CHAPTER 1
New York City, one year ago
“ANG HINDI ko maintindihan ay kung bakit mag-isa lang akong pupunta sa fashion show at after party na `yon. Maiilang lang ako ro’n,” reklamo ni Ginny. Napaigik siya nang i-zipper ng stylist ng Wildflowers ang long gown niya. Masyado iyong masikip para sa panlasa niya at halos hindi na siya makahinga sa pagkakaipit ng kanyang dibdib sa naturang gown.
Ang Wildflowers ay ang all-girl band na kinabibilangan niya kung saan siya ang bassist at main lyricist.
“Because the rest of your bandmates have other appointments tonight. It’s good to publicize the band all at the same time even if you’re apart instead of you all going to one event together,” sagot ng manager nilang si Rob na kanina pa tingin nang tingin sa relo. Amerikano si Rob at nakakaintindi ng kaunting Tagalog. “Can you hurry up? I need to go check on the other girls, too,” wika nito sa stylist.
Bumilis ang kilos ng stylist at sa isang iglap ay natapos nang ayusan si Ginny. Hindi na siya nakapagreklamo tungkol sa kasikipan ng kanyang suot dahil hinila siya ni Rob papunta sa limousine na sasakyan niya patungo sa Victoria’s Secret fashion show.
Taon-taon silang nakakatanggap ng imbitasyon para sa show na iyon. At iyon ang unang pagkakataon na pupunta siya roon nang mag-isa.
Sa kabila ng ilang taon na nilang pananatili sa limelight ng Hollywood, minsan, pakiramdam ni Ginny ay na-a-out of place pa rin siya sa mga tao roon. Kaya hanggang maaari ay ayaw niyang pumupunta sa mga ganoong party, lalo na kung mag-isa lang siya.
Mayamaya ay huminto ang limousine sa harap ng venue ng fashion show kung saan may isang mahabang red carpet sa gitna at puno ng celebrities at paparazzi.
Umibis ng sasakyan ang driver at ipinagbukas siya ng pinto. “We’re here, Ma’am.”
Huminga nang malalim si Ginny upang kalmahin ang sarili. Pagkatapos ay pilit ang ngiting bumaba ng sasakyan.
GUSTO ko nang umuwi, naisip ni Ginny habang nakatingin sa repleksiyon niya sa salamin ng restroom. Napabuntong-hininga siya.
Nasa isang super club siya kung saan ginaganap ang after party ng fashion show. Sa paglalim ng gabi, ang kasiyahan ay biglang nag-transform bilang make-out party at ilang na ilang siyang tingnan ang mga parehang kung ano-ano ang ginagawa sa iba’t ibang panig ng club.
Kaya hayun siya, nagtago sa banyo.
Bumuntong-hininga uli siya. Isang oras pa. Pagkatapos ng isang oras, kahit magalit si Rob na hindi ko tinapos ang party ay uuwi na talaga ako. Magta-taxi na lang ako kung hindi ako susunduin ni Rob.
Inutusan lang kasi ni Rob ang driver kanina na ihatid siya. Pagkatapos ay umalis na rin ito. Parang nahulaan ni Rob na aalis agad siya kung mananatili ang driver doon.
Napailing si Ginny at nagdesisyong lumabas ng restroom. Ngunit sa halip na bumalik sa party ay lumiko siya patungo sa balcony, umaasang makasagap ng sariwang hangin. Subalit pagdating niya roon ay nanlaki ang mga mata niya sa naabutan. May dalawang taong gumagawa ng milagro doon.
Ang babaeng nakatalikod sa kanya ay nakababa na ang itaas ng bestida at ang palda ay nakataas na sa baywang. ang kamay ng lalaki ay nasa pang-upo ng babae at humalinghing nang malakas ang babae sa pagitan ng paghahalikan ng mga ito.
Napatingin siya sa lalaki at agad na nakilala ito.
Adam Cervantes.
Sino ang hindi makakakilala rito? He was a rock star and a genius composer. Halos lahat ng mga singer ay nais itong makatrabaho. Lahat ng awiting ginawa ni Adam ay palaging naghi-hit sa billboard charts. He was a very hot icon in the music industry.
And among the women too. Halos lahat ng mga babae, mapa-celebrity, modelo o kahit ordinaryong babae lang ay ito ang pinagpapantasyahan. Subalit alam din ng lahat ang taste ni Adam sa babae. He only dated Victoria’s Secret’s girls. At wala itong sineseryoso kahit isa man sa mga babaeng dumaan sa buhay nito.
Hindi na rin nagtaka si Ginny na makita ito roon. Adam Cervantes could certainly do something like that.
Tatalikod na sana siya upang hindi na maistorbo ang dalawa nang biglang dumilat si Adam. Nagtama ang mga mata nila at sa hindi niya maintindihang dahilan ay napako siya sa kinatatayuan. Ni hindi man lang ito nagulat o napahiya na makita siya roon. Sa katunayan ay ni hindi ito tumigil sa paghalik sa babaeng wala pa ring kaalam-alam sa presensiya niya.
Sumikdo ang puso ni Ginny sa magkahalong pagkapahiya at sa di-pamilyar na sensasyong lumukob sa katawan niya dahil sa mga mata nito. His eyes were dark, intense, and filled with passion.
Huminto ito sa paghalik sa babae at inilayo nang bahagya ang mukha roon nang hindi inaalis ang tingin sa kanya. Akmang ilalayo nito ang babae sa sarili nito nang mapakurap siya.
Alam ni Ginny na mapanganib si Adam. Pero hindi niya alam kung ano mayroon dito na ikinakatakot niya.
Pero bago pa niya malaman ang sagot ay mabilis na siyang tumalikod at tumakbo palayo.