AGAD na hinayon ni Ferlyn ang pinto ng kanilang condo unit nang marinig ang sunod-sunod na tunog ng door bell. Dahil na rin sa pag-aakala na iyon ang kaniyang asawa kaya nagkukumahog siya sa paglalakad.
Ngunit hindi ang asawa niya ang nakatayo sa labas ng pinto kundi isang babae na may dala-dalang traveling bag. Kimi pa iyong ngumiti.
Right, kung ang asawa niya ang nasa labas ay hindi na iyon mag-aabala pang mag-door bell.
“F-Ferlyn,” bati pa ni Jenylyn Gonzalgo sa kaniya. Ang college friend niya.
“Jen, gabing-gabi ka na, ah.”
“Pwede bang tumuloy, Ferlyn?” pakiusap nito. Ngumiti ito ngunit hindi umabot sa mga mata nito. Bakas din na para bang nahihiya ito.
Tumango siya at mas niluwagan ang pagkakabukas ng pinto para dito. “Sige. Pasok ka,” pag-iimbita niya sa kaniyang kaibigan.
Huli pa sila nitong nagkita ay may isang taon na rin ang nakakaraan. Nanirahan kasi ito sa Davao.
“Galing ka pa ba sa Davao?”
Umiling ito. “Sa Cebu,” maikli nitong tugon. Naupo ito sa may sofa sa salas.
“Kumain ka na ba?” muli niyang tanong.
“Hindi pa nga, eh.”
“Tamang-tama, kakain pa lang ako. Sabayan mo na ako,” aniya na hindi na umaasa na uuwi pa ng maaga ang kaniyang asawang si Jino.
“Okay lang ba?”
“Oo naman. Ano ka ba?” nangingiti niyang wika rito. Nais niyang maging kumportable ito sa bahay nila. “Tara sa kusina. Hayaan mo na muna ang gamit mo riyan.”
Nagpatiuna na siya papunta sa kusina. Nakasunod naman sa kaniya si Jenylyn. Pinaupo niya ito sa madalas niyang upuan. Siya naman ang naupo sa may kabisera.
“Bakit narito ka ngayon sa Manila?” aniya habang kumakain sila. Magana namang kumain ang bisita niya. Mukha ring nasarapan ito sa luto niya kaya nakahinga siya nang maluwag. Ayaw lang din niya na mapulaan ang kaniyang niluto.
“Nakipaghiwalay ako sa boyfriend ko,” anito na nagbaba ng tingin.
“B-bakit?”
“Third party, Ferlyn.”
Hindi siya agad nakapagkomento.
Mapait itong ngumiti. “Puwede ba na ‘wag muna nating pag-usapan? Nakakawalang gana kasi sa pagkain.”
“Sure,” sang-ayon niya rito. “Kumain ka lang, Jen,” aniya na ibinalik na rin sa pagkain ang kaniyang atensiyon.
Kung ganoon ay tumira pala ito sa Cebu kasama ng boyfriend nito? Ayaw naman niya na pangunahan si Jenylyn para magkuwento sa kaniya nang nangyari sa mga ito. Hihintayin na lamang niya kung kailan ito handang magkuwento sa kaniya. Handa naman siyang makinig kung kailangan nito ng kausap. Nirerespeto niya ito sa bagay na iyon.
Matapos kumain ay tinulungan pa siya nito sa pag-iimpis at paghuhugas. Matapos niyon ay bumalik sila sa may salas at doon ay naupo.
“Salamat sa pagkain, Ferlyn. Masarap ang luto mo.”
“Wala ‘yon, Jen. Buti at alam mo itong bahay ko.” Sa pagkakatanda niya ay wala naman siyang naulit dito na doon siya nakatira.
“Si Lhany,” tukoy nito sa isa nilang classmate na madalas niyang makita dahil malapit lang ang pinapasukang kompanya sa kaniyang Coffee Shop.
“Ah,” aniya na napatango-tango pa. “Naulit ko nga sa kaniya kung saan ako nakatira. Buti nakakausap mo siya. May pupuntahan ka pa ba after nito?”
Umiling ito at nagbaba ng tingin. “Wala nga, eh. K-kung… kung okay lang sana sa iyo, Ferlyn, dito muna ako pansamantala sa bahay mo,” ani Jenylyn na tumingin na sa kaniya. “Wala rin naman kasi akong ibang malalapitan dito at nasa Davao na ang buong pamilya ko. Hindi nila alam na narito ako. Lalo na ang ex ko. Kahit ako na ang gumawa ng gawaing bahay dito habang nasa trabaho ka at ang asawa mo. Please?”
Paano ba siyang makakatanggi kung bakas na ang luha sa mga mata nito? Nakakaawa ito nang mga sandaling iyon. At dahil pusong mamon siya kaya tumango siya.
“Wala namang problema, Jen. Kakausapin ko ang asawa ko tungkol sa bagay na ito. Bakante naman ang guest room.”
Naupo ito sa mismong tabi niya at mahigpit na hinawakan ang kamay niya. “Maraming salamat, Ferlyn. Promise, tutulong ako sa gawaing bahay kapalit ng pananatili ko rito. Hindi ako magiging pabigat.”
“Jen, hindi ka naman iba, eh.”
“Salamat pa rin sa iyo. Kailangang-kailangan ko ngayon ng matitirhan kaya nagpapasalamat ako na hindi mo ako pinagsarhan ng pinto. Maghahanap din ako ng trabaho habang narito ako sa Manila,” pangako pa nito sa kaniya.
Nagkukuwentuhan na sila nang dumating ang asawa ni Ferlyn. Kay Jenylyn agad tumutok ang mga tingin nito. Kumunot pa ang noo nito.
“Hon,” aniya na tumayo at agad itong sinalubong. “College friend ko, si Jen. Okay lang ba na dito muna siya? Wala kasi siyang ibang matutuluyan. Galing pa siya sa Cebu.”
“Okay,” anito na tipid pang nginitian si Jenylyn matapos itong batiin ng kaibigan niya. Pagkuwan ay wala ng imik na dumiretso si Jino sa silid nila.
“Serious type ang asawa ko kaya ‘wag mong pagpapasinin,” nakangiti niyang wika rito.
“Good catch, ha?” nangingiti pang tudyo ni Jenylyn sa kaniya na lalo niyang ikinangiti.
Nakangiti man siya ngayon, ngunit ang nasa likod ng ngiti na iyon ay puno ng kalungkutan.
Kung alam mo lang… sa isip ay wika niya.