HINDI mapakali si Adam. Alas-siyete na ng umaga pero pakiramdam niya ay hindi siya nakatulog. Nag-aalala siya kay Ginny. Sa totoo lang, minsan ay natatawa siya sa kanyang sarili na may tendency pala siyang mag-alala nang husto sa isang babae. Dahil matagal na siya sa music industry, alam niyang ginagawa lang ng manager ng mga ito ang trabaho nito kaya mahigpit ito kina Ginny. But a part of him was infuriated by his attitude. So what if he was dating Ginny? Yes, they were celebrities but that didn’t mean they could not go out with the one they liked. Kagabi pa siya hindi mapakali dahil hindi niya alam kung ano ang gagawing parusa ni Rob kay Ginny.
“Damn, bakit hindi man lang kasi ako tinawagan ng babaeng `yon para malaman ko kung ano’ng nangyari sa kanya,” nanggigigil na usal niya.
Napalingon siya sa telepono nang biglang tumunog iyon. Nilapitan niya iyon at huminga nang malalim bago sinagot ang tawag. “Hey,” agad na sagot niya sa inaasahan niyang tawag ni Ginny.
“Hey? May inaasahan kang tatawag sa `yo bukod sa akin?”
Bumagsak ang mga balikat niya nang marinig ang boses ng kanyang ina. “`Ma, it’s you.” Napatiim-bagang siya nang kahit sa sarili niyang pandinig ay nagtunog dismayado siya. s**t, nagmumukha na akong tanga dahil sa babaeng `yon. Why I am enduring this is beyond my understanding!
Subalit nang lumitaw sa isip niya ang mukha ni Ginny ay sumagi sa isip niya ang sagot. Ipinilig niya ang ulo. Ayaw niyang isipin iyon. It was too dangerous.
“Aba, you sound disappointed. Talagang may hinihintay kang tawag?” wika ng kanyang ina.
Agad na narinig niya ang himig ng kuryosidad sa tinig nito. Marahas niyang nahawi ang buhok. Ang huling bagay na kailangan niya ay ang sumali sa gulo ng isip niya ang kanyang ina. May-pagkausyosera pa naman ito pagdating sa kanya.
“Work-related `yon, `Ma. Bakit napatawag ka na naman?” pag-iiba niya sa usapan. Ngunit kalalabas pa lamang niyon sa mga labi niya ay napagtanto na agad niya na mali ang sinabi niya.
“Tinatanong mo pa kung bakit? Ilang linggo ka nang nasa Pilipinas hindi mo pa ako pinupuntahan kahit isang beses lang. Aba, Adam, nakalimutan mo na ba ang mama mo? Naimpluwensiyahan ka na talaga ng bansa ng ama mong manloloko,” pagmamaktol nito.
Napabuntong-hininga siAdam. Hayun na naman ang kanyang ina. Dekada na mula nang maghiwalay ito at ang kanyang ama pero hanggang ngayon ay bitter pa rin ito. Shouldn’t she know by now that no relationship lasts forever? Hayun nga at habang nagpapakaburo ito sa Pilipinas ay nakailang asawa na ang kanyang ama sa Amerika. Not that he visited him often.
Mula pa noong nakatapos si Adam ng kolehiyo sa Amerika at pinaalis na siya ng kanyang ama sa mansiyon nito dahil mag-aasawa na uli ito ay pinutol na nila ang koneksiyon nila sa isa’t isa.
Sa mga magulang niya, mas malapit siya sa ina. Kahit noong nakabase na siya sa Amerika, nagsasalitan silang dalawa sa pagdalaw sa isa’t isa. Na-guilty tuloy siyang sinubukan niya itong taguan.
“Sorry, `Ma. Fine, dadalawin kita,” wika ni Adam.
“Hindi kita papatawarin. Unless isasama mo sa pagdalaw sa akin ang babaeng hinihintay mo ang tawag,” wika ng kanyang ina.
Natigilan siya. Bilib talaga ako sa instinct mo, Mother. “Hindi babae ang hinihintay kong tawag,” palusot niya.
“I’m sorry to tell you son that you cannot fool me. Isama mo siya. Asap. Okay? `Bye. I love you.” Pagkatapos ay nawala na ito sa kabilang linya.
Napapalatak at napailing na lamang si Adam. Matigas ang ulo ng kanyang ina. Kapag sinabi nito ang gusto ay nangyayari iyon. At alam niya na kapag hindi niya ito sinunod ay sasakit ang ulo niya sa dami ng sasabihin ng kanyang ina.
Napalingon siya sa pinto nang tumunog ang doorbell niya. Napangiti siya dahil may ideya na siya kung sino ang nasa pinto niya. Mabilis siyang lumapit doon at binuksan iyon. Lumuwang ang ngiti niya at nakaramdam siya ng relief nang makita si Ginny.
Ngumiti ito nang matipid. “Hi.”
May kakaibang init na humaplos sa puso niya. Hindi siya nakatiis. Hinila niya ito papasok sa suite niya.
Ipinaikot niya ang isang braso rito habang ang isang kamay niya ay ipinansara niya ng pinto. Pagkatapos ay hinawakan niya ang mukha nito at iniangat. Hinalikan niya ito sa mga labi.
Kagabi lang sila huling nagkita, ngunit pakiramdam niya ay ang tagal na nitong nalayo sa kanya. It felt like it had been forever since he last kissed her. Humigpit ang pagkakayakap niya rito nang gumanti ito ng halik. His chest heaved with so many emotions that were new to him.
Labis na kontrol ang kinailangan ni Adam para lamang pakawalan ang mga labi ni Ginny. Tinitigan niya ito. “Are you okay? Wala ba siyang ginawa sa `yo? May masakit na salita ba siyang sinabi sa `yo?” sunod-sunod na tanong niya rito.
Saglit na tila nalito ito bago tumawa at niyakap siya. “Okay lang ako. Medyo nagalit lang siya pero hindi lang ako ang napagalitan niya. Lahat kami.”
Tumaas ang mga kilay niya. “Lahat kayo?”
Tumango ito. “Medyo nagiging pasaway rin kasi sila. Anyway, kaya niya kami kinausap kagabi kasi nabigyan na raw siya ng go signal ni Mr. Gallante na puwede na kami magpa-interview rito sa Pilipinas. So, umalis si Rob ngayon para makipagkita kay Oliver na may-ari ng Exposed kung saan kami magpapa-interview,” paliwanag nito.
Nakahinga siya nang maluwag. Hinaplos niya ang pisngi nito. “I’m glad he didn’t do anything to hurt your feelings,” wika niya.
Ngumiti ito nang matamis. “Thank you. Anyway, next week siguro ang photo shoot namin sa Exposed. Pagkatapos n’on, baka bumalik na kami sa Amerika. Ikaw ba?”
Napaisip siya. “I’ll talk to your producer about it. Kung babalik kayo sa Amerika, wala naman na akong gagawin dito.” Pagkatapos ay bigla niyang naalala ang kanyang ina. Napatitig siya kay Ginny. “Oo nga pala. Do you think makakalabas ka kasama ako mamaya? May iba ka bang gagawin?” tanong niya.
“Wala naman. Hindi lang tayo puwedeng gabihin kasi hahanapin kami ni Rob. Saan ba tayo pupunta?” tanong nito.
Ngumiti siya. Sa tingin niya ay mas makabubuti kung hindi muna niya sasabihin dito kung sino ang nakatakda nilang puntahan. Baka mag-panic na naman ito. Sa halip ay ginawaran na lang uli niya ito ng masuyong halik sa mga labi bago sumagot. “Secret.”