HINDI alam ni Ginny kung paano niya natapos ang shoot at interview ng banda nila sa Exposed pagkatapos siyang halikan ni Adam. Halos hindi napawi ang pag-iinit ng mga pisngi niya dahil sa sunod-sunod na tanong ng mga kabanda niya sa kanya, lalo na ang nag-i-interview sa kanila na wala nang ginawa kundi ang tudyuhin at kulitin siya para payagan itong isulat ang tungkol sa kanila ni Adam sa artikulong isusulat nito. Pero mariin siyang tumanggi.
Puno rin ng panunudyo ang tinging ipinupukol sa kanya ng lahat ng taong nakasaksi ng ginawa ni Adam. Gigil na gigil siya. Humanda ang lalaking iyon pagbalik nila sa hotel. Nakakahiya ang ginawa nito!
Mabuti na lang at nang bumalik si Rob sa studio ay walang nagkamaling magbanggit ng tungkol sa nangyari. Nang makaalis na sila sa building ng Matias Media at nakabalik na sila sa hotel ay saka lang nakahinga nang maluwag si Ginny. Hindi nalaman ni Rob ang nangyari. Mabuti naman.
Pagkatapos nilang maghapunang magkakaibigan sa restaurant sa ground floor ay bumalik na sila sa kanya-kanyang hotel suite nila para magpahinga. Pagbukas niya ng ilaw ay napasigaw siya nang makita niyang kampante na namang nakaupo sa couch niya si Adam.
“Ano ka ba naman?! You scared me again!” paasik na sita ni Ginny.
Tumawa ito at tumayo. “Dahil hindi ka nadadala. Sinabi ko na sa `yong isara mo ang pinto ng verandah pero iniwan mo na namang bukas,” sagot nito.
Naalala ni Ginny ang ginawa ni Adam kanina kaya naniningkit ang mga matang lumapit siya rito. “At ano `yong ginawa mo kanina ha? Lahat tuloy sila, iba na ang tingin sa akin pagkaalis mo ng studio!” sita niya.
Ngumisi ito. “Good. Dahil bago ko `yon gawin, kulang na lang ay hubaran ka nila sa tingin. Bakit ba kasi ganoon ang suot mo? You showed too much skin,” nayayamot na sagot nito.
Napamaang siya rito. Hindi iyon ang inaasahan niyang sasabihin nito sa kanya kapag nakita siya nito sa ganoong ayos.
“Ano ka ba? Kompara sa mga modelong d-in-ate mo dati, demure pa nga ang ayos ko,” naiinis na wika niya. Wala na siyang pakialam kahit pa may bahid ng selos ang boses niya.
Nalukot ang mukha nito. “Wala akong pakialam kung pagpiyestahan sila ng ilang bilyong lalaki pero hindi ikaw! You are mine alone and I will never share you with anyone especially those millions of men who will see your freaking photos!”
Nanlaki ang mga mata ni Ginny. “Adam, I never thought I would hear that from you,” usal niya. Nawala na ang inis niya sa realisasyon ng pagkayamot nito. He was being possessive. Hindi siya makapaniwala.
Marahas nitong hinawi ang buhok at bigla siyang hinapit sa baywang. Naglapat ang katawan nila. “Hindi ko rin naisip na maririnig ko ang sarili kong sabihin `yon. But it’s true. Muntik na akong magwala roon kanina nang makita ko kung paano ka nila tingnan. So, I kissed you to let them know that they can never have you.”
Napasinghap si Ginny nang marahang humaplos sa leeg niya ang isang kamay nito pababa sa puno ng mga dibdib niyang natatakpan ng blouse niya. Ngunit kahit may telang nakapagitan sa mga balat nila ay iba pa rin ang naging epekto niyon sa sistema niya.
“These are for me to see,” bulong nito habang marahang hinahaplos iyon.
Nang magtama ang mga mata nila at makita niya ang intensidad sa mga mata nito ay bumilis ang t***k ng puso niya. “You are mine and mine alone,” bulong nito.
“Adam,” usal niya.
Umangat ang kamay ni Adam sa mukha ni Ginny at hinalikan siya sa mga labi na katulad na katulad ng ginawa nitong paghalik sa kanya kanina. Napapikit siya at gumanti sa halik nito.
Pinalalim nito ang halik. Nanghihinang napakapit siya sa leeg nito. Nang maghiwalay ang mga labi nila ay kapwa sila hinihingal at nagkatitigan lamang sa mahabang sandali.
“Ginny, can I stay here with you tonight?” Malumanay ang boses nito ngunit nahimigan niya ang desperasyon at pangangailangan sa tinig nito.
Iyon din ang nararamdaman niya. She wanted him so badly and she could no longer deny it.
“I never thought that you were the type of guy who asked for permission when it came to this,” wika niyang nakangiti nang matipid.
Tumawa ito nang pagak at humigpit ang pagkakahawak sa kanya. “I’m not. Hell, wala akong natatandaang nagpaalam ako at ngayon ko nare-realize what a jerk I was. Pero pagdating talaga sa `yo, pakiramdam ko ay nagiging ibang tao ako.”
Hinaplos ni Ginny ang pisngi ni Adam. Naramdaman niya ang pagka-tense ng katawan nito. “Hindi ka nagiging ibang tao. Maybe you are just showing your true, kind and gentlemanly self, bago ka naimpluwensiyahan ng makamundong pananaw ng Amerika,” magaang na sagot niya.
Ngumiti ito at hinawakan ang kamay niyang nasa pisngi nito at hinalikan ang kanyang palad. “Then maybe I should keep you so that I could retain my kind and gentlemanly self. My mother will be delighted,” nanunudyong wika nito.
Nakaramdam siya ng init sa puso niya at hindi nakatiis na kusa itong hinalikan sa mga labi. Natigilan ito at nang akmang ilalayo na niya ang mga labi rito ay hinawakan nito ang batok niya at pinalalim ang halik. “Is that your answer?” tanong nito na saglit lang na pinakawalan ang kanyang mga labi.
Ngumiti siya. “Yes.”