YOU ARE a sinner, but they cannot resist. The power of your seductive kiss. Or the passion your touch could give. You lure them with your dark gaze. You tempt them and they always give in…
“Ano’ng ginagawa mo?”
Napaigtad si Ginny at mabilis na isinara ang notepad nang marinig ang boses ni Adam mula sa likuran niya. Nang lingunin niya ito ay nakataas ang mga kilay nito at bumaba ang tingin nito sa notepad niya.
Ngumiti ito. “Nagsusulat ka ng lyrics? Let me see. Baka may nakuha ka na sa lahat ng halik ko sa `yo at nagkaroon na ng passion `yang ginagawa mo,” biro nitong nagsimulang maglakad palapit sa kanya.
Uminit ang mga pisngi niya at itinago iyon sa likuran niya kasabay ng pag-atras. “Hindi.”
Kahit kasi halos dalawang linggo na ang lumipas mula noong nagdesisyon sila na subukang i-explore ang atraksiyong namamagitan sa kanila ay hindi pa rin niya kayang ipabasa rito ang isinusulat niya dahil tungkol iyon kay Adam.
Lalong bumakas ang kuryosidad sa mukha nito at sa ilang hakbang lang ay nakalapit na ito sa kanya. Nang akmang hahakbang uli siya paatras ay napasinghap siya dahil walang kahirap-hirap na ikinulong siya ni Adam sa mga bisig nito. Napasandig siya sa dibdib nito at ang mga kamay nito ay humawak sa mga kamay niyang nasa likuran niya.
“Lalo ko lang gustong makita `yan dahil itinatago mo. Isa pa, naturingang ikaw ang kasama ko sa trabahong ito, pero ikaw ang hindi pa nagbibigay ng lyrics mo. Hindi natin `yan maipapadala sa producer ninyo kung hindi pa natin maaayos `yan. Patingin na,” giit ni Adam.
Napakagat-labi si Ginny. “Hindi pa tapos. Ayokong makita mo na hindi pa tapos.”
Pinakatitigan siya nito. Pagkatapos ay unti-unting sumilay ang ngiti sa mga labi ni Adam. “Ah, let me guess, that’s about me.”
Lalong lumuwang ang pagkakangiti nito nang mag-init ang mga pisngi niya.
“Let me see,” pangungulit na naman nito at sinimulang abutin ang notepad.
Hinigpitan niya ang pagkakahawak doon. “Adam, please,” pakiusap niya.
Natigilan ito at napatitig sa mukha niya. Pagkatapos ay bumuntong-hininga saka lumipat ang mga kamay sa baywang niya. “Ikaw, you are using your power over me to its full advantage. Alam mo na kapag ganyan na ang tono mo, hindi kita natitiis,” naniningkit ang mga matang reklamo nito.
Napangiti na si Ginny. Napansin nga niya iyon. Habang tumatagal ay lalo niyang napapatunayan na hindi totoo ang masasamang tsismis tungkol kay Adam. Hindi totoong wala itong puso dahil nakikita niyang mayroon ito niyon. Adam was more caring than she thought. Oo nga at madalas ay may kagaspangan magsalita si Adam at umakto pero minsan ay may ka-sweet-an itong ipinapakita na sa palagay niya ay hindi nito napapansin.
“Ano ang puwede kong gawin para hindi mo na ipilit na mabasa ito?” tanong niya.
Kumislap ang mga mata nito at humigpit ang pagkakayakap sa kanya. Her heart beat wildly when she saw his eyes grow dark and sexy. “Baka kapag sinabi ko kung ano ang gusto ko, mas piliin mong ipabasa na lang sa akin `yan,” wika ni Adam sa mababang tinig na nagpatayo sa mga balahibo niya sa batok.
Nawala ang ngiti ni Ginny at halos pangapusan siya ng hininga sa labis na kaba. Lalo na nang marahan nitong haplusin ang baywang niya sa marahang paraan na nagdudulot ng nakakakiliting sensasyon sa buong katawan niya. “Adam…”
Tumaas ang isang sulok ng mga labi nito. “For now, a kiss is fine.” Pagkatapos ay marahan siya nitong hinalikan.
Napapikit si Ginny at ipinaikot ang mga braso sa leeg ni Adam. Nang gumanti siya ng halik ay dumiin ang halik nito, mas naging mapanghanap. Ang isang kamay nito ay dumako sa bandang panga niya at bahagyang pumisil doon, dahilan kaya naibuka niya ang mga labi niya. Her knees turned to jelly when she felt his tongue inside her mouth. And when it touched her own tongue she suddenly felt dizzy with so many sensations igniting her blood. Lumalim ang halik nito, mas naging sensuwal at wala siyang ibang ginawa kundi ang kumapit dito at sa sarili niyang paraan ay gayahin ang ginagawa nito.
Napahinto lang sila nang tumunog ang doorbell. Kapwa pa sila hinihingal at saglit na napatitig lang sa isa’t isa bago sila sabay na natauhan.
Binitiwan siya ni Adam at lumakad patungo sa pinto. Natigilan ito nang nasa harap na ng pinto at lumingon sa kanya. “It’s your manager.”
Napaderetso ng tayo si Ginny at napahawak sa mukha. Hindi siya puwedeng makita ni Rob na ganoon ang hitsura dahil baka mahalata nito kung ano ang namamagitan sa kanila ni Adam. Hindi pa naman sila maaaring ma-involve sa kahit na sinong lalaki habang may kontrata sila.
“Go to the bathroom if you want. Ako na ang bahalang kumausap sa kanya,” suhestiyon ni Adam na marahil ay napansin ang pagkataranta niya.
Tiningnan niya ito at nginitian. “Okay.”
Ngumiti ito nang matipid ngunit may napansin siyang kislap sa mga mata ng binata na bago niya mabasa kung ano ay dagli ring nawala. “No problem,” sabi nito, saka tumalikod.
Tumakbo si Ginny sa banyo at mabilis na inayos ang sarili. Gabing-gabi na at tiyak na nagtataka si Rob kung bakit wala siya sa kanyang silid kaya kay Adam ito nagpunta.
Ano ang magiging reaksiyon ni Rob na naroon siya? Kahit wala silang ginagawang masama ni Adam, paano niya ipapaliwanag dito na naroon siya?
Mayamaya ay napaigtad siya sa pagkatok sa pinto ng banyo. “Ginny, get out of there,” wika ni Rob.
Napapikit siya nang mariin nang mahimigan niya ang tinitimping galit sa tinig nito. Huminga siya nang malalim at binuksan niya ang pinto. Napangiwi siya nang makitang lukot na lukot ang mukha nito. “Rob…”
“Later. Come out. I have something to tell you girls and I don’t know why all of you are not in your rooms. I will reprimand you later,” malamig na sabi nito at nagpatiuna nang umalis.
Nakangiwi pa ring sumunod siya kay Rob. Saglit na huminto ito sa tapat ni Adam na kampanteng nakatayo malapit sa pinto. “And you, Mr. Cervantes, I know your reputation but I could not believe that you will even try to make her one of your toys. There are many willing females out there so leave my artist alone. Mr. Gallante will hear about this,” malamig pa ring sabi nito.
Nakita ni Ginny na tumigas ang anyo ni Adam at na-tense ang katawan. Mukhang sasagot sana ang binata ngunit nang mapatingin sa kanya ay tinapunan niya ito nang nagpapaunawang tingin. Nagtatagis ang mga bagang na namulsa na lang ito at hindi kumibo. Tahimik na sumunod na lang siya kay Rob na lumabas na ng suite. Nang makalapit siya kay Adam ay nagulat siya nang bigla siya nitong hatakin palayo sa nakabukas na pinto at nakawan ng mabilis ngunit mariing halik sa mga labi.
“Kapag may ginawa o sinabi siyang hindi mo gusto, sabihin mo sa akin, okay? I’ll deal with him,” seryosong wika nito nang pakawalan ang mga labi niya.
Sa kabila ng lahat ay napangiti siya. “Ganoon lang talaga si Rob. concerned lang siya sa amin. Don’t worry.” Mukhang hindi pa rin ito kumbinsido kaya mabilis niya itong hinalikan sa mga labi at kumalas dito. “I’ve got to go now,” paalam niya bago mabilis na sumunod kay Rob bago pa man uli siya nito mapagalitan.