“MUKHANG nag-enjoy ka nang husto. Ngayon lang kita nakitang ganyan kasaya. Gusto ko na yatang magselos sa mama ko na napasaya ka niya nang ganyan samantalang hindi ka pa naging ganyan dahil sa akin,” puna ni Adam kay Ginny nang nakasakay na sila ng elevator patungo sa floor na kinaroroonan ng mga suite nila.
Natawa siya at nginitian ito nang matamis. “Kasi masayang kasama ang mama mo. Ngayon alam ko na kung bakit sobrang close mo sa kanya,” tanging sagot niya kahit sa totoo lang ay napakarami niyang nais sabihin.
Masaya siya dahil marami siyang nalaman tungkol kay Adam mula sa ina ng binata. Kung anong klaseng bata ito, kung ano ang mga kalokohang pinaggagawa ni Adam noon kaya palaging napapagalitan at nairereklamo ng mga tao sa subdivision. Kung paano ito na-in love sa musika noong elementary ito na halos lahat ng instrumentong mahawakan nito ay agad na nama-master nito. Kung paano ito nagbinata noong high school ito. Pati na ang pagpunta ni Adam sa Amerika upang magkolehiyo sa poder ng ama nito. At kung paanong sa pagdalaw ng ina ng binata ay nakita nitong napakalaki na ng ipinagbago. At least physically.
Bawat impormasyong ibinabahagi ng ina nito sa kanya ay buong puso niyang tinanggap, itinanim sa isip at puso niya.
Tumaas ang mga kilay ni Adam. “At hindi ako masayang kasama?”
“Makuwento ang mama mo, ikaw hindi. Tuwing magkasama tayo, iba ang ginagawa mo.”
Tumaas ang sulok ng mga labi nito at pilyong kumislap ang mga mata. “Point taken. I have so many things I want to do with you when we are alone and talking is the last thing on my list,” wika ni Adam sa mapang-akit na tinig kasabay ng paglapat ng isang palad nito sa gitnang bahagi ng likod niya.
Sumikdo ang puso ni Ginny nang hapitin siya ni Adam hanggang halos gahibla na lamang ang pagitan ng mga katawan nila at nadarama na niya ang init na nagmumula rito.
“Adam… huwag dito,” kulang sa kombiksiyong saway niya. Aware siya na may camera ang loob ng elevator at hindi sila maaaring makunan sa hindi kanais-nais na tagpo. Mahirap na, baka may magbenta ng video na iyon sa media at magkaroon sila ng eskandalo.
Mukhang nabasa nito ang nasa mga mata niya dahil bumuntong-hininga ito. “You are too conscious of your reputation, huh? Alam mo kung noon pa man ay ginawan n’yo na ng paraan para magkaroon kayo kahit isang bad publicity hindi na mapapansin ng masa ang mga susunod pa ninyong gagawin. You are too good,” bulong nito.
Naningkit ang mga mata ni Ginny. “Masama ba `yon?” mariing sikmat niya.
Ngumisi si Adam. “Nope. I realized I liked you that way. I will not have you any other way.”
Pagkatapos ay naramdaman niya ang mainit na emosyon sa puso niya nang habang nakatitig siya sa binata ay may napagtanto siya.
Mahal niya si Adam. Matagal na. Pinigilan lang niya ang sarili dahil alam niyang hindi ito ang lalaking hinahanap niya, dahil masyado itong moderno para sa kanya. Ngunit ngayong araw, nalaman niya na ito ang lalaking hinahanap niya, ang lalaking kailangan niya, ang lalaking buong pagmamalaki niyang nais dalhin sa mga magulang niya, ang lalaking nais niyang makasama habang-buhay.
The whirling emotions and thoughts made her teary-eyed.
Bumakas ang pag-aalala sa mukha ni Adam. “Hey, bakit ka umiiyak? May nasabi na naman ba ako?” nag-aalalang tanong nito.
Umiling si Ginny at ngumiti. “Wala. Na-touch lang ako.”
“Na-touch saan?”
Bago pa siya makasagot ay tumunog na ang elevator patunay na nasa floor na nila sila. Subalit wala pa rin sa kanila ang tila nais lumayo sa isa’t isa. Nakatitig lamang sila sa mga mata ng isa’t isa.
Hanggang sa bumukas ang pinto ng elevator at makarinig sila ng marahas na pagsinghap mula sa labas. Napakurap siya at napatingin sa pinanggalingan ng ingay. Kumabog ang dibdib ni Ginny at nag-iinit ang mga pisnging napalayo kay Adam nang makita sina Yu at Carli na nanlalaki ang mga matang nakatingin sa kanilang dalawa.
Si Adam ang unang nakabawi sa kanilang lahat. Hinawakan nito ang braso niya at inakay siya palabas ng elevator. “Hello, girls. Going somewhere?” kaswal na tanong nito kina Yu.
Naningkit ang mga mata ni Yu kaya napangiwi si Ginny. Kung protective sa kanila si Rob, ganoon din si Yu. “Dapat. But I changed my mind,” sagot nito kay Adam. Pagkatapos ay bumaling ito sa kanya. “Ginny? We have to talk,” pormal na sabi nito.
Napatango na lang siya. Pagkatapos ay tumingin siya kay Adam na hindi pa rin binibitiwan ang braso niya. “I have to go now, Adam,” malumanay na sabi niya.
“Are you sure?”
“Mas ligtas siya sa amin kaysa sa `yo,” wika ni Carli.
Humigpit ang pagkakahawak ni Adam sa kanya at bumaling sa mga kaibigan niya. Pagkatapos ay ngumiti ito na tila hindi nabahala sa sinabi ni Carli. “Point taken. Well then, have fun with your chitchat, ladies,” wika ni Adam sa sarkastikong tinig na para bang sinasabing alam nito kung tungkol saan ang magiging pag-uusap nila bago siya binitiwan at muling tinapunan ng tingin. “Later?”
Tumango si Ginny.
Ngumiti ito nang matipid bago tuluyang tumalikod at tila walang pakialam na nagtungo sa suite nito. Nang makapasok na ang binata roon ay agad na hinawakan nina Yu at Carli ang magkabilang braso niya at inakay siya patungo sa fire exit ng floor na iyon.
“What is that all about?” nakakunot ang noong tanong ni Yu.
“Is he taking advantage of you? Is he harassing you? Tell us,” concerned namang tanong ni Carli.
Napailing si Ginny. Umaasta na namang mother hen ang mga ito sa kanya. “Wala siyang ginagawang masama sa akin. Mabait naman talaga si Adam, hindi lang halata,” pagtatanggol niya sa binata.
Halatang nagulat ang mga ito sa sinabi niya. “My God, Ginny, ano ba talaga’ng ginawa niya sa `yo at ganyan ka na mag-isip? Umamin ka nga,” giit ni Yu.
Napakagat-labi siya pagkatapos ay napabuntong-hininga at hindi rin nakatiis na sabihin sa mga ito ang totoo. Nakamaang na nakinig lang ang mga ito sa kanya. Nang matapos siyang magkuwento ay nagpapaunawang tiningnan niya ang mga ito.
“I’m sorry. Alam ko ang bilis pero… sa tingin ko, mahal ko na siya,” pag-amin niya.
“Eh, siya? Mahal ka ba niya? Sa tingin mo ba, iba ka sa mga babaeng dumaan sa buhay niya? Hindi ka ba niya walang lingon-likod na iiwan `pag ayaw na niya sa `yo? Ginny, I know I’m being blunt but you have to face these questions. Ayaw lang namin na masaktan ka sa huli,” malumanay na sabi ni Carli.
“Alam ko naman `yon. Pero alam ko rin na importante ako kay Adam. I mean, he let me meet his mother today you know. Kung ano man ang mangyayari sa hinaharap, natatakot din ako dahil sa totoo lang hindi ko pa alam. Pero hindi ko kayang… iwasan siya. Please understand,” pakiusap niya partikular kay Yu na titig na titig sa kanya.
Sa huli ay bumuntong-hininga ito. “Bahala ka. Nasa tamang edad ka na para magdesisyon sa sarili mo, Ginny. Ang sa amin lang, mag-iingat ka at siguruhin mong matatanggap mo ang kung ano man ang kahihinatnan ng pakikipagrelasyon mo sa isang lalaking kagaya niya. If you can see something in him that you think is good, then so be it. Pero siguruhin mo na hindi kayo mahuhuli ni Rob. Mainit ang ulo n’on lately,” sabi ni Yu.
Nakahinga siya nang maluwag at napangiti. “Thank you.”
Ang mga ito naman ang bumuntong-hininga. “Sana lang ay hindi ka umiyak dahil sa lalaking `yan, Ginny,” sabi ni Carli.
Ngumiti lang siya. Hiling din niya iyon.