What am I thinking?
Iyan ang tanong ni Kiefer sa kanyang sarili. Hindi niya alam kung bakit bigla na lamang siyang tumayo at nilapitan ang dalaga at inalok ng trabaho bilang kanyang sekretarya. Hindi rin niya maiwasan na pakinggan ang pag-uusap nito at ng katrabaho nito. Habang pinakikinggan ang dalaga ay alam niyang nahihirapan na ito. Alam niya ang pakiramdam ng walang matakbuhan o malapitan. Ang hirap sa pagbabanat ng buto mabigyan lamang ng maayos na buhay ang pamilya. Galing na siya sa puntong iyon at hindi niya kayang tiisin na ganoon din ang nararanasan ng dalaga.
Bumuntong hininga siya. Naisip niya na maaaring magandang simula ito upang makilala ang dalaga. Gusto niyang malaman ang koneksyon niya sa babaeng iyon. Bakit ganoon na lang ang panaghoy ng kanyang sarili kahit pa nasa bingit na siya ng kamatayan?
Pag-akyat niya sa kanyang opisina ay agad niyang tinawagan ang kanyang HR manager na si Minerva.
“Cancel the hiring of secretary,” simpleng sabi niya. Alam niyang nagulat ang babae na nasa kabilang linya.
“Po? Cancel po?”
“Yes. I saw someone na may potential na maging secretary ko,” sagot niya.
“Pero po Sir, I already hired someone—”
“Then ilagay mo siya kay Benedict. Benedict also needs a secretary,” sabi niya. Tinutukoy niya ay ang isa sa mga kaibigan niya at kasosyo sa kompanya.
“Pero sabi po ni Sir Bene—” hindi na niya pinatapos si Minerva at mabilis niyang ibinaba ang telepono. Ayaw na niyang makipagtalo pa sa babae at gusto na lang niya tapusin ang kanyang trabaho.
Sa buong maghapon ay wala siyang ginawa kung hindi basahin at pirmahan ang mga proposals ng kanyang mga empleyado. Linya ng Land of Dreams Corporation ay bumili ng mga real estate at lupa para gawing business center. Sa ngayon ay may tinatarget siyang property sa Makati at alam niya na kapag ginawa niya itong commercial ay paniguradong kikita ito dahil sa matao ang lugar na ito.
“I’m tired!” sigaw niya. Basta na lang niya inihagis ang kanyang bag sa kung saan at itinapon ang sarili sa malambot niyang kama. Natapos din ang kanyang mahabang araw bilang isang CEO. Hindi niya maiwasang mapangiti nang maalala kung papaano ba na ang isang hamak na undergraduate ay CEO na ngayon ng isang kompanya.
September, 2009
“Okay, pang-ilang beses ko na ba ito?” tanong niya. Inayos niya ang sarili at sinet-up ang time machine. Hindi niya kontrolado kung anong taon siya dadalhin ng makinang ito pero hindi niya ito alintana. Pumasok na siya sa loob ng time machine at katulad ng unang beses niyang gamitin ito ay lumikha ito ng usok at nagliwanag ang paligid.
Pagdilat niya ay nakita na lamang niya ang sarili na nasa harapan ng kanyang tokador. Pinagmsdan niya ang paligid at alam niyang ito ang kuwarto na inuupahan niya malapit sa unibersidad na pinapasukan niya. Bukas ang maliit na telebisyon ay nakita niyang nasa Channel 5 ang istasyon at kasalukuyang binobola ang resulta ng lotto ngayong gabi. Nakita niya din ang isang lotto ticket na nasa ibabaw ng isang libro at sinuri niya ito. Nakalagay sa petsa na March 15, 2012.
“3 years ang nilakbay ko.”
“Ultra players! Ultra lotto na po tayo!” Napatingin siya sa telebisyon at nakita ang pagbobola sa resulta ng lotto. “First number is 48! Followed by 33, 10, 02, 46, and 53! The winning numbers for tonight’s draw is 48, 33, 10, 02, 46, and 53. In any order po iyan at ang winning prize natin ay tumataginting na 50, 500, 000 pesos!” Nagpapalit-palit ang tingin siya sa TV at sa ticket na hawak niya. Tugmang-tugma ang mga numero na nakalagay sa telebisyon at sa ticket niya.
“Yes! Milyonaryo na ako!” sigaw niya. Tumalon-talon pa siya sa tuwa. Napatingin siya sa orasan at nakitang nasa dalawampung minuto na siyang nasa panahong ito. Sa pagkakatanda niya ay trenta minutos lamang ang inilagay niyang time limit. Mabilis siyang kumuha ng ballpen at papel at nag-iwan ng mensahe sa kanyang future self tungkol sa pagkakapanalo niya sa lotto.
Naramdaman niya ang mainit na sensasyong bumabalot sa katawan niya at alam niyang kailangan na niyang bumalik sa kasalukuyan. Sa muling pagdilat niya ay nakabalik na siya sa kanyang panahon. Mabilis niyang isinulat ang petsa at ang mga numero sa lotto na siyang matatamaan niya.
“Ha! 3 years from now, mayaman na ako!”
March, 2012
“Ha! I told yah! Yayaman ako!” sabi niya habang hawak ang ticket sa lotto. Nakita niya ang sulat ng kanyang past self at napangiti na lamang. Dito na niya iisipin kung ano ang gagawin niya sa napakalaking pera na makukuha niya.
Katulad ng inaasahan ay nakuha niya ang buong Fifty million. Nagkataon pa na wala siyang kahati dahil siya lang ang solo winner.
Iniisip niya agad kung ano ang gagawin niya sa napakalaking halagang ito. Dito niya naisip na maglakbay ulit sa panahon at nalaman niyang dalawang taon mula ngayon ay nagtayo siya ng isang kompanya na pinangalanan niyang Land of Dreams Corporation.
KASALUKUYAN
“Ang bilis ng panahon. Parang kailan lang ay simpleng estudyante lang ako. How I wish na nandito si Prof Abella to witness the power of his invention. Tumayo na siya at nag-asikaso ng kanyang sarili. Bago siya natulog ay nagsulat muna siya sa kanyang diary—ito ang natutunan niya bilang isang time traveler. Kailangan niyang ilagay ang mga pangyayari sa kanyang buhay para kapag naisipan ng kanyang past self na bumisita ay alam nito ang estado ng kanyang buhay.
Alam naman niya na nilalabag niya ang batas ng Time paradox pero naisip niya na hindi naman siya nakakasira sa ibang tao. Gusto lang niya malaman ang mga mangyayari upang mapaghandaan niya. Lulubus-lubusin na niya dahil siya lang naman ang may kakayanan na maglakbay sa panahon.
Patulog na sana siya nang tumunog ang kanyang cellphone. Pagtingin niya ay isang unknown number ang tumatawag sa kanya. Hindi naman na siya nagdalawang isip na sagutin ito.
“Hello?” sagot niya.
“Hi! Is this Mr. Kiefer Alcaraz?”
“Yes. Who is this?”
“Ah sir, good evening. Ako po ito si Lorie Zamora po. ‘Yung waitress sa café.”
“Ah yes, I remember. Ano you accept the job?” tanong niya.
“Yes po.”
“That’s great! Okay go to the office tomorrow so that we can discuss this further. Okay?”
“Yes, sir!”