NAGULAT si Ferlyn nang isang hapon ay maabutan niya si Jino sa loob ng kanilang bahay. Mas naunahan pa siya nitong umuwi. Nakakapanibago ang sandaling iyon para sa kaniya. Palagi kasing siya ang nauunang umuwi sa bahay nila.
“Ang aga mo yata ngayon, hon?” aniya rito na hinagkan pa ito sa labi.
“Maaga lang natapos ang meeting namin,” anito sa kaniya. Wala man lang kalambing-lambing sa boses nito. Hindi katulad noon.
Napatingin siya sa may kusina nang makita roon si Jenylyn. Nagluluto ito. Nasundan din ni Jino ang hinahayon ng tingin niya.
“Sabihan mo ang kaibigan mo, ‘wag masyadong kasipagan. Pati mga labahin nating damit, nilabhan niya. Tapos ngayon, nagluluto pa para sa hapunan natin. Ikaw ang dapat na gumagawa ng mga ‘yon, Ferlyn. Bakit kaya hindi mo gayahin ang kaibigan mo? Stay at home lang,” anito sa kaniya bago hinayon ang papunta sa kuwarto nila.
Huminga nang malalim si Ferlyn para paluwagin ang kaniyang paghinga na medyo nanikip bigla. Ngayon naman, ikinukumpara pa siya ng kaniyang asawa sa iba. Totoo nga talaga na masakit ang maikumpara.
Sa hindi nga niya magawang iwan basta ang coffee shop. At isa pa, nagagawa pa rin naman niya ang duty niya bilang asawa nito. Ang hindi lang niya talaga magawa ngayon ay ang maging isang full time house wife. Siguro, saka na. Kapag may anak na rin sila.
Pinalampas na muna niya ang sinabi ng kaniyang asawa bago nagawang lapitan si Jenylyn sa kusina.
“Jen, nag-abala ka pa,” aniya nang makalapit dito.
“Nakauwi ka na pala,” ani Jenylyn na ngumiti pa sa kaniya. “Wala akong magawa kaya nagluto na rin ako ng hapunan. Pasensiya kung nangialam na ako sa kusina mo. Sana lang, magustuhan mo at ng asawa mo itong niluluto ko.”
Suminghot siya. “Amoy pa lang naman, mukhang masarap na,” aniya na nag-thumbs up pa rito na lalo nitong ikinangiti.
“Puwede na bang mag-asawa?” biro pa nito.
“I’ll rate, kapag natikman ko na ang finish product mo,” ganting biro niya na parehas pa nilang ikinatawa.
“Magbihis ka na muna, Ferlyn. Kaunting oras na lang naman at matatapos na rin ako rito.”
Tumango siya. “Salamat, Jen.” Akmang tatalikod na siya rito nang muli siyang pumihit paharap dito. “Alam mo, nakakahiya rin naman sa iyo kung pati labahin ko, ikaw na ang gagawa. Kaya ko naman ‘yon,” wika pa niya rito.
“Ferlyn, kakaunti lang naman. Saka marunong naman ako dahil automatic ang gamit mong washing machine. Pero kung manual, hindi mo talaga ako mapaglalaba,” ngumiti pa ito. “Mas nakakahiya sa iyo kasi nakikitira lang naman ako rito. Hayaan mo na. Paraan ko ng pasasalamat ‘yon sa iyo.”
“Kahit na. Nakakahiya pa rin kasi bisita ka namin dito.”
“Haaay, naku. Doon ka na nga Mrs. Lee,” pagtataboy nito sa kaniya. “Magbihis ka na at sabay-sabay tayong kakain mamaya.”
Wala ng nagawa na tumango siya. “Sige,” aniya rito na iniwan na ito sa kusina at dumiretso na sa silid nila ni Jino. Naabutan pa niya ang kaniyang asawa na abala sa kaharap nitong laptop.
Naglakad siya palapit dito at yumakap pa mula sa likuran nito. Iyon ang paraan niya ng paglalambing dito.
“I love you, hon,” malambing pa niyang wika rito.
“Aish, jinjja,” reklamo pa nito sa salitang Korean. “Pati amoy ng coffee shop mo, dala-dala mo pa rin dito.”
Napilitang alisin ni Ferlyn ang kaniyang mga kamay sa kaniyang asawa. Dati naman, walang problema kung amoy kape man siya na umuuwi sa bahay nila.
“Kung nag-stay ka rito sa bahay, hindi sana ganiyan ang amoy mo.”
“Jino, natural lang naman na mag-amoy kape ako dahil sa coffee shop ako galing,” hindi niya napigilang idahilan.
“That’s why, stop going there,” anito na itinigil ang ginagawa at pinaikot ang kinauupuan nitong swivel chair para makaharap siya. “Just stay here instead.”
“Pagtatalunan na naman ba natin ‘yan, hon?” malumanay niyang tanong. Ayaw niyang makipagsabayan sa init na naman ng ulo nito.
“Kaya hindi ka mabuntis-buntis dahil palagi na lang kung ano-ano ang inuuna mo!”
Umawang ang labi niya. “Hon, tingin mo ba ginugusto ko na hindi mabuntis? Kung ako lang, gustong-gusto ko na mabigyan ka ng anak. Tingin mo ba, madali lang sa akin ‘to?” mangiyak-ngiyak na umiling siya. “Hindi. Ang hirap-hirap sa side ko na hindi ko maibigay ang gusto mo.”
Tumayo ito at napailing-iling pa. “‘Wag mo akong dramahan ngayon.”
“Saan ka na naman pupunta?” habol niya nang lampasan siya nito. Kinuha nito ang coat at muling isinuot.
“Sa walang amoy ng kape,” sarkastiko pa nitong wika bago tuluyang lumabas ng silid nila.
Naiwan siya roon na nag-uunahan sa pagpatak ang mga luha sa pisngi. Hanggang ngayon, galit pa rin ito sa kaniya. Lalo lang siyang na-i-stress sa setup nilang iyon ni Jino. Ni hindi man lang siya magawang unawain ni Jino. Palagi na nga lamang niyang ibinababa ang pride para dito, pero wala pa rin. Malamig pa rin ito pagdating sa kaniya.
Hindi naman malaking abala ang pagpunta niya sa coffee shop. Dahil pumupunta siya roon kapag alas diyes na ng umaga. At umuuwi ng mas maaga kaysa sa mga empleyado niya. Dahil gusto niya, nasa bahay na siya bago pa man umuwi si Jino.
Pinahid niya ang mga luha at ipinasya na dumiretso na sa banyo na nasa loob din ng silid nila ni Jino.
“Hindi ba natin kasabay na maghapunan ang asawa mo?” medyo alanganin pang tanong ni Jenylyn kay Ferlyn nang balikan niya ito sa kusina matapos niyang maligo.
Pilit ang ngiti sa labi na umiling siya. “May lakad siya ngayon,” aniya rito. “Tara, kain na tayo,” aniya na naupo na sa may kabisera ng hapagkainan.
Nagkibit-balikat naman si Jenylyn. “Baka ayaw sa amoy ng luto ko kaya hindi kumain dito,” biro pa nito.
“Hindi,” sansala niya.
Dahil siya ang dahilan kung bakit ayaw doong kumain ng kaniyang asawa.
Ayaw lang ba talaga nito sa amoy ng kape na dumikit sa kaniya o ginawa lang nito iyong dahilan para umalis na naman at uuwing lasing?
Lihim na napabuntong-hininga si Ferlyn.
Sa nakalipas na araw, hindi lang iisang beses na umuwi nang maaga si Jino galing sa trabaho. Ang dahilan nito ay maagang natapos ang trabaho nito sa opisina. At ang ending, palagi rin silang nagtatalo.
“Mainit na naman ang ulo ng asawa mo,” naiiling pang wika ni Jenylyn habang naggagayat ng gulay para sa lulutuin ni Ferlyn.
“‘Wag mo na lang pansinin,” sabi na lang niya sa kaniyang kaibigan.
“Ferlyn, kung may hindi kayo pagkakaunawaan ng asawa mo, pag-usapan ninyo. Hmmm? Baka kung saan pa mauwi ‘yan,” makahulugan pa nitong wika.
Napahinto si Ferlyn sa paghuhugas ng karne sa may sink. Pagkuwan ay muling nagpatuloy. “Away mag-asawa lang, Jen. Normal na ‘yon sa mag-asawa.”
“Hindi sa nanghihimasok ako, ha? Ano ba ang problema ninyong dalawa?” usisa pa nito.
Bumuntong-hininga siya. “Gusto kasi ng asawa ko na magkaroon na kami ng anak, kaso, hindi ko pa magawang ibigay sa kaniya. Ewan ba, kahit na anong subok namin, wala pa rin. Ayaw pa rin kaming bigyan ng anak ni Lord.”
“Twenty-eight ka pa lang naman, Ferlyn. Hindi pa expired bahay-bata mo,” biro pa nito na ikinangiti rin niya. “Sabi nga, try and try until you succeed.”
“Amen,” aniya rito.
Minabuti na lamang ni Ferlyn na mag-focus sa pagkain. Ayaw niya ng dahil sa sobrang stress na ibinibigay sa kaniya ni Jino ay bumigay ang katawan niya.