“Lawrence! Lawrence!” Napalingon si Lawrence nang may isang lalaki na tunmawag sa kanya.
“O bakit?” tanong niya. Pauwi na siya ngayon galing sa tindahan. Inutusan kasi siya ng kanyang nanay na bumili sa palengke hindi kalayuan sa kanila. Malapit na siya sa kanyang bahay nang may tumawag na lalaki sa kanya.
“O ikaw pala? Bakit?” tanong niya.
“Hindi mo sinasabi big time na pala kayo ah!” sabi nito, Tinapik-tapik pa siya nito sa kanyang balikat. Napakunot ang kanyang noo at kalaunan ay nagsalubong ang kanyang mga kilay. Hindi niya kasi maintindihan ang ibig sabihin ng kanyang kausap.
“Big time? Anong big time sinasabi mo?” tanong niya.
“Naku! Pa-humble pa eh!” sabi pa nito. Dito na siya napailing. Hindi na niya kasi maintindihan ang kausap.
“Ha? Ano bang sinasabi mo?” tanong niya ulit.
“Hindi kayo nagsasabi model na pala ang ate mo,” sagot nito.
“Model? Model si ate?” Dito na natigil ang kanyang kausap.
“Teka, ibig sabihin hindi niyo alam?” sabi pa nito.
“Ang alin nga?!” tumaas na ang boses niya dahil nagsisimula na siyang makaramdam ng inis. Kanina pa kasi paligoy-ligoy itong kausap niya. Dinukot ng kausap niya ang cellphone nito at may tinipa. Maya-maya ay ipinakita sa kanya ang larawan. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang kanyang kapatid at ang boss nito na magkasama sa isang litrato. Halatang photoshoot ito at may mga imino-model na mga damit.
“O ‘di ba? Model na pala ang kapatid mo. Naks bigtime na ang kapitbahay namin!”
Mabilis siyang umiling.
“Hindi kami big time. Baka need lang sa trabaho ni ate iyan,” sagot niya.
“Sus! Kunwari hindi alam. Magkano ba kita ng ate mo diyan? Malaki ba? Pautang naman,” sabi pa nito. Nagpanting naman ang tainga niya sa inis niya ay hinampas niya ng kangkong na binili niya sa palengke.
“Ikaw! Batugan ka! Magtrabaho ka! Hindi ‘yung puro utang ka! Isalaksak ko itong labanos sa ngalangala mo eh!” sigaw niya. Mabilis siyang naglakad palayo hanggang sa makauwi siya ng kanilang bahay. “Itong mga tamad na ito naasa na lang sa mga tao sa paligid eh! Hindi magtrabaho. Uutang tapos makikita mo nag-uumpukan sa isang kanto at bumabaha ng alak! Naku mga tao talaga dito!”
“Lawrence, ano ba ‘yang reklamo mo sa buhay?” Napalingon siya at nakita ang kanyang ina na nag-aayos ng mga pundang tinahi nito.
“Paano kasi iyang kapibahay nating si TJ, sinabihan ako na big time na tayo,” sagot niya.
“Anong big time?” tanong ng kanyang ina.
“Mayaman. Kasi nakita nila si Ate sa social media na nagmomodel,” sagot niya.
“Model? Model ang ate mo?”
“Pero feeling ko sideline iyon ni Ate pero kasama niya si Sir Kiefer eh. Parang minomodel nila damit.”
“Tatanungin ko iyang ate mo,” sabi ng kanyang ina.
“Oo nga pala, sana bumisita ulit si Sir Kiefer dito. Sarap kausap ni Sir Kiefer lalo na kapag mga libro ni Mitch Albom ang topic namin,” sabi niya. Naalala niya ang gabing bumisita ang boss ng kapatid niya at nalaman niyang fan ito ni Mitch Albom. May mga binanggit itong mga libro at gusto niya itong bsahin kaya nag-iipon siya ng pera makabili lang ng ibang libro ni Mitch Albom.
“Naku Lawrence, ang hirap lang kasi. Tinatago ko lang ang hiya ko noong pinakain natin ng sardinas ang boss ni ate mo. Obvious naman na mayaman at hindi kumakain ng sardinas. Mabuti na lang at mabait ang binatang iyon,” sabi ng kanyang ina. “Teka nga, anong picture ba iyon? Anong minomodel ng kapatid mo? Wala siyang binabanggit sa akin na tungkol diyan.”
Ngumiti siya ng alanganin.
“Eh ‘nay, sa cellphone kasi iyon eh. Sa isang app. Eh wala naman ako load para makita ‘yun,” sagot niya. “Bakit ang liwanag? Tumatama ng husto ang araw sa loob natin,” dagdag niya pa. Lumapit siya sa binatana para isara ito pero napansin niya na ang billboard na malapit sa kanila na humaharang sa araw ay tinanggal na. “Kaya pala may araw, tinanggal ang billboard na nandoon.”
“Sige isara mo na iyan, Lawrence,” utos ng kanyang ina. Isasara na sana niya ang bintana nang matanaw niyang may iniladlad na bagong billboard at laking gulat niya ng makita ang larawan.
“’Nay! Tingnan mo!” sigaw niya. Itinuro niya ang billboard. Nakita nila ang larawan ni Lorie at Kiefer na nakasuot ng isang mamahaling damit.
“Aba! Model na pala ang anak ko! May anak na akong model!” sigaw ng kanyang ina.
Sa tuwa ng kanyang ina ay lumabas ito at nagsisisigaw.
"Mga kapitbhay! Mga kapitbahay!" sigaw nito. Napalingon naman lahat ng mga tao at ang iba ay napalabas pa ng bahay nito para tingnan ang kanyang ina. "Naku ang ganda ng anak ko! Tingnan niyo! Tingnan niyo!" Itinuro pa nito ang billboard na bagong lagay lang. Napatingin naman ang lahat sa itinuro nito. "Model ang anak ko! Ang ganda ng anak ko! May anak ba kayong model?! Wala! Kasi pangit mga-- hmmmp!!"
Mabilis na tinakpan ni Lawrence ang bibig ng kanyang ina dahil sa mga sinabi nito. Napangiti na lang siya ng alanganin.
"Pasensya na po!" sabi niya. Pilit niyang hinatak ang ina papasok ng kanilang bahay pero ayaw patinag ng kanang ina.
"Ang anak ko model na! Model ang anak ko! Ang ganda ng anak ko! Wala kayong anak na masipag! Kasi mga anak niyo batugan!"
"Nanay tara na sa loob. Makakita ka pa ng away diyan," sabi niya. Pinilit niyang ipasok ang ina sa loob ng kanilang tahanan.
"Ang anak kong maganda! Magkano kaya kita niya diyan? Walang sinasabi ang atemo tungkol diyan," sabi ng kanyang ina.
"Baka nakalimutan lang niya sabihin, 'nay. Siyempre maraming trabaho si ate at nakalimutan na niyang sabihin.
"Magreequest ako ng lechong manok ang ulam natin!"
Naiiling na lang si Lawrence sa reaksyon ng kanilang ina.