PINAGMAMASDAN ni Ferlyn sa isang sulok ng kaniyang coffee shop ang calendar app sa kaniyang cellphone.
Isang linggo na.
Isang linggo ng mas lumamig sa kaniya ang kaniyang asawa. Tila lalong nanikip ang kaniyang dibdib sa kaniyang naisip. Sa tuwina ay late na itong umuwi galing trabaho. Pag higa sa kama ay bagsak agad at kinabukasan na magigising. Iinom lang ito ng kape bago aalis na rin para pumasok sa trabaho.
Hindi niya alam kung paano siyang natitiis ni Jino ng ganoon. Hindi na ba talaga maibabalik iyong dati nilang samahan?
Unti-unting nag-init ang kaniyang mga mata habang nakatingin sa home screen wallpaper ng kaniyang cellphone. Wedding picture nila iyon ni Jino. Ngiting-ngiti pa sila roon parehas. Kapwa masaya.
Pero ngayon…
Huminga siya nang malalim at ikinurap-kurap ang kaniyang mga mata.
Ayaw niyang isipin na may iba ng babae ang asawa niya. Hindi naman siguro nito gagawin na bumaling sa iba dahil hindi niya maibigay ang gusto nito na anak.
Wala sa wisyo na tumayo siya. Pagpihit niya ay may padaan palang lalaki na may hawak pa ng cup ng kape. Huli na para umiwas dahil biglaan ang nangyari. Natapunan ng kape ang suot ng matangkad na lalaki. Napadaing pa iyon dahil sa init na dulot ng kape nito na dumaloy sa tiyan nito.
“Oh, s**t!”
Para siyang nagising at nabalik sa reyalidad. “I-I’m sorry,” aniya na agad dinukot ang panyo na nasa bulsa ng suot niyang pencil cut na skirt. Idinampi niya iyon sa suot nito. “S-sorry.” Taranta pa habang pinupunasan niya ito.
Out of nowhere ay amuse pa siyang pinapanood ng lalaking natapunan niya ng kape nito nang mapatitig ito sa kaniyang magandang at maamong mukha.
“Oh, tama na. Private property na ‘yan, Miss,” awat nito sa kamay ni Ferlyn na akmang bababa pa sa may pants na suot nito.
Napakurap-kurap siya nang makitang muntik na rin niyang mapahiran ng panyo ang umbok sa may pants nito. Napapalunok na umatras siya at binawi ang kamay mula sa lalaki. Saka lang niya nagawang tingnan sa mukha ang lalaki.
Mukha iyong foreigner. Pero magaling magsalita ng Tagalog dahil nag-Tagalog iyon kanina. At hindi niya maikakaila ang kaguwapuhang taglay ng lalaking kaharap. At bago pa siya malunod sa kaguwapuhan nito ay muli siya ritong humingi ng pasensiya.
“Hindi ko kailangan ng sorry ngayon, Miss. I need to change my clothes,” sa halip ay wika nito.
Damn his eyes. Hindi naman ito nang-aakit pero bakit ganoon ang dating sa kaniya ng mga mata nito?
“O-okay. Hahanap ako ng damit na puwede sa iyo.”
“Ma’am, i-mop ko lang po itong sahig,” anang isa niyang crew na may dalang mop.
Tumango siya. “Please. Thank you,” aniya bago muling binalingan ang customer na napurwisyo ng dahil sa kaniya. “Sir, sa office ka po muna para mahubad mo na ‘yang suot mo at ng hindi ka maglagkitin. Again, I’m sorry,” very apologetic na wika niya.
“Sure,” sang-ayon pa nito na sumunod na sa kaniya. “Hindi ba magagalit ang manager mo na magpapapunta ka pa sa office ng customer?” tanong pa nito.
“I’m the owner,” aniya rito.
“Oh, really? Well, I should have one year free coffee from your shop,” nakangisi pa nitong wika.
Para bang hindi na big deal ang kung ano mang ganap kanina. O sadyang madali lang itong magpatawad? Or, alam naman nito na aksidente ang nangyari na pagkakatapon niya rito ng kape? Ganoon pa man ay lubos siyang nagpapasalamat na hindi ito nagwala dahil sa pagkakatapon ng kape rito.
“Okay, Sir,” sang ayon niya sa nais nito. Gasino na ba ang isang cup ng kape para dito. “One cup of coffee per day lang ang free, Sir.”
Napatawa ito sa sinabi niya. “Pero nakaka-sampu akong kape sa isang araw.”
Maang na binalingan niya ito matapos buksan ang pinto ng kaniyang opisina. “Sampu?”
“Just kidding,” anito na pumasok na sa loob ng opisina niya.
“Bibili lang ako ng pamalit mo sa labas. Ano’ng size ng damit mo, Sir?” pormal niyang tanong dito.
“Extra large. Kahit ‘yong white t—” napahinto ito sa pagsasalita nang mahagip ng paningin nito ang isang side ng kaniyang opisina na may mga nakalagay sa plastic na transparent na damit na may tatak ng kaniyang coffee shop.
Napasunod ang tingin ni Ferlyn sa lalaki nang lapitan nito iyon.
“May extra large ba rito?” tanong pa nito sa kaniya.
Napalunok siya. “Pero, Sir, may tatak ng coffee shop namin ang mga damit na ‘yan.” Souvenir kasi nila iyon sa mga suki ng kanilang shop. At sa mga company na maramihan kung um-order sa kanila ng kape. “Hindi ‘yan katulad ng suot ninyo ngayon.”
Mamahalin kasi ang tatak ng suot nitong damit.
“I won’t mind,” sa halip ay wika nito.
Mukhang seryoso nga ito dahil wala ng sabi-sabi na hinubad ang suot nitong damit na basa. Nalantad ang matipuno nitong katawan sa kaniyang mga mata. Hindi na naman siya nakakibo dahil sa animo live show sa kaniyang harapan. Marunong naman siyang um-appreciate ng biyaya ng Diyos. Ngunit dahil may asawa na siya ay ekis na iyon sa kaniya.
Ibinalik niya ang kaniyang composure at kinuha ang extra large na damit na nais nito. Iwas ang tingin sa katawan nito na ibinigay niya iyon dito.
“Ito, Sir.”
“Thank you,” anito na agad isinuot ang damit na ibinigay niya.
Siya na ang nag-adjust at lumayo rito. Para kasing pangangapusan siya ng paghinga.
Mukhang solve na siya sa kasalanan niya. Makakahinga na sana siya nang maluwag nang sa pagharap nito sa kaniya ay maglakad pa ito palapit sa kaniya. His eyes where smiling habang seryoso lang ang labi nitong magkalapat.
“Here’s my t-shirt. Ikaw naman ang may kasalanan, kaya ikaw ang magpa-laundry riyan,” saka lang sumilay ang ngiti sa labi nito nang hawakan nito ang kaniyang kamay at ilagay roon ang damit nito. “Also, ‘yong kape ko na natapon kanina. Gusto ko na ng kapalit. At dahil ikaw rin ang nakatapon niyon sa sahig, ikaw ang gagawa ng kape ko.”
Tunog demanding pero dahil alam niya na kasalanan niya kaya wala siyang magawa at hindi makatanggi rito o kahit nga ang tarayan ito. O baka naman nadadala lang siya sa pagiging saksakan nito ng guwapo?
“Okay. Walang problema,” aniya na binawi na ang kamay na hawak pa rin nito. “Ako na ang bahala sa t-shirt mo. Balikan mo na lang sa ibang araw. Pasensiya na sa nangyari kanina.”
“Apology accepted kanina pa.”
Nagbawi na siya ng tingin. Isinampay muna niya sa sandalan ng isang silya ang damit nito bago ipinasya ng lumabas sa opisina niya. Nakasunod naman ito sa kaniya. Pigil pa ang mapangiti ng kaniyang dalawang crew nang makitang suot ng lalaki ang ipinamimigay nilang damit.
“Ma’am, bagay siyang maging model ng Coffee Shop ninyo,” impit pang wika ni Jennifer na hindi maikaila ang kilig sa katawan habang habol ng tingin ang lalaki na naupo sa inalisan niyang upuan kanina.
“Sshh. Baka marinig ka. Mabuti nga at mabait, imbis na bilhan ko pa ng damit ay mas piniling isuot ang nakita niyang mga damit sa opisina ko,” aniya rito bago ito pinaalis muna sa puwesto nito para ipaggawa ng kape ang kanilang customer.
Nang magawa ay agad niya iyong dinala sa kinaroroonan nito. “Heto na, Sir. Enjoy your coffee.”
“I will,” nakangiti pa nitong wika sa kaniya.
Bago pa niya makalimutan na kasal na siya ay agad na rin siyang nagpaalam dito. Hindi maaaring ma-attract siya sa ibang lalaki.
Guwapo lang siya masyado, Ferlyn. Period, aniya sa kaniyang isipan.