KAHIT paano ay naging okupado ang isip ni Ginny nang mismong araw na umalis si Adam. Hindi siya masyadong nagmukmok. Paano ay biglang lumabas sa internet at mga balita ang larawan ni Stephanie na nakikipaghalikan kay Oliver. Galit na galit si Rob at kahit sila ay tensiyonado para kay Stephanie. Lalo pa at noon lang nila ito nakitang ganoon. Na para itong magbe-breakdown. Noon lang din nila ito nakitang umiyak. Nararamdaman niya ang lungkot na nararamdaman nito kaya halos maiyak na rin siya para dito. Ang kaibahan lang nila, makikita uli niya si Adam sa Amerika pero ito, kakailanganin nitong tiising mawalay nang matagal kay Oliver kapag umalis na sila.
Kaya nagdesisyon silang tulungan itong makita uli si Oliver kahit huling beses na lang daw. Dahil kasi sa pumutok na eskandalo ay minadali na ni Rob ang pagbalik nila sa Amerika. Tinulungan nilang mag-disguise si Stephanie at sila naman ay ginamit ang mga sarili upang lituhin ang press. Tinawagan din nila si Cham at pumayag na ihatid si Stephanie hanggang sa unit ni Oliver.
Nakahinga na sila nang maluwag at nagngitian na dahil nakaalis na si Stephanie nang sa paglingon nila ay makita nila ang madilim na mukha ni Rob. Katakot-takot na sermon ang inabot nilang apat. May kutob na raw itong may gagawin silang kalokohan kaya bumalik ito. At kahit na sa totoo lang ay ayaw nilang magsalita ay hindi rin sila nakalusot dito. Nalaman nito kung nasaan si Stephanie. Nataranta sila nang umalis ito kaya sinundan nila ito. Nagtungo pala ito sa unit ni Oliver kung saan naroon si Stephanie.
Nagkasagutan ang mga ito at nakita nila kung paano ipinaglaban ni Oliver si Stephanie at ang pagmamahalan ng mga ito. Nabagbag ang damdamin nilang magkakaibigan kaya nagkalakas-loob silang ipagtanggol ang dalawa kay Rob.
Sa huli ay sumuko rin si Rob. Ang kapalit nga lang nang pagpayag nito sa relasyon nina Stephanie at Oliver ay tinadtad sila nito ng trabaho sa natitirang isang linggo nila sa Pilipinas.
Hanggang sa dumating na ang araw nang pag-alis nila. Nagpunta sa hotel nila ang mga magulang niya para magpaalam sa kanya. Masaya siyang makitang uli ang mga ito. Ngunit kasabay niyon ay nalungkot siya dahil kahit na gustong-gusto niyang sabihin sa mga ito ang tungkol kay Adam ay hindi niya magawa dahil wala na ang binata upang maipakilala sa mga ito.
Nagpunta rin sa hotel nila sina Cham at Rick at ang banda nitong Wildhorn na iniidolo nila noong hindi pa sila propesyunal na banda. Nagkaroon tuloy sila ng biglaang despidida party.
“Aalis na naman kayo. Kailan na naman kaya kayo babalik dito?” malungkot na tanong ni Cham.
Nalungkot din tuloy siya at niyakap ang kaibigan. “Hindi pa namin alam,” sagot niya.
Pumalatak si Rick. “Grabe. Kailan pa kayo magsisipag-asawa niyan?” biro nito.
Natawa silang magkakaibigan. Subalit nang magkatinginan sila nina Stephanie, Anje, Carli, at Yu, napansin niyang gaya niya ay tila may nasundot na kung ano sa puso nila ang komentong iyon ni Rick. Mukhang hindi lang siya ang may iba nang hinahanap ngayon. Higit pa sa kasikatan, higit pa sa maningning na mundo ng musika na dati ay ang numero unong pangarap nila. Ang hinahanap nila ay ang pinakamahirap matupad sa ngayon.
PAGLAPAG pa lamang ng eroplano sa airport sa New York at hindi pa man nakakababa ang bandang Wildflowers ay halos hindi na makahinga si Ginny sa pagkasabik. Bahagya man siyang nagi-guilty na tila ba sa kanilang magkakaibigan ay siya lang ang hindi tila pinagbagsakan ng langit at lupa sa pagbabalik nila sa Amerika ay hindi pa rin niya napigilan ang antisipasyon ngayong naroon na sila. Makikita na uli niya si Adam.
Isang linggo lamang silang hindi nagkita pero pakiramdam niya ay napakahabang taon na ang lumipas. Paano ay sa labis na katangahan niya, hindi niya nakuha ang cell phone number nito at hindi rin nito nakuha ang sa kanya. Marahil dahil nasanay silang dalawa na magkatabi lang ang suite nila at araw-araw silang nagkikita ay hindi na nila naisip kunin ang numero ng isa’t isa. Ni sa telepono tuloy ay hindi niya nakausap si Adam nitong nakaraang linggo. Hindi rin niya mahingi ang numero nito kay Rob dahil tiyak na hindi iyon ibibigay ng manager nila. Mainit pa rin ang ulo ni Rob sa kanila dahil sa pagtatanggol nila kina Stephanie at Oliver.
Kaya nang lumabas na sila ng airport ay hindi na napigilan ni Ginny ang mapangiti. Kahit mahaba ang naging biyahe nila, pakiramdam niya ay buhay na buhay ang dugo niya. Kahit pa hindi rin niya alam kung paano niya makikita uli si Adam dahil ni hindi niya alam kung saan ito nakatira, siguro ay magkikita sila sa headquarters ng music label nila. Hindi pa rin naman tapos ang trabaho nila.
Ngunit ang pagkasabik ni Ginny ay dagling naglaho at pakiramdam niya ay binuhusan ng malamig na tubig nang sa pagdaan ng limousine na kinalululanan nila sa Manhattan at saglit na ma-stuck sa traffic at mapatingala siya sa higanteng LCD screen doon ay makita ang kasalukuyang pinapalabas doon. Dahil hayun si Adam, kasama ang isang napakaganda at sexy na babae na base sa kumukutitap na headline ng balitang pinapalabas doon ay isang modelo, na nahuli sa aktong kalalabas lamang sa isang hotel. Walang tunog ang ipinapalabas ngunit sapat na ang headline at ang mga sumunod na larawang pinakita para bumaligtad ang sikmura niya. Mga larawan iyon ni Adam at ng babae sa isang beach. Si Adam ay naka-board shorts habang ang babae ay naka-skimpy two-piece bikini at magkayakap ang mga ito. May isa pang larawan na nasa aktong hahalikan ni Adam ang babae.
Nag-init ang sulok ng mga mata niya at para siyang pangangapusan ng hininga.
Commitments pala, ha?
Iyon ba ang tawag nito sa pakikipagmabutihan sa isang modelo sa kung saang beach habang siya ay mukhang tangang umaasa na pagbalik niya sa Amerika ay may interes pa rin ito sa kanya? Ano ba talaga siya para dito? Pagkatapos nitong makuha ang gusto nito ay napagtanto nitong hindi siya worth keeping na gaya ng sinabi nito? Isa lang ba siya sa mga babaeng isasama nito sa listahan nito ngayon?
Tuluyang tumulo ang mga luha ni Ginny habang puno ng pait na nakatingala pa rin siya sa billboard na iyon.
“Ginny? Ano’ng nangyayari sa `yo? bakit ka umiiyak?” puna ni Yu. Sinulyapan niya ito at napagtanto niyang nakatingin na ang mga ito sa kanya. May pagtataka at concern sa mga mukha ng mga ito. Sa halip na magsalita ay napahikbi lang siya.
Nagtatakang sumilip sa bintana si Yu pagkatapos ay natigilan ito nang may tingalain ito. “Buwisit na lalaki talaga,” galit na sikmat nito.
Lalong lumakas ang iyak niya. Nagsipagsilip na rin ang mga ito sa labas at nabulalas din na gaya ni Yu. Hindi na niya pinansin ang katotohanang kahit hindi siya nagsalita ay tila ba alam ng mga ito ang tungkol sa kanila ni Adam. Nakikisimpatyang pilit siyang pinatahan ng mga ito. Nang huminto ang limousine sa tapat ng building kung nasaan ang unit nila ay noon lang niya nagawang tumahan.
Subalit nang makarating na sila sa floor kung nasaan ang unit nila at makita niya ang lalaking nakatayo sa tapat ng pinto nila, pakiramdam niya muli siyang bubunghalit ng iyak. Because there he was, standing there and looking so dashing, as if he’d been patiently waiting for her return. Ang akala ba nito ay tanga siya na hindi malalaman ang ginawa nito roon?
Nang makita siya ni Adam ay lumiwanag ang mukha nito at ngumiti nang maluwang. Gusto niyang pagalitan ang sarili na sa kabila ng nalaman niyang ginawa nito ay sumikdo pa rin ang puso niya sa ngiti nito.
“Welcome back,” masayang bati pa ni Adam.
Kinagat ni Ginny ang ibabang labi sa pagpipigil na umiyak. “I don’t want to see you, you… bastard!” nanggigigil na sigaw niya.
Pagkatapos ay patakbong bumalik siya sa elevator at kahit na tinatawag siya ng mga kaibigan ay hindi siya lumingon. Nang sumara ang pinto ng elevator at umandar iyon pababa ay saka lang siya napabunghalit uli ng iyak.