“MA’AM, okay lang po ba kayo?” hindi napigilang itanong ni Jennifer kay Ferlyn nang lapitan siya nito sa may gilid ng counter.
Hindi niya napansin na natulala na pala siya. Ibinalik niya ang kaniyang composure at nginitian ito. “Okay lang.”
“S-sigurado po kayo?”
“Oo. Sige na, gawin mo na ‘yong gagawin mo.”
Tumango ito. “Sige po.”
Ipinasya ni Ferlyn na bumalik na lang muna sa loob ng kaniyang opisina at doon na lang magmuni-muni. Pero hindi niya naituloy kahit ang akmang paghakbang niya nang marinig ang tunog ng door chime sa kaniyang coffee shop. Indikasyon na may bagong dating na costumer.
Medyo kumunot pa ang noo ni Ferlyn habang nakatitig sa lalaking agaw eksena ang katangkaran at ganda ng pangangatawan. Para itong modelo ng isang sikat na brand ng damit na pinatungan ng kulay itim na coat. Nakasuot iyon ng itim na shades. Ganoon pa man, halatang-halata ang kaguwapuhang taglay niyon. Pamilyar iyon sa kaniya. Hindi lang niya maalala kung saan niya ito nakita.
Ngunit nang lumapit ito sa counter at mag-alis ng suot na shades sa mata, saka lang napagtanto ni Ferlyn kung sino ang lalaki. Ito ang aksidenteng natapunan ng kape ng dahil mismo sa kaniya.
“Good morning, Sir,” bati pa rito ni Jennifer.
“Good morning,” nakangiti pa nitong ganting bati sa kaniyang kahera bago nagbaling ng tingin sa kaniya.
Bakit bigla ay para bang gusto niyang mag-iwas ng tingin? Ikinundisyon niya ang sarili at kimi itong nginitian.
“‘Yong promise mo sa akin,” nakangiti pa nitong kaswal na paalala sa kaniya.
Napatingin sa kaniya si Jennifer.
“A-ah. Yes, of course,” sang-ayon niya na binalingan pa si Jennifer. “Jennifer, please, assist our customer,” bilin pa niya rito.
“I want you to make my coffee,” anang lalaki sa kaniya.
Tatanggi sana siya. Kaso, may usapan nga pala sila nito. Sa huli ay tumango siya. “Okay. Serve ko na lang, Sir.”
“Thanks.” Ngumiti pa ito ng isang beses sa kaniya bago naglakad palayo.
Saka lang niya namalayan na pigil pala niya ang kaniyang paghinga.
“Ma’am, ano po ‘yong promise ninyo kay Sir Pogi?” hindi napigilang usisa sa kaniya ni Jennifer.
Huminga muna siya nang malalim bago ito hinarap. “Tandaan mo ‘yong mukha na ‘yon. Tanda mo naman siguro siya, ‘di ba? Natapunan ko siya ng mainit na kape. At bilang kapalit ng nagawa ko, humingi siya ng isang taon na free coffee dito sa shop.”
“One year?” impit pa nitong ulit habang inaasikaso ni Ferlyn ang kape ng kanilang customer.
“Yes. Hayaan mo na. Hindi naman tayo malulugi sa kaniya.”
“Nagpalibre pa po talaga siya? Eh, sa looks niya, para nga pong kaya niyang bilhin itong buong shop ninyo pati ang pagkatao ko.”
Napangiti siya sa huling sinabi ni Jennifer. “May kasalanan pa rin ako sa kaniya. Sa susunod at wala ako, hindi mo na siya kailangan pang singilin. Hmmm?”
“Sabi niyo po, eh.”
Matapos niyang makapagtimpla ng black coffee para sa lalaking bagong dating ay dinala na rin niya iyon dito. Tanda pa naman niya kung anong klase ng kape ang pinatimpla nito sa kaniya noong nakaraan.
“Here’s your coffee, Sir,” wika pa niya bago iyon maingat na inilapag sa tapat nito.
“Thanks.”
Sandali na naman na tila na-mesmerize siya sa ngiting sumilay sa labi nito na lalong nagpaguwapo rito.
Ferlyn, umalis ka na sa harap ng lalaking ‘yan, bulong ng isip niya sa kaniya.
“Enjoy your coffee,” aniya bago ipinasya ng lumayo rito.
What’s with him? Bakit parang daig pa nito ang may magnet sa katawan? Ganoon ang dating ng lalaki sa kaniya. Nang mapatingin siya sa labas ng kanilang coffee shop ay may natanawan pa siyang isang magarang Ferrari car na kulay asul na nakahinto sa tapat ng kaniyang shop. Wala naman iyon doon kanina.
Pag-aari ba iyon ng lalaking customer nila?
Nang makarating sa may counter ay hindi niya napigilan ang sarili na hindi sulyapan ang lalaki na abala sa pag-inom ng mainit nitong kape.
“Ang guwapo niya, Ma’am, ‘no? Kakaiba ‘yong level ng kaguwapuhan niya sa lahat ng guwapong customer na naliligaw rito sa coffee shop ninyo.” Nag-dreamy sigh pa si Jennifer.
Nangingiting dinutdot niya ang pisngi nito. “Focus na sa work.”
Ferlyn, mag-focus ka na rin sa pinaplano mo, anang isip niya sa kaniya.
Oo nga pala. Pinag-iisipan kasi niya kung hihinto na muna siya sa trabaho sa coffee shop at magpapaka-housewife na lamang muna kay Jino. Puwede naman niyang kunin na manager si Jennifer dahil maaasahan ito sa lahat. Lalo na kapag wala siya.
“Jennifer,” agaw niya sa atensiyon nito.
“Yes, Ma’am?”
“May idi-discuss ako sa iyo bukas.”
Tumango ito. “Sige po.”
May ngiti sa labi na tinapik niya ito sa balikat. “Sa loob muna ako ng opisina,” aniya rito bago itinuloy na ang pagpunta sa kaniyang opisina.
Sa pagkakataon na iyon ay ang lalaki naman na itinimpla niya ng kape ang humabol ng tingin sa kaniya. Bumuntong-hininga pa ito nang mawala siya sa paningin nito.
Pagdating ni Ferlyn sa loob ng kaniyang opisina ay nag-send pa siya ng text message sa kaniyang asawa. Ngunit wala man lang siyang nakuhang reply mula rito.
Samantalang noon, kapag nag-te-text siya rito, ora mismo kung mag-reply ito. Tipong kahit nasa trabaho, nagagawa pa ring mag-reply. Dahil ang dahilan nito sa kaniya, mahal siya nito kaya gagawa at gagawa ito ng paraan para paglaanan siya nito ng oras.
“Mahal mo pa rin ba ako, Jino?” anas niya na nagpamuo na naman ng mga luha sa kaniyang mga mata.
Hindi na naman niya mapigilan ang mag-selfpity ng mga sandaling iyon. Malaki na ang nagbago sa kaniyang asawa. Nalulungkot siya sa parte na iyon. Palagi rin itong galit sa kaniya. Daig pa ang babae na mayroong monthly period.
Deserve ba niya ang ganito?
Deserve ba niya na tratuhin siya ng ganito ng kaniyang asawa?
“Nasaan na ang pangako mo, Jino?” Tuluyan ng pumatak ang luha mula sa kaniyang mga mata.