. I’m not going to make a pass at you anymore. You see, I hate getting involved with innocents like you. Too much drama. Like now. So rest assured, mula ngayon, trabaho lang talaga ang mamamagitan sa atin. Hindi mo kailangang matakot sa akin nang ganyan.”
Napamaang siya.
Tumalikod na si Adam. “Bumalik ka rito kapag may maipapakita ka na uli sa akin.”
Napasunod na lang siya ng tingin hanggang sa umupo ito sa harap ng computer nito at nagsuot ng headset.
Kinagat niya ang ibabang labi saka bumuntong-hininga. Tumalikod na siya at tuluyang lumabas ng silid na iyon.