MATAGAL na ring walang namamagitan kina Ferlyn at Jino, kaya naman nang gabing iyon ay nagsuot pa talaga siya ng pinakatago-tago niyang lingerie na regalo pa sa kaniya noong bridal shower niya, ng mga dumalo sa party.
Nagwisik din siya ng mamahalin niyang pabango, pandagdag sa gagawin niyang pang-aakit sa kaniyang asawa para sa gabing iyon.
Ngunit nang tabihan niya ito sa kama ay pikit na ito. Hinaplos niya ang dibdib ni Jino. Sanay itong matulog na nakahubad at tanging pang-ibaba lang ang suot sa katawan.
“Hon,” malambing pa niyang wika rito. Trying to wake him up. “Hon,” muli ay tawag niya rito.
Mayamaya naman ay nagmulat ng mga mata si Jino. Pupungas-pungas pa ito na tumitig sa kaniya. Pagkuwan ay inalis ang kamay niya sa dibdib nito at tumagilid ng higa patalikod sa kaniya.
“H-hon, naman. Sumubok tayo ngayon.”
“Let me sleep, Ferlyn. Wala ako sa mood at wala rin akong gana.”
“Look at me,” giit niya. “Hindi ka ba na-se-sexy-han sa akin?”
Para bang nauubusan pa ng pasensiya na hinarap siya ni Jino. “There, sexy ka nga. You have a big boobs. A sexy body to die for… pero mabibigyan ba ako ng anak ng katawan na ‘yan?” umiling-iling pa si Jino. “No.”
“Kaya ayaw mo na bigla sa akin?” hindi na niya napigilan pa ang sarili na hindi mamuo ang mga luha sa kaniyang mga mata.
“Ilang beses ko bang sasabihin na ‘wag mo akong dramahan?”
“Hindi ako nagda-drama lang, Jino. Iba na ang trato mo sa akin dahil hindi ko mabigay ang gusto mo. Bakit ka ganiyan? Bakit bigla kang nagbago? Ang babaw ng dahilan kung anak lang ang dahilan mo.”
Tiim ang bagang na umupo si Jino at hinarap siya. Hinaklit pa nito ang braso niya at hinawakan nang mahigpit.
“Anak lang? Damn it, Ferlyn! ‘Wag mong nila-lang ‘yon.”
Kita niya ang galit sa mukha ng kaniyang asawa. Bigla ay parang gustong magsisi ni Ferlyn dahil sa kaniyang sinabi. Pero nasabi na niya at hindi na niya mababawi pa.
Pabalya pa ng bitiwan ni Jino ang braso ni Ferlyn.
“Sinira mo pa ang tulog ko,” anito na tumayo at dumiretso papunta sa banyo. Panay na naman ang pagmumura nito.
Samantalang noon, ni hindi niya ito naririnig na magmura.
Naiwang tulala si Ferlyn. Mayamaya pa ay nahawakan niya ang kaniyang braso na medyo nananakit dahil sa mahigpit na pagkakahawak doon kanina ni Jino. Ngayon, nagagawa na siya nitong saktan. Samantalang noon, halos ayaw nito na padadapuan siya sa langaw o ano mang uri ng insekto.
Totoo nga talaga yata na mas makikilala mo ang ugali ng isang tao kapag nakasama mo na sa iisang bubong. At ngayon, ipinapakita na sa kaniya ni Jino ang totoo nitong ugali. Lalo na kapag nagagalit ito.
Namaluktok na siya ng higa sa kama habang nakataklob ang comforter sa kaniyang katawan. Pakiramdam tuloy niya ng mga sandaling iyon, ang pangit-pangit niya. Ni ayaw ng makipagtalik sa kaniya ang kaniyang asawa.
Ferlyn, baka naman hindi pa rin matanggap talaga ng asawa mo na wala pa rin kayong mabuo hanggang ngayon, pakunswelo ng isip niya sa kaniya.
Paano ba kaming makakabuo kung ayaw na rin niyang may mangyari sa aming dalawa?
Ang tagal na rin simula noong huling beses na may namagitan sa kanilang mag-asawa. At ang huling iyon ay hindi na nasundan pa.
Palagi na ring umuuwing nakakainom si Jino.
“MOM, DAD,” anas ni Ferlyn habang nasa harap ng puntod ng kaniyang mga magulang. “Bakit ganoon? Hanggang ngayon, hindi pa rin kami biyayaan ni Jino ng anak. Halos magalit na po ang asawa ko sa akin ng dahil doon. Hindi ko naman ginusto na magkaganito. Mom, may history po ba tayo na hirap sa pagkakaroon ng anak?”
Pinahid niya ang luhang naglandas sa kaniyang magkabilang pisngi.
“Balak ko na nga pong mag-stay na lang sa bahay. Start on weekend. Bukas, ‘yon na po ‘yong last day ko sa coffee shop. Ipapa-manage ko na muna kay Jennifer ang buong shop. Bibisi-bisita na lang din po ako roon paminsan-minsan. Sa ngayon, tingin ko po, isa ‘yon sa desisyon na kailangan kong gawin. Para maisalba rin ang kasal naming mag-asawa. ‘Yon din naman po kasi ang gusto ni Jino, ang mag-stay ako sa bahay.” Huminga siya nang malalim. “A-ayaw ko pong masira ang marriage na ‘to. Dahil ayaw ko ng mag-isa.”
Simula nang sabay na mawala ang kaniyang mga magulang, noong saktong araw ng kaniyang graduation noong siya ay college, pakiramdam niya ay mag-isa na lang siya sa buhay.
Kaya noong dumating si Jino sa buhay niya, buong akala niya, tapos na ang phase ng buhay niya na mag-isa lang siya. Pero hindi pa pala. Unti-unti, muli niya iyong nararamdaman.
Mag-isa lamang siyang anak. May iba pang negosyo ang kaniyang mga magulang bukod sa coffee shop bago mamatay ang mga ito. Pero dahil kailangan din niya ng funds para sa pang-araw-araw niya at mga bayaring bills, napilitan siyang ibenta na ang ibang negosyo ng kaniyang pamilya bukod sa coffee shop na malaki ang sentimental value sa kaniya. Maging ang mansiyon nila ay ibinenta niya dahil magigipit siyang lalo kung patuloy siyang magpapasahod sa mga maids nila. Tumira siya sa isang apartment at nagsimulang mamuhay ng mag-isa. Noong una ay nahirapan siya. Ngunit kailangan niyang kayanin. Kaya noong maging asawa siya ni Jino, marunong siya sa gawaing bahay.
“Mom, dad, tulungan niyo po ako na maayos ‘to. Gusto kong mag-workout muli ang marriage namin ni Jino.”
Hindi pa niya nasasabi kay Jino ang tungkol sa pag-alis niya sa trabaho. Siguro saka na kapag napansin nito na hindi na siya umaalis ng bahay.
Sa ngayon, mag-e-effort muna siya na ituloy ang muling pagkuha sa atensiyon ng kaniyang asawa. Maibalik man lang ang matamis nilang samahan na pinapait ng lumipas na mga buwan.
Naglaan pa siya ng ilang oras sa puntod ng kaniyang mga magulang bago ipinasya na umalis na. Pero bago dumiretso sa bahay nila ng kaniyang asawa ay dumaan pa siya sa simbahan para manalangin.