CHAPTER 12

1226 Words
NAGTAKA si Ginny nang dalhin siya ni Adam sa isang hindi kalakihan ngunit magandang bahay sa isang subdivision sa Makati. Napatingala siya kay Adam na kahit anong tanong niya kanina ay hindi sinasabi kung sino ang pupuntahan nila. Nang tila mapansin nitong nakatingala siya rito ay niyuko siya at ngumiti. “Nice disguise.” Wala tuloy sa loob na napahawak siya sa mahaba at tuwid na wig na isinuot niya kanina nang umalis sila ng hotel. Nag-apply rin siya ng makeup na nagmukhang tan ang lahat ng balat na nakikita sa kanya pati ang mukha niya. Kinailangan niyang mag-disguise dahil nang subukan niyang magtungo sa lobby na normal ang hitsura niya ay maraming nakapansin sa kanya at iyon ang huling bagay na kailangan niya. Hindi na nga siya nagsabi kay Rob dahil magagalit ito kapag nalaman nitong lumabas siya. Kaya bumalik siya sa suite niya at ginamit ang disguise na palagi niyang bitbit. “Mabuti nang may isa sa atin ang nag-iingat. Ikaw, hindi ka man lang nag-isip na mag-ayos,” puna ni Ginny. Tumawa ito. “Nah. Mas sikat ka rito kaysa sa akin. Kahit maglakad ako sa gitna ng maraming tao walang papansin sa akin.” Napailing siya. Hindi ba naiisip ni Adam kahit siguro hindi ito celebrity malabong may hindi makapansin sa binata? Kanina nga lang, kahit nasa loob silang dalawa ng taxi ay napapasunod ng tingin ang mga nadaraanan nilang tao para silipin ito. Napakurap siya nang bigla nitong pinindot ang doorbell ng bahay. Noon lang uli niya naalala kung nasaan sila. “Teka nga, sino ang pupuntahan natin dito?” Nagkibit-balikat ito. “My mother,” sagot nito. Nanlaki ang mga mata ni Ginny. “Ano?” gulat na tanong niya. Bago pa ito nakasagot ay bumukas na ang pinto ng bahay at lumitaw ang isang babaeng maiksi ang buhok, sexy at tila napakabata pa para maging ina ng isang lalaking treinta na ang edad. Nang mapatingin ito sa kanila ay bigla siyang ninerbiyos na napakapit sa braso ni Adam. Tumawa ito. “Relax. My mother is cool.”  Ngalingaling hampasin niya ito sa labis na inis. Paano siya nagawang isuong ni Adam sa ganoong sitwasyon nang walang pasabi? It was his mother they are talking about! “At last, naisipan mo na rin akong dalawin,” sabi ng ina ni Adam nang makalapit na sa gate ng bahay nito at binuksan iyon. Niyakap nito si Adam at binigyan ng matunog na halik sa magkabilang pisngi ang binata. “I’ve been busy,” palusot ni Adam. Umingos ang ina nito bago bumaling sa kanya. Kinabahan siya nang mapansin niya ang pasimpleng paghagod ng tingin sa kanya. “And you must be the reason he’s been too busy to visit me?” tanong nito sa tonong hindi galit pero nagpalunok pa rin sa kanya. Wala sa loob na napahigpit ang pagkakakapit niya sa braso ni Adam. “`Ma, don’t scare her. Trabaho ang dahilan kung bakit hindi kita napuntahan agad. She’s Ginny at siya ang kasama kong nagtatrabaho para sa album nila. She’s with a band. You know Wildflowers, right? Siya ang bassist nila.” Namilog ang mga mata ng ina ni Adam at ngumiti. “Oh, I’m a fan! Sorry, nabigla lang ako. Ngayon lang kasi may isinamang babae sa pagdalaw niya sa akin itong si Adam.” “Ikaw ang nagsabing dalhin ko siya,” reklamo ni Adam na tila napahiya sa sinabi ng ina. “Oh, nonsense. Ngayon ka lang na-involve sa matinong babae. Iyong mga nali-link sa `yo for so many years, my God, mga walang itinatago.” Napangiti si Ginny sa palitan ng salita ng mga ito na para bang magkaibigan lang ang mga ito. Nang muling bumaling sa kanya ang ina ni Adam ay ngumiti ito at ibinuka ang mga braso. “Come here, give me a hug, darling,” masayang sabi nito. Nakangiti pa ring tumalima na siya. Niyakap siya nang mahigpit ng ginang. “My, hindi kita nakilala, Ginny. It must be the hair and your skin tone. I like listening to your band’s songs. Pero sa loob ng ilang taon ay palagi kong kinukulit itong si Adam na ipakilala ako sa inyo kapag dinadalaw ko siya sa Amerika pero palagi niyang sinasabi na hindi kayo close. How come magkasama kayo ngayon?” “We’re working on a collaboration,” sagot niya. Namilog ang mga mata nito. “Talaga? That’s great! Come in and tell me more about it.” Nagpatiuna pa itong pumasok sa loob. Sumunod sila ni Adam dito. “See? Wala kang dapat ipag-alala. Matagal ko nang alam na avid fan n’yo siya kaya alam kong magugustuhan ka niya,” bulong ni Adam sa kanya. Naniningkit ang mga matang tiningnan niya ito. “Sinabi mo pa rin dapat sa akin,” mahinang sikmat niya. Ngumisi ito at inakbayan siya. “I like to watch your surprised expression.” Hindi na nakatiis na siniko niya ito sa tagiliran. Bahagya lang itong umigtad pagkatapos ay humalakhak.   ALIW na aliw si Ginny sa mama ni Adam. Tama si Adam. His mother was cool. Sa edad na fifty-five ay mukha lang itong thirty-five at parang kaedad lang nila mag-isip. Natutuwa rin siya sa relasyon ng mag-ina. Lalo lang tuloy lumambot ang puso niya para kay Adam. “He’s not as tough and as rugged as everyone thinks, right?” bulong ng mama ni Adam sa kanya pagkatapos maudyukan ang binata na palitan ang pundidong ilaw sa banyo ng silid nito. Naiwan silang dalawa sa sala. Ngumisi ito nang pilya. “Especially when it comes to people who are important to him. Iyon lang dati ang alam ko, ako lang ang importante sa kanya. Tell me, malambot din siya pagdating sa `yo, tama ba ako?” Natawa siya at napatango. Humalakhak ito. “I knew it. Lumalambot ang mga mata niya kapag nakatingin siya sa `yo. Ngayon, dalawa na tayo,” makahulugang sabi nito. “Hay, at least hindi pala siya gaya ng ama niya. Alam mo kasi, `yong ex-husband ko na `yon, napakahilig sa modernong babae at napakababaero. Araw-araw kong hiling na hindi matulad sa kanya si Adam, lalo pa at mas pinili ng anak kong manatili sa Amerika at i-pursue ang music career na matagal na niyang gusto. Palagi akong nanghihilakbot tuwing may nakikita akong larawan niya sa Internet na kasama ang mga babaeng modelong iyon. Natatakot akong baka isang araw, isa sa mga `yon ang iuwi niya sa akin. Kaya masaya akong ikaw ang dinala niya rito. I know you will be a good influence to him,” nakangiting sabi nito. “Thank you po,” tanging nasabi ni Ginny. Dahil sa totoo lang ay hindi niya alam kung ano pa ang maaari niyang sabihin pagkatapos ng lahat ng sinabi nito. Nao-overwhelm siya. Sabay silang napalingon nang marinig nila ang mga yabag ni Adam na pababa ng hagdan. “Geez, `Ma, kaya mo lang ba ako pinapunta rito ay dahil kailangan mo ng magpapalit ng bombilya?” Natigilan ito at nagpalipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa nang marahil ay mapansin ang kakaibang titig nila sa ginang. “What?” nagtatakang tanong nito. “Nothing,” sabay pang nasabi nila ng ina ni Adam. Nagkatinginan sila ng ginang at sabay na natawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD