❀⊱Lyka's POV⊰❀
"Bff kung dito ka maghahapunan ay magluluto ako ng adobo. Kumakain ka ba ng palakang bukid?" ani ni Joy kaya lumaki mga mata ko.
"Ayoko! May mga kakilala kasi akong nakakainis dahil nag-share ng hitsura ng palaka sa social media ng mapanuod nila ang ginawang panghuhuli ng mga kaibigan ko ng palakang bukid. Sarap na sarap pa naman kami sa pagkain ng palaka, pero ng makita ko hitsura nito sa larawan, na trauma na yata ako. Ayoko na ng usapang palaka. Bibili na lang ako ng ulam natin at nila nanay. Duon tayo kumain sa amin. Iwanan natin kila nanay ang kambal at mamili muna tayo ng maluluto natin sa bayan para panghapunan natin. Bibili na rin ako ng ilang gamit na iiwanan ko sa aking mga magulang, pati na rin kaban ng bigas para naman kahit wala ako ay hindi ako masyadong nag-aalala. Basta bff, kapag wala ako ay huwag kayong magpapapasok ng kahit na sino dito sa loob ng bahay ninyo. Nasabihan ko na rin sila nanay at tatay na hindi dapat open ang bahay sa kahit na sinong hindi namin kakilala ng lubusan. Mahirap na sa panahon ngayon, maraming masasamang loob na nagkalat at hindi mo alam kung kailan sila sasalakay. May mga nagpapanggap na dapat kilatisin muna bago pagkatiwalaan, kaya mag-iingat kayo dito," wika ko.
"Hay naku bff, huwag kang mag-alala dahil lagi akong handa. Buti nga at tinuruan mo ako gumamit ng baril para maprotektahan ko ang sarili ko at ang mga bata. Kaya laging nakahanda 'yung baril na ibinigay mo sa akin. Kapag nandito ako sa ibaba, laging nasa likod ng altar 'yung baril. Kapag umakyat na ako sa kwarto ay duon ko naman ito inilalagay sa mismong ilalim ng kutson ko para hindi nakikita ng kambal, at hindi rin nila mapag-laruan, anlilikot pa naman ng mga anghel ko," sagot niya kaya napangiti ako at hindi na ako kumontra pa sa kanya.
"Tao po," boses ng isang bata na kumakatok sa pintuan kaya napalingon ako.
"Baka si Maria Rylie 'yan, kaibigan nila 'yan, lagi silang naglalaro dito sa loob o kaya sa labas ng bahay. Teka lang at pagbubuksan ko ng pintuan ang cute na batang 'yan," wika ni Joy at naglakad na ito patungo sa pintuan. Pagbukas ng pintuan ay isang cute na batang babae ang nakangiting pumapasok sa loob ng bahay at hinahanap ang kambal.
"Nasaan po sila Carlota? Sabi po nila ay maglalaro po kami ng lutu-lutuan. Kanina pa po ako naghihintay sa labas pero hindi naman po sila lumalabas ng bahay," ani ng cute na batang babae kaya napapangiti ako.
"Paliliguan ko muna ang mga anak ko ha. Mamaya ka na lang pumunta duon sa bahay ng Tita Kai mo, duon namin iiwanan ang kambal kasi mamimili kami sa bayan ni Kai, pero huwag kayong lalabas, duon lang kayo sa loob ng bahay maglalaro ha?" wika ni Joy kaya tumango lang ang cute na batang babae at nagpaalam na rin agad. Babalik na lang daw siya kapag nakapaligo na ang kambal at kapag nanduon na sa bahay ng aking mga magulang.
"Bff, aakyat muna ako sa itaas at paliliguan ko lang ang aking mga junakis," ani niya kaya natawa ako at tumango lang ako sa kanya. Nagtungo naman ako sa labas ng bahay upang magpahangin.
Naupo ako sa kawayang upuan na nakakabit sa ilalim ng malaking puno at tumingin ako sa paligid. Nakita ko si Indoy na nagwawalis sa paligid na nakatingin sa akin. Nginitian ko lang siya, pero naglakad ito papalapit sa akin na may hawak na walis at naupo sa malaking ugat ng puno.
"Madalang ka yata pumapasyal dito? Kaninang umaga pinuntahan ko ang mga alaga mo na binabantayan ng nanay at tatay mo. Nilinis ko ang kural nila at pinakain ko na rin. Kaninang tanghali ay nakita kong nagpunta naman duon 'yung kaibigan mong si Joy kasama ang anak niyang kambal at pinakain din ang mga baboy mong alaga. Kailangan na silang ma-indyeksonan para makaiwas sa sakit," ani ni Indoy.
"Oo nga eh! Hayaan mo at bibili ako mamaya, ikaw na ang mag-inject ha, may mga gagawin pa kasi ako mamaya kaya hindi ko na maaasikaso. Salamat nga pala, mamaya ko na lamng ibibigay sayo ang bayad sa pag-aalaga mo sa mga baboy ko. Minsan kasi ay hindi naaasikaso ng aking ina kahit ibinibilin ko ito sa kanya," sagot ko kay Indoy.
"Sige, wala na nga akong pambili ng sabon, kailangan ko ng maligo, isang linggo na akong hindi naliligo, 'yung libag ko sa kilikili ko at sa leeg ko ay pwede ng taniman ng kamote," sagot niya na ikinatawa ko ng malakas.
"Kenkoy ka rin, puro ka kalokohan," ani ko habang tawa ako ng tawa.
"Totoo naman ang sinasabi ko. Gusto mo bang makita ang kilikili ko? Makapal na talaga ang libag at ang amoy ay hindi na maganda, parang galing sa inidoro ang amoy," sagot niya kaya mas lalo akong inihit ng tawa. Itataas naman sana niya ang kanyang braso upang ipakita nga sa akin ang kanyang kilikili pero pinigilan ko siya at nagsalita agad ako.
"Hindi na! Tumahimik ka diyan Indoy kung ayaw mong magdilim ang buhay mo," inis kong ani pero tumatawa naman ako. Natawa na din siya at nilaro ng hawak niyang walis ang lupa at kung ano-ano lang ang iginuguhit nito.
"Alam mo ba na may mga lalaki kanina na naghahanap sa pangalang Rodolfo Langston? May mga kasama silang mga lalaki, nandito pa rin sa paligid dahil kanina lang ay nakita ko pa sila na nagba-bahay-bahay at nagtatanong pa rin sa paligid. Mag-iingat kayo kasi mukhang hindi gagawa ng mabuti ang mga lalaking 'yon. Baka mamaya, 'yung hinahanap nilang lalaki ay may atraso sa kanila o sila ang may atraso dito para maligpit nila ito. Baka naghahanap ng gulo ang mga 'yan at madamay pa ang lugar natin," napatingin naman ako sa paligid matapos kong marinig ang sinabi niya. Pero wala na naman akong makita at baka nakaalis na ang mga ito.
"Hindi mo sila makikita kung dito ka lang lilingon, bakit hindi ka tumayo duon sa may puno ng sampalok, tignan mo ang sinasabi ko sayo sa may gawing kalsada para malaman mo na nandito pa ang mga 'yon," wika niya kaya tumayo ako at naglakad ako sa may puno ng sampalok. Kunwari akong tumalon upang abutin ang nakalaylay na sanga ng puno ng sampalok upang maabot ko ang bunga nito, at pagkatapos ay pasimple akong tumingin sa may kalsada. Katulad nga ng sinabi ni Indoy ay may mga kalakihan pa nga na naka-kulay itim na nagbabahay-bahay upang magtanong.
Bumalik na rin agad ako sa upuang kawayan at natahimik ako. Si Indoy naman ay nakatingin lang sa akin at naghihintay ng sasabihin ko, marahil ay tungkol duon sa mga kalalakihang naghahanap sa isang nagngangalang Rodolfo Langston.
Pero aaminin ko na nag-aalala ako. Nararamdaman ko na isang gulo ang hatid ng mga kalalakihang 'yon. Kailangan kong kumilos, kailangan kong malaman kung sino ang mga taong 'yon at kung sino ang Rodolfo Langston na hinahanap nila.
"Taga saan kay Indoy?" tanong ko sa halip na pag-usapan namin ang tungkol sa mga lalaking 'yon.
"Tubong Batangas na ako, dito talaga ako ipinanganak," ani niya kaya natawa ako.
"Bakit wala kang punto ng mga bantangenyo? I mean, kumpara duon sa mga lumaki dito na mga kapitbahay ko, lahat sila ay may puntong batangenyo pero ikaw naman ay wala," ani ko pero hindi ako tumitingin sa kanya.
"Wala talaga akong punto ng mga taga Batangas dahil tubong Batangas man ako ay hindi naman ako dito lumaki. Dito lang ako ipinanganak pero mula ng malipat ng trabaho ang ama ko nuong maliit pa ako sa Maynila ay duon na kami nanirahan. Construction workers kasi ang tatay ko, at palipat-lipat siya ng lugar kaya nahihirapan siya. Kaya iyon siguro ang dahilan kung bakit kami lumipat ng Manila nuon. Bumalik ako dito kasi wala na ang mga magulang ko. Naaksidente kasi ang tatay ko sa construction site, at hindi ito nakaligtas. Dahil sa nangyari sa aking ama, hindi nakayanan ng aking ina kaya ayun at inatake sa puso. Hindi naman ako nakatapos ng aking pag-aaral, tapos high school na nga lang eh hanggang second year lang ang kinaya kaya huminto rin ako. Binawi na ng bangko ang bahay ng mga magulang ko dahil baon kami sa utang at wala na akong alam na matutuluyan kung hindi ang bumalik sa lugar na ito. Matagal-tagal na rin ako dito, buti nga at tinanggap akong boy ni Manong Ariel at pinabantayan sa akin ang bahay nilang 'yan habang wala sila at nanduon sila sa Bicol. Wala namang sweldo pero ang mahalaga ay may tinutuluyan ako. May pang-kain ako araw-araw dahil sa mga inaabot mo sa akin, o kaya ng tatay mo dahil sa pag-aalaga ko ng mga inahing baboy mo," mahabang paliwanag niya sa akin.
"Sorry, napaalala ko pa sayo ang pumanaw mong mga magulang," ani ko.
"Okay lang. Matagal na naman 'yon. Natanggap ko na, 'yun nga lang mahirap talaga ang nag-iisa sa buhay lalo na at wala namang pumapatol sa akin, sa hitsura ko ba namang ito," ani niya kaya natawa ako.
"Maligo ka kasi. Para hindi ka mabaho, ang dumi mo," wika ko sabay tawa ko ng malakas at saka ko siya tinitigan.
"Alam kong gwapo ako, pero huwag mo akong titigan ng ganyan at baka matunaw ako," wika niya kaya dinampot ko 'yung bunga ng sampalok na pinitas ko kanina at ibinato ko sa kanya.
"Baliw! Napatingin lang ako sayo kasi 'yang hitsura mo, para kang nilublob sa poopoo ng kalabaw," pang-aasar ko sabay tawa ko muli ng malakas. Tawa rin naman siya ng tawa at pagkatapos ay nagpunta sa harapan ng tindahan ni Joy at tinawag ang kaibigan ko upang bumili.
"Joy, pagbilhan mo nga ako ng dalawang softdrinks at samahan mo na rin ng dalawang hopia. Bukas na lang bayad, o kaya mamaya kapag binayaran na ako ni Kai," ani niya kaya tawa ulit ako ng tawa.
"Uutang ka na naman! Tapos kapag sinisingil ka, sasabihin mo sa akin na hindi na ako naawa sayo na walang makain tapos nagagawa pa kitang singilin. Naku Indoy! Kapag hindi mo ito binayaran mamaya, susunugin ko ang bahay na tinutuluyan mo kapag natutulog ka na para ma-litson ka dyan. Lagi na lang inaabot ng ilang linggo ang mga utang mo bago mo mabayaran. Kung minsan fifty pesos na lang inaabot pa ng isang buwan," malakas na ani ng kaibigan ko kaya tawa pa rin ako ng tawa.
"Oo nga! Babayaran kita mamaya. Lilibre ko lang ng meryenda si Kai at mukhang gutom na, huwag mo naman akong pahiyain," wika nito kaya padabog na inabot ni Joy ang inuutang ni Indoy.
"Siguraduhin mo 'yan mamaya, kailangan kong mamili bukas ng paninda at ipangdadagdag ko ang bayad mo sa pamimili ko," wika niya. Hindi naman kumibo si Indoy at kinuha lang ang dalawang softdrinks na at ang dalawang hopia na ibinigay ng aking kaibigan. Pagbalik niya dito ay iniabot niya sa akin ang isang bote ng softdrinks at isang hopia na nakalagay naman sa plastic. Tinanggap ko ito kahit busog pa ako. Ayoko namang mapahiya siya at isipin na nag-iinarte ako. Nagpasalamat na lang ako sa kanya at sabay pa naming kinain ang hopia at inubos ko rin ang inumin na binili niya para sa akin.
"Kai, tara na! Baka abutin pa tayo ng gabi kapag hindi pa tayo umalis, may nakakainis kasi dito na hilig mangutang pero wala namang pambayad," wika ng aking kaibigan na isinara na ang pintuan ng bahay niya.
"Nagseselos ka lang dahil hindi kita nilibre ng softdrinks at hopia, hindi kasi ikaw ang type ko, choosy ako pag dating sa mga babae," wika ni Indoy kaya napayuko ako at pilit kong pinipigilan ang matawa muli.
"Aba ang kapal din naman ng pagmumukha mo! Ikaw pa talaga ang choosy sa hitsura mong 'yan? Haler! Kahit tumuwad ka diyan ng maghapon ay hindi rin kita matitipuhan, ang taas ng standard ko pagdating sa mga lalaki. Kai, umalis na nga tayo at nakakasira ng araw ang lalaking 'yan," ani ng aking kaibigan habang palakas na ng palakas ang tawa ko.
Kinuha ko naman ang tig-isang kamay ng kambal at nagpaalam na ako kay Indoy at muli akong nagpasalamat. Nagpunta naman kami ni Joy sa bahay ng aking mga magulang upang ihabilin muna sa kanila ang dalawang bata.
"Nanay Editha, pakibantayan po muna ang mga anak ko at sasamahan ko lang po si Kai sa bayan. Pupunta din po dito mamaya si Maria Rylie para makipaglaro kila Carlota, huwag po ninyo silang palalabasin. Salamat po," wika ng aking kaibigan.
"Hay naku! Salamat naman at makakasama namin ang dalawang makulit na ito at may dagdag pang isang makulit mamaya. Sige na at ako na ang bahala sa mga ito. Kai, 'yung baboy na alaga mo pala, 'yung dalawang malaki ay binibili na, ibebenta ko na at ng maitabi ko ang perang pagbebentahan para sa iniipon mo," ani ng aking ina. Tumango lang ako. Isa ito sa pinagkakakitaan ko, ang pag-aalaga ng mga baboy at si nanay at tatay ang nag-aalaga at nagbabantay sa mga ito, pero madalas ay si Indoy kapag busy sa taniman ang mga magulang ko.
Nagpaalam na rin kami at umalis. Nagtungo kami ng kalsada upang puntahan ang sasakyan ko. Wala na rin ang mga kalalakihang naka-itim, marahil ay umalis na dahil walang napala sa lugar namin.