Hindi na niya alam kung gaano niya katagal tinititigan ang tarhetang hawak niya. Iniisip niya kung ano ang mangyayari sa kanya kapag tinanggap niya ang offer nito na maging secretary. Iniisip niya kung kakayanin ba niya ang trabahong ito. Una sa lahat, hindi naman siya tapos ng college. Pangalawa, hindi siya ganoon maalam sa pagsasalita ng ingles. Pangatlo, hindi siya maalam sa paggamit ng computer. Ang alam niya ay ang basic word document at simpleng power point at kakrampot na formula sa excel.
“Lorie, kailangan ni Lawrence ng ganitong gamot,” sabi ng nanay niya. Iniabot sa kanya ang reseta at nakita niya ang nakalistang gamot na kailangan ng kapatid niya. Napalunok siya ng kanyang laway nang makita kung ilang gamot ang kailangan ng kapatid niya. Kita niya ang pagod sa mukha ng kanyang ina. Kakauwi lang nito galing sa ospital para dalawin ang kapatid niya.
“May naitabi pa ako dito, ‘nay. Ito na lang ang gamitin natin.” Tumayo siya at kinuha ang isang kahon ng sapatos sa ilalim ng kanyang kama at kinuha sa loob nito ang isang bungkos ng pera na puro tig-bente at singkwenta. Ito ang iniipon niya araw-araw. Binilang niya ito at umabot ito sa dalawang libong piso. “Nanay ito o. Two thousand ‘yan. Bilhin mo na ang kailangan ni Lawrence,” sabi niya. Iniabot niya ang pera at mabilis itong kinuha ng kanyang ina.
Huminga siya ng malalim at hindi na nagdalawang isip na tawagan ang numerong nasa tarheta.
Nakailang buntong hininga na siya. Hindi na niya mabilang kung ilang buntong hininga ang ginawa niya habang nakatingala sa mataas na gusali ng Land of Dreams Corporation. Inayos niya ang suot na pencil cut na palda at ang long sleeves blouse niya. Bitbit niya ang kanyang mga credentials na nakalagay sa plastic envelope. Inayos din niya ang kanyang buhok bago pumasok sa loob.
Pagpasok niya sa loob ay mas lalo siyang namangha. Noon ay tanaw lang niya mula sa café ang mga empleyado dito pero ngayon ay kitang-kita na niya. Sa tingin niya ay nakapa-busy ng mga tao dito. ang lahat ay propesyonal tingnan. Nahiya siya sa suot niyang kupas na palda at blouse.
“Yes, ma’am? How may I help you?” tanongng receptionist sa kanya.
“Ah eh… umm…” hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin. Mas lalo siyang nahiya ng tumaas na ang kilay nito sa kanya. “Ano…” pinakita niya ang calling card na binigay sa kanya ni Kiefer at kinuha naman ito ng babae. “Pinapunta niya ako dito,” sabi niya. Tinitigan muna siya ng babae bago kinuha ang telepono at may tinawagan. Ilang sandali lang tumingin ito sa kanya.
“Punta ka sa 30th floor. Sir Kiefer is waiting for you.” Itinuro pa nito kung nasaan ang elevator.
Pagpasok niya sa elevator ay mabilis niyang pinindot ang 30th button. Pakiramdam niya ay napakahabng biyahe ang ginawa niya. Pagdating niya sa 30th floor ay sinalubong siya ng katahimikan.Hindi tuloy niya alam kung ito nga ba talaga ang floor kung nasaan si Kiefer. Nakita niya ang isang pinto at kinatok niya ito.Maya-maya ay bumukas ito at bumungad sa kanya ang isang babae. Sa tingin niya ay nasa 30’s ito. Maikli ang buhok at maputi. Matangos ang ilong at kulay pula ang lipstick na gamit nito. Nakasuot ito ng kulay white na slacks at itim na blazer.
“Sir, mukhang ito na po bisita mo,” sabi nito sa kanya.
“Come in,” sabi ng lalaki. Pumasok siya sa loob at unang-unan niyang napansin ay ang kulay ng opisina. Lalaking-lalaki ang dating nito dahil naglalaro sa kulay na black and white ang paligid. Ngayon ay natitigan niya ng husto si Kiefer. Walang duda na siya nga ang customer nila.
“Good morning po,” bati niya.
“Lorie Zamora, right?” tanong nito sa kanya.
“Yes po,” sagot niya.
“This is Minerva. She’s my HR manager. Just give her your credentials.”
“So Sir, I will first the interview—”
“No need,” mabilis na sabi ni Kiefer. Napatigil silang dalawa ni Miverva.
“Po? What do you mean, Sir Kiefer?” tanong ni Minerva.
“Just process her application. I already conducted interview sa kanya.” Tinitigan siya ni Kiefer at mabilis na kumindat sa kanya. Sa totoo lang, hindi na niya alam ang nangyayari.
“O-okay po. Can I have your papers?” sabi ni Minerva. Binigay niya ang plastic envelope sa babae at mabilis itong kinuha ni Minerva at saka lumabas ng opisina. Dalawa na lang silang naiwan ni Kiefer sa loob.
“Sir?” tawag niya.
“Yes?”
“Tanggap na po ba ako?” tanong niya.
“Yes,” simpleng sagot nito.
“Po? Agad po? Wala po bang interview? Exam?” tanong niya. Umiling si Kiefer sa kanya.
“Waste of time lang iyon. I can see na you’re qualified naman. I know na magaling ka magtimpla ng kape. I really need coffee first thing in the morning. I want all my files are arrange in alphabetical order. Kailangan maaga ka dumating kaysa sa sakin. Kailangan alam mo lahat ng schedule ko for meetings and events. I am really bad at schedules kaya I really need you to track it. I know naman na computer literate ka naman and mostly typing jobs lang naman ang ipapagawa ko sa’yo. Sometimes, presentations for the meeting. Basta ang gusto ko lang ay always tama ang gagawin. Gusto ko pagdating ko may mainit ng kape ang nag-aabang sa table ko,” sabi nito sa kanya. Tango naman siya ng tango at tinatandaan ang mga sinasabi nito sa kanya. “About sa salary mo, si Minerva na ang mag-discuss niyan sa’yo. You may start tomorrow,” sabi nito sa kanya. Napangiti siya.
“Thank you so much po!”
Pagkatapos niyang makipag-usap kay Kiefer ay pinapunta siya sa 21st floor kung nasaan si Minerva. Ipinaliwanag sa kanya ang magiging duties and responsibilities niya bilang bagong secretary ni Kiefer Alcaraz.
“Anyway girl, gentle reminder lang,” sabi sa kanya ni Minerva. “Masungit iyang si Sir Kiefer. Pinaglihi ata sa sama ng loob. Perfectionist siya kaya dapat ayusin mo. Pang-ilang secretary ka na niya.”
“Hala, ‘wag mo naman po ako takutin Ms. Minerva,” sabi niya. “Pero mukhang mabait naman siya,” dagdag pa niya.
“Don’t judge the book by its cover. Masungit iyang boss natin. Pero napaka-generous niya. Every Christmas ang laki ng pa-bonus niya lalo na kapag may nabentang lupa at mataas ang sales. Suwerte mo girl, natanggap ka agad. Alam mo bang ilang weeks akong naghanap ng bagong secretary niya tapos biglang sinesante niya. Tapos ngayon kinuha ka niya.”