Chapter 1 -Lyka-
❀⊱Lyka's POV⊰❀
Ako si Lyka Sullivan, ang isa sa assassin ng The Venum Organization. Walang nakakaalam na bago pa man ako maging parte ng Venum Organization ay magkakilala na kami ni Harvey. Hindi lang kami basta magkakilala dahil naging magkasintahan kami sa loob ng dalawang taon. Pero bigla na lamang siyang nawala at naglahong parang bula. Kay tagal ko siyang hinanap pero hindi na muling nagtagpo pa ang landas namin.
Kung ano man ang dahilan ng paglayo niya ay hindi ko alam. Wala akong ginawang mali sa kanya, ibinigay ko ang lahat ng pagmamahal ko sa kanya pero iniwanan pa rin niya ako ng walang dahilan.
Pinilit ko siyang makalimutan pero hindi ko nagawa dahil lagi na lamang mukha niya ang laman ng isipan ko. Nahirapan akong makabangon pero pinilit ko hanggang sa unti-unti kong kinakaya. Naging gabay ko ang aking mga magulang sa unti-unti kong pagbangon kahit na ba hanggang ngayon ay si Harvey pa rin ang isinisigaw ng puso ko.
Then after a year na sinisimulan kong kalimutan si Harvey at ibaon sa limot ang nakaraan namin ay nakilala ko naman si Hugo. Alam kong hindi siya si Harvey dahil sa simula pa lang ay nabanggit na niya sa akin na may kakambal siya na nagngangalang Hugo.
Magkaibang-magkaiba sila lalong-lalo na sa pananamit at pananalita. Iisa man ang kanilang mukha ay malaki pa rin ang pagkakaiba nila lalong-lalo na sa kanilang pag-uugali.
Ilang buwan ko ring sinubaybayan ang grupo ni Hugo ng palihim, unti-unti kong pinag-aralan ang mga kilos nila lalong-lalo na si Janine na mukhang brat at pasaway. Nakikita ko sa ugali niya na hindi siya basta-basta nagpapatalo pero batid ko sa sarili ko na kaya ko siyang talunin, pero hindi ko naman alam kung saan ako magsisimula upang makabangga ko siya.
Mahirap lang ang pamilya ko, pero sinanay ako ng isang tiyuhin ko sa labanan kaya bihasa ang katawan ko sa mano-manong bakbakan. Nakahawak na rin ako ng baril dahil tinuruan ako ng tito ko kung paano ang umasinta lalo na sa mga boteng sumasayaw sa hangin. Hindi ko na nga alam kung ano ang nangyari sa tiyuhin ko na 'yon dahil bigla na lamang siyang naglaho. Hinanap ko siya pero hindi ko siya nakita kaya sumuko na rin ako sa paghahanap.
Actually, hindi ko naman talaga siya totoong tiyuhin. Best friend siya ng ama ko at tinuring ko lang siyang ikalawang ama ko dahil 'yun ang sabi sa akin ni tatay. Pero bigla na lamang siyang naglahong parang bula. At maging ang aking mga magulang ay hindi alam kung ano na ang nangyari sa kanya.
Dahil sa pagkawala ni tito ay lumipat kami ng tirahan. Hindi ko alam kung ano ang dahilan nila pero sumunod na lamang ako dahil 'yon ang gusto nila. Napunta kami ng Calatagan Batangas at nakisaka na lamang sa lupain ng iba upang may ipanglaman kami sa aming mga sikmura. Dahil sa paglipat namin ng Calatagan ay dito ko naman nakilala si Harvey at naging parte ng buhay ko.
Sullivan din ang apelyido ng kaibigan ng aking ama kaya akala ko dati ay kapatid siya ni tatay. Pero sabi ni tatay ay nagkataon lang na magka apelyido sila ng matalik niyang kaibigan, pero wala naman daw silang ugnayan. Hindi nga ako makapaniwala nuong una kasi may pagkakahawig sila ng aking ama. Pareho din silang mataas at matangos ang ilong, at ang kulay ng kanilang mga mata na abuhin ay iisa lang. Napagkakamalan nga kami nuong bata pa ako na may lahi daw kaming banyaga, pero ipinipilit ni tatay na talagang magandang lahi lang daw ang pinanggalingan namin at wala kaming lahi ng banyaga.
Isang araw ay sinadya kong banggain si Janine. Base kasi sa pag-aaral ko sa ugali niya ay madali siyang mabugnot at mapikon. Hinamon niya ako ng duwelo lalo pa at inasar ko siya ng inasar ng araw na 'yon kaya pagkakataon ko 'yon upang ipakita sa kanya na kayang-kaya ko siyang talunin.
Galit na galit sa akin nuon si Janine at hinamon niya ako ng mano-mano. Nuong una ay tinanggihan ko dahil ayokong mabalian siya ng buto pero dahil makulit siya ay pinagbigyan ko na lang. Bagsak siya sa sahig at hindi na makabangon ng tinigilan ko siya. Duon humanga sa akin si Marcus kaya inalok niya ako ng trabaho. Nuong una ay alinlangan ako pero hindi nagtagal ay napa-oo nya rin ako lalo na at sobrang kulit pala nito.
Sabi niya sa akin, hindi raw siya basta-basta kumukuha ng tauhan na hindi niya kilala o kaya ay wala siyang pinanghahawakang pagkakakilanlan sa taong 'yon upang pagkatiwalaan. Pero bakit niya ako kinuha makalipas lamang ng isang buwan na nagkabanggaan kami ni Janine at pinilit na maging kasapi nila? Kung ano man ang dahilan niya, hanggang ngayon ay hindi ko alam. Sabi lang niya ay magaling ako, pero maraming magagaling na gustong sumapi sa organisasyon niya, pero hindi niya tinatanggap dahil wala daw siyang tiwala kahit na ba naimbestigahan na ang kanilang background. Siguro nga ay sinuwerte lang ako dahil sabi nila, ako ang kauna-unahang babae na tumalo kay Janine sa mano-manong labanan. Iyon siguro ang naging dahilan nila kung bakit nila ako pinilit na sumapi sa kanila.
Tinanggap ko ng alukin niya akong maging kasapi ng organisasyon nila dahil baka sakaling sa pamamagitan nila ay muli kong makita si Harvey. Ngunit nabigo ako dahil mag lilimang taon na akong kasapi ng Venum Organization ay hindi ko man lamang nakita si Harvey at hindi ko rin narinig na pinag usapan nila ito.
Dahil din sa kanila ay natuto akong humawak ng iba't ibang uri ng baril at pumatay ng tao. Nakakatuwa dahil mismong si Marcus at ang lolo niya ang nagturo sa akin kung paano ang lumaban. Sila ang nagsanay sa akin kung paano humawak ng iba't-ibang uri ng armas at kung paano ang umasinta gamit ang scope. Sila din ang nagturo sa akin kung paano ang pumatay ng kalaban ng hindi natatakot. Tinuruan nila ako ng ibang technique sa pakikipaglaban hanggang sa itinuring na nila na ako ang isa sa pinakamagaling nilang assassin.
Hindi ko makakalimutan ang sinabi sa akin ni Marcus at ng lolo niya nuon. Sabi nila, darating ang isang araw na pasasalamatan ko sila sa pagtuturo nila sa akin kung paano ang makipag laban at ipagtanggol ang sarili at ang pamilya ko. Natawa nga ako nuon dahil hindi ko naman kailangang ipagtanggol ang aking pamilya dahil wala naman kaming kalaban. Isa pa ay bata pa ang aking ama, forty-nine pa nga lang ang aking ama pero kung titignan mo siya para lamang siyang nasa edad thirty-nine kaya kayang-kaya niyang ipagtanggol ang kanyang sarili. Ang aking ina naman ay forty-eight at sa edad niyang 'yon ay marami pa rin ang humahanga sa kanyang angking kagandahan.
Naging matatag at maayos ang buhay ko ng dahil sa crime organization ni Marcus. Naibili ko rin ng lupang maisasaka ang aking mga magulang kaya kahit papaano ay hindi na kami kinakapos sa pang-araw-araw naming pangangailangan. Isa pa, hindi na nagsasaka ang aking mga magulang dahil may mga tauhan na sila ngayon na gumagawa nuon para sa kanila. Simple pa rin ang aming pamumuhay, hindi kami katulad ng mga kaibigan ko na kasapi ng organisasyon na ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig.
Sa aming lahat, ako ang salat sa karangyaan pero gayunpaman, mayaman naman ako sa pagmamahal na ibinibigay sa akin ng aking mga magulang.
Ilang taon na rin akong kasapi ng organisasyon nila pero ni minsan ay hindi ko narinig na pinag-usapan nila si Harvey. Hindi ko naman magawang magtanong dahil alam ko na magtataka sila at baka pagdudahan pa nila ako. Hinayaan ko na lamang na tuluyang kalimutan ng puso ko si Harvey pero kahit yata ano ang gawin ko ay hindi ko ito magawa.
Hanggang sa dumating ang isang araw na hindi ko inakala na magkikita pang muli ang landas namin ni Harvey. Isinama nila ako sa England upang puntahan ang kinaroroonan ni Harvey ng ipakulong ito ng isang judge.
Sira ulo din talaga ang lalaking 'yon, akalain mo, nagpunta siya ng England para lamang sa ano? Takasan ako? Pwede naman niyang sabihin sa akin na hindi na niya ako mahal at kailangan ko na siyang kalimutan. Hindi naman ako mahirap kausap. Hindi ko ipagsisiksikan sa kanya ang sarili ko kung ayaw naman niya sa akin. Bahala siya sa buhay niya.
Pero heto na nga at magkakaharap na kami. Sa pagbukas ng pintuang ito ay muli kong masisilayan ang mukha ng kaisa-isang lalake na minahal ko ng tapat.
"Tang-na! Bakit kailangan kong manatili sa hotel na ito?" Isang boses na muling nagpatibok ng mabilis sa aking puso.
Naririnig ko na ang boses niya na kaytagal kong pinangarap na muling marinig. Wala siyang kaalam-alam na sa pagbukas ng pintuan ay mukha ko ang unang masisilayan niya.
Huminga ako ng malalim. Kailangan ko ng lakas dahil pakiramdam ko ay manlalambot ang mga tuhod ko at mawawalan ako ng balanse.
Bumukas ang pintuan ng silid. Para siyang nakakita ng multo ng mukha ko ang unang tumambad sa kanya. Titig na titig siya sa akin pero wala naman siyang sinasabi na kahit na ano. Pilit kong pinipigilan ang aking mga luha dahil ayokong malaman nila na kilala ko ang walang kwentang kakambal ni Hugo.
Nagpakita ako ng katatagan sa kanya, nagpakita ako ng tapang upang hindi na niya ako mapaglaruan pang muli.
"Bantayan mo 'yan Lyka. Huwag mong hahayaang makalabas ang tarantadong 'yan dahil hindi pa kami tapos. Kailangan lang muna naming umalis dahil may kakausapin ako." ani ni Marcus. Tumango lamang ako at hindi ko inaalis ang paningin ko sa mukha ni Harvey.
Hindi ko mabasa ang mga mata niya. para itong nababalot ng kung anong malamig na bagay. Parang balewala lang sa kanya na iniwanan niya ako at pinaasa sa mga pangako niya sa akin nuon. Pero hindi ko pa rin maitatanggi na mahal ko pa rin siya.
"Ako ang bahala sa kanya," tangi kong sagot at naupo lamang ako sa sofa at hindi ko na pinansin pa si Harvey.
Pagkaalis nilang lahat ay saka ako nagsalita. Pakiramdam ko kasi ay para na akong sasabog sa sakit na nararamdaman ko dito sa aking puso.
"Why?" tanging tanong ko sa kanya. Gusto kong bigyan niya ako ng kasagutan kung bakit niya nagawang iwanan ako ng walang dahilan.
Hindi siya sumagot at naupo lamang siya sa sofang katapat ko. Pinilit niyang hawakan ang kamay ko pero iwinaksi ko lamang ang kaniyang kamay. Gusto kong marinig ang sagot niya pero hindi siya nagsasalita.
"Niloko mo ako Harvey. Pinaasa at pagkatapos ay iniwanan at hindi na binalikan. Why? Dahil nakuha mo na ang lahat ng gusto mo sa akin? Dahil napag-sawaan mo na ako kaya basta ka na lamang nawala at iniwanan ako na parang basahan? Ganyan ba talaga kayong mayayaman? Anong klase kang lalake Harvey? Wala kang kwenta! Namumuhi ako sa iyo at sana ay hindi na lang kita nakilala!" galit kong sabi sa kanya.
"Patawad," sagot niya kaya natawa ako ng pagak. Patawad lang talaga ang kaya niyang sabihin? Iyon lang? Sa tagal kong naghintay na muli siyang makita at makausap upang malaman ko at maunawaan ang dahilan kung bakit niya ako iniwanan ay patawad lang talaga ang sasabihin niya sa akin?
"Tulungan mo akong makaalis dito, saka ko na lamang sasabihin sa iyo kung ano ang dahilan ko. Sa ngayon, sana mapatawad mo ako nagawa kong paglayo. Please, gusto kong makalabas dito at ayoko munang bumalik ng Pilipinas. Isang araw ay darating ako upang magpaliwanag sa iyo. Patawad sa kasalanan ko."
Tuluyan ng naglandasan ang aking mga luha. Ang sakit na hindi man lamang niya magawang magpaliwanag sa akin at mas ninais pa niya na muling lumayo sa halip na yakapin ako at sabihin sa akin na mahal pa rin niya ako. Umasa lamang pala ako sa wala. Umasa lamang ako na baka sa pagkikita naming muli ay madugtungan pa ang pagmamahalan namin. Isa lang pala akong baliw na umaasa sa isang taong sarili lamang niya ang iniisip.
Tumayo ako at sumilip ako sa peephole. Tatlong tauhan sa labas ang nagbabantay. Nag-isip ako kung paano ko siya mapapalabas ng hindi nila namamalayan.
Napatingin ako sa table, may tinapay na nakapatong dito kaya nagmamadali akong gumawa ng sandwich at gumawa din ako ng mga juice.
"Pagbukas ko ng pintuan ay iiwanan ko itong bahagyang nakabukas. Sumilip ka lang sa peephole, at kapag nakatalikod na sila sa pintuan ay tumakbo ka na palabas pero huwag kang gagawa ng kahit na anong ingay. Sa kanang bahagi ka magtungo, nanduon ang fire exit. Bukas 'yon dahil bago namin kinuha ang suite na 'to ay nalibot ko na ang palapag na ito," sabi ko kay Harvey at tuluyan na akong lumabas ng pintuan upang makuha ko ang atensyon ng tatlong tauhan na nagbabantay sa amin.